IMINULAT ni Amarantha ang kanyang mata nang masiguradong wala na si Timothy sa kuwarto. Tumayo siya, lumapit sa matanda, at hinawakan ang kamay nito. Kailangan niyang ipagsawalang-bahala ang nararamdaman para sa binata at ituon ang atensyon sa nakaratay na abuela.
Ayon sa doktor, hindi raw inatake ang Lola Charito niya. Siguro raw ay napuwersa lang ang matanda kaya nawalan ng malay kanina. Hindi naman daw naapektuhan ang puso nito ayon sa initial findings ng mga doktor, bagama’t minabuti ng mga ito na panatilihin ang matanda sa ospital para mas ma-obserbahan pa.
Makalipas ang ilang sandali ay bumalik na si Timothy na may bitbit na pagkain.
“Hi, beautiful! Good, you’re awake!” mahina ngunit magiliw pa rin na bati nito sa kanya.
Tango lang ang isinagot niya rito. Nanatili lang siya sa tabi ng lola niya at umiwas na muling tingnan ang binata.
“I bought us some food. Alam kong gutom ka na rin,” wika nito.
“Salamat,” aniya na bahagya lang itong tinapunan ng tingin, at pagkuwa’y binawi rin. Pakiramdam niya ay hindi niya kayang salubungin ang nanunuot na tingin nito na tila ba humihimay sa bawat bahagi ng katawan niya.
“Please come and let’s eat together,” yaya nito sa kanya pagkuwa’y umupo sa sofa.
Nagpakawala siya ng hininga bago marahang binitiwan ang kamay ng abuela at lumapit dito. Umupo siya sa pang-isahang sofa saka siya hinainan ng binata. Napakamaasikaso nito. Imposible talaga na hindi mahumaling sa binata ang kahit na sinong babae.
“Ahm, Mara.” Matapos ang mahabang katahimikan sa pagitan nila ay alanganing tumikhim ang binata bago tila hindi malaman kung paano sisimulan ang pakikipag-usap sa kanya.
Tumaas ang tingin niya rito. Alanganin itong ngumiti sa kanya.
‘Panginoon! Nakakatunaw ang ngiti ng lalaking ito!’ bulong ng isip niya.
“Gusto kong mag-sorry sa...” Hindi nito maituloy ang sasabihin at sa halip ay nagpalabas ito ng buntong-hininga.
“Kalimutan mo na iyon,” salo niya saka nagsimulang kumain.
“But that was your first kiss,” anito.
Muntik na siyang mabilaukan sa narinig at halos nanlilisik ang kanyang mga mata niya nang muling tingnan ang binata. Agad siyang uminom ng tubig bago mahina pero mataray na nagsalita.
“At sino naman ang nagsabi sa iyo na unang halik ko ‘yon, aber?” nakataas kilay na tanong niya habang pinipilit niya na huwag mamula!
He grinned in the cutest way possible!
“I knew one, when I kissed one,” anito bago kumindat sa kanya.
Lalong naningkit ang mga mata niya at napamaang ang kanyang mga labi sa narinig! “Aba! At ang kapal mo talaga! Para sabihin ko sa iyo—” Hindi siya makaapuhap ng anumang sasabihin dito at ramdam na ramdam niya ang pag-iinit ng pisngi at tainga niya!
Amused itong tumingin sa kanya at hinintay ang susunod na sasabihin niya. Umiling ito at nagpakawala ng mahinang sinserong tawa bago nagsalita.
“Just eat... and please, huwag mo na kasi akong awayin.”
Alam niyang pinipilit lang nito na huwag siyang asarin sa tono ng pananalita nito. Tinaasan niya ito ng kilay at humalukipkip bago nagpasyang magsalita.
“Sige, hindi na kita aawayin, sa isang kondisyon...”
“Anything for you, beautiful.” Nag-beautiful eyes pa ito sa kanya, por Dios por santo!
Inirapan niya ito bago siya nagpatuloy. “Ah, dalawa pala!” halit niya saka tumikhim at muling nagsalita. “Una, tigilan mo na ang kakatawag sa akin ng ganyan! Ikalawa, tigilan mo na ang panliligaw sa akin! Sa totoo lang, kahit ilang taon ka pang manligaw, hindi talaga—” litanya niya pero pinutol nito ang mga sinasabi niya.
“I’m sorry! I can’t do both. Why? First, dahil maganda ka naman talaga at hindi ako sinungaling. Second, I like you kaya nga kita nililigawan, eh,” katwiran nito na sinabayan ng marahas na pag-iling habang impit na nakangiti na makahulog-panty!
Bahagya niyang ipinilig ang ulo sa huling naisip. Mas lalong rumagasa ang dugo sa mukha niya sa pinaghalong hiya at inis para sa binata.
“Ah, ewan ko sa iyo!” tanging nasambit na lang niya bago muling sumubo ng pagkain.
“Giving up is not in my vocabulary, sweetheart,” sagot nito.
“Ah, kaya pala pinabayaan mo na lang ang nobya mo na maagaw ng iba,” bulong niya na narinig naman ng binata.
“Correction, hindi ko alam na naagaw na pala siya sa akin ng iba,” seryosong pagtatama ng binata na biglang nagbago ang timpla ng hitsura.
Kunot-noo niya itong tinitigan.
‘Sapul! Nasaktan ka, ‘no?’ anas ng isip niya pero parang piniga ang puso niya sa nakitang ekspresyon nito. Inalis niya ang tingin dito at ipinukol na lang sa kaharap na pagkain. ‘Sabi na sa iyo, Mara, eh, huwag ka nang umasa, tangengot ka!’
“Eat up. You need to be healthy for Lola Cha’s sake,” mayamaya ay wika nito. Sa pagkakataong iyon ay bumalik ang sigla sa boses nito.
‘Ang galing, parang artista lang magbago ng timpla. Mara, huwag kang papadala. ‘Yang ngiti at kabaitan n’yan, eh, huwad! Huwag kang tanga kung ayaw mong masaktan!’ saway niya sa sarili.
Pinili niyang ituon ang atensyon sa pagkain at tanging tango at iling lang ang isinasagot sa kaharap. Ni hindi niya ito kayang tapunan ng tingin dahil ayaw niyang ipagkanulo siya ng sariling damdamin para rito. Ngayon pa nga lang na wala pang namamagitan sa kanila ay nasasaktan na siya, paano pa kaya kung labis pa sa magkakilala ang maging relasyon nila?
“Salamat sa tulong mo. Kaya ko na naman dito. Umuwi ka na,” wika niya pagkatapos iligpit ang pinagkainan nila.
“Are you sure you can manage? Okay lang naman na samahan kita rito hanggang bukas. Probably the doctors will release Lola Cha tomorrow,” anito.
“Okay lang ako. Sige na, gabi na,” taboy niya rito habang pinupunasan naman ang lamesa.
Lumapit ito sa kanya saka kinuha ang kamay niya at iginiya siyang tumayo.
“What’s wrong?” may pag-aalalang tanong nito.
Napakunot ang noo niya. “Wala. Nakukulitan na ako sa iyo, eh. Sige, gusto mo bang diretsahin na kita? Okay. Hindi kita gusto. Kaya lang kita pinakikiharapan ay dahil sa lola ko. Ayon, nasabi ko na. Masaya ka na?” mataray niyang wika kahit na parang binabayo ang dibdib niya at gustong kumawala ng puso niya para sabihing nagsisinungaling lang siya.
Pansumandali itong natigilan saka lumuwag ang pagkakahawak sa kamay niya.
“Is that so?” tanong nito.
Banaag niya ang kakaibang kislap ng sakit sa mata nito.
Umiwas siya ng tingin dito saka lumayo.
“Kung gusto kita, sa tingin mo ba iiwasan kita katulad ng pag-iwas na ginagawa ko sa iyo? Ang kulit-kulit ninyo ni Lola Charito. Kaya ayan, nasabi ko na sa iyo. Utang na loob, tigilan mo na ako. Alam ko naman na ginagawa mo lang ito dahil sa lola ko, eh. Alam kong pakana niya ang lahat ng ito. Mas maigi pa na huwag ka nang bumalik at magpakita sa akin,” pahayag niya. Nananakit na ang lalamunan niya sa pagpipigil ng hikbi. Lahat kasi ng sinabi niya at taliwas sa isinisigaw ng puso niya.
“Where did you get that idea?” Nanlaki ang mga mata nito. Nagulat ito pero hindi nasorpresa sa sinabi niya.
“Probinsyana ako pero hindi ako ipinanganak kahapon para hindi malaman ang nangyayari sa paligid ko. Matagal na akong inirereto ni Lola Charito sa bawat lalaking ipinakilala niya. Hindi ikaw ang una. Kaya puwede ba—”
“I-I think, I’d better go. Magpahinga ka na lang muna. I’ll be back tomorrow morning,” putol nito sa sinasabi niya.
“Hindi mo kami kaano-ano, Tim. Mas maigi pang habang maaga, eh, tapusin na natin ito. Wala kang mahihita sa akin. Wala akong balak pumatol sa iyo o kahit kaninong irereto ng lola ko. Masaya ako na walang nobyo at walang sakit sa ulo,” aniya. Tinalikuran niya ito ngunit hindi pa man siya nakakalapit sa kanyang abuela ay muli itong nagsalita.
“And what made you think that I will give up that easy? Do you think you hurt my pride enough for me to let you go? Pabayaan mo lang ako na ligawan at mahalin ka, Mara, please,” pakiusap nito.
Hindi na siya kumibo. Alam niyang hahaba lang ang usapan nila. Hindi niya alam kung totoo ang mga sapantaha niya at kung ano talaga ang pakay nito sa kanya. Kung seryoso ba talaga ito sa kanya o balak ba nito na maging nobya siya kung sakaling hindi na ito balikan ng dati nitong nobya?
“I’m coming back tomorrow, first thing in the morning,” anito saka niya narinig ang papalayong yabag at ang pagsarado ng pintuan ng kuwarto.
Noon siya napaharap sa may pintuan at nagpakawala ng malalim na hininga. Nakagat niya ang pang-ibabang labi saka kusang dumaloy ang kanina niya pa pinipigilang pagluha.
‘Tama ang ginawa mo, Mara. Ngayon pa lang, huwag mong hayaang may manakit sa iyo. Alam mo na ngang may mahal nang iba, ‘di ba? Imposibleng magmahal iyan ng dalawa. Sasaktan ka lang niyan… sasaktan ka lang niyan,’ kumbinsi niya sa sarili saka pumunta sa banyo at doon ibinuhos ang sama ng loob.
ALAS-OTSO ng gabi nang may pumuntang doktor sa kuwarto ng lola ni Amarantha kasama ang isang nurse.
“What happened to Lola Charito was a common faint since she just recently had an episode of mini-stroke, I suggest not to put her under emotional and physical stress,” paliwanag ng doctor habang binabasa ang chart at ang resulta ng isinagawang mga tests dito.
Saglit na nagising kanina ang matanda ngunit muling nakatulog dahil sa epekto ng gamot ayon sa nurse nito.
“Ilang araw pa po siya mamamalagi rito?” tanong niya.
“If she will continue to have normal vitals until tomorrow, then I guess, puwede na siyang lumabas bukas. I will come back tomorrow morning to check up on her,” sagot nito bago nag-iwan ng ilang bilin sa nurse.
“Salamat po,” aniya bago ito kinamayan.
Ngumiti lang sa kanya ang doktor at lumabas na rin ng silid kasunod ang nurse.
***
KINABUKASAN ay nagising si Amarantha sa tawanan ng lola niya at ni Timothy. Agad siyang bumangon mula sa pagkakahiga sa sofa at nilapitan ang abuela na kausap si Timothy.
“Lola, kumusta na po ang pakiramdan n’yo?” nag-aalala niyang tanong.
“I’m all right, hija. We’ll be leaving after an hour,” sagot nito. Noon niya lang napansin na hindi na ito naka-hospital gown.
“The doctors came by and checked her vitals. Puwede na raw siyang lumabas. Iwas lang sa stress, ‘di ba, Lola Cha?” paliwanag ni Timothy na tila nahulaan ang iniisip niya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” taas-kilay niyang tanong.
Ngumiti ito saka iniabot sa kanya ang isang paper bag. “Here, pamalit mo,” anito saka bumaling sa lola niya.
Nakasimangot niyang sinipat ang laman ng paper bag. It was a pair of clothes. Tumirik ang mata niya saka nagpakawala ng hangin sa dibdib bago marahas na ibinigay ang paper bag sa binata.
“Hindi ko kailangan ‘yan,” aniya bago nagmartsa papunta sa banyo. “Lola, lalabas lang po ako sandali—”
“Her medical bill is settled,” pigil ng binata sa paglabas niya.
Kung puwede lang manaksak ng tingin niya, marahil ay duguan na ang lalaki. Impit namang tumawa si Lola Charito na lalong pumalahaw ng halakhak nang balingan niya. Huminga na lang siya nang malalim para kahit paano ay pakalmahin ang sarili.
Makalipas ang mahigit-kumulang beinte minutos ay sakay na sila ng taxi pauwi sa bahay nila. Inalalayan nila paakyat sa kuwarto ang lola niya sa tulong ng binata saka sila tinaboy palabas at nagsabing magpapahinga na.
“Salamat. Gusto mo ng kape?” alok niya pagbaba nila sa kaswal na paraan.
“That will be great, thanks,” sagot ng binata na sumunod sa kanya sa kusina at umupo sa harap ng dining table.
Inilapag niya ang dalawang tasa ng bagong subong kapeng barako saka umupo sa harap ng binata.
“Mara...” tawag nito sa kanya pagkahigop ng kape.
“Kung tungkol na naman sa—” Pinutol nito ang sasabihin niya at seryosong tumingin sa kanya.
“It’s Lola Cha,” sambit nito.
Bigla ang pagsikdo ng dibdib niya.
“A-Ano’ng tungkol kay Lola?” kinakabahang tanong niya. May nasabi kaya ang doktor dito na hindi niya alam?
Bumuntong-hininga ito bago siya tinitigan.
“She wants us to get married... soon!” alanganing pahayag ng binata.
She was dumbfounded at muntik nang mabitiwan ang hawak na tasa ng kape matapos marinig ang sinabi ng binata.