Gusto ko sanang magpasaklolo kay Sir Errol lalo at hindi ako komportable kay Sir Alfred. Pero, sa nakikita ko ay wala naman yata siyang pakialam sa akin. Gwapo nga naman si Sir Alfred pero hindi ko nakikita ang sarili ko na naa-attract sa kanya. Para sa akin kung hindi rin lang si Sir Errol ang magiging nobyo ko ay salamat na lang sa lahat.
“Sir, baka kailangan ninyo na magpakabit ng salamin sa mata at tila lumalabo na yata ang paningin ninyo, o hindi kaya uminom po kayo ng maraming carrot juice, at kumain ng maraming kalabasa,” saad ko.
Hindi ko pa rin sukat akalain na may magkakagusto sa akin at isang mayaman na kaibigan pa ni Sir Errol. Mas gusto ko naman hinangad na hangaan ng mga lalaki basta ba mapasakin si Sir Errol ay okay na ako.
Sukat sa sinabi ko, imbes na mainsulto ay umalingawngaw ulit ang halakhak ni Sir alfred. Lalong naningkit ang kanyang mga mata at napahawak pa siya sa kanyang tiyan. Nang tumigil na siya sa katatawa, nagkulay kamatis siya at nangilid ang kanyang mga luha.
“That’s why I really like you, Kristine. You're a natural comedian!” palatak ni Sir Alfred. Napangiwi ako sa sinabi niya at nais kong lumubog sa kinatatayuan ko. Ano at ginawa pa akong komedyante ni Sir Alfred samantalang nanahimik ako na nagsisilbi lang kay Sir Errol? Binitawan ko ang bouquet ng mga bulaklak at nilapag iyon sa center table ng living room.
Sa sobrang hiya ko, tumalikod na ako at umakyat na. Bahala na sila doon sa baba at ako ay kailangan na matulog. Dinig ko pa ang pambubuska ni Sir Errol kay Sir Alfred bago ako pumasok sa aking silid.
“Ano na Kristine? Bakit nagkagusto ang singkit na iyon sa iyo? Iba ang target mo pero iba din ang tinamaan!” sermon ko sa sarili ko. Naiinis ako dahil hindi ako komportable na may nagkakagusto sa akin, lalo na kung mayayaman. Pero, syempre kapag si Sir Errol na ang usapan ay hindi ako tatanggi.
Tumayo ako at lumapit sa tokador para kumuha ng pamalit lalo at inaantok na ako. Nahagip ng aking mata ang transparent folder na pinaglagyan ng kasunduan namin ni Sir. Kinuha ko ito at muling binuklat. Napabuntong-hininga na lang ako sa nagawa ko. Natanong ko ang sarili ko, masyado ba akong nasilaw sa pera at pumayag ako sa gusto ni Sir Errol? Although, maliit ang tsansa na bumalik pa talaga sa dating sigla ang tikas ni Sir Errol, nangangamba pa rin ako para sa aking sarili.
Paano na kaya ako kapag bumalik na si Sir Errol sa dati at balikan na siya ng kanyang ex-girlfriend? Kakayanin ko ba na mapunta siya sa iba? Magkaroon kaya ng pagtugon ang damdamin ko sa kanya kahit papaano? Naninikip ang aking dibdib sa tuwing iniisip na hindi siya mapapasakin.
Muli kong tiningnan ang nakasulat sa kasunduan. Napapikit ako lalo na sa ikatlong nakalagay na tutulungan ko siyang bumalik ang kanyang tikas at hindi ako pwede mag-resign hanggang hindi namin iyon na-achieve.
Napailing ako at desidido na mapaibig si Sir Errol sa akin.
Pumasok na ako sa banyo at dali-daling nag-shower. Napakasarap ng pakiramdam ng bawat bagsak ng tubig sa akin lalo at maligamgam iyon. Napawi ang aking pagod at dagli akong na-relax. Hindi pa man ako natatapos sa pagligo, inaantok na ako kaya binilisan ko na. Pinatuyo ko ang aking buhok sa blow dryer na naroon. Naglagay na rin ako ng lotion sa buong katawan. Sadyang nga naman kasi ng mga imported na toiletries na naroon.
Lumabas na ako sa banyo at humiga na. Hinila kaagad ako ng antok sa paglapat ng aking likod sa kama.
*******
Maaga pa lang gising na ako. Naligo na kaagad ako at pagkatapos, pinuntahan ko kaagad ang kwarto ni Sir Errol. Nagkasundo na kami na hindi niya ilo-lock ang kanyang pinto at anytime pwede na akong pumasok sa kanyang silid.
Kumatok ako ng tatlong beses at saka ko pinihit ang seradura. Nang pumasok ako, siya rin ang pagbangon ni Sir Errol. Binati ko na siya at inalalayan na pumunta sa banyo para sa kanyang pang-uganag seremonyas.
Sandali akong bumalik sa aking silid at pagbalik ko sa kwarto ni Sir Errol, nakalabas na siya ng banyo.
“Be ready after breakfast and we will go to the doctor. And please Kristne, wear plain clothes and not your scrub suit. I don’t wanna be mistaken for someone who is sick!” Tumirik ang mata ni Sir Errol at natawa na lang ako. Mga babae at mga bakla lang ang mahilig na gumawa ng ganoon pero hindi nakabawas iyon sa kanyang pagiging brusko.
“Okay Sir, iyan ang gusto ng hari, iyan ang masusunod!” Minuwestra ko ang aking mga kamay na parang nakasaludo. Namilog ang aking mga mata nang humagalpak ng tawa si Sir Errol. Ngayon ko na muling narinig ang kanyang tawa na alam kong walang halong pait sa kanyang damdamin. Halatang galing iyon sa kanyang puso dahil pati ang kanyang mata ay nakatawa rin.
“Ganyan sana palagi Sir Errol. Palagi kayong tumawa para madali kayong gumaling. Huwag na muna ninyong isipin ang ang problema. Tiyak naman na may solusyon iyan, kailangan lang talaga natin magtiyaga at manampalataya.”
“Amen!” sagot ni Sir Errol at saka muling tumawa na tila wala ng bukas.
Bumaba na kami sa komedor at naroon na si Ma’am Rosemarie. Pero, napangiwi ako nang mapagsino ang kausap nito. Si Sir Alfred na may dala uling isang basket na bulaklak. Kaagad umasim ang aking mukha.
“Sir Alfred, kaninong nitso mo ba pinulot ang isang basket na bulaklak na iyan?” gusot ang aking mukha na saad sa kanya. Narinig ko ang paghalakhak ni Sir Errol sa mga sinabi ko. Halos magkulay makopa ang mukha ni Sir Errol sa pagtawa na dagling nahinto ng siniko siya ni Ma’am Rosemarie.
“Kristine naman eh, komedyante ka talaga! Syempre nanliligaw ako sa iyo tapos bibiruin mo ako ng ganyan,” mahinang saad ni Sir Alfred. Napanguso siyang nakaharap sa akin pero hindi ako nagpadala sa kanyang akting.
“Tigilan mo ako Sir Alfred! Huwag mo nga ako pinagkakatuwaan!” Namilog ang aking ilong habang nilagay ko ang aking mga kamay sa baywang ko. “at sinong matinong babae na maniniwala na ang anak mayaman na katulad mo ay magkakagusto sa isang masahista, aber? Utang na loob po, hindi ako barya para ilagay sa bulsa!”
Sa haba ng mga sinabi ko, pati si Ma’am Rosemarie ay hindi na napigil ang sarili na tumawa.
“Boom Busted! Paano ba iyan Alfred mukhang basag ang diskarte mo kay Kristine ah!” Kinantiyawan pa ni Sir Errol ang kanyang kaibigan kaya napangiwi ako.
Kumain na kaming apat. Tahimik lang ako pero ang magkaibigan ay panay ang asaran. Nang matapos kaming kumain, umakyat na ako para maghanda sa lakad namin. Isang mint green baby t-shirt at high-waist skinny jeans ang suot ko. Ang aking pangyapak ay isang chuck taylor na high-cut sneakers.
Nagkasabay pa kami na lumabas ni Sir sa aming mga silid at nagkatinginan dahil parehong kulay ang suot naming damit. Babalik sana ako sa silid ko para magpalit ng damit pero tinawag ako ni Sir.
“Kristine, no need to change your shirt,” aniya.
“Sir, hindi kaya mapagkamalan tayong magsasayaw kasi uniform tayo ng tshirt?” biro ko sa kanya.
“Ikaw talaga ang dami mong kalokohan!”