CONFIDENT na ngumiti si Timothy kay Amarantha ngunit malamig na tingin ang ipinukol ng dalaga sa kanya. Agad niyang itinaas ang kanyang mga kamay bilang pagsuko bago nagsalita.
“Okay, baka awayin mo na naman ako, ha.”
Blangko ang ekspresyon ng dalaga, bagamat napansin niya ang makailang beses na paglunok nito at paghugot ng hininga. Hindi niya tuloy alam kung dapat pang ipagpatuloy ang gusto niyang sabihin dito o ipang-ibang araw na lamang niya.
Looking at Amarantha now, he knew he made the right decision. Perhaps, she could really help him forget Nina and move on with his life once and for all. It was really strange dahil tila nabawasan ang sakit na dala ng panlolokong ginawa sa kanya ni Nina. Not totally gone, but at least, he already accepted the fact that it’s an end between the two of them. Iyon naman ang importante, eh, ang matanggap niya na hindi anghel ang babaeng minahal niya noon at kailangan nang tuldukan ang istorya nila.
‘Ito na ba ang tinatawag nilang moving on? What if, she’s just my rebound? It’s unfair to her… but I’ll never know if I’ll never try,’ anas ng isip niya.
“Bakit ka nga pala narito?” untag at usisa ng dalaga saka humakbang pababa ng hagdan.
“Lola Cha told me na nandito ka... saka sa kabilang hallway lang ang room ko,” paliwanag niya.
Sinundan nito ng tingin ang itinuro niyang silid bago tumango at nagpatuloy sa paglalakad.
“Sige, goodnight,” paalam nito at mabilis na nagpatuloy sa pagbaba ng hagdan na para ba siyang iniiwasan.
Sinundan niya ito saka nagsalita. “I’m not sleepy yet.”
“Hindi ka talaga aantukin kung magdadadaldal ka pa imbis na nakahiga ka na sa kama,” pilosopong wika ng dalaga.
“Teka nga, tinatarayan mo na naman ba ako?” Kagyat niyang hinawakan ang braso ng dalaga para tumigil ito sa paglalakad nang narating na nila ang second floor.
Humarap ito sa kanya at kaswal na ngumiti. “Pasensya na, gento talaga ako. Bakit ba kasi ako nang ako ang gusto mong kausapin samantalang ang dami—”
“Masama ba kung ikaw ang gustuhin ko? Hindi pa ba obvious na gusto kita?” putol niya sa sinasabi ng dalaga.
Biglang napawi ang ngiti nito at napalitan ng animo’y inis. Bakit tila may hinanakit siyang nababanaag sa hitsura nito?
“Hindi mo alam iyang sinasabi mo. Pakiusap lang, humanap ka na lang ng ibang aabalahin,” mariing saad nito bago matuling pumanaog pababa ng first floor.
Tila siya tuod na napako sa kinatatayuan niya pagkarinig sa sinabi nito. Bakit ganoon na lang ang pakitungo nito sa kanya gayong ayos naman sila kanina bago ang concert? Hindi ba’t dapat ay mas okay sila ngayon dahil kahit paano ay nagkasarilinan sila kanina sa attic at nagkakuwentuhan?
Nagpakawala siya ng hangin sa dibdib bago napailing. Isa lang ang naiisip niyang dahilan. ‘Women!’
***
KUNG nakakahiwa lang ang tingin ni Amarantha, kanina pa bumagsak si Timothy sa harap niya! Probinsyana siya pero hindi tanga. O, baka naman mali lang ang pagkaintindi niya at siya lang ang nagbibigay ng maling interpretasyon sa narinig niya kanina? Ganoon ba talaga makipag-usap ang mga taga-Maynila at taga-ibang bansa? Maging siya ay nalilito sa sarili. Naiinis siya pero kinikilig rin naman sa isang banda.
Sa totoo lang, bukod sa una nilang engkuwentro ay naging maayos naman ang pakikitungo nito sa kanya, kaya’t hindi niya malaman kung bakit ganoon na lang siya kabanas dito. Kumibo’t dili ay nabubuwisit siya sa asta at sinasabi nito. Nadagdagan pa ang inis niya sa narinig kanina at napalitan ng pigil na ligaya nang magtapat ito! Siyempre, tao lang siya at may pakiramdamam! Ikaw ba naman, sabihan na gusto ka ng isang lalaking nuknukan ng guwapo, hindi ka ba kikiligin?
Tuloy, hindi niya iniinda ang medyo pagbigat ng ulo dahil sa saya. Bumuga siya ng hangin, pagkuwa’y suminghot, saka muling marahang bumiling ng higa dahil baka magising ang katabi niyang si Lola Charito. Madaling-araw na pero hindi pa rin siya makatulog! Mayamaya ay nabura ang ngiti sa labi niya at halos bumuga ng apoy ang ilong niya sa biglang naisip.
‘Aba! Ang lakas ng loob ng hinayupak na magsabi na gusto ako! At ano ang tingin niya sa akin? Pampalipas-oras dahil wala rito ang babaeng iyon? Ang haliparot na lalaki at gusto pa akong biktimahin! Nunca! Ang lakas ng loob!’
***
PAGSAPIT ng alas-siete ng umaga ay umalingawngaw ang bell. Medyo masama pa rin ang pakiramdam ni Amarantha na lalo yatang nadagdagan dahil sa puyat.
Tinapos lang niya ang pag-eempake saka sumunod sa dining area. Tahimik siyang umupo sa tabi ng Lola Charito niya habang nakikinig sa mga kuwento ng iba pang matatanda.
Pagkatapos ng agahan, nagpaalam na ang ilang grupo na bibiyahe pabalik sa kani-kanilang mga lugar. Ang grupo nila marahil ang huling aalis sapagkat ang bus na lang nila ang naroroon at ilang maliit na sasakyan. Magpapaiwan naman sila ni Lola Charito dahil sa pangako nitong ipapasyal siya ng abuela sa Tagaytay.
Magpapaalam na sana siya sa mga ka-grupo ng lola niya nang utusan siya nito na bumalik sa kuwarto.
“Hija, pakikuha nga ng jacket ko. Naiwan ko yata sa kama natin,” anito habang nasa harap sila ng pintuan ng bus.
“Wala po akong nakita sa kama kanina, lola. Inayos ko nga po ‘yong kobre-kama bago ako bumaba, eh,” kunot-noong wika niya habang inaalala ang pag-aayos ng gamit kanina.
“Pumanhik ulit ako kanina kasi nalimutan ko sa drawer ang reading glasses ko. Sige na, apo, at nagiginaw na ako. Aakyat na muna ako rito sa bus,” taboy nito sa kanya.
“Sa loob po kaya kayo maghintay at nang hindi kayo masyadong malamigan.” May kung anong pagdududang bumundol sa dibdib niya dahil sa iginagawi ng abuela.
“Dito na ako maghihintay, tutal ay idadaan naman nila tayo sa Picnic Grove,” dahilan nito.
“O, sige po. Saglit lang po,” sagot niya.
Nakasalubong niya si Rod bitbit ang ilang bag palabas ng facility. Sasamahan sana siya nito ngunit tumanggi siya dahil nagmamadali na rin siya at nakakahiya na sila pa ang hintayin ng bus. Tumango na lamang ito at nagpatuloy na lumabas ng bahay samantalang siya ay mabilis na pumasok muli sa loob.
Awtomatikong lumukot ang mukha niya pagkakita sa makakasalubong niya. Kung bakit naman kasi sa dinami-rami ng puwedeng makita sa umagang iyon ay si Timothy pa talaga ang makakasalubong niya, at tukso pa talagang bagong paligo ang damuho.
Mabilis itong lumapit sa kanya nang magpanagpo sila sa punong hagdan. “Na-miss mo ako kaagad?” biro nito.
Inismiran niya ito at sa halip na patulan ang biro ng binata ay nilampasan niya ito at nagpatuloy sa pagpanhik patungo sa inukopang kuwarto nila ng abuela.
Halos baligtarin na niya ang buong kuwarto ngunit hindi pa rin niya mahanap ang jacket ng matanda. Ilang minuto pa ang pinalipas niya saka siya tumigil sa paghahanap. Baka nasa bag na nga iyon at nawaglit lang sa isip ni Lola Charito.
“Are you avoiding me?” pangungulit ni Timothy na sumunod pala sa kanya at hinintay siyang lumabas ng kuwarto.
Nanatili siyang tahimik habang pumapanaog subalit ang ilong niya ay namimiyesta sa mabangong amoy ng binata. Humahalimuyak kasi ang pinaghalong sabon, shampoo, at shaving cream na ginamit nito. Pinigil niya ang mapasinghap at baka mapahiya siya rito.
Nanatili lang itong nakabuntot sa kanya hanggang sa tuluyan nilang marating ang ibaba. “Mara...” tawag nito.
Bumuntong-hininga siya bago humarap dito.
“Bakit ba? Ikaw, umagang-umaga—”
“Your bus left,” anito habang nagtatakang muling bumaling sa kanya. “Where’s Lola Cha?”
Awtomatikong lumingon siya at mabilis pa sa alas-kuwatro na tinakbo niya ang labas at hinanap ang abuela. Halos mahigit niya ang kanyang hininga nang makita ang shoulder bag niya sa front porch kung saan nakapatong ang isang nakatiklop na papel. Buong pagtataka niya iyong binuksan. Hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman ng mga sandaling iyon habang binabasa ang sulat ng matanda…
My dear Amarantha,
I’ll go ahead. Don’t worry about me. Rita will be with me tonight. Remember my prediction? Hindi ko ‘yon nalimutan. Enjoy your day or even two... I won’t mind.
Love,
Lola Charito
Nagpupuyos sa inis na kinuyumos niya ang papel at itinapon sa kung saan. Sinong matinong lola ang mang-iiwan sa apo niya na alam niyang wala namang kakilala sa lugar na iyon?
Naalala niya si Dante. Agad niyang dinampot ang bag niya at akmang papasok ng bahay nang pigilin siya ni Timothy.
“Kanina pa ako nagsasalita rito. ‘Di mo man lang ako sinasagot,” nagtatakang wika nito.
“Pasensya na. Kailangan ko lang puntahan si Kuya Dante.” Iwinaksi niya ang kamay nito at humakbang papasok.
“Bakit ka iniwan ni Lola Cha?” may pag-aalalang tanong nito habang nakasunod sa kanya.
Nagpatuloy lang siya sa paglalakad at inignora ang binata. Masyadong magulo ang utak niya para pakiharapan ang binata.
“Wait, Mara,” muling pigil nito sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay hinila na siya nito sa braso at iniharap. “Sumabay ka na lang sa amin paluwas ng Maynila. Tutal, doon din naman ang biyahe namin,” alok nito.
Tatanggi sana siya nang dumating sina Julianne at ang buong banda mula sa Sala de Abuelos.
“Good morning, Mara! You’re still here?” nakangiting bati nito bago tumingin sa labas. “Oh, where’s your bus?” nagtatakang tanong nito, at pagkuwa’y tumingin kay Timothy bago muling ibinaling ang tingin sa kanya. “Naiwan ka?” naninigurong tanong ng dalaga.
Alanganin siyang tumango. Konti na lang ay iiyak na siya sa pinaghalo-halong emosyon. Galit sa ginawa ng abuela, hiya sa mga kaharap niya, at takot dahil hindi siya pamilyar sa lugar na iyon, bagamat alam naman niyang hindi naman siya pababayaan doon. Naroon din sa dibdib ang pag-aalala sa kalagayan ng abuela kahit pa nga nasabi nitong makakasama naman nito si Rita.
Mabilis siyang dinaluhan ni Julianne at niyakap.
“Poor li’l lass! Don’t worry. If you want, ihahatid ka na lang namin.”
“Ako na lang ang maghahatid sa kanya, tutal ako lang naman mag-isa sa kotse,” prisinta ni Julius na noon ay marahang ibinaba ang dala-dalang keyboard habang ngingisi-ngisi kay Timothy.
“N-Nakakahiya naman. Baka nakakaabala ako sa inyo,” alanganing anas niya habang nakatingin kay Julianne na noon ay nakaakbay sa kanya.
“Hon, why don’t you lend your car to Tim and let him drive her, then kay kuya tayo sumabay?” suhestiyon ni Julianne na ikinalukot ng mukha ni Julius.
Wala siyang mabasang ekspresyon sa mukha ni Timothy. Hinayaan nitong ang mga kabanda ang magdesisyon. Sa huli ay ang suggestion ni Julianne ang napagpilian.
“Don’t worry, sweetie. Harmless ‘yang si Timothy. And besides, I’m sure, pinakamagiging comfortable ka sa kanya kaysa sa amin, ‘di ba?” paniniguro ni Julianne.
Lingid sa kaharap, mas tatanggapin pa niya na manahimik sa loob ng dalawang oras na biyahe kaysa atakihin sa puso dahil sa nerbyos kasama si Timothy. Ang presensya ng lalaking ito ang magdadala sa kanya sa hukay kapag nagkataon.
“Wala namang problema kahit kanino ako sumabay. Nagpapasalamat pa nga ako—” Naputol ang sasabihin niya nang magsalita si Julius.
“See? Let me take her then!” giit nito.
“Hindi rin naman siguro siya kumakain ng tao, Julianne, ‘di ba?” Pinilit niyang mawala ang nginig sa boses niya.
“Well, honestly, I trust Timothy more than my brother when it comes to women,” matapat na sagot nito bago nakangiting humarap sa nakasimangot na kapatid. “No offense, kuya, but that’s the truth.”
“Yeah, yeah!” disappointed na anas ni Julius na ikinatawa ng mga naroon.
Inihagis ni Greg ang susi ng kotse kay Timothy saka kumindat sa kaibigan.
“Take care of our baby, Tim. Walang galos, ha!” anito na ang tinutukoy ay ang sasakyan.
Nakangiting sumaludo ang binata rito saka bumaling sa kanya. Umiwas siya ng tingin at tipid na ngumiti sa mga kaharap kahit na mahiya mo binabayo ang dibdib niya sa kaba.
Makaraan silang magpaalam sa mag-asawang Dante at Delilah na nabigla rin nang malaman na naiwan siya, ay nagpaalam na rin ang miyembro ng banda sa kanila ni Timothy.
Nang tuluyan nang makalabas ng gate ng facility ang sasakyan ng buong banda ay humarap sa kanya si Timothy na may pang-unawa. Nanatili lang itong tahimik saka siya iginiya sa sasakyan. Maginoo siya nitong ipinagbukas ng pinto at nang nasa loob na siya ay dumukwang sa harap niya. Hindi niya malaman kung paanong himbak ang nangyari sa puso niya na para bang panandalian nawala sa dibdib niya! She could smell his male scent while his face was just an inch away from hers! Halos pigil niya ang paghinga lalo na nang tapunan siya nito ng sinsero at matamis na ngiti.
‘Huwag mong gawin sa akin ito!’ anas ng isip niya at saka mabilis na nag-iwas ng tingin sa binata dahil muli na naman siyang pinamulahan ng mukha.
“There you go,” anito pagka-clamp ng seatbelt niya bago muling tumayo at isinara ang pinto.
Iyon na yata ang pinakamatagal na minuto ng buhay niya. How could this man give her intense chill yet it felt like she was burning inside?
“Okay ka lang ba?” tanong ni Timothy nang hindi siya kumibo sa tanong nito dahil masyadong okupado nang kung anu-anong bagay ang utak niya sa mga sandaling iyon.
“A-Ano iyon?” Nilingon niya ito.
“Sabi ko, kung gusto mo, tutal nandito na rin lang tayo sa Tagaytay, it will be my pleasure showing you around,” ulit nito sa sinabi kanina.
“Salamat na lang. Pero mas gusto ko sanang makauwi na lang kaagad. Isa pa, nakakahiya naman sa iyo. Natarayan na nga kita pero ikaw pa ang tumulong sa akin,” pag-amin niya.
“Ang cute mo ‘pag namumula ka. Your freckles perfectly complement your blushing cheeks,” nakangiting anas nito na walang halong kahit na anong pang-aasar. Saglit siya nitong tiningnan bago muling ibinaling ang atensyon sa kalsada.
“Pasensya ka na nga pala sa inasal ko kanina. Hindi rin kasi ako sanay makisalamuha—”
“No need to explain. You have your reasons and I respect that,” putol nito sa pagpapaliwanag niya.
Ilang sandali pa ay iniliko nito ang sasakyan. ‘Picnic Grove,’ basa niya sa pangalan ng park na pinasukan nila. Doon sana siya ipapasyal ng abuela niya kung ‘di nga lang siya inutakan! Muli tuloy namuo ang inis niya sa matanda.
“Teka, bakit—”
“Let’s just stay here for a while para naman hindi masayang ang pagpunta mo rito sa Tagaytay,” agad nitong paliwanag