TUKSUHANG katakot-takot ang inabot ni Timothy mula sa kabanda nang dumating siya sa dining area na kasama si Amarantha. Kung hindi pa sinawata ang mga ito ni Julianne ay hindi titigil ang mga ito.
Pagkabalik nila sa opisina para mag-practice ay muli siyang inulan ng kantiyaw ng mga ka-banda.
“Hanep! Panis ang kamandag ko! Naunahan mo ako, ah!” biro ni Julius na sinundan nang malakas na tawanan ng magkakabanda.
“Kaya naman pala pumayag ka na matulog dito, ha!” biro rin ni Julianne na naaaliw sa biruan ng mga kasama. “She’s quite a catch, Tim. Medyo kinulang lang sa height but she’s so gorgeous!” puri nito kay Amarantha.
“You’re way better, hon!” puri naman ni Greg saka humalik sa pisngi ng nobya.
“Seriously, bro, ang sagwa!” pabirong protesta ni Julius patungkol sa paglalambing ni Greg sa kapatid nito na ikinahalakhak nilang lahat.
“Mas masahol pa kaya kayo ng mga girlfriends mo!” nakangusong depensa ni Julianne sa nobyo.
“I should have visited Lola Cha several times para napormahan ko ang apo niya. ‘Pag nagkataon, baka naunahan pa kita,” biro ni Julius.
“Ano ba kayo? Tinulungan ko lang ‘yong tao sa pag-akyat ng gamit nila,” pahayag niya. But honestly, kinikilig siya sa mga panunukso ng mga ito sa kanila ni Amarantha.
“Yeah, right! Kaya pala kumikislap ‘yang mata mo...” komento ni Julianne saka kiming tumawa. “Anyway, I think, she likes you, too,” dagdag nito bago humigop ng kape.
“Paano mo naman nasabi ‘yan, sis? Baka ‘pag nakilala ako ni American Girl, ako ang piliin niya over Tim!” pabirong wika ni Julius.
Binato niya ng guitar pick ang binata. “Hindi uubra ‘yang pagkapresko mo, doc,” tumatawang anas niya.
“Hmp, let’s see,” pabirong-hamon ni Julius saka tumawa nang malakas.
Napailing na lang siya saka bumaling kay Julianne nang muli itong magsalita.
“Well, I saw her glancing at you. I felt she was nervous or something. I don’t know. Ganoon ang naramdaman ko nang makita ko siyang tumingin sa iyo kanina.”
“Baka ninerbyos dahil sa sinabi ng lola niya!” biro naman ni Leo saka humalakhak na sinundan ng mga naroon.
Yes, Lola Cha was loud enough for them to hear what she said. Napangiti siya sa sinabi ni Julianne. Ganoon din kasi ang naramdaman niya kanina nang silang dalawa lang sa kuwarto. She was so tensed. It was actually fun watching her from a distance. How she was unconsciously taking out the clothes from one bag and putting it to the other. How her hands were shaking when he held her. How she seemed to stop breathing when he was only inches away from her. How her face was obviously blushing eventhough the room was not bright. And how he could hear her heartbeat when he moved closer to her... or was it his heart?
God knows how tempting it was for him to kiss her right then and there, pero mas pinanaig niya ang utak...
‘Not here, not now...’ usal niya kanina sa sarili habang nakakuyom ang kamao.
***
PAGKAKAIN ay nagprisinta si Amarantha na tumulong sa paghuhugas ng pinagkainan. Ang mga matatanda naman ay bumalik na sa Sala de Abuelos para sa in-door sports activity.
Bahagya pa siyang nagulat nang lumapit si Rod.
“Pagkatapos nito, ‘punta tayo sa likod. Mukhang wala na ang fog,” imbita nito sa kanya.
Nalukob siya ng excitement at kaagad na pumayag.
“Naku, salamat, Rod. Tatapusin ko lang ito saka tayo magkita sa may parking.”
Ngumiti ang binata. Lumitaw ang biloy nito sa pisngi na nakadagdag sa kaguwapuhan nito.
“Sige. Pupunta muna ako sa activity room habang hinihintay ka,” nakangiti nitong paalam sa kanya, bahagya pa nitong pinisil ang braso niya bago tuluyang umalis.
Pinakiramdaman niya ang sarili. Bakit wala siyang kabang nararamdaman kumpara sa tuwing magkakalapit sila ni Timothy? Bakit hindi siya animo’y nakuryente nang hawakan siya ni Rod, ‘di tulad kay Timothy na animo’y lagi itong may bitbit na livewire para ikuryete sa kanya? Wala sa loob na napabuntong-hininga siya saka napabulong, ‘Kasura!’
Buwisit na lalaki, pumapasok sa isip niya kahit ano’ng ginagawa niya! Marahas niyang ipinilig ang ulo na wari ba ay mawawala ang binata sa isip niya kapag ginawa niya iyon. Pinilit niyang ibalik ang atensyon sa paghuhugas habang nakikinig sa mga kuwentuhan ng mga naroon.
Halos isang oras din silang nagligpit at naghugas ng pinagkainan. Pagkatapos ng kanyang ginawa sa kusina ay nagpaalam na siya kay Delilah. Umakyat siya sa kuwarto para kunin ang mas makapal na jacket niya. Ayon kasi sa lola niya, mas lalo raw lalamig sa bandang hapon lalo’t medyo makulimlim sa araw na iyon.
“Ay! Kabayong bundat!” Halos atakihin siya na nerbiyos nang paglabas niya ay si Timothy ang bumungad sa kanya habang dala ang dalawang tasa ng mainit na kape sa magkabilang kamay.
“Hi, beautiful!” nakangiting bati nito.
“Nakakagulat ka naman! Basta-basta ka na lang sumusulpot kung saan-saan! Para kang kabute!” bulalas niya habang sapo ang dibdib.
“I’m sorry. Hinanap kita sa kusina, pero wala ka na roon. So, nagbakasakali ako na nandito ka, and I’m glad... I found you,” paliwanag ng binata na idiniin ang huling pahayag. “By the way, for you,” alok nito sa kape.
Alanganin niya itong inabot at nagpasalamat sa binata.
“Lalabas ba kayo ni Lola Cha?” tanong nito, marahil ay dahil sa suot niyang makapal na jacket. May heater kasi sa loob ng bahay kaya hindi ramdam ang nanunuot na lamig sa labas.
“Ah, hindi. Lalabas lang ako sa may parking. Sinabi kasi ni Rod na wala nang fog kaya—” saad niya na pinutol ni Timothy.
“The scenery is better at the attic.” Ginagap nito ang kamay niya nang walang pasabi at iginiya siya papanhik ng third floor.
Oo, may guwantes nga pala siya, pero bakit nanunuot pa rin sa katawan niya ang tila kuryenteng dulot ng binata? At ilang beses man niyang ikaila, hindi naman nagsisinungaling ang puso niya! Pakiramdam niya tuloy, nagma-malfunction ang utak niya tuwing kaharap niya ang binata.
“S-Saglit lang. Hinihintay kasi ako ni—” aniya nang makabawi at nang sumagi sa isip niya si Rod.
“Huwag kang mag-alala kay Rod. This time kasi, lunod sa trabaho ‘yon,” tila walang pakialam na wika nito.
‘Ang tigas ng ulo!’ sa isip-isip niya ngunit hindi na lang isinatinig. Mukhang wala namang balak ang binata na bitiwan siya at muli tuloy niyang naramdaman ang tila naglalarong paruparo sa sikmura niya.
Pagdating nila sa third floor ay naglakad sila papunta sa gitnang bahagi, saka nito binuksan ang isang pintuan.
“T-Teka! Saan mo ba ako dadalhin? Baka bawal diyan!” Umurong siya, may bahagyang nerbiyos sa tinig niya.
Naglipat ng tingin sa kanya ang binata at ngumiti nang pagkatamis-tamis!
‘Hay, kung kendi ka lang, pinapak na kita!’ anang isip niya. Bigla siyang nahiya sa naisip at agad pinamulahanan ng pisngi. Bakit naman iyon talaga ang naisip niya?
“Don’t worry. I just wanted to show you the beautiful Taal and its lake!” anito.
Nagulat pa siya dahil ang nasa loob ng pinto ay maliit na hagdan patungo sa attic. Binuksan ng binata ang maliit na pinto at inalalayan siyang umakyat.
Hindi pa man siya ganap na nakakaakyat ay tanaw na mula rito ang napakagandang Mt. Taal at Taal Lake! Ang attic ay napapalibutan ng salaming bintana kaya kitang-kita mula roon ang bulkan. Mayroon ding isang malaking bintana na nabubuksan papunta sa veranda, kung saan mas tanaw ang kagandahan ng bulkan at lawa.
“Ang ganda! Sobrang ganda!” bulalas niya. Pagkuwa’y ipinikit niya ang mga mata upang langhapin ang malamig na simoy ng hangin nang buksan ni Timothy ang malaking bintana at sumalubong sa kanila ang malamig na hangin.
“Yup! Sobrang ganda!” Narinig niyang wika ni Timothy na noon ay nasa tabi niya na.
Pagmulat niya ay tumingin siya sa gawi nito. Huling-huli niya kung gaano kapagkit ang pagkakatingin nito sa kanya at nakapagtatakang hindi siya nagbawi ng tingin. Sa halip ay ito ang unang sumuko. Umubo ito bago inulit ang sinabi.
“Oo, ang ganda talaga ng bulkan na ‘yan, kaya nga ipinakita ko sa iyo rito, eh,” anito na muntik pang mapapiyok.
Wala sa loob siyang napangiti sa tinuran nito.
‘Marunong din palang mahiya ang damuho!’ sa loob-loob niya saka muling ibinalik ang atensyon sa bulkan.
Halos kalahating oras na sila sa attic. Hindi niya namalayan na nasisiyahan siya na kasama ang binata sa tagong lugar na iyon.
“If you don’t mind me asking, nagka-boyfriend ka na ba dati?” pagkuwa’y tanong ni Timothy sa kanya.
Kasalukuyan na silang nakaupo sa loob ng attic paharap sa bulkan ng mga sandaling iyon.
“May nagustuhan ako pero siguro, hindi siya ang kapalaran ko.” Mapait ang ngiting pinakawalan niya. Kahit papaano kasi ay may sakit pa ring dulot sa puso niya sa tuwing naaalala niya si Ador.
Alam niyang nakakanagmusi Timothy sa kanya at naghihintay ng karagdagang kuwento niya ngunit hindi na niya iyon dinugtungan pa. Para sa kanya kasi, hindi na iyon mahalaga.
“Bakit? Anong nangyari?” Bagama’t walang pamimilit sa himig ng lalaki ay alam niyang interesado ito.
Nanatili siyang nakatingin sa labas ngunit ang isip ay nasa nakaraan. Umiling siya bago muling nagsalita.
“Eh, ‘di wala...” aniya bago humarap dito. “Ikaw, ano naman ang kuwento ng buhay pag-ibig mo?” tanong niya.
Ngumiti ito na may halong panunukso.
“Interested?” Umangat pa ang gilid ng labi nito saka nagpatuloy nang sumimangot siya. “Joke! Anyway, promise me na hindi ka iiyak, ha?” birong panimula nito.
Itinaas niya ang kilay at inisip kung dapat nga ba niyang seryosohin ang mga sasabihin nito. Kung sabagay, wala namang masama kung makinig siya. Kung totoo o hindi ang sasabihin nito, eh, ano sa kanya? Hindi naman sila magkakilala at alam niyang marahil, ito na ang huling pagkikita nila.
Bahagya siyang napakunot-noo nang tumingin ito sa kawalan at para bang lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. Nakakapanibago ang hitsura nitong seryoso at tila malalim ang iniisip. Bakit tila may nababanaag din siyang galit sa maamong mata nito nang saglit itong tumingin sa kanya? Binawi nito ang tingin at mapaklang ngumiti.
“Biro lang...” anito, pagkuwa’y nagpatuloy. “I was in love with the same girl for almost nine years now and we were together for more than eight years. On the day of my proposal plan, she broke up with me.” Umiling-iling ito bago tumingin sa kanya. “And guess what happened?” Nag-alis ito ng bikig sa lalamunan bago nagpatuloy. “I found out that she’s been cheating on me... for how long, God knows. And that she’s actually pregnant.” Muli nitong ibinalik ang paningin sa labas para itago ang nag-aambang luha.
Nagpalabas ito ng pagak na tawa. “And guess how stupid I was? When I found out about her pregnancy, I even prayer that the guy will runaway so she could come back to me! I was ready to take her back and treat the child as my own. Ganoon ko siya kamahal at ganoon ako katanga—noon! I stalked her pero pinagtaguan niya ako.”
Nakapangalumbaba siya habang nakikinig sa kuwento nito. Aaminin niya, hindi talaga siya makapaniwala sa ikinukuwento nito pero alam niyang nagsasabi ito ng totoo dahil sa emosyon na nababasa niya sa mata nito.
Napailing siya at napapalatak. “Sobra kang magmahal! Sagad-sagaran!” namamangha niyang wika. “Ang tanga naman ng nobya mo! Paano niya nagawang lokohin ka? Sa kabila ng sobrang pag-ibig mo sa kanya, saka sa bait at guwapo mong iyan, nakahanap pa siya ng ibang—” Hindi niya na naituloy pa ang sasabihin dahil bigla siyang napaisip sa sinabi niya.
Bahagyang tumaas ang gilid ng labi nito ngunit hindi pa rin ito tumingin sa kanya.
“So, nababaitan at naguguwapuhan ka pala sa akin?”
“A-Ang ibig kong sabihin, base kasi sa kuwento mo...” Pulang-pula na ang mukha niya at hindi niya maapuhap ang katwiran na gusto niyang sabihin.
“Don’t worry, binibiro lang kita,” sambit nito saka pa lang ito tumingin sa kanya.
Tinitigan siya nito at pakiramdam niya ay nagtagal ang mata nito sa labi niya na wala sa loob niyang binasa ng dila. Nakita niya ang pag-igting ng ugat nito sa sentido kasunod ng pagbaba’t taas ng Adam’s apple nito. Binawi nito ang tingin saka ikinuyom ang kamay na wari ba ay nagpipigil sa sarili. Tila ba ayaw nitong gumawa ng isang bagay na maaari nitong pagsisihan sa bandang huli. But damn! Those red, wet and partly-opened lips seemed inviting him to kiss her!
“H-Halika na. Baka hinahanap ka na ni Lola Cha,” sa wakas ay sabi nito. Humugot ito nang malalim na hininga saka siya inalalayan sa pagtayo. Sinigurado muna nitong nakasaradong maigi ang malaking bintana, at pagkuwa’y nagpatiuna na sa pagbaba ng hagdan.
Nanibago siya rito. Tahimik lang ito habang magkasabay silang naglalakad pabalik sa ground floor. Pagdating nila sa ibaba ay mabilis silang sinalubong ni Rod na nagtataka siguro kung bakit sila magkasama.
“Pasensya na, Mara. Naipit ako sa ibaba kanina,” paumanhin nito. Pagkuwa’y tumingin sa wristwatch, “Halika, may oras pa naman. Samahan na kita sa labas.”
Kinuha sa kanya ni Timothy ang wala nang laman na tasa bago nagsalita. “I’ll go ahead. Mag-aayos na rin kami sa ibaba,” paalam nito bago tumango kay Rod.
Inihatid niya lang ng tanaw ang papalayong binata. Bigla siyang nakaramdam ng awa rito. Samakatuwid, pawang pagtatago lang pala ng kalungkutan ang nasa likod ng pagtawa nito.
“Mahal niya pa siguro talaga ang dati niyang nobya. Hindi biro ang walong taon,” bulong niya.
“Ano’ng sabi mo?” kunot-noong tanong ni Rod.
“Ah, wala. May naalala lang ako,” kaila niya saka tumalikod para baybayin ang daan palabas ng bahay.
Hindi niya malaman kung bakit bigla siyang nalungkot at naapektuhan ng alalahanin na mayroon na palang nagmamay-ari ng puso ni Timothy. Humugot siya ng hininga saka pilit ipinagwalang-bahala ang nagsusumiksik na alalahanin sa puso niya.