BUMILIS ang tahip ng dibdib ni Amarantha nang marinig ang pamilyar na boses ni Timothy mula sa kanyang likuran. Pakiramdam niya ay tumigil ang mundo niya lalo na nang makumpirmang ang binata nga ang naroon pagharap niya.
“Ikaw?” aniya, sa tonong disgusto. Marahas siyang bumuga ng hangin at hinamig ang sarili. ‘Diyos ko, bakit ba nagkita na naman kami?’ anang isip niya saka humakbang palayo sa lalaki. Hindi niya dapat hayaang makita nitong natitibag ang pader na itinayo niya sa pagitan nila. Pilit niyang binalikan ang ginawa nito noong una silang magkita para muling umakyat ang inis niya para rito.
“Hello again, Mara.” Sinundan siya nito at walang pasintabing kinuha ang bitbit niyang mga bag.
Tila ba nakapagkit na sa mukha nito ang pagkakangiti. Hindi nga lang niya sigurado kung nang-aasar ba o sinsero.
Agad niyang nasamyo ang panlalaking pabango at natural nitong amoy nang makalapit ito sa kanya. Pakiramdam niya ay lalabas ang puso niya mula sa kanyang dibdib dahil sa lakas ng pintig. Lalo pang dumoble ang pag-arangkada ng t***k ng puso niya nang pagbaling niya rito ay mistula itong nasa isang pelikula at nag-i-slow motion habang isinusukbit ang bag.
‘Bakit ba ang guwapo mo?’ tanong ng isip niya. Mas guwapo talaga ang lalaki sa malapitan... at ang bango-bango! Ang sarap amoy-amuyin!
Tumikhim ito habang amused na nakatingin sa nakaawang niyang labi. Para siyang nagising mula sa panaginip at kaagad siyang nakaramdam ng pag-iinit ng pisngi.
“You should refrain from doing that. I might think that you’re inviting me to kiss you!” tudyo nito habang nakaangat ang gilid ng labi nito at amused na nakatitig sa kanya.
Muli na namang rumagasa ang dugo sa ulo niya hindi dahil sa pagkahiya ngunit dahil sa pagbanas!
‘Pogi sana, nuknukan naman ng yabang!’ sa isip-isip niya. Dagli tuloy nawala ang muling paghanga niya para rito at kagyat na bumalik ang pagkasura niya sa binata. Umismid siya rito saka nagbilang para kontrolin ang sarili. “Pondong yabang! At ano’ng akala niya sa sarili niya, si Adonis? Kapal talaga!” nakalabi at inis na inis na bulong niya… na naisatinig paala niya at narinig ng binata.
“I’m sorry kung iyon ang dating sa iyo ng biro ko. I’m just stating a fact. Just be careful. Maganda kang babae. Don’t let your guard down,” paumanhin nito na halatang sinsero, pero nababanas pa rin siya rito at iyon ang nangingibabaw na emosyon niya para rito.
“Hindi kita kilala at hindi ako nakikipagbiruan. Akin na ‘yang bag ko!” mataray niyang anas sabay hila sa gamit niya na bitbit nito pati na ang nakasukbit sa likod nito.
“Hey, chill!” Itinaas nito ang dalawang kamay na para bang sumusuko. “Gusto lang kitang tulungan, that’s it. If you want, I’ll keep my mouth shut. Let’s just look for Kuya Dante and Ate Del,” anito bago muling kinuha sa kanya ang mga bag at nagpatiuna nang maglakad.
Hindi na siya nakipag-argumento pa at sumunod na lang dito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang dulot na emosyon sa kanya ng lalaki. Naiinis siya pero may pinong pagkahalina rin naman sa puso niya, lalo sa pagkakataong ito na sinsero naman ang ipinapakitang pagtulong sa kanya.
Nabalot sila ng katahimikan maliban sa manaka-nakang pagtatanong ni Timothy sa mga tauhan ng bahay habang hinahanap ang mag-asawang Dante at Delilah.
“Mara!” tawag ni Rod mula sa may sala.
Tumigil siya sa paglalakad at nakangiti itong hinarap.
“Kumusta? Ako nga pala si Rod,” baling nito sa nakakunot-noo na si Timothy.
“Tim,” malamig na sagot ng binata.
“Kanina pa kita hinahanap.” Muling humarap sa kanya si Rod habang habol ang hininga.
“Dumiretso kasi kayo sa loob, eh, tiningnan pa namin ang Bulkang Taal kaya tumigil kami sa may parking,” paliwanag niya rito.
“Ganoon ba? Sige, kapag wala nang fog, sasamahan na lang kita.” Matamis ang pagkakangiti ng binata sa kanya. Mabuti pa ito, mukhang gentleman at hindi mayabang.
Malakas na tumikhim si Timothy para istorbohin ang pagtititigan nila ni Rod.
“Ay, pare, ako na lang ang magbibitbit ng—” Naputol ang pagprisinta ni Rod nang magsalita si Timothy.
“Hindi naman mabigat ang mga bags. I will just look for Kuya Dante and Ate Del. Ako na lang ang magdadala nito sa kuwarto n’yo ng lola mo,” may halong inis na sambit ni Timothy. Ni hindi man lang siya nito hinayaan na magsalita at sa halip ay humakbang na palayo sa kanila ni Rod.
“Hay! Ano’n problema ng lalaking ‘yon?” nabubuwisit na sambit niya habang inihahatid ng tanaw ang papalayong binata.
“Kilala mo siya?” tanong ni Rod.
Nagpakawala siya ng hininga bago tumango.
“Mimiya na lang tayo mag-usap, Rod. Aayusin ko lang ang mga gamit namin ni Lola Charito, ha,” paalam niya rito.
Mabilis siyang tumakbo at sinundan si Timothy bago pa man makatango si Rod. Nang mapansin siya ni Timothy na humahabol ay kusa itong tumigil at hinintay siya.
“Ano ba’ng problema mo, ha? Bigla mo na lang akong iniwan!” banas niyang reklamo rito.
“Mukha kasing nagliligawan kayo sa harapan ko, kaya umalis na lang ako. Baka makaistorbo pa ako,” matigas na wika nito saka sinalubong ang mata niya.
At papatalo ba siya rito? Nunca!
“Eh, ano naman kung manligaw ‘yong tao kung sakali? Ano’ng pakialam mo?” mataray niyang sagot habang nakataas ang mga kilay niya. Kung puwede lang maglabas ng apoy ang mata at ilong niya, siguradong kanina pa ito tusta!
“Sa bahay ka magpaligaw, hindi rito,” sagot nito, hindi pa rin inaalis ang titig sa kanya.
“Bakit ba nangingialam ka, ha? Binuhat mo lang ang gamit ko, kung kumilos ka para bang ang laki na ng utang na loob ko sa iyo! Akin na nga ‘yan!” Pinilit niya muling kuhanin ang mga bag niya pero iniiwas ito ni Timothy.
Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang lakas ng loob niyang sumagot ng ganoon. Hindi naman siya likas na nataray pero sa lalaking kaharap, ang bilis talagang kumulo ng dugo niya.
Bumuntong-hininga ang binata bago muling humarap sa kanya. This time, mala-anghel muli ang mga mata nito, wala na ang pagkaasar sa mukha.
“I’m sorry if I offended you. Nabigla lang ako,” paumanhin nito. “Tutulungan na lang kitang hanapin sina Kuya Dante,” anito bago muling humakbang.
‘Ang moody! Daig pa si Lola Agusta!’ naisip niya bago sumunod sa binata.
Nang makita nila si Delilah ay agad sila nitong iginiya sa nakatokang kuwarto para kay Lola Charito sa second floor. Ang bawat kuwarto sa second floor ng facility ay mayroong labindalawang pang-isahang kama. Sa kasamaang palad ay isang kama na lamang ang bakante sa kuwarto at punuan na ang iba pang kuwarto sa first at second floor. Ang tanging bakante na lamang ay ang dalawang pang-dalawahang kuwarto sa third floor kung saan naroon din ang kuwarto ng ilang facilitators at ng banda.
“Okay lang, Ate Del. Tatabi na lang ako sa lola ko. Isang gabi lang naman, eh,” nakangiting wika niya.
“Hindi rin kasi namin inaasahan na maraming pupunta ngayon. Pati nga kuwarto ng mga bata, ipinagamit na rin namin at sa kuwarto na lang namin matutulog mamaya,” paumanhin ni Delilah.
“Why don’t you stay on the third floor instead? Hayaan mo na lang si Lola Cha na matulog dito. I’m sure hindi siya magiging comfortable kung dalawa kayo sa kama,” saad ni Timothy na kababakasan na ng pagkainip.
“Salamat.” Kinuha niya rito ang mga bag at pumunta sa entrada ng kuwarto.
“Sigurado ka, Mara? Mayroon pang bakante sa itaas. May kasama ka rin naman sa kuwarto roon,” paniniguro ni Delilah saka inilagay ang blanket na kinuha nito sa drawer na katabi ng kamang nakatoka kay Lola Charito.
Nginitian niya ito saka umiling.
“Hindi ko rin naman pupuwedeng iwan si Lola Charito. Kahit pa sa sahig ako matulog, wala namang problema’t sanay naman din ako sa papag matulog.”
“Sige, ikaw ang bahala,” wika ni Delilah saka tiningnan ang relong pambisig. “Maiwan ko muna kayo. Kapag narinig n’yo ‘yong bell, eh, bumaba na kayo para sa pananghalian,” anito bago siya iniwan.
Umupo siya sa kama samantalang nanatiling nakasandal sa hamba ng pintuan si Timothy habang nakamata sa kanya at pinapanood ang bawat galaw niya. Pilit niyang itinuon ang atensyon sa ginagawang pag-aayos ng gamit nila ng lola niya, kahit pa nga nagreregodon ang dibdib niya dahil lang sa presensya ng binata.
“Don’t be so tensed. Ako lang ito. Bakit ba parang ninenerbiyos ka? Hindi naman ako kumakain ng tao,” wika nito, mahina ngunit sapat na para marinig niya.
Muling nagpanting ang tainga niya. Nakakamangha lang na sa tuwing bubuka ang bibig nito, pakiramdam niya ay puro kayabangan ang lumalabas na salita roon.
“At sino naman ang may sabi sa iyo na ninenerbyos ako, aber? Saka bakit naman ako matatakot sa iyo? Sino ka ba sa tingin mo?” mataray niyang sagot.
Pagalit siyang tumingin dito saka ito inirapan nang mahuling nakangisi ito. Lalo tuloy siyang naasar dahil parang sinasadya talaga nitong galitin siya. Ipinikit niya ang mga mata at pinilit na magtimpi.
“Puwedeng sagutin ‘yong tanong mo, if it’s okay with you?” tanong nito habang ang mga mata nito ay animo nagsasayaw sa galak nang muli niyang tingnan.
Kulang na lang ay patayin niya ito sa tingin. Gigil na gigil na talaga siya sa ka-preskuhan nito. Inirapan niya ito at ibinalik ang atensyon sa ginagawa... at por Dios por santo, ano nga ba itong ginawa niya? Inilipat lang niya ang mga gamit na inilabas niya mula sa isang bag papunta sa isa pang bag imbis na ilagay sa cabinet na katabi ng kamang kinauupuan. Agad siyang pinamulahanan ng pisngi at napalunok sa pagkapahiya.
“Exactly!” wika nito na napansin ang hitsura niya, pagkuwa’y unti-unting humakbang palapit sa kanya.
Mag-aangat na sana siya ng mukha nang bigla siyang natigilan. Naramdaman kasi niyang nakalapit na ito sa kanya. Malapit na malapit! Hindi niya alam kung bakit, pero pakiramdam niya ay pinangangapusan siya ng hininga dahil sa presensya nito.
“This is how you unpack...” umpisa nito saka dumukwang at kinuha ang kamay niya.
Para siyang na-electric shock! Agad niyang binawi ang mga kamay mula sa pagkakahawak nito ngunit mabilis nitong muling ginagap ang palad niya at iginiya sa ginawa bago nagpatuloy ng pagsasalita. “You unzip the bag...”
Sa pagkakataong iyon ay nanginginig na ang kamay niya at hindi niya na malaman kung gaano kabilis ang t***k ng puso niya! “Take the clothes out of... the bag...”
Nanunukso ang bawat pagbitaw nito ng salita at mistula naman siyang kandila na unti-unting nauupos sa ginagawa ng lalaki. “Then, put the clothes inside the cabinet,” anito na iginiya ang kamay niyang ipasok ang mga damit sa loob ng cabinet. “And voila! You’re done!” pagtatapos nito saka pa lang siya nito binitiwan.
Bigla siyang natauhan. Pakiramdam niya kanina ay na-hipnotismo siya kaya ‘di niya agad nabawi ang pagkakagagap nito sa kamay niya.
Napakunot-noo pa siya nang mapansin ang ginawang pagdistansya nito sa kanya. Pagbaling niya rito ay tila may nakita siyang kakaibang apoy sa mata nito kaya maagap itong umiwas ng tingin sa kanya. Napadako rin ang mata niya sa nakakuyom nitong kamao na tila ba nagpipigil ng kung ano. Humugot ito nang malalim na hininga saka lumunok.
Binalot sila ng katahimikan hanggang sa marinig na nila ang bell.
Walang kibuan silang magkapanabay na bumaba papunta sa dining area. Walang pagsadlan ang ngiti ni Lola Charito nang makita sila na magkasama.
“Nagkausap na kayo?” tila kinikilig na tanong ng matanda pagkaalis ni Timothy matapos magmano rito.
Nanlaki ang mata niya at agad na namula dahil medyo may kalakasan ang boses ng abuela niya at ilan sa mga katabi nila ay kiming napangiti kaya alam niyang narinig ng mga ito ang tanong ng lola niya.
“Lola, kumain na nga lang po kayo,” iwas niya sa panunukso ng matanda. Humirit na naman kasi ito at kulang na lang talaga ay lumubog siya sa kinauupuan niya.
“Bakit naman? Naku, nakikini-kinita ko na ang magiging apo ko sa tuhod!” bulalas nito na kahit mahina ay naging dahilan para mapatawa ang ilan sa katabi nila at nanunuksong tumingin sa kanya.
“Lola!” Pinandilatan niya ito saka napailing. “Kumain na nga lang po tayo,” nahihiyang wika niya saka itinuon ang atensyon sa pagkain.
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Kahit pa nga nakakahiya ang ginawa ni Lola Charito, may dala pa rin iyong kilig sa puso niya. Naninibago siya dahil hindi niya kailanman naramdaman ang ganoong klaseng sensasyon kay Ador.
Palihim siyang sumulyap sa direksyon ng binata at napasinghap siya nang magtagpo ang mata nila. Mataman itong nakatitig sa kanya at ni hindi man lang binawi ang tingin nang mahuli siya. Muli, nagkumahog na naman sa pagtahip ang dibdib niya!
Huminga siya nang malalim at ikinondisyon ang sarili na mainis sa binata. Pinalitan niya ang ekspresyon ng disgusto at pagkunot ng noo saka ito inirapan at bumalik sa pagkain.
Ramdam na ramdam niya ang init ng pisngi niya! ‘Buwisit ‘tong lalaking ito!’ sigaw ng isip niya.