"Eliz, anong ginagawa mo pa rito? Hindi ka pa ba makatulog?" rinig kong saad ni Esme. Liningon ko siya habang hawak ang journal ko.
Kakatapos ko lang magsulat ng mga naaalala kong detalye sa akin. Pati na rin ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw at gabi. Ang mga pangyayaring patuloy pa ring bumabagabag sa akin.
Umupo siya sa tabi ko.
"Medyo inaantok na nga rin ako eh," saad ko habang nahikab.
"Oh, halika na. Matulog na tayo," pag-aya niya. Hindi na muna ako sumagot. Ayaw ko pang pumasok sana sa loob ng aking kwarto dahil may iniiwasan ako.
Bumuntong-hininga ako.
"Bakit?" tanong niya nang makita ang hitsura ko.
"Binabagabag ako ng isang nilalang," pahayag ko. Kumunot ang noo niya.
"Ito na naman ba 'yung palagi mong nakikita tuwing binabangungot ka?" tanong niya. Nakwento ko na pala iyon sa kanya. At siguro, ilang beses ko na itong nabanggit sa kanya at nakakalimutan ko lang.
"Eh hindi naman ako binabangungot n'on. Totoong gising ako," depensa ko. Bumuntong-hininga siya.
"Palagi mo naman 'yang kwinekwento sa'kin. Nasa kwarto mo na nga rin ako natutulog, pero ni isang beses, wala akong nakitang nilalang na sinasabi mo," saad naman niya sa'kin. Hindi pa rin niya ako pinaniniwalaan. Sigurado akong baka iniisip niyang isa 'to sa mga ilusyon ko. Tumingin ako sa kalawakan.
"Nako, Eliz. Sana naman ay hindi ka nakukulam o minamaligno, o nasasapian ng masamang espiritu!" mahina niyang saad. Napairap ako dahil sa mga akusasyon niya.
Hanggang ngayon ba'y magpapaniwala pa rin siya sa mga gan'yang masasamang elemento?
"Basta, totoo ang sinasabi ko Esme. Hindi naman kita pinipilit na maniwala sa'kin, lalo pa't 'di mo naman nakikita kung anong nakikita ko. Pero sana, 'wag mo naman akong pag-isipan ng mga masasamang dahilan. Baka iniisip mong nababaliw na ako, hindi ako baliw." saad ko sa kanya saka napagdesisyunang mauna na sa aking kwarto.
Ilang araw na akong binabagabag ng pagdating ng nilalang na iyon. Halos sa kalagitnaan ng gabi, sa tuwing ako'y nagigising, ay nakikita ko siya. Wala naman siyang ginagawang masama sa'kin, sa katunayan pa nga'y parang estatwa lang siya at tila binabantayan niya ako. Ni isang beses ay hindi ko rin pinagtangkaang gumalaw o komprontahin ang nilalang na iyon. Dahil inaamin ko na sa tuwing nand'yan siya, nararamdaman ko ang napakalakas at nakakatakot niyang presensya.
Pero ngayon, naiisip ko na baka ito na ang panahon para komprontahin ang nilalang na iyon. Baka sakaling mapaalis ko siya, para na rin makatulog na akong nang mahimbing at matiwasay.
Naghahanda na ako sa pagtulog nang dumating si Esmeralda sa aking kwarto. Hindi ko na muna siya pinansin at gan'on din siya nang maramdamang gusto ko na munang mapag-isa. Pumasok na siya sa kanyang kwarto at sa tingin ko ay natulog na rin siya.
Ilang oras siguro ang lumipas at hindi pa rin ako makatulog. Palipat-lipat ako ng maayos na pwesto at kung saan ako komportable, ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok.
Hanggang sa ilang sandali ay unti-unti na akong nahulog sa pagkatulog.
Nagising ako bigla sa hindi malamang dahilan. Naalimpungatan ako't tiningnan ang paligid upang makiramdam.
Nakita ko na naman!
Nandito na naman siya sa gilid ko.
Napabalikwas ako't bumangon na nang tuluyan mula sa pagkakahiga ko.
Nakita ko naman na medyo umatras pa ang nilalang, mukhang nagulat yata ito dahil sa paggising ko.
"Sino ka ba!?" saad ko saka walang takot na lumapit para tuluyan na siyang makaharap.
Sinubukan ko siyang hawakan ngunit nagulat ako nang makaramdam ng kakaibang lamig na parang yelo. Para tuloy akong napaso kaya mabilis ko rin itong binitawan.
Napa-atras naman ako nang maramdaman ang pagkahilo, tila umiikot siya at wari ko'y aalis na siya.
Hindi ako nagsayang ng pagkakataon, agad kong hinawakan ang isang parte ng katawan niya kahit pa alam kong maaari akong mapahamak at kahit pa'y mapaso ako. Dahilan para hindi siya makatakas sa akin, tumigil siya at hindi tuluyang nakaalis.
Nagulat ako nang makitang maging solido at mag-anyong kamay ng tao ang hawak ko.
Ha, tao siya?
Napansin ko na nakatingin siya sa kamay niyang hawak ko.
Dahan-dahan ko ring tiningnan ang kanyang hitsura. Pero napapaligiran at natatakpan ito ng kanyang buhok na hanggang leeg. Ang balat niya ay napakaputi at medyo maputla. Matangkad din siya, sa tingin ko ay hanggang balikat niya lang ako.
"H-hindi ka pwedeng umalis," nauutal kong banta. Tumungo naman siya sa akin.
Saka ko pa lang nakita ang kanyang mga mata na sobra ang pagka-itim, nakakakilabot at tila lalamunin ka nito.
"Sino ka para utusan ako?" Malalim ang kanyang pagkakasaad. Mas lalo tuloy akong natakot.
"A-ano bang ginagawa mo rito, s-sino ka!?" saad ko pa.
Sinubukan niyang pumiglas mula sa pagkakahawak ko kaya naman ay tumilapon ako sa harap niya.
Hala, aalis na siya!
Mabilis akong tumayo at hinawakan ang dulo ng kanyang tela. At ang susunod na mga nangyari ay kakaiba at mabilis.
Biglang dumilim ang aking paningin, nakaramdam ako ng matinding pagkahilo na para akong sumakay sa isang ride.
Ilang sandali ay dumilat ako at nakita ang sarili sa isang bahay-kubo. Mahigpit pa rin akong nakahawak sakanyang damit.
Napasinghap ako nang mapagtantong nasa ibang lugar na kami.
P-paano iyon nangyari!?
"Nasaan tayo?" saad ko sa kanya. Mabilis namang lumingon ang nilalang na kasama ko dahilan para makita ko ang kanyang hitsura.
Sa ilang sandali ay napatitig ako sakanya.
Hindi ko naman inaakala na may hitsura pala ang isang 'to. Ngunit isa lang ang sigurado ako.
Hindi siya tao.
"Paano mo ako nasundan?" mahina nitong saad, pero narinig ko pa rin.
Sasagot pa sana ako nang narinig kong may tumunog.
Napatingin siya sa kanyang pulsuhan, tila parang isang hudyat para sa kung ano man. Hinayaan na niya ako at nagmadali akong iwan.
"H-hoy! Huwag mo akong iwan!" mahina kong saad. Natatakot akong baka may makarinig sa akin.
Dumiretso siya sa isang silid at mabilis naman akong sumunod. Nang tumigil siya ay napatigil na rin ako.
Nakita ko ang isang matandang lalaki na mukhang mahimbing nang natutulog.
Ang nilalang na kasama ko ay nasa gilid ng banig na tinutulugan ng may-ari ng bahay na ito, habang ako nama'y nasa may pintuan.
Ano bang ginagawa niya? Isa ba siyang multo, at trip niyang titigan ang mga tao sa kanilang pagtulog hanggang sa magising ang mga ito?
Napatigil ako sa pag-iisip ng mga dahilan nang makita ko ang mga kamay niya na naglalabas ng itim na usok. Dahil doon ay nakaramdam ako ng matinding kilabot.
Totoo ba itong nakikita ko?
Unti-unting umaangat ang isang parang puting usok na nagmumula sa katawan ng matandang lalaking natutulog. Parang isa itong kaluluwa.
Napuno ng pangamba at pag-agam-agam ang aking isip. Ano ba itong mga natutunghayan ko? Nananaginip lang ba ako?
Natapos ang ang pag-higop ng itim na usok na mula sa kamay niya, sa puting usok na nagmumula sa matandang lalaki.
Binuksan niyang muli ang kanyang mga palad. Ang puting usok ay unti-unting naging humulma na parang isang katawan ng matandang lalaki.
Soul? Isa ba iyang kaluluwa? Kaluluwa nung matandang lalaki?
P-paano…
Hindi ako makapaniwala sa aking mga nakikita, na hanggang ngayon ay nakabuka ang aking bibig.
Tumayo ang kaluluwa ng matandang lalaki sa harap ng naka-itim na nilalang. Nakatingin sila sa isa't-isa na tila nag-uusap. Ngunit wala naman akong naririnig.
Napansin ko naman na bumaling nang kaunti ang matandang lalaki sa kinaroroonan ko kaya mabilis din akong nagtago sa gilid ng pintuan. Hingal na hingal ako at sinusubukan ko ring hindi muna huminga para wala silang marinig na kung ano.
Ilang sandali ay muli akong tumingin, at nakita ko ang isang portal ng liwanag. Naglalakad sila papunta roon, hanggang sa unti-unti na rin itong naglaho.
Dumilim nang muli. Naiwan naman akong mag-isa sa bahay na ito.
Nahaparap na lang muli ako sa labas ng pintuan. Hindi na ako nagtago dahil alam kong ako na lang ang mag-isa rito.
"Nananaginip ba ako? Sana magising na ako kung gan'on nga," mahina kong saad sa aking sarili habang mahina kong sinasampal ang aking pisngi. Baka sakaling magising na ako.
Pakiramdam ko'y ang bigat-bigat ng aking nararamdaman.
Nanghihina na naman ako...
Maya-maya ay napalingon ako sa may kwarto.
Hala! Mukhang babalik na naman ang liwanag!
Mabilis akong nagtago sa gilid at tiningnan kung anong mayroon sa portal na iyon.
Nakita ko ang nilalang na pabalik na rito. Dahan-dahan siyang tumungo sa aking kinaroroonan. Kaya naman ako napalunok. Mukhang nanganganib yata ang aking buhay.
Naglakad na siya papunta sa direksyon ko, at ako naman ay dahan-dahang humakbang paatras. Sa pagkakataong ito, hindi na ako nakapagtago at nakita na niya ako nang tuluyan.
Ano kayang gagawin niya sa akin? Itutulad din niya kaya ako sa ginawa niya sa matandang lalaking iyon?
Magiging isang kaluluwa na rin kaya ako?
"Huwag kang mag-alala, hindi ka pa mamamatay," bigla niyang saad habang papalapit sa akin. Napatigil naman ako habang may bahid ng pagkalito at pangamba.
"A-anong ibig mong sabihin?" mahina kong tanong. Napatingin naman ako sa katawan ng matandang lalaki na naroon pa pala.
Napaisip ako nang masama.
Hindi kaya p-patay na iyon? Napasinghap na lang ako sa iniisip ko.
Ngunit kahit gan'on ay pinilit ko pa ring umatras palayo sa kanya. Humakbang pa ako, hanggang sa wala na pala akong mahakbangan at naramdamang mahuhulog na ako sa kung saan.
Pumikit na lang ako at nawalan na ng balanse. Inaasahan ko na lang na matutumba ako at babagsak sa isang lapag o kung ano man ang nasa babagsakan ko.
Pero ilang segundo ay hindi ako nakaramdam ng sakit. Hindi ko rin naramdaman ang paglahulog.
Nang magtaka ako ay agad akong dumilat.
Nakita kong nakahawak na ang kanyang braso sa aking baywang dahilan para hindi ako mahulog.
Hindi ko naman inaasahan na ganito na ako kalapit sa nilalang na ito. Tila bumabalot ang itim na enerhiya sa paligid ko.
Nararamdaman ko na naman ito tuwing nakikita ko siya o malapit ako sa kanya. Ang pakiramdam nang nasa bingit ng kamatayan, nasa gitna ng kaligtasan at panganib.
Malakas ang kabog ng aking dibdib dahil para siyang estatwa, kanina pa kami na nasa ganitong posisyon. Hindi ko maunawaan kung bakit sobrang bilis ng t***k ng puso ko—dahil ba sa hindi ko kilala ang nilalang na ito, o dahil ba kanina pa siya nakatitig sa akin?
Dahil sa pagtitig niya, hindi ko na rin tuloy napigilang tingnan ang kanyang hitsura. Matagal ko nang gustong makita kung ano nga ba ang hitsura ng kanyang mukha.
Dahan-dahan kong hinawi ang iilang hibla ng kanyang itim na buhok na humaharang sa kanyang mukha. At tumambad sa akin ang maaamo niyang mukha.
Ang kanyang mga mata ay purong itim-nakakatakot at malalim, tila hihigupin ang iyong kaibuturan at malalaman ang lahat ng tungkol sa iyo. Ngunit namamangha ako dahil sa kabila ng mga itim niyang mata, mapupungay naman ang mga ito. Matangos ang kanyang ilong, at ang kanyang mga labi ay manipis at hindi maputla, hindi gaya ng inaasahan ko na kasing-kulay ng kanyang balat. Sa madaling salita, ang hitsura niya ay nalalapit na sa pagka-perpekto. Kaya sigurado akong hindi siya tao.
Hinila na niya ako at binitawan. Doon ako natauhan at sobrang nahiya dahil sa aking ginawa.
Labis akong nagtaka kung bakit ko nagawa ang bagay na iyon!? Mas lalo tuloy akong kinakabahan. Napapansin ko na ang butil ng pawis na nasa mukha ko. Pakiramdam ko'y nag-iinit ang aking mukha.
"Gan'yan ka ba ka-asusera, nais mo pang matunghayan ang aking hitsura?" Malalim ang boses niya. Napatulala ako dahil kinakausap na niya ako, ngunit hindi pa rin mawawala ang takot sa akin. Huminga ako nang malalim.
Nag-isip agad ako ng maaari kong tugon sakanya. A-ano kaya ang pwedeng palusot?
"Trip ko lang naman. M-matagal na kitang nakikita, tuwing gabi pa nga yata. At ni isang beses, hindi ko nakita ang wangis mo at kung ano bang pakay mo sa akin," nagtatapang-tapangan kong tugon sa kanya.
Nakita kong sumingkit ang kanyang mga mata. Tila hindi siya makapaniwala sa isinaad ko.
"Nababasa ko nga sa'yo na interesado ka sa akin," saad niya. Ako naman ngayon ang sumingkit.
"A-ang kapal mo!?" komento ko.
"Interesado ka dahil may suspetya kang hindi ako katulad mo na isang tao, hindi ba? Iyon ang aking ibig sabihin. Ano ba ang tinutukoy mo?" saad naman niya.
Aba, ba't parang ako pa ang napapahiya rito? Umirap na lang ako.
"So, ano ka nga ba kung hindi ka isang tao?" tanong ko para mailipat na sa ibang usapan.
Tiningnan niya muna ako bago siya tumugon.
Muli akong nakaramdam ng pangamba dahil sa mga mata niya.
Ano kaya ang meron sa likod ng mapanganib niyang mga mata?
"Anghel ng kamatayan." Malalim niyang saad na ikinatayo ng aking mga balahibo.