TANGAN ni Timothy ang crumpled letter na itinapon kanina ni Amarantha. Hindi pa rin siya makapaniwala sa ginawang pang-iiwan ni Lola Charito sa sarililng apo. He really felt sorry for Amarantha and he totally understood if she felt betrayed by her own grandmother. Kung hindi niya siguro nabasa at nakausap ang matanda, marahil, maging siya ay hindi ito maiintindihan.
“I’m sure, you’ll take care of Mara. I trust you, Tim,” wika ng matanda matapos niya itong tawagan at siguraduhin na maayos lang sila ng dalaga, maliban sa biglaan nilang pag-stay sa Fortress in the Sky dahil sa malakas na buhos ng ulan.
“Of course, Lola Cha. I’ll protect her with my life,” birong-totoo niya.
“Thank you, Timothy,” magiliw na anas nito.
“Ah? Lola, I found your note—” Hindi na niya natapos pa ang sasabihin dahil pinutol na siya ng matanda.
“Oh, really. I was actually talking about you, Timothy. Please make it happen,” may halong pakiusap ang tono nito.
“What do you mean, Lola Cha?” naguguluhang tanong niya.
Narinig niya ang pagpapakawala nito ng hininga bago muling nagsalita. “Just take care of her, okay? Thank you,” tanging wika nito without expounding into details.
“Sige po. ‘Wag po kayong mag-alala. Kayo rin po, mag-iingat diyan,” aniya.
Ibababa na sana niya ang telepono nang marinig na may sasabihin pa ito. “Wait, Tim!”
“Yes, Lola. May ibibilin pa po ba kayo?” tanong niya na muling inilapit ang phone sa tainga niya.
“Give my kisses to her,” pakli nito at hindi na siya hinayaang makasagot pa.
He literally gasped by what Lola Charito just said. Napanganga na lang siya at wala sa loob na napa-wow! She was one hell of a grandma!
PABALING-BALING si Amarantha sa ibabaw ng kama at ‘di dalawin ng antok. Paano ba naman siya aantukin kung pilit ginugugulo ng binata ang diwa niya? Nagsusumiksik sa utak niya ang ginawang paghalik nito sa kanya. Bakit bigla yata siyang nagbago? Bakit hinayaan niyang halikan siya nito nang ganoon na lang, eh, ni hindi nga ito nag-sorry sa kanya? Dapat ay umuusok na ang bumbunan niya sa galit? Pero bakit hindi niya iyon makapa sa puso niya? Tanging mabilis na pagtahip ng dibdib niya ang nararamdaman niya kapag naiisip niya ito.
Bumangon siya at lumapit sa may bintana. Mahina na ang patak ng ulan. Napabuntong-hininga siya. Ilang linggo pa lang mula nang lumuwas siya ng Maynila pero para bang mas marami siyang bagay na kinamulatan doon kaysa sa tagong lugar niya sa Kalayaan. Kahit kailan, ‘di sumagap sa isip niyang sasama siya sa isang lalaking ‘di niya lubos na kakilala, lalo na ang matulog sa iisang bubong na tanging silang dalawa lamang. At higit sa lahat, hayaan itong nakawin ang unang halik niya!
Paniguradong kurot sa singit ang aabutin niya kung sakaling malaman ito ng mga lola niya sa probinsya.
‘Dapat kasi sinampal mo siya kanina!’ sisi niya sa sarili.
Napabuntong-hininga siya at muling naglakad pabalik sa kama ngunit napatigil siya sa tapat ng pinto nang maulinigan niya ang boses ni Timothy sa ibaba. Tumingin siya sa relo na nasa loob ng silid, alas-dos ng madaling araw.
Idinikit niya ang tainga sa pinto. Tila ba may kausap ito sa telepono, kaso, hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
Umandar ang pagiging tsismosa niya. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Napangiti siya nang matanaw si Timothy. Pinaghalong Ian Veneracion at George Clooney ng sikat na palabas na ER, ang tingin niya sa hitsura nito. Sabi nga ng lola niya ay may halo raw Kastila ang pamilya nito kaya ganoon ka-guwapo. Pakiramdam niya ay may humaplos sa kanina ay nagreregodon niyang puso habang nakatitig sa nakangiting binata.
“I missed you too, baby. I’ll come back maybe after a couple of weeks, okay?” wika nito sa kausap na nagpamaang sa kanya. Pakiramdam niya ay itinulos siya sa kinatatayuan niya at labis na pinanlamigan ang buong katawan niya. Tila may kutsilyong tumusok sa dibdib niya. Malamang, ang dating nobya siguro nito ang kausap, sino pa nga ba?
‘Huwag kang maging tangengot, Mara. Huwag kang magpadala sa tamis ng dila at guwapong hitsura! Sasaktan ka lang niyan!’ saway niya sa sarili.
Halata naman na mahal pa rin nito ang dating nobya kaya bakit ba siya umaasa na ang binata ay seryoso sa kanya. Porque nagpapasaring? Porque nahalikan siya? Isa pa, ‘di ba’t nagbabakasyon lang ito sa Pilipinas? Masakit umasa. Magmumukha lang siyang tanga at magiging kaawa-awa sa bandang huli. Kapag nagkaganoon, baka tuluyan na siyang sumunod sa yapak ng dalawang abuela niya sa Kalayaan at maniwalang wala talagang forever.
“Don’t worry, I’ll definitely be there before your birthday, I promise. I love you!” patuloy nito.
Suko na siya. Hindi na niya kayang makinig pa. Ipininid niya ang pinto at saka naglakad pabalik sa kama at humiga. Lahat ng nararamdaman niya ay bago sa kanya at gusto niyang maiyak dahil wala man lang siyang mapagsabihan o mapagtanungan. Kung nandoon lang sana si Estella, eh, ‘di sana ay may kakampi siya at mahihingahan ng sama ng loob.
***
NAGISING si Amarantha sa sunud-sunod na katok. Lumapit siya sa may pintuan pero hindi niya iyon binuksan.
“Timothy?” naninigurong tanong niya.
“Good morning! Halika, breakfast na tayo,” yaya nito.
“M-Mauna ka na. Magbibihis lang ako,” sagot niya saka pumunta ng banyo.
Agad niyang kinapa ang nakasampay na damit sa bath tub. Mamasa-masa pa ang mga ito. Naghilamos at nagsipilyo muna siya bago lumabas ng silid.
Nakaupo na sa hapag si Timothy nang madatnan niya.
“Hi, beautiful,” nakangiting bati nito, inalalayan pa siyang umupo sa tapat nito.
“Salamat,” aniya pagkaupo.
Ipinangako niyang kokontrolin niya ang emosyon at hindi magpapadala sa kabaitan nito. Muli niyang ilalagay ang pader sa pagitan nila para naman maramdaman nito na hindi siya katulad ng ibang babae na puwede nitong gawing pampalipas-oras lang. Suwerte nga nito at ito ang naunang lalaking nakahalik sa kanya, eh!
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” may pag-aalalang tanong nito. Sasapuhin sana nito ang noo niya pero mabilis siyang umiwas.
“A-Ayos lang ako,” aniya saka sinalubong ang mata nito sa seryosong tingin. “Ahm, pupuwede ko bang mahiram ang plantsa? Hindi ko kasi makita sa loob ng kuwarto, eh. Saka puwede bang mas maaga tayong bumiyahe pa-Maynila? Nag-aalala na kasi ako kay Lola Charito, eh. Tutal, mahina na naman ang ulan at kita na ang daan. Puwede na siguro tayong umuwi, ‘di ba?” mahabang litanya niya saka ibinaling ang atensyon sa pagkuha ng pagkain.
Kumunot ang noo nito, hindi sa mga sinabi niya, kundi dahil sa tono ng pananalita niya. Halatang-halata ang lamig at pagiging defensive niya.
“Ayaw mo na bang ipasyal kita?” pagsasatinig nito.
Umiling siya, ni hindi sinalubong ang tingin nito. “Salamat na lang, pero mas gusto kong umuwi kaysa mamasyal,” diretsong sagot niya.
Narinig niya ang paglapag nito sa kubyertos, dahilan para mapabaling siya rito.
“Dahil ba ito sa ginawa kong paghalik sa iyo—”
“K-Kalimutan mo na iyon,” putol niya sa sasabihin nito.
Agad niyang iwinaksi ang kamay nito nang hawakan siya ng binata.
“Umagang-umaga, ayokong makipagbangayan sa iyo.”
“C’mon, Mara. Let’s talk. Naiilang ka ba dahil sa ginawa ko kagabi?” pamimilit nito.
Uminom siya ng kape, tumingin dito, at mapait na ngumiti. “Naiilang, oo. Probinsyana ako at laki sa dalawang matandang dalagang lola. Magkaiba ang pinanggalingan natin, kaya’t huwag mo akong pilitin na pag-usapan ang bagay na ni sa hinagap ay hindi ko inakalang gagawin ko sa isang taong hindi ko naman kakilala.”
Nagpakawala ito ng hininga bago nagsalita. “Do you want me to apologize sa ginawa ko kagabi? For the record, I am not sorry that I kissed you but I’m sorry kung hinalikan kita without asking your permission… I was caught off-guard and… my God! That made me wanted you more. Alam mo ba iyon?”
“Kahit ihatid mo na lang ako sa Bahay-Kalinga, nakikiusap ako,” nagpipigil sa inis na sambit niya. Ibinaba niya ang hawak na kutsara at tinidor saka bumilang ng sampu para hindi lumabas ang katarayan niya.
Bumuntong-hininga ito saka tumikhim bago sumagot. “All right, then. We’ll leave after two hours. Just finish your food. I’ll arrange our check-out and we’ll be off. Ayusin mo na rin ang mga gamit mo,” anito bago nagpatuloy sa pagkain.
Wala silang kibuan, kahit alam niyang hindi nito inaalis ang tingin sa kanya. Siya na ang nagprisintang maghugas ng pinagkainan nila para na rin makapag-ayos ito ng gamit. Ibinigay rin nito sa kanya ang plantsa na hinihiram niya kanina.
Makalipas ang isang oras ay may kumatok sa pintuan. Siya na ang nagbukas dahil nasa kuwarto si Timothy at nagbibihis. Isang matandang babae ang napagbuksan niya. Ito yata si Manang Pesang na tinutukoy ni Timothy.
“Hi, how are you feeling now, hija?” agad nitong tanong. “Ay, nabanggit nga pala sa akin ng nobyo mo na nagta-Tagalog ka. Ako si Manang Pesang, ang nagma-manage nitong Fortress in the Sky. Inaapoy ka ng lagnat nang dumating kayo ng nobyo mo kahapon,” pakilala at kuwento nito saka tuluyang pumasok sa loob ng bahay nang luwangan niya ang pagkakabukas ng pintuan.
“H-Hindi po kami—” Naputol ang pagtatama niya rito nang magsalita si Timothy mula sa itaas ng hagdanan.
“Manang Pesang, good morning po,” bati ni Timothy.
Ngumiti ang matanda saka nagpasalit-salit ang tingin sa kanila ni Timothy. “Good morning din. Dito na kayo mananghalian bago kayo bumiyaheng Maynila,” anyaya nito.
“Pasensya na po, Manang Pesang. Kailangan na po kasi talaga namin na makaluwas,” tanggi ng binata.
“Ah, ganoon ba? O, eh, basta’t kapag napadpad kayo rito sa Tagaytay, eh, dumaan kayo rito, ha? Paano, maiwan ko na kayo at may gagawin pa ako, eh,” wika nito kay Timothy, at pagkuwa’y bumaling sa kanya. “Pagkasuwerte mo sa nobyo mo, hija. Napakabait,” bulong nito bago tuluyang lumabas ng bahay.
Saglit niya lang tiningnan ang binata na noon ay nagliligpit naman sa kusina. Napabuntong-hininga siya. Talaga namang masuwerte ang babae na itinatangi ng binata. Ang problema lang, hindi siya ang babaeng iyon.
Wala silang kibuan ni Timothy sa sasakyan mula nang umalis sila sa Tagaytay ng pasado alas-diez ng umaga hanggang sa makarating sila sa traffic ng Maynila ng katanghaliang-tapat. Tinawagan ni Timothy ang lola niya at tinanong ang eksaktong address nila. Ilang beses din silang naligaw at nagtanong-tanong. Palibhasa ay hindi rin pamilyar ang binata sa pasikut-sikot sa Maynila.
“Ayon na ang bahay ni Lola Charito. Iyong may pulang gate,” wika niya nang makita na ang bahay nila.
Itinigil ng binata ang sasakyan sa mismong tapat ng bahay nila saka sumilip. Naroon sa garden ang Lola Charito niya kasama ang sa palagay niya ay si Rita.
“S-Salamat,” aniya saka binuksan ang pinto ng kotse.
“Mara—” pagpigil sana ni Timothy ngunit isinara na niya ang pinto pag-ibis niya.
“Bumaba ka na muna, Timothy, at nang makakain,” yaya ng matanda nang buksan ang gate.
Lumabas din ito ng sasakyan at nagmano sa matanda.
“Salamat po, Lola Cha. I need to return the car to Greg before his shift ends,” magalang na tanggi ng binata.
But Lola Charito would not take no for an answer. Sinundo nito ang lalaki, pinababa ng sasakyan, at iniangkla ang kamay sa braso ng binata saka nagpaakay sa loob ng bahay. Wala nang nagawa pa si Timothy kundi pumasok na rin.
Nilapitan ni Amarantha si Rita at nakipagkilala. Iyon ang unang beses na nakita niya nang personal ang dalagita. Pagkuwa’y sumunod na rin sila sa loob.
Tinulungan niyang maghain si Rita bago tinawag ang dalawa. Wala siyang imik at nanatili lang na nakikinig sa mga nagkukuwentuhan. Mayamaya pa ay tumunog ang telepono ng binata. Nagpaumanhin ito na sasagutin ang tawag saka lumabas.
“Bakit ba nananahimik ka riyan, Mara? Masama pa ba ang pakiramdam mo? Namumutla ka, eh,” tanong ng matanda na may himig pag-aalala.
“Nahapo lang po sa biyahe, ‘la. Saka, hindi ko pa nalilimutan ang ginawa ninyo. Mimiya na lang po tayo mag-usap,” aniya bago bahagyang tumingin sa labas.
“Bagay kayo ni Kuya Tim!” kinikilig na tukso ni Rita.
“Manahimik ka nga riyan. Batang ito. Kung anu-ano sinasabi,” mataray niyang sagot. “Magpapahinga na po ako, ‘la. Rita, iwan mo na lang ang mga plato sa lababo. Ako na ang maghuhugas mimiya,” paalam niya. Hindi na niya tinapos pa ang pagkain. Inilagay niya ang pinagkainan sa lababo saka umakyat na sa silid niya.
“Naku, itong batang ito, pagkataray! Pagpasensyahan mo na, Rita, at may dinaramdam,” paumanhin ni Lola Charito.
“Okay lang po, Lola Cha,” nakakaintinding sagot ng dalagita saka sinundan ng tingin ang papalayong dalaga.
Pagdating sa silid ay nagpalit na siya ng pambahay. Nagpakawala siya ng hininga, nahiga sa kama at ipinikit ang mata. Mabillis siyang dinalaw ng antok dahil na rin sa pagod at sama ng pakiramdam.