Kristine POV
Sumakay na kami sa sasakyan ni Sir Errol at hindi siya pumayag na hindi kami magkatabi. Routine check up lang naman at kay Doc Estrella kami pupunta.
Bumaba na kami nang makarating kami sa Medical Arcade kung saan matatagpuan ang clinic ni Doc Estrella. Nasa ikalawang palapag iyon kaya dalawa kami ni Kuya Ronnie na umalalay kay Sir Errol para makaakyat ito ng hagdan lalo at medyo matarik iyon.
Saktong alas nueve cuarenta y cinco kami nakarating sa clinic. Kami pa lang ang naroon at kabubukas pa lang ng clinic.
Binati kami ng attendant at nag-fill out na si Sir Errol ng form para sa kanyang check-up. Binilinan kami ng attendant na hintayin sandali si Doc Estrella lalo at galing pa ito sa isang hospital na nasa malapit lang. Okay naman ang blood pressure ni Sir Errol at nang pumasok si Kuya Ronnie ay may ibinigay na listahan si Sir Errol sa kanya at isang gold card.
“Magte-text na lang ako kapag magpapasundo na kami ni Kristine. Nagbilin si Mama na kailangan niya ang mga iyan lalo at para sa merienda natin ang ipapaluto niya para kay Manang Luding ang pinabibili niya,” bilin ni Sir Errol kay Manong Ronnie.
Umalis na si Kuya Ronnie at nagkasalubong pa niya si Doc Estrella. Nginitian lang kami ni Doc at sandali itong may kinuha na bunton ng papeles sa kanyang attendant at pumasok na sa consultation room.
Ilang sandali pa sinabihan na kami ng attendant na pumasok na. Kaya, inalalayan ko si Sir Errol na tumayo at saka pumasok na sa consultation room.
“Mr. Reeves, it’s been a while,” sabi ni Doc Estrella. Inalalayan ko na umupo si Sir Errol pagkatapos akong yumukod sa doktor. Tumayo na ako para sandali silang iwanan. Kailangan nila iyon lalo at kailangan nga naman suriin ni Doc Estrella ang tahi ni Sir sa kanyang pige.
“Bumalik ka after five minutes, Miss Acosta,” bilin ni Doc sa akin at tinanguan ko lang siya. Kaya, lumabas na ako at naghintay sa waiting area. Nagbasa ako ng local newspaper na naroon at napaawang ang aking labi nang makita ko ang ex-girlfriend ni Sir Errol na si Gweneth. Todo ngiti ito na nakakapipit sa isang lalaki na mukahang may lahing banyaga din.
Naningkit ang aking mata at tila kumulo ang akong dugo sa inis. Ang hitad ang sarap ng ngiti samantalang nandito si Sir Errol na miserable! Humanda ka talaga Gweneth! Gagawin ko ang lahat gumaling lang si Sir Errol at maglalaway ka talagang malandi ka! Naiinis ako at napatayo na nang bumukas ang pinto ng consultation room. Ibinaba ko na ang newspaper at pumasok na.
Lumapit ako sa katapat na silya ni Sir Errol at umupo na.
“It’s a good thing Miss Acosta na nakumbinse mo talaga si Mr. Reeves na magpaopera, kung na-delay pa ng ilang araw ay mas malaki talaga ang pinsala. At nang makita ko ang operation report niya na pinadala ng surgeon mula Singapore ay may fluid na pala na na-drain sa kalapit na joints niya.” Bumuntong-hininga muna si Doc Estrella bago nagpatuloy. “This will be his additional meds at kailangan walang palya na mainom niya ito sa loob ng isang buwan at dapat nasa saktong oras para mas epektibo. Alam ko naman na may instruction na sa iyo ang Physical Therapist at kaya mo na gawin iyon kay Mr. Reeves.”
Pinilas na ni Doc Estrella ang reseta at inabot ito sa akin. May detalyadong instruction pa nakalagay doon sa mga strengthening exercise at stretching. tinandaan ko ang mga iyon at naisip na mag-review pagdating namin sa bahay nila Sir.
Tumayo na kami at hinawakan ko na ang braso ni Sir Errol. Paglabas namin ay nagtataka ako kung bakit hindi man lang nag-abot ng bayad si Sir Errol kaya huminto ako. Kumunot ang noo ni Sir Errol at natatawa siyang tiningnan ako.
“Sir, hindi ba kayo magbabayad ng consultation fee?” pabiro kong tanong.
Humalakhak si Sir Errol at nabigla ako. Tuloy humaba ang nguso ko. Ano kaya ang nakakatawa sa tanong ko? maktol ko sa aking isip.
“Silly, ang sekretarya ko na ang gagawa ng arrangement para diyan. Halika na nga at nang makapaglibot tayo.” Hindi pa rin masupil ni Sir Errol ang kanyang tawa at ako naman ay nakasimangot na talaga. Tuloy, natawa na rin ang attendant sa akin lalo at namumula na si Sir Errol sa kanina pa na pagtawa.
Lumabas na kami at hinay-hinay lang ang paglalakad ni Sir Errol lalo at kaming dalawa lang kami at matarik ang hagdan pababa. Hindi pwedeng ma-strain at mapwersa ang operasyon ni Sir Errol lalo at hindi pa gaanong naghilom ang sugat niya.
Nang nakababa na kami ay pumara kami ng taxi na dumaan at nagpahatid sa isang hotel si Sir Errol. Nagtataka man ay hindi na ako nagtanong. Halos kinse minutos din ang ginugol namin sa biyahe at narating namin ang hotel. Anlaki ng ngiti ng driver nang hindi na kinuha ni Sir Errol ang sukli sa pamasahe.
Maingat kong inalalayan si Sir Errol at nauna na siyang naglakad papasok sa lobby ng hotel. Lumapit siya sa receptionist at may tinanong. Hinintay niya ko at nilingon na tila nagmamadali na palapitin ako.
“Sir, Mr. Suarez is already in the VIP room at the orchid lobby. Pasok po kayo sa kaliwang elevator at press niyo po ang podium. Doon po ang orchid lobby,” paliwanag ng receptionist.
Umagapay na ako kay Sir at namilog ang mata ng receptionist nang walang alinlangan na umakbay si Sir sa akin. Naku, kung alam lang ng mga tsismosang ito ang dahilan bakit umaakbay si Sir sa akin ay baka mapangiwi na lang kayo! sigaw ng utak ko. Gusto kong matawa pero pinigil ko at baka magtaka si Sir Errol
Pumasok na kami sa elevator at pinindot ko na ang podium na sign. ilang sandali lang tumunog ang prompt ng elevator at bumukas iyon. Nahigit ang hininga ko nang sa lahat ng tao bakit si Gweneth pa ang kailangan namin makasalubong! As usual nakapostura ito. Suot nito ang beige na bodycon dress at ankle boots. Para nga nama itong rarampa sa catwalk at may naksunod na lalaki na nakita ko sa picture sa newspaper. Nang tingnan ko ang mukha ni Sir, namula ito.
Sa inis ko ay nakaisip ako ng kalokohan. “Honey, halika na naghihintay na si Mr. Suarez sa atin.” Pinulupot ko ang aking mga bisig sa katawan ni Sir at hinalikan ko ang nakaawang niyang labi. Sandali lang ang halik na iyon at napapikit si Sir Errol. Narinig ko pa ang pagdadabog ni Gweneth at ang prompt ng elevator nang sumara na ito.
Halos mamatay-matay ako sa tawa nang nawala na si Gweneth at ang kasama nito. Napatingin si Sir Errol na kanina lang ay parang naestatwa sa kanyang kinatatayuan.
“Why did you do that, Kristine?” tulalang tanong ni Sir Errol sa akin.
“Sir, para malaman natin kung apektado pa rin siya sa presensya mo ay dapat pagselosin natin siya. At effective naman lalo at halos mabutas yata ang sahig sa lakas ng pagdadabog niya!”
Hindi ko pa rin mapigil ang aking sarili sa pagtawa. Na-amuse ako sa mukha ni Gweneth kanina, para kasi itong pusa na gustong mangalmot pero hindi nito magawa!