ES1: Accident
"Mang Adolfo, Mang Adolfo!"
Humahangos na tumakbo papuntang bahay ang kapitbahay namin na si Kuya Roger. Pagkarating ay halos di ito makahinga sa pagod galing sa pag takbo. Dali dali naman akong kumuha ng tubig para maibsan ang kanyang nararamdaman. Naalimpungatan naman si Lolo na kasalukuyang nag sisiesta sa sala. Napakamot ito sa ulo at kinusot kusot pa ang mata atsaka siya naghikab.
"Anong sadya natin Roger at tila hinahabol ka ng kabayo?" Nakasimangot na si Lolo dahil naistorbo ang nakaugaliang pahinga sa hapon.
" Huwag po kayo mabibigla, si Crisanto po na iyong anak isinugod sa Hospital matapos makuryente habang kinukumpuni ang linya ng kuryente sa bandang ciudad," ang nag-aalinlangan na ulat ni Kuya Roger.
Napahawak sa kanyang dibdib si Lolo. Agad naman namin siyang dinaluhan para maiwasang bumagsak sa sahig. Parang panandaliang nawala sa huwisyo at nanghihina ang mga tuhod nito. Tila nauupos siyang umupo sa sofang gawa sa kahoy. Pinigilan ko ang umiyak. At dali dali akong pumasok sa aming kwarto ni Kristel para hagilapin ang aking cellphone at pitaka. Lumabas na ako ng kwarto namin at kinuha ko ang sumbrerong karaniwang sinusuot ni Lolo pag may lakad siyang importante. Pagbalik ko sa sala ay pinapaypayan ni Kuya Roger at hinihimas ang likod ni Lolo na parang kahit sa ganoon paraan lamang ay maibsan ang pag- aalalang mababakas sa hapis at kulubot na mukha ng aking lolo.
"Lolo, ito na ang iyong sumbrero. Halina po kayo. Puntahan na natin sa hospital ang Uncle Crisanto." Inabot ko sa kanya ang hawak kong sumbrero pero nakatulala lang ito at pumapatak ang kanyang mga luha. Gusto ko din maiyak. Pinigil ko ang luha at hikbing gusto kumawala sa aking mata at bibig at walang aagapay sa may kahinaan ng si Lolo Adolfo.
" Halika na Lolo wag ka na umiyak, uuwi na ligtas si Uncle." Kahit ako ay pinanghihinaan ng loob dahil bihira ang nabubuhay na lineman na nakuryente.
Inalalayan ni Kuya Roger si Lolo na maglakad palabas ng kalsada. Nauna na ako para maghanap ng sasakyan papunta sa hospital na pinagdalhan kay Uncle Crisanto. Ibinilin na din namin si Kristel kay Kuya Roger dahil nasa paaralan pa ito.
Sakto pagkarating ni Lolo at may dumaang taxi. Pinara ko ito at pinasakay ko muna si Lolo atsaka ako sumakay na rin. Nagpahatid kami sa San Lorenzo Hospital. Habang nasa byahe ay di maampat ang luha ni Lolo. Pinunasan ko na lang ito at tahimik na umusal ng panalangin na sana ay di masawi ang aking tiyuhin.Pagkarating sa hospital ay agad bumaba si Lolo habang naiwan naman ako dahil nagbayad pa ako sa taxi driver ng aming pamasahe. Agad akong bumaba para maabutan ang nagmamadaling si Lolo. Lumapit ako sa information desk para itanong kung saan dinala si uncle. Tila bombang sumabog sa aming pandinig ng sinabi na "sa morgue na po kayo dumiretso dahil doon dinala ang bangkay pagkatapos siya I revive pero wala ng response."
Napaupo si Lolo sa sahig at napahagulgol. At sinong ama ang nanaisin maunang mamatay ang anak? Gusto ko rin umatungal kaso ang pangit ko kayang umiyak kaya 'wag na lang. Inalalayan kong tumayo si Lolo at inakay sa kalapit na steel bench sa waiting area. Sandali ko itong iniwan at humingi ng tubig sa mga naroon sa information desk. Buti na lang at meron silang naibigay. Bakas sa kanilang mukha ang awa sa aking Lolo.
Nang kumalma na si Lolo ay binaybay namin ang daan patungo sa morgue ng hospital na nasa likuran lang. Isa itong sementong cottage na may limang higaan. Hinawi namin ang plastic na kurtina na siyang tumatabing sa pinto ng morgue. Kasalukuyan may tatlong bangkay. Nilapitan kaagad namin ang nasa gitna dahil lumabas sa takip ng kumot ang pulseras na rosary ni Uncle. Napasigaw si Lolo at niyakap ko ito. Umiyak na rin ako at walang humpay ang pagtulo ng aking luha. Wala na ang taong nagsilbing magulang sa akin. Ang taong bumuhay at kumukop sa akin simula ng maulila ako sa aking mga magulang sa edad na siyam. Bunsong kapatid ni Nanay si Uncle. Tatlo ang anak ni Lolo at ang panganay niyang anak ay maagang namatay sa sakit na tigdas ng limang taon pa lamang ito. Maaga din na biyudo si Lolo sa edad na kwarenta y dos.
Ang aking kawawang Lolo tanging kaming mga apo na lamang ang naiwang pamilya sa mundo. Walang magulang ang nanaisin maglibing ng sariling anak. Ito ang magiging pinakamasakit na maaaring maranasan ng magulang at tatlong beses na itong pinagdadaanan ni Lolo.
Inasikaso na kaagad namin ang mga papeles na kailangan para madala na sa punerarya si Uncle. Alam ko na walang gagastusin si Lolo sa pagpapalibing ky Uncle dahil namatay ito habang on duty. Sagot lahat ng kompanya ang bayarin at may kaukulang halaga pang matatanggap ang naulila. Kahit sa ganoong kaisipan ay napanatag na ang aking isip dahil may supporta na aasahan kahit man lang kay Kristel. Kami na lang ni Lolo ang dapat kong itaguyod.
Matapos ang bente kwatro oras ay kinuha ng taga punerarya ang bangkay ni uncle sa morgue para i-embalsamo. Pagkatapos noon ay diretso na hinatid sa aming tahanan ang kanyang labi. Siyam na araw nakatakdang lamay si Uncle. Pero ang mas dumurog sa akin ay noong pagkarating ng bangkay ni Uncle ay ang umiiyak na si Kristel ang sumalubong sa kanyang kabaong. Niyakap ni Lolo si Kristel at humagulgol din ito. Tumakbo ako sa kwarto namin. Ayoko kong umiyak na nakikita ni Lolo. Gusto kong ipakita sa kanya na malakas ako. Na kakayanin naming palakihin si Kristel kahit wala na si Uncle.
Bumuhos ang nakiramay sa aming pagdadalamhati sa sumunod na araw. Pati ang mga ka trabaho ni Uncle na lineman ay nagpunta din sa kanyang burol. At ng inilibing si Uncle ay bumuhos ang emosyon. Kaming tatlo ang pinakahuling umalis sa kanyang puntod. Umusal ako ng maikling panalangin at pasasalamat ky Uncle. Ipinangako ko sa kanyang puntod na aalagaan ko ang kanyang anak at gagabayan ito sa paglaki.
Matuling lumipas ang mga araw at napagpasyahan kong magtraining ng Massage Therapy NC II na libreng ini offer ng TESDA sa mga out of school youth at mga unemployed na katulad ko. Buti at ultimo allowance ay libre. Na enjoy ko naman ang training dahil mabait at magaling ang mga instructor namin. Kumikita na rin ako kahit nag tratraining pa dahil may mga kliyente kami noong nagpa free massage kami sa plaza noong may event ang ciudad. Ang mga kinita ko ay inipon ko para pambili ng mga kagamitan tulad ng sphygmomanometer at electric water heater pati na rin mga essential oils na hinahalo sa mga carrier oils. Umorder pa ako online ng Eucalyptus, peppermint, ginger, orange peel, lavender at geranium essential oils. Buti na lang at may natagpuan akong supplier na mura lang ang benta.
Natapos ko din ang required hours ng actual training at pumasa naman sa assessment ng TESDA. Kaya isa na akong ganap na Massage Therapist na may maraming suki na mayaman na kliyente. Bakante lang ako basta may regla ako dahil bawal nga naman ako magmasahe basta may buwanang dalaw.
Tulad ngayon fully booked ako dahil lima katao lang naman ang nagpa booking sa akin. Ang pamilya Lim, sila daw mag asawa pati na ang dalawang matatandang Lim ay magpapa massage pati na ang mayordoma nila. Mapapalaban na naman ako sa maghapon na masahe. Bago tumulak papunta sa mga Lim ay bumili ako ng sterilised milk sa nadaanan kong convenience store. Kakalainganin ko ang lakas para sa limang kliyente. Physically draining nga naman ang aking trabaho kaya kumuha na din kami ng makakasama sa bahay dahil ultimo paglalaba ay di ko na maasikaso.
Si Kristel naman ay halos si Lolo na ang nag aasikaso sa paggayak papuntang eskwela dahil madalas ay late na ako bumangon sa umaga dahil sa pagod sa trabaho. Pero kahit ganito na ang sistema ng pamumuhay ko ay nagpapasalamat ako dahil sobrang galante nga naman ang mga suki ko. Sa isang kliyente ko nga palang minsan may ng tip ng tig limandaan minsan pa ay isang libo na kung tutuusin ay four hundred lang naman ang charge ko para sa isang oras na full body massage. Pwera pa kung mag request sila ng steam bath ay karagdagang singil naman iyon na two hundred pesos. Nakapag ipon din ako kahit papaano. Regular ko pa ding hinuhulugan ang aking Philhealth, Hdmf, SSS at may Medicare pa ako at isang VUL na payable ng ten years. Oh di ba? Bongga ang career ko!