Monie
“SIYA iyon.”
Kanina ko pa naririnig na bulong nang bulong si Monalya habang naglalakad kami papauwi. Hinapon na kami kaya malamig ang paligid. Eksena si Akla. Oras na makarating kami ng hospital ay doon siya gumising ng nakangiti. Akala mong walang nangyari, samantalang ang laking abala ng ginawa niya kay Frederick.
“Alam mo, ang bait ng anak ni mayor, no? Ang jowa material niya. Siguro, ang gentleman niya sa lahat ng ways, sa kainan both sa restaurant at sa kama. Like ang nagpa-amaze lang sa akin na ginawa niya is nung hindi niya tayo sinigawan, or even pinagalitan in little ways kahit ang tanga-tanga ko sa part na iyon!” ang pagku-kuwento ko.
For me, base sa kung anong nararamdaman at nakikita ko ngayon, ang accommodating ng environment, ang lakas ng simoy ng hangin at nagbibigay ito ng kapayapaan sa tuwing ito ay hihipo sa iyong balat.
“The first quality I’ve noticed on him was his lips.” Kinilig ako nung binanggit ko ang salitang lips kaya naman nahampas ko si Monalya. Wala siyang reaksyon at deadma lang sa kung anong ginawa ko. “Like my gosh, I’m imaging kung gaano kabango ang breathe ng the son of mayor, super bango siguro no’n, no? Sa hininga niya ako nahipnotismo. Tapos, ito ma…” Natampal ko na naman si Monalya. Ganito talaga kasi ako kung magkuwento, mapanakit. “Have you seen kung gaano kakinis at ka-clear skin ang balat niya? Shuta mhie! Maputi ka na at makinis ‘di ba? Pero ma, mukha kang tuyot kapag tumapat ka sa kaniya!” ang dagdag ko pa.
Ito pa nga ang pinaka-engrandeng say ko. Siya ang nagbayad ng mga paninda naming natapon. Huwag na raw naming intinda dahil baka infected na ito ng mga germs in the surrounding. Nasa amin daw ang freewill if kakainin pa namin, basta choice namin kung ano ang gagawin namin sa mga ito.
Itatapon ko nalang kaya? Tutal naman, bayad na ituh? Chariz. Hindi namin tinapon, ang ginawa namin ni Monalya ay pinamigay namin sa mga bata na naroon sa parke kanina. Bongga nga at todo pa ang papuri ng mga ito sa amin, magaganda na raw kami tapos ay mababait pa. Sabi ko small things, saka ko hinawi iyong two inches kong patilya.
“Siya nga iyon.” Pang-apat na beses na niya itong sinabi.
“Monalya, ako ang kasama mo, kung sino ang kinakausap mo!” ang sigaw ko sa kaniya.
“Ikaw ang kinakausap ko, Monie!” Hinawakan niya ako sa magkabilang braso ko at saka niyugyog na tila isang puno upang makakuha siya ng mga bunga nito. “Gumising ka, Monie. Nag-aasam ka ng lalaking hindi mo kailan maabot. Lupa ka’t siya ay langit. Malabong mangyari iyang mga iniisip mo!”
Sinampal ako ni Monalya ng katotohanan. Mapanakit ang role niya for the ferson. Gusto ko lang pasayahin ang sarili ko with happy thoughts. Mortal sin na ba ito kung matatawag? Minsan, this happy thought is very life saver niya. May kakayahan itong iligtas ang mga taong lunod na sa matinding pighati.
“I am in-touch with the reality. Hindi pa naman ako naliligaw mama kaya alam ko lahat ng sinasabi mo,” ang sagot ko sa kaniya matapos niyang ugain ang utak kong walang laman. Chariz.
“Oh, ‘bat ayaw mong tumigil kaka-kuwento?” ang mataray niyang tanong.
“It’s my nature. Huwag ka nalang makinig kung ayaw mo ng mga kuwento ko.” Nang masabi ko ito ay tinalikuran ko siya at binilisan ang paglalakad. Mabilis akong nawala sa mood. Ayaw kong hayaan ang nilalang na wasakin ang mapayapang araw ko.
“Bakit nga ba ang mga tao dito sa Earth, takot na malaman ang katotohanan? Mas komportable silang paniwalaan ang mga bagay na wala namang sapat na basehan kaya’t sa huli, ang parating dulot ng kamangmangan ay labis na pagkabalisa at pagdurusa.”
Tila may sapat na kakayahan ang mga salitang ito upang patigilin ang mga paa ko sa paglalakad. Humarap ako kay Monalya, hindi naman ako manhid upang hindi maramdaman na ako ang pinatatamaan niya.
“Mag-usap tayo sis,” Lumapit ako sa kaniya. “Sorry ma- ” Yinakap ko ito. “Tayo nalang ang mag-bestfriend, mag-aaway pa ba tayo? Kiss na sa lips bili!” Kinurot niya ako sa bewang at ito ang tanda na ang maliit na gusot sa aming dalawa ay tuluyan nang na-plantsa ng pagmamahal at pag-iisip ng pinagsamahan.
“Ikaw lang naman ang nag-iisip na magkaaway tayo. Free your mind from worries. One step toward everlasting happiness,” ang sagot niya sa akin.
Hindi ko kinakaya ang mga quotation niya ngayon.
“Sino iyong tinutukoy mo kanina na siya nga?” ang tanong ko rito.
Pinagpatuloy namin ang paglalakad nang maaga kaming makauwi. Excited na akong makita ang magiging reaksyon ni lola Sita kapag nakita niya ang bagong daster na binili namin ni Monalya para sa kaniya. Deserve niya naman ito dahil kagaya ng kama ko, matagal na rin siyang hindi nakakabili ng bagong outfit--- isa lang naman ito pero super worth it.
“Darating din ang panahon na malalaman mo ‘to, Monie. Hindi pa ito ang panahong tinutukoy ko.”
Hay, purgang-purga na ang isip ko sa mga matatalinhagang inaani ng kaniyang bibig. Kung may wetsung lang ito, matagal na itong nag-erna.
Hindi na ako tumungon pa. May nakasalubong kaming naglalakad na pamilya sa kabilang kalye.
Wala at naalala ko lang sina nanay at tatay, kumusta na kaya sila sa lugar na kinabibilangan nila ngayon? Ay… nakakalungkot lang dahil naging madamot ang pagkakataon na pagkalooban kami ng sapat na panahon na magkasama-sama sa iisang tahanan kung saan ang bawat isa ay tatahan.
Hindi maiiwasan sa isang katulad ko na maagang maulila na malungkot sa tuwing makakakita ng simbolo ng buong pamilya. Siguro, lilikha na rin ako ng version ko ng pamilya na may healthy foundation, at hindi masisira ng kahit anong external factors na kayang ibigay ng mundo. Sayang at hindi lumaban si nanay… sana magkasama pa kami ngayon. Buhat lahat, malakas ang paniniwala ko, matatagpuan ko ang rason sa tamang panahon kagaya ng parating wika ni Monalya.
“Aaminin mo now or sasamain ka sa akin, ang lakas maka-attract ng kaguwapuhan ng anak ni mayor, no?” ang pagsingit ko na naman kay Monalya.
“Oo na! Ang guwapo nga niya, mabango, mabait, at hot. Oh, anong adjectives pa ang gusto mong sabihin ko para panandalian naman siyang makalimutan ng isipan mo!?” ang pagpayag ng kaibigan ko.
“Monie at Monalya?” Sabay kaming napalingon ni Monalya nang may tumawag sa aming pangalan. Nakita namin ang aming kaibigang lalaki, si Alfred--- kumakaway siya at palapit sa kasalukuyan naming kinalalagyan.
“Ang guwapo ni Alfred kahit mukhang dugyot, no?” ang tanong ko kay Monalya.
“Oo teh, ang bango at lalaking-lalaki!”
For the second time around, nadulas na naman siya at napuri niya si Alfred.
“For the crush nga ang ferson kay Alfred,” kinikilig kong ani.
“Kumusta kayo? Sabay-sabay tayong kumain mamaya sa inyo Monie, may dala akong foods!” ang wika sa amin ni Alfred. Pinakita niya sa amin ang bitbit niyang plastic.
“Okay naman ako. Kay Monalya, itanong mo kung kumusta ang kaniyang puso ngayong nand’yan ka na sa tabi niya.”
“Para kang sira, Monie!” ang pabebeng saad ni Akla. Makikita sa mga tingin niya ang pagsusumamo na tigilan ko ang pang-aasar dahil baka hindi niya makayanan at ma-wet siya.
Kitang-kita ng mga mata ko kung paano kumislap ang mga mata nila ng magtama ang mga ito. Nakikita ko na talaga ang future nila sa isa’t-isa. Magkakaanak si Monalya ng lima, magiging mapagmahal at maalaga siyang ina. Samantalang si Alfred naman, siya ang matikas na amang kakayod upang ang kaniyang pamilya ay mabuhay.
“Hulaan ko kung anong ulam iyan!” ang bigkas ko.
“Ano?” ang tanong ni Alfred.
“Sabihin mo kaya para mahulaan ko?” ang pang-ookray ko at tinampal ko siya.
“Luh?”
“Tara na nga nang makapagsaing na rin ako ng mas maaga,” ang pang-aaya ko sa kanila.
Muli, tinahak namin ang daan patungo sa aming tahanan. Marami na rin ang naging stop-over. Hiling ko lang ay sana makauwi na talaga kami.
“Nabalitaan niyo ba ang nangyari noong nakaraan sa bayan?” ang tanong sa amin ni Alfred.
Ang mga nilalang ang tinutukoy niya.
“Oo,” ito ang naging sagot ko.
“May naka-ingkuwentro din ako sa dagat noong nakaraan. Isa siyang pinaghalong tao at laman dagat. Hindi ko nga alam kung paano ako nagawang makaligtas sa kaniya pero ang sabi niya sa akin, dumating na raw ang kanilang reyna,” ang pagkukuwento ni Alfred.
Kay Monalya ako napatingin dahil alam kong kaya niyang malaman kung sino na naman ang nilalang na may pakana noon.
Tumingin sa amin si Monalya, at saka nagsalita. “Dumating na ang ikalawang patron.”