CHAPTER 6

2313 Words
"HELLO!” bati ni Timothy kay Amarantha. Isang matalas na irap ang ibinigay ng dalaga sa kanya nang makilala siya saka tahasang inignora ang presensya niya. “Let me hold this.” Kinuha niya mula rito ang tray na may lamang isang fresh orange juice at isang black coffee. Hindi na ito nakatanggi pa lalo’t para itong nakuryente nang magdaiti ang mga kamay nila. Mabilis itong dumistansya sa kanya nang ‘di man lang umiimik. “Oh! Hi, Tim! What a coincidence!” bulalas ni Lola Charito pagkakita sa kanyang bitbit ang tray ng inumin ng mga ito at kasunod si Amarantha. “Hi, Lola Cha!” bati niya saka nagmano rito pagkalapag ng tray sa glass table na nasa harap ng sofa. “Oh, thank you, Timothy! Teka, why are you here? May kasama ka ba?” usisa ng matanda saka iginala ang mata sa loob ng restaurant. Kumaway naman dito si Von nang makitang tumingin sa direksyon nito ang matanda. “He just had a date. Sinamahan ko lang po siya,” sagot niya saka umupo sa kaagapay na sofa paharap sa maglola at panakaw na pinasadahan ng tingin ang tila namumula at ‘di mapakaling dalaga. Ngumiti ang matanda saka kinawayan si Von na puntahan sila. Tahimik namang hinipan ni Amarantha ang hawak na tasa ng kape saka humigop, halatang pilit na iniwasan ang mainit na tingin niya. “He used to go to Bahay-Kalinga before, right?” baling sa kanya ng matanda habang papalapit si Von sa kanila. Tumango siya saka bumaling kay Amarantha. “Kumusta, Mara?” tanong niya ngunit nanigas lang ang bibig niya sa pagkakangiti dahil ni hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin. Tumikhim na lang siya at bumaling sa parating na kaibigan. “Ladies, this is Von, my best buddy. Von, the ever lovely Lola Cha and the—” Naudlot ang sasabihin pa sana niyang adjectives nang sipatin siya ng dalaga. “She’s Lola Cha’s granddaughter, Mara,” alanganing dugtong niya. Tumango lang ang dalaga kay Von habang si Lola Charito naman ay kinuha ang kamay nito at magiliw na pinisil. “Nice to see you again, hijo,” bati ng matanda. Napakamot sa batok si Von saka nahihiyang sumagot. “Same here po.” “So, where’s your date? Iniwan ka?” usisa ni Lola Cha na ikinatawa nila ni Von. “Lola!” namumulang saway ni Amarantha sa abuela. “What?” painosenteng anas nito saka kinindatan si Von na napailing na lang sa biro ng matanda. Bago pa man ito makasagot ay nag-ring ang telepono nito. “Excuse me po. Sasagutin ko lang po,” paumanhin nito saka siya sinenyasan na lalabas muna. “Hay, naku! Pambihira naman po, ‘La!” reklamo ni Amarantha nang ganap nang makalayo si Von sa kanila. “How about you, Tim? A bird told me that you’re currently single. Totoo ba?” Bakit iba yata ang nababasa niya sa uri ng tingin nito? Sigurado siyang si Greg ang nagsabi rito na wala na sila ni Nina dahil ito lang naman ang madalas dumalaw sa matanda noong nasa ospital pa ito. Napansin niya ang marahas na paghugot ng hininga ni Amarantha saka nagsalita. “‘Banyo lang po ako,” paalam nito. Tumango si Lola Charito at nagpatuloy sa pakikipagkuwentuhan sa kanya. Sinundan niya naman ng tanaw ang papalayong dalaga, wondering if she was really grumpy or she was just like that because of what happened between them. Then, he looked at Lola Charito again and smiled. “Walang boyfriend ang apo ko, Tim,” diretsang sambit ng matanda na ikinagulat niya. “You like her, don’t you?” patuloy nito. Bahagya siyang napalunok. Hindi niya inaasahang magiging ganoon ka-blunt ang matanda kahit pa nga close sila. Honestly, mismo sa sarili niya ay hindi niya alam ang tamang kasagutan. Yes, he was definitely attracted to her, pero iba ang definition ng dalagang Pilipina sa salitang ‘gusto’ kaysa sa western countries. And with Amarantha, he had to think a hundred times before answering that question. Besides, he was interested in her but definitely not going into a deeper meaning of the term. Siguro nga ay hindi pa siya handa. “You have a lovely granddaughter, Lola. She definitely is a stunning lady,” komento niya. Tinaasan siya nito ng kilay matapos ubusin ang juice na laman ng baso. She grinned and nodded. “You got away with that girl so you could find the right one. Your heart was broken so you could find the right girl to fix it. This time, it’ll be for keeps,” matalinghagang wika nito saka sinserong ngumiti sa kanya. “Do you really think so, Lola Cha?” Ngumisi ito saka nanunudyong tumingin sa may banyo bago muling bumaling sa kanya. “Mara is single but she is too much to handle... Ahm, I’m just giving you a hint.” Napamaang siya sa narinig at alam niyang agad siyang nag-blush. This vacation just started to get so interesting…   MISTULANG nagkakarerahan ang t***k ng puso ni Amarantha. Halos hindi siya makahinga! Naiinis siya sa lalaki pero... ‘Ah, ewan!’ asar niyang anas sa sarili. Kahit hindi niya talaga kailangang magbanyo, napilitan tuloy siya, kaysa mahalata ng mga kaharap niya ang panginginig ng kamay at pamumula ng buong mukha niya. Marahan siyang naupo sa toilet seat at sinapo ang dibdib. ‘Kumalma ka nga, Mara. Ba’t ba nagkakaganyan ka?’ himig niya sa sarili, ngunit bakit parang kumakabig ang puso niya? ‘Ubod ng antipatiko, presko, at hambog! Nuncang magustuhan ko siya!’ katwiran muli ng isip niya para animo’y kumbinsihin pati nararamdaman ng puso niya. Bigla siyang napatulala nang maalala ang sinabi ng abuela niya kanina bago pumasok ng café. Ipinilig niya ang ulo niya. ‘Hindi! Imposible!’ waksi ng utak niya bago kusang naglakbay ang kamay niya sa tapat ng dibdib niya. Mayamaya ay napatirik ang mata niya sa kawalan saka napahinga nang malalim dahil sa hindi niya makapang dahilan. Inis na inis siya sa lalaki dahil napaka-presko nito. Subalit hindi niya alam kung bakit tuwing mahuhuli niya itong nakatingin sa kanya noong nasa ospital sila at magbababa ito ng tingin, ay parang gustong magbago ng pananaw niya para rito. Na hindi naman talaga ito bastos tulad ng inakala niya. Nagbalik sa isip niya ang mukha ng lalaki—ang makapal at alon-alon nitong buhok, makapal na kilay, malantik na pilik-mata na parang sa isang babae, ang may kalakihan ngunit maamo nitong mga mata, matangos na ilong at manipis ngunit mapulang labi na animo ay pinahiran ng achuwete! Bagama’t panaka-naka ang pagsulyap niya rito noon sa ospital, nagkaroon naman siya ng pagkakatong matitigan ito kanina bago siya pumasok ng banyo. Salamat na lamang at may habong sa banda roon at hindi nito nakita ginawa niyang pagkilatis. Sa una’y gusto lang niyang pukulan nang masamang tingin ang binata ngunit hindi naglaon ay tila siya nabato-balani dahil hindi maikakaila ang angkin nitong gandang-lalaki. Matangkad ito at maayos ang pangangatawan, sino nga ba naman ang hindi tatamaan? ‘Guwapo nga, bastos naman!’ katwiran naman ng isang bahagi ng utak niya. Para siyang timang! Ipinilig niya ang ulo niya upang kahit paano ay makabalik siya sa kasalukuyan. Ilang minuto pa ang kanyang pinalipas bago lumabas ng banyo. Hind Hindi man niya aminin, bakas sa mukha niya ang panghihinayang nang hindi na madatnan ang lalaki sa lamesa nila ng lola niya. Bahagya pa niyang iginala ang paningin para hanapin ito bago tuluyang lumakad palapit sa matanda. “Umalis na siya. Pogi talaga, ‘no?” tudyo ng abuela niya nang mapuna na nagpapalinga-linga pa rin siya. “Gusto ko lang po na makasigurado na wala na nga siya!” depensa niya. “Defensive ang apo ko! Pero pogi, ano? Umamin ka,” patuloy na tudyo nito sa kanya na sinabayan pa ng siko sa tagiliran niya at taas-baba ng mga kilay, dahilan para umismid siya rito. “Anyway, do you remember what I told you earlier?” paalala nito. Walang pagsadlan ang tawa ng kanyang abuela nang sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling habang namumula. “Tapos na po ba kayo? Tara na pong umuwi. Hay, kung anu-ano ang pumapasok diyan sa utak n’yo, eh!” Nakasimangot na siya at pakiramdam niya ay muling nag-init ang pisngi niya. *** BAGAMAT ayaw ni Amarantha na bumiyahe sila ni Lola Charito sa Tagaytay ay wala siyang nagawa. “Lola, baka naman po matagtag ang katawan n’yo dahil sa biyahe. Alalahanin n’yo pong hindi pa kayo masyadong malakas,” nag-aalalang pahayag niya. “Hija, sinabi naman ng doktor na okay lang akong bumiyahe, ‘di ba? Isa pa, dadaanan naman tayo ng bus na didiretso roon kaya hindi na tayo mahihirapan na magpapalipat-lipat ng sasakyan,” giit at katwiran nito. Napabuntong-hininga na lang siya. Masasayang lang ang laway niya dahil alam niyang kahit anong klaseng tanggi at paliwanag ang gawin niya ay hindi ito makikinig. “Ipapasyal na rin kita roon bukas nang may makita ka namang ibang lugar,” patuloy nito dahil batid nitong kahit malapit lang sa Tagaytay ang Kalayaan ay hindi naman niya binalak pumasyal doon. “Bukas po? Eh, paano po ang check-up n’yo?” gulat niyang tanong. Ang akala niya kasi ay uuwi rin sila mamayang gabi. Kaya naman pala kulang na lang ay ilagay nito ang buong tokador sa dami ng damit sa bag. “Puwede naman akong magpa-re-schedule next week. Huwag kang mag-alala at mayroon naman talagang nakalaan na mga tulugan doon at madalas kaming magpakinabukasan na kung umuwi ni Rita,” paliwanag nito na ang tinutukoy ay ang dalagitang kapit-bahay na nag-aalaga rito na pabalik na sa Maynila galing probinsya. Bukas o sa makalawa pa raw ang balik ni Rita kaya hindi ito makakasama sa kanila. Nanahimik na lang siya at inayos na lang ang mga dadalhin na bagahe saka inilabas sa may garden. Pagkaraan nang isang oras, dumating na ang sasakyan nilang bus patungong Bahay-Kalinga. Ipinakilala siya ni Lola Charito sa tatlong facilitator at mga kasama nitong mga senior citizen din. Habang daan, may mga palarong isinasagawa sa loob ng bus para hindi mainip ang mga matatanda. “Mabuti at nakasama ka sa lola mo. Palagi ka niyang ibinibida sa ‘min. Mukha ka talagang purong Amerikana!” Tumabi sa kanya sa upuan si Rod, ang isa sa mga volunteers na ipinakilala sa kanya, na puno ng paghanga ang mga mata. Natatandaan niya itong dumalaw noon sa ospital ngunit hindi niya naman ito nakausap. Matangkad ito at kayumanggi ang kulay ng balat. Semi-kalbo ang gupit, bilugan ang mata, may katangusan ang ilong, at may pagka-dark red ang labi. Guwapo ito sa madaling salita, Pilipinong-Pilipino ang dating ng hitsura. Dahil sa pisikal nitong anyo ay hindi niya napigilan ang sariling maalala si Ador, ‘Kumusta na kaya siya?’ “Mamamasyal daw kayo bukas sa Tagaytay sabi ni Lola Cha. Okay lang bang samahan ko kayo?” untag at prisinta nito. Pilit siyang napangiti at napaisip. ‘Hay, ang daldal talaga ng lola ko!’ “Salamat, tatanungin ko kay Lola,” sagot na lang niya. Bagama’t hangga’t maari ay gusto niyang magkulong na lang sa loob ng bahay ni Lola Charito. Masyado siyang nabibilisan sa buhay sa Maynila sa totoo lang. Hinayaan niya lang si Rod na tumabi sa kanya habang binabanggit ang bawat lugar na nadaraanan ng bus nila. Hindi naglipat-saglit ay narating na nila ang Bahay-Kalinga. Halos pasado alas-dose na kaya pala kumakalam na ang sikmura niya. Mabilis niyang isinukbit ang isang bag bitbit ang isa pang malaking bag saka inalalayan ang lola niya pababa ng bus. Namangha siya sa animo’y paraiso sa harapan niya. Bagama’t tila nahihiyang magpakita ang Bulkang Taal dahil sa fog, kitang-kita pa rin niya ang kagandahan ng pumapalibot dito. Bahagya siyang kinisig. Ang lamig kasi ng hangin ay kaagad na nanuot sa kanyang balat. “I told you, it’s beautiful!” anas ng lola niya. Ipinikit nito ang mata bago pinuno ang baga ng sariwang hangin. “Opo, ‘la! Sayang lang po’t hindi ko pa makita ang Taal,” may himig panghihinayang niyang wika. “Huwag kang mag-alala, baka later ay wala na ang fog,” pag-alo nito sa kanya bago siya iginiya papasok sa facility. Magiliw silang binati ng mag-asawang Dante at Delilah saka sila inimbitahan papasok sa loob. As usual, maraming nag-akala na dayuhan siya kaya purmero ay kinakausap siya ng Ingles at mamamangha na lang kapag sinagot niya ng purong Tagalog. “Lola, saan ko po ibababa ang mga ito?” pabulong na tanong niya sa abuela na noon ay patungo sa kusina para tumulong magluto. Halata rito na na-miss nito ang mga kaibigan doon. “Ay, nalimutan ko na, Mara! Pakitanong na lang kay Dante o Delilah,” sagot nito bago dumiretso ng kusina. Napabuntong-hininga na lang siya. Mabigat na nga ang bitbit niya, nakalam pa ang sikmura niya, ‘tapos, iniwan pa siya sa ere ng abuela niya! “Para namang pamilyar ako sa bahay na ito! Saan ko naman kaya hahagilapin ang mag-asawang iyon?” bulong niya na hindi niya alam ay naisatinig niya pala. “Let me help you. Then, we’ll look for them.” Nagulat siya nang may magsalita sa kanyang likuran. Biglang lumakas ang tahip ng dibdib niya. “Ikaw?” kunot-noong tanong niya pagbaling sa pinagmulan ng tinig. Marahas siyang napabuga ng hangin. ‘Diyos ko, bakit ba nagkita na naman kami ng kumag na ito?’ bulong niya sa sarili saka sinubukang humakbang palayo sa lalaki. “Hello again, Mara,” nakangiting bati nito saka walang pag-aatubiling kinuha ang mga bag niya sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD