PUPUNGAS-PUNGAS si Amarantha nang magising. Mabigat pa rin ang ulo niya. Wala na ang ginaw at panginginig ng katawan niya, bagama’t medyo masakit pa rin ang katawan niya.
Madilim ang silid kung saan siya naroon. Ang huli niyang naalala ay nasa Picnic Grove sila ni Timothy nang biglang bumuhos ang ulan. Ipinikit niya nang mariin ang mata, at pagkuwa’y iginala ang paningin at sinanay ang mata sa dilim. Medyo malabo sa gunita niya, ngunit parang naaalala niya na nasa banyo siya at parang may kausap ang binata. Nalala rin niya nang inihiga siya ni Timothy sa kama at kinausap pa nga siya. Iyon nga lang, hindi niya maalala kung ano ang sinabi nito. Natatandaan niya ay nagpasalamat siya rito dahil kahit paano ay hindi siya nito pinabayaan.
Napatigagal siya nang maramdaman na naka-roba lang siya at walang suot na kahit na ano sa loob! Agad siyang napatayo at kamuntik pang madapa sa pagmamadaling makapa sa kadiliman ang switch ng ilaw. Ngunit dahil hindi niya alam kung nasaan ang switch ay nagtungo na lang siya sa tanging liwanag na nanggagaling sa awang ng pintuan. Pipihitin na sana niya ang door knob nang kusa itong bumukas.
Halos mapasigaw siya sa gulat dahil muntik pa siyang mapasubsob sa tila pader na dibdib ni Timothy. Mabuti na lamang at napatukod kaagad ang kamay niya.
Napataas siya ng tingin. Mabilis na umakyat ang pamumula sa kanyang mukha nang ma-realized niya na nakahawak siya sa h***d na dibdib ng lalaki. Nanlaki ang mata niya at napalunok bago mabilis na binawi ang kamay at tinangkang dumistansya rito. Mabuti na lamang at mabilis ang reflexes ng binata dahil kung hindi nito agad nahawakan ang baywang niya ay marahil natumba na siya... hindi dahil sa kabiglaan kundi dahil sa sensasyong hatid ng binata sa sistema niya. Ang makinis at maskuladong dibdib nito ay tila bumuhay ng kakaibang damdamin sa kanya, damdamin na tila nagdulot ng init sa buong katawan niya na ngayon lang niya naramdaman. At ano ba ang mayroon sa amoy nito? Bakit tila nahihipnostismo siya palagi sa tuwing naaamoy niya ang binata? Tila droga na nakaka-adik at alak na nakakalasing!
Umangat ang gilid ng labi nito bago isinara ang zipper ng suot na jacket at binati siya. “Hi, beautiful!”
Sa mapusyaw na ilaw na nagmumula sa ibabang bahagi ng bahay ay aninag niya ang guwapong mukha ng binata na may impit na ngiti na tila lalong nagpa-pogi rito.
Marahan siya nitong inalalayan na matayo nang maayos bago siya binitiwan. Pagdaka’y kinapa nito ang switch ng ilaw upang magliwanag ang silid.
Agad niyang pinagsalikop ang kamay niya sa dibdib na hindi nalingid sa lalaki nang salubungin nito ang nagtatanong niyang tingin.
Malakas na tawa ang pinakawalan nito bago nagsalita. “Hey, don’t get me wrong. I really like you… a lot! And when I mean ‘really like you,’ I meant I’m so damn serious about you! I’ll be honest with you, though. You are one hell of a tease… I’m sure that you’re one hell of a woman worthy of respect. Huwag kang mag-alala. I asked someone to change your clothes. Otherwise, you’ll be at the hospital by now,” buong tapat nitong wika.
Pinakatitigan niya ang binata at pinakiramdaman kung seryoso nga ba ito sa mga sinabi nito. Bumuntong-hininga siya saka tumango habang mahigpit pa ring hawak ang robang suot.
“S-Salamat,” sinserong sagot niya. “A-Anong oras na ba? Parang sobrang dilim naman yata sa labas?” tanong niya, at pagkuwa’y ibinaling ang paningin sa labas.
“Mag-e-eight na. Ito ang pinakamalapit na puwede nating pagpahingahan. Hindi na kasi makita ang daan pabalik ng Bahay-Kalinga kanina dahil sa ulan at fog. Hinayaan na rin kitang matulog at makapahinga para medyo gumaan ang pakiramdam mo,” pahayag ng binata.
“Nakupo! Si Lola Cha—” Nanlaki ang mata niya nang maalala ang abuela na agad na sinalo ni Timothy.
“Don’t worry. Nakatawag na ako sa kanya. Hindi ko nga lang sinabi na nilagnat ka para hindi siya mag-alala. I just told her na inabutan tayo ng malakas na ulan at delikado ang magbiyahe,” paliwanag nito. Iginiya siya nito pababa ng hagdan bago muling nag-usisa. “Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“Medyo mabuti na kumpara kanina. Salamat nga pala,” sagot niya sa medyo paos na boses.
“Sit down at ikukuha lang kita ng bowl and spoon. Masarap iyan, tinikman ko kanina. Maigi ‘yang sabaw para pagpawisan ka,” wika nito.
Naupo siya at pinagmasdan ang ginagawa ng binata. Naninibago siya sa nararamdaman niya para rito. Bakit hindi ganito ang naramdaman niya noon kay Ador kahit pa nga hindi hamak na mas matagal na niyang kakilala ang huli samantalang si Timothy ay ilang linggo pa lang mula nang una niyang makita? Ang isipin na iyon ay naghatid sa kanya ng kagyat na pangamba dahil hindi pa niya lubusang kakilala ang binata pero ganito na agad ang nararamdaman niya para rito. Nahuhulog na yata ang loob niya rito at hindi niya alam kung ano ang nararapat gawin sa pagkakataong ganito. Kung narito lang sana si Estella, makakahingi sana siya rito ng payo kahit papaano.
Umupo ang binata sa harapan niya pagkahain bago nakangiting nagsalita. “Eat well.”
“Salamat,” sagot niya, at palibhasa’y gutom, hindi na siya nahiya pa.
Tahimik silang nagsalo bagamat kapwa panakaw na sumusulyap sa isa’t isa. Parang gustong tumalon ng puso niya sa tinging ipinupukol nito sa kanya. Kahit probinsyana siya, babae pa rin siya. May karapatan din naman siyang kumerengkeng kung gugustuhin niya. Ang kaso, paniguradong ipagkakanulo siya ng dalawang abuela niya sa probinsya!
“Take this.” Ibinigay ng binata sa kanya ang dalawang piraso ng paracetamol saka nagsalin ng tubig sa baso niya.
“Salamat,” pakli niya.
“You’ve been saying that the whole day. No need to thank me, okay? Kapag boyfriend mo na ako, it’ll be my responsibility to take care of you.”
Halos masamid siya habang umiinom ng tubig pagkarinig sa sinabi ng binata. Pinunasan niya ang bibig niya saka kunot-noong tumingin dito.
“Ganyan ka ba talagang magsalita? Sobra talagang direkta?”
“Sometimes,” nakangising sagot nito saka kumindat.
“Minsan?” patanong niyang sambit saka umiling at bumuntong-hininga.
“Hey, what’s that for?” Ito naman ang kumunot-noo.
“Wala,” ismid niya saka tumayo at nag-imis ng plato.
Hinawakan nito ang kamay niya at pinigilan siyang magligpit ng pinagkainan nila.
“Stay seated. Magtitimpla lang ako ng coffee,” anito saka tinapos ang pagliligpit ng mga plato sa lamesa.
Nagpatianod na lang siya at hinintay ang lalaki na bigyan siya ng kape. Marahil, ang iba ay hindi makakatulog kapag nagkape sa gabi, ngunit siya, palibhasa’y nasanay sa probinsya na umiinom ng kapeng barako bago matulog ay hindi na tinatablan ng caffeine effect noon.
Awtomatikong sumilay ang ngiti niya nang maamoy ang aroma ng kapeng inihahanda ni Timothy. Bakit nga naman hindi, eh, alam niyang kapeng barako ang inihahanda nito.
“I just heated this up. Si Manang Pesang ang nagbigay niyan kanina, kaso tulog ka pa—”
Hindi na niya pinatapos pa ng sasabihin ang binata. Mabilis niyang kinuha mula sa kamay nito ang tangan nitong mug ng kape at sinamyo ang amoy no’n. Mistula siyang bumalik sa probinsya dahil sa aromang taglay ng kapeng barako. Hinipan niya ito saka marahang humigop.
“Satisfied?” nakangiting untag ni Timothy sa kanya, tila ba siyang-siya sa hitsura niya.
Ginantihan niya ng ngiti ang binata saka tumango bilang pagsang-ayon.
“I knew it! I’ll buy you packs of kapeng barako—”
“May tanim kaming mga kape sa bahay,” natatawang sambit niya.
“Well, then, you could keep it at Lola Cha’s house—”
“Sa tingin mo, ‘di ako nagdala ng sandamakmak na kape pagluwas ko rito?” iiling-iling niyang putol sa sinasabi nito.
Bahagya itong lumabi habang siya naman ay panay ang ginawang pagsimsim sa kape.
“Well, I insist,” pilit nito saka kumindat sa kanya.
“Tigil-tigilan mo nga ako ng kakaganyan mo. Nakakailang, eh!” angil niya saka tumayo at muling nagsalin ng kape sa baso niya.
“Wala kang balak matulog, ano? Well, ready akong makipagkuwentuhan sa you whole night,” biro nito sa kanya.
“Huwag kang mag-alala, sanay ako sa kape. Mas inaantok nga ako kapag nagkape ako sa gabi, eh,” aniya.
“That’s bad news for me. I wanted to talk to you all evening pa naman. I want to know you better,” sambit nito.
“Hindi ako sanay magpuyat. Sa probinsya kasi, alas-siete pa lang ng gabi ay madilim na. Pinakagabi kong tulog ay alas-nueve na. Pero…” Napatigil siya nang mapansin na medyo napapadaldal na siya dahil sa pagkalumbaba ng binata.
“Hey, don’t stop. I love listening to you,” reklamo ni Timothy, mistulang bata sa hitsura nitong nakalabi.
“Hindi interesante ang buhay ko. Sayang lang ang oras mo,” diretsang wika niya saka sinimsim ang kape at tumayo.
“I wanna know you more, Mara. You don’t have to say a word. I’ll figure it out myself,” sambit nito saka siya hinawakan sa kamay nang akmang magliligpit siya.
“Ano ba talagang gusto mo, ha? Nagpapasalamat ako dahil sa ginawa mo, pero hindi iyon nangangahulugan na—”
“Ikaw nga’ng gusto ko. Mahirap bang intindihin iyon?” sambit ng lalaki bago nagpakawala ng malalim na hininga at nagpatuloy. “Look, just… just give me a chance. I don’t know how it happened but you got me the moment I met you.”
“Halata nga, eh, ‘no? Kaya pala binangga mo ako at hindi mo man lang ako inisip tulungan,” sarkastikong anas niya.
“Okay, not exactly the moment I met you but the moment I laid my eyes on you. Besides, that was an accident, okay? I was rushing to see your lola,” aniya na bahagyang nagpalambot sa ekspresyon nito.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Hindi naglipat-saglit ay naalala niyang nakaroba lamang pala siya at wala ni isang pirasong damit sa loob, kaya’t napilitan siyang tanungin ang binata.
“Ahm, nasaan nga pala ‘yong... ahm...” Hindi niya napigilan ang sariling hindi mamula. Paano ay hindi naman talaga siya kumportable na itanong dito ang mga panloob niyang damit. Sadyang nakakahiya! Hindi niya tuloy malaman kung paano itutuloy ang sasabihin. Bigla siyang nagsisi kung bakit pa niya naisipang magtanong.
“Nakasampay sa banyo ang mga damit natin. Don’t worry. May mga damit naman akong malinis. You can use those. Mahirap na kasing maghanap ng mabibilhan ng damit dahil sa ulan,” pahayag ng binata.
Nanlaki ang mata niya at lalong nag-init ang mukha niya sa hiya. ‘Diyos ko, nakakahiya! Pati panty at b*a ko, eh, nakita niya!’ sigaw ng isip niya.
Natatawang hinawakan ng binata ang kamay niya na ikinapitlag niya.
“You’re like a cotton candy that could melt any moment!” wika nito sa pinakasinserong paraan. “I have a pure intention, Mara. Sana maramdaman mo iyon. I wanna know you more and I will do that whether you like it or not.”
Yumuko siya at muling napalunok. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot sa binata.
“Alam ko, nabibilisan ka sa nangyayari. Believe me, ganoon din ako,” umpisa ng binata.
“A-Ano nga pala ang sabi ni Lola Charito?” pag-iiba niya sa usapan. Muli siyang umupo at umiwas ng tingin dito.
Humugot ito ng hininga bago sumagot. “Ingatan daw kita,” tugon nito saka kumindat sa kanya na ikinalundag ng puso niya! “See, I wanna show you around but with this weather and your situation, mukhang malabo. I hope okay na ang panahon bukas,” patuloy nito bago nagsimulang magligpit. “Just sit down there and let me treat you like a princess, okay?”
Wala na siyang nagawa kundi hayaan na lamang ang lalaki sa gusto nito. ‘Eh, ‘di hayaang magpakitang gilas. Pihadong hindi naman nito ginagawa sa kanila ang gumawa sa kusina,’ bulong ng isip niya habang pinagmamasdan ang nakatalikod na binata.
Ngayon pa lang ay dapat na niyang pigilan ang sariling mananghili sa binata. Hindi niya hahayaang masaktan lalo’t alam naman niyang mayroon pa itong pag-ibig sa dating kasintahan. Iniiwas niya ang tingin sa lalaki at bumaling sa labas ng bintana kung saan tanaw ang pagpatak ng ulan sa labas dahil sa ilaw na galing siguro sa garahe.
Pagkatapos maghugas ng plato ay niyaya siya ni Timothy sa may sala. Naroon sa may sofa ang ilang damit nito na iniahon nito mula sa overnight bag nito na naroon sa lapag.
Kumuha ito ng itim na T-shirt, jogging pants at jacket saka ibinigay sa kanya. “Ito na lang ang isuot mo pangtulog. Paplantsahin ko na lang iyong mga damit natin sa banyo para matuyo—” anito na agad niyang pinutol.
“A-Ako na lang ang magpaplantsa ng damit ko,” namumulang sambit niya saka alanganing tinanggap ang mga damit na iniabot nito sa kanya. “A-Aakyat na ako,” dugtong niya bago nagmamadaling pumihit at pumanhik sa hagdan.
“Sleep well, beautiful. I’ll be here downstairs if you need anything,” pahabol ng binata.
Wala sa loob siyang napatigil sa pag-akyat saka ito nilingon at nginitian. “Salamat sa araw na ito, Tim,” aniya bago tuluyang umakyat.
Gumanti ito ng ngiti sa kanya bago alanganing sumunod sa kanya. Bago pa man niya maisara ang pinto ng kuwarto ay hinila siya nito sa braso at bigla siyang dinampian ng halik sa noo na ikinagulat niya!
“That’s from your lola. She told me to give it to you,” buong tamis na sambit ng binata.
“Ha?” Hindi pa siya nakakahuma sa gulat ay agad siya nitong kinabig at hinalikan sa labi! Hindi niya alam kung ano ang susundin sa pagkakataong iyon. Ang utak niya ay nagwawala at inuutusan siyang itulak ito at sampalin ngunit ang puso niya ay sumasaliwa. Unang beses niyang mahalikan at ‘di niya alam kung ano ang nararapat gawin sa tagpong iyon. Pakiramdam niya ay bigla siyang ipinasok sa loob ng pugon dahil sa init ng nadarama.
Naipikit din niya ang kanyang mga mata nang wala sa loob at pinakiramdaman ang ekpertong galaw ng labi ng binata. Tila lalong sinilaban ultimo kalamnan niya dahil sa init na hatid ng hininga ng binata at pakiramdam niya ay mabubuwal siya anumang oras dahil sa panlalambot ng tuhod niya.
“I-I think, I should stop,” bulong ni Timothy sa punong-tainga niya na naghatid ng bolta-boltaheng kuryente na lumukob sa buong sistema niya sa unang pagkakataon!
Nanatili siyang nakapikit kahit pa nang binitawan na siya ng binata, marahil ay dahil sa halu-halong emosyon na nararamdaman niya—hiya, init, at tuwa! Ganito pala ang pakiramdam ng unang halik!
Unti-unti niyang iminulat ang mga mata para lang salubungin ng mapungay na titig ng binata.
“I’m not sorry for what I did, Mara. I can’t help myself not to do that!” Nagtiim-bagang ito saka humugot nang malalim na hininga. “Get inside the room before I forget how to control myself,” anito bago mabilis na tumalikod at bumaba ng hagdan.
Mabilis siyang sumunod. Agad niyang isinara at ini-lock ang pinto ng kuwarto saka sumandal sa likod noon bago hinaplos ang namimintig na labi. Bigla siyang nakaramdam ng ibayong init sa katawan kahit pa nga ang lamig-lamig sa kuwarto! Hay, bakit ba kasi hinayaan niya ito na halikan siya ng gano’n-gano’n lang? Ano na lang ang iisipin nito sa kanya? Na madali lang siya nitong makukuha?
‘Walendyo ka, Mara! Kung danga’t sinampal mo, eh, ‘di wala ka sanang pinoproblema ngayon!’ usal ng isip niya saka kinagat ang pang-ibabang labi. Kahit paano naman ay hindi niya maitatatwa na nasiyahan siya sa nangyari. Pigil siyang napangiti sa sarili saka muling dinama ang labi. Kerengkeng!