"Anghel ng kamatayan," bigkas niya. Sumingkit ang mga mata ko.
Maya-maya ay tumawa na rin ako.
Ano bang pinagsasabi ng lalaking 'to? Addict ba siya? Haha.
Saka ko lang napagtanto na maaari ngang nagsasabi siya ng totoo, dahil sa mga nangyayaring kakaiba pa lang ngayon. Isa pa, hindi naman siya mukhang nagbibiro dahil wala man lang reaksyon ang kanyang mukha.
"Wait, seryoso ka?" tanong ko. Nakatingin lang siya sa akin at hindi niya ito sinagot.
"Umuwi ka na, bago pa kita isama sa kabilang ibayo," malalim niyang saad. Tumindig tuloy ang aking mga balahibo.
"I-ito, naman. Hindi na mabiro?" mahina kong sabi sa kanya. Umayos na lang ako ng tindig at lumabas ng bahay na ito para hindi na ako mailang sa kanyang presensya.
Pagkalabas ko, saka pa lang ako nakahinga nang maluwag na para bang nabunutan ng tinik sa aking lalamunan.
Napahilamos ako sa aking mukha at sandaling lumingon sa aking likod. Ngunit napansing kong wala na yatang nilalang doon.
"Hay, nananaginip lang kaya ako? O baka naman ay naghahallucinate na naman? Urgh, Elizabeth magising ka na!" saad ko sa aking sarili.
Pagkatingin ko sa aking paligid, parang na-blanko na rin ang aking isip.
Teka, nasaan ba ako? Anong lugar 'to, at saka paano nga ba maka-balik sa aking kwarto?
Nakakainis, ngayon pa talaga kung kailan mag-isa na lang ulit ako. Bakit pa kasi ako sumama sa hindi ko naman kakilala? Ni hindi ko nga alam kung totoo ba talaga ang nilalang na iyon eh. Bumuntong-hininga na lang ako.
Mukhang maghihintay na lang ako na may makahanap sa akin dito.
Uupo na lang sana ako sa isang bench malapit sa pinto nang may bumungad sa harap ko.
Ang itim na usok na naman. Umiikot ito hanggang sa lumitaw ang nilalang na nakausap ko kani-kanina lang.
"Sinasabi ko na nga ba, nakalimutan mo na naman," bigkas niya. Napatulala na lang ako dahil hindi ko inaasahan na babalikan niya pa ako.
Akala ko ay mag-isa na lang ulit ako…
Nakatitig lang ako sa kanya.
Inilahad niya ang kanyang namumuting kamay sa harap ko. Kaya tiningnan ko siyang nagtataka.
"Ayaw mo bang umuwi?" saad naman niya. Saka ko lang napagtantong—oo nga, uuwi pala dapat ako.
Dahan-dahan ko namang hinawakan ang kamay niya dahil baka mapaso na naman ako.
Ngunit sa pagkakataong ito, na nahawakan ko nang muli ang kanyang kamay, hindi na ito kasing-lamig ng yelo na nakakapaso. Ang kanyang kamay ay mainit at nagbibigay ng kalmadong pagpapatunay na ligtas ako sa piling niya.
Hindi ko maintindihan sa puntong ito, kung ano bang dahilan ng pagkabilis ng t***k ng puso ko. Dahil ba sa nakakatakot na katauhan ng nilalang na ito o dahil sa magkahawak naming kamay?
Nang mahawakan ko na ang kamay niya, mabilis akong napakapit sa kanya dahil sa biglaang pagkahilo. Napapikit pa ako dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Pakiramdam ko'y masusuka na ako.
Nang tumigil na ang hilo ko, saka na ako dumilat. Pagtingin ko sa paligid, ay ramdam ko pa rin ang hilo. Ngunit nagitla ako nang mapagtantong nasa kwarto ko na ako.
"Huh, nagteleport ba tayo?" mahina kong tanong. Umiwas naman siya at binitawan ang kamay at balikat ko. Hindi ko naman pala napagtantong hindi pa pala kami nakakabitaw mula sa isa't-isa.
Marahil ay pareho kaming naiilang na ngayon—o ako lang?
Umayos ako ng tindig at nagpagpag ng aking pantulog para lang maging mukhang abala sa ibang bagay.
Napansin ko namang hindi pa rin siya umaalis, at kakaiba iyon dahil alam kong mailap siya.
Tumingin ako sa kanya. Nakasandal siya sa may bintana na bukas.
"Hindi ka pa ba aalis?" saad ko. Tumingin naman siya pabalik sa akin. Kahit walang emosyon ang makikita sa kanyang mukha, parang nauunawaan kong may bumabagabag sa kanya.
"Kataka-taka…" mahina niyang saad. Kumunot ang noo ko.
"Anong ibig mong sabihin?" tugon ko. Naiilang na naman ako dahil kanina pa niya ako tinitingnan. Umupo ako sa aking kama.
"Nakikita mo talaga ako?" malalim niyang saad.
"Eh? Hindi naman kita kakausapin kung hindi kita nakikita?" pilosopo kong tugon. Hindi naman siya sumagot. Parang iniisip niya pa rin ang tungkol sa bagay na iyon.
"Bakit? A-ano bang meron?" tanong ko nang maramdamang parang may mali.
"Bakit ko naman sasabihin sa'yo? Batid kong iniisip mo lang ang lahat ng ito bilang isang kathang-isip," masungit niyang saad sa akin. Sinamaan ko naman siya ng tingin.
"Anong gusto mong isipin ko? Na totoo ka? Ni hindi ko nga alam kung sino ka," saad ko sa kanya.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na isa akong anghel ng kamatayan? Isang patunay na sinundo ko ang isang kaluluwa na nakita mo kanina lang," Iyon na yata ang pinakamahabang linya na nasabi niya.
"Ang defensive mo naman kaagad," saad ko. Kumunot naman ang kanyang noo. Hindi niya siguro naintindihan.
"Oo na, sige. Isa ka nang Anghel ng kamatayan," sarkastiko kong saad. Tiningnan ko ang kanyang reaksyon, wala pa rin naman. Tila walang emosyon at buhay na dumadaloy sa nilalang na ito.
Iisipin ko na kawawa naman siya kung gan'on.
Ngunit sabagay, ang sabi nga niya'y hindi naman siya isang tao.
Heh, kahit na. Lahat naman yata ng bagay sa mundo ay mayroong pakiramdam o buhay. Hindi naman makakapag-isip at makakakilos kung hindi siya nabubuhay, hindi ba?
"Tapos ka na ba makipagdebate sa iyong sarili?" putol niya sa aking pag-iisip. Napasinghap ako.
Hindi kaya, nababasa niya ang nasa isip ko?
"A-ano bang pinagsasabi mo? Tahimik ako kasi inaantok na ako," saad ko. Nagkibit-balikat naman siya.
"Kung gayon, matulog ka na," utos niya.
"Aba, ba't mo ako inuutusan? Matutulog ako kung kailan ko gusto," saad ko. Kumunot ang noo niya saka umiling.
"Saka isa pa, mamaya ay hindi na ulit kita makausap eh. Mabuti na ngayon ay maitanong ko na lahat ng nais kong itanong tungkol sa'yo," masigla kong saad.
Sa totoo lang, hindi na ako inaantok. Gising na gising ang diwa ko kaya naman gusto kong malaman kung totoo ba talagaang lahat ng ito.
"Wala akong maisasagot sa'yo," saad niya kaagad.
"Teka, wala pa nga eh!" saad ko.
"Saglit lang! Ipaliwanag mo muna sa'kin ang lahat. Dahil ang totoo niyan, gulong-gulo na ako. Gabi-gabi na lang kita nakikita, hindi ko alam kung may kinalaman ba ang sakit kong ito sa'yo. Kung totoo bang nababaliw na ako at isa ka lang sa mga hallucinations ko. H-hindi ko na alam…" saad ko nang magtangka siyang umalis. Ngunit hindi niya nagawa dahil hinawakan ko ang braso niyang nanlalamig na naman.
Lumingon siya sa akin at pumiglas mula sa pagkakahawak ko. Napayuko ako dahil medyo masakit ang pagbitiw niya at natamaan ang kamay ko.
Pero ilang sandali ay nanatili lang siyang nakatayo.
Tumingin ako sa kanya. Muling nanumbalik ang sigla ko nang makumbinse ko na siya sa wakas!
Umupo akong muli sa kama at humarap sa kanya.
"So, unang tanong. Imaginary creature ka lang ba?" tanong ko. Hindi ko ma-explain kung paano ko itatanong sakanya, kung totoo ba siya o hindi eh.
Kumunot naman ang noo niya.
"Ilang beses ko bang sasabihin--" pinutol ko ang sasabihin niya.
"So isa kang grim reaper, gan'on?" saad ko. Tumango lang siya.
"Pero hindi naman 'yun nag-eexist in real life ah," saad ko. Sumandal ulit siya sa may bintana.
"Hindi porket hindi mo pa nakikita, hindi na rin totoo. May mga bagay na hindi lang talaga dapat ipakita sa mga taong katulad mo," malalim niyang tugon.
"Isa pa, hindi rin naman kami talaga nabibilang sa lugar na ito. Hindi kami sa daigdig ninyo naninirahan," tuloy niya.
"Edi saan pala?" tanong ko.
Napasinghap ako nang makaisip ng sagot.
"Huwag mong sabihin, sa impyerno?" singhap kong saad sa kanya. Hindi naman siya nagreact.
"Hindi. Ang impyernong tinutukoy mo ay isang lugar na para sa mga makasalanan," saad niya.
"Mundong-ilalim kung tawagin ang aming tahanan, sa itaas ng impyernong tinutukoy mo," pahayag niya. Namamangha ako sa mga sinasabi niya.
"Sinong mga kasama mo r'on?" tanong ko.
"Mga kapwa kong alagaad at naninilbihan sa pagitan ng buhay at kamatayan ng mga nilalang. At isa ako sa nakatalaga na taga-sundo ng mga tao upang maihatid sila sa kabilang ibayo," paliwanag niya. Napatango naman ako.
Hindi ko inaasahan ang bagong kaalaman na ito. Kaya mabilis kong kinuha ang journal ko at dumiretso sa lamesa ko. Isusulat ko sana ang mga nalalaman ko para manatili sa aking isipan ngunit pinigilan niya ako.
"Huh, bakit?" tanong ko.
"Walang dapat na nakakaalam nito," saad niya. Bumuntong-hininga ako at tumigil sa pagsusulat. Bumalik na lang ako sa aking kama.
"Kung gan'on, ilang beses ka na ring sumundo ng mga taong mamayapa na 'no?" pagbabalik ko sa aming usapan. Tumango siya.
"Kaya nga kakatwa eh," saad niya. Kumunot ang noo ko. Nakatitig na naman siya sa akin.
Bakit kaya?
Nasabi niyang isa siyang taga-sundo ng mga namamayapa, kung gan'on… Ha! Hindi kaya?
Napasinghap ako sa isang ideya na muli na namang pumasok sa aking isipan.
Biglang kumabog angaking dibdib dahil sa napagtanto ko. Bumalik na naman ang pangamba at takot ko sa tuwing nasa paligid ko siya.
Hindi kaya, malapit na akong mamatay?
Tumingin ako sa kanya.
"B-bakit ka nandito? Bakit ka sumusunod sa akin?" nahihirapan kong tanong. Natatakot ako sa kung ano mang maaari niyang isagot sa akin.
"Isa ka sa listahan na dapat kong suriin at pagmasdan," sagot niya.
"A-anong ibig sabihin n'on?" mahina kong tanong.
"Alam mo naman na may sakit ka, hindi ba?" saad niya pabalik. Napairap ako. Alam ko naman 'yun! Nakakafrustrate naman 'to!
"Edi mamamatay nga ako?" diretso kong tanong dahil nawawalan na ako ng pasensya.
"Lahat ng tao, kamatayan ang katapusan."malalim niyang saad, dahilan para mas lalo akong manginig sa takot.
Isang bagay na pinaka-ayaw ko, ang kamatayan.
Alam kong hindi naman maiiwasan ang kamatayan, pero masyado pa akong bata para doon! Gusto ko pang mabuhay dahil gusto ko pang makita ang kagandahan ng mundo! Gusto ko pang matupad ang mga pangarap ko! At gusto ko pang maranasan ang pag-ibig.
Hindi pa dapat ako maaaring mamatay.
Tahimik lang ako at tila nanghihina dahil sa mga naiisip ko.
"Seryoso ba 'to?" nanghihina kong tanong.
Parang kanina lang ay nais kong malaman kung ano siya at kung anong kinalaman niya sa buhay ko. Ngayon naman ay parang gusto ko na siyang itaboy.
Gusto kong isipin na dala lang ito ng antok at sakit ko. Na hindi siya totoo.
"Hindi ko ipipilit na paniwalaan mo ang sinasabi ko sa'yo. Ganito naman ang mga tao, papaniwalaan lang nila ang mga bagay na nais nilang makita at marinig," saad niya.
Umiling ako.
"Ngunit huwag ka munang mangamba, dahil wala ka pa naman sa listahan ng mga mamamatay. Kaya hindi ko alam kung hanggang kailan aabot ang pananatili mo sa mundong ito," kalmado niyang saad. Napatingin ako sa kanya.
Sa pagkakataong iyon, medyo kumalma pa ako at nakahinga nang maluwag. Hindi ko maintindihan kung bakit ang bilis kong makalma nang sabihin niya iyon sa akin.
"Ang hindi ko lang maunawaan," saad niya.
"Ang alin?" kunot-noo kong tanong dahil sa pambibitin niya ng pagkakasaad.
"Kung bakit mo ako nakikita," saad niya.
"Bakit, hindi ka ba dapat makita ng mga tao?" mahina kong tanong. Tumango siya.
"Walang sino man ang kayang makakita sa katulad ko," pahayag niya na ikinatahimik ko.
Eh bakit naman kaya nakikita ko siya?
"Wala bang maaaring dahilan kung bakit gan'on?" tanong ko. Ilang segundo siyang nanahimik na tila nag-iisip pa.
"Meron naman," saad niya.
"Ano?" tanong ko. Gusto kong malaman kung bakit nga ba nakikita ko siya kung gayong sinabi nga niya na walang tao ang may kakayahang makakita ng mga katulad niya.
"Ang mga taong mayroong kakayahang makakita sa 'tulad ko ay mga taong malapit nang bawian ng buhay," malamig niyang saad. Bumalik ang pangamba sa aking sarili.
"Ano ba 'yan!? Sabi mo, wala akong dapat na ipangamba. Pero ano na naman 'to, tinatakot mo na naman ako!" galit kong saad kahit pa'y nanghihina na ako sa takot.
"Huminahon ka." utos niya. Napapikit na lang ako para makahinga nang malalim at kumalma.
"Wala ka sa listahan na iyon, kaya nga nakakapagtaka," saad niya. Kaya napatahimik na lang ako.
Totoo kaya? Kung hindi ang kamatayan ko ang dahilan, bakit kaya?
Bakit ko siya nakikita?
"Malapit nang sumikat ang araw, at magigising na ang iyong kaibigan. Dapat na akong umalis," paalam niya.
Saka ko lang napagtanto na mag-uumaga na pala. So ilang oras pala kaming magka-usap?
"Sige, pero makakausap pa rin naman kita ulit 'di ba?" saad ko.
Hindi ko maunawaan dahil sa pagkakataon na ito ay nais ko pa siyang makitang muli.
"Hindi ko maipapangako," malalim niyang saad.
Nalungkot naman ako dahil sa sinabi niya. Sa totoo lang, nais ko siyang maging kaibigan. Lalo na sa mga panahon na parang wala akong kasama at walang umiintindi sa akin.
Pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako.
Maya-maya ay umalis na siya na parang bula. Tsk, hindi man lang nagpaalam. Katulad ng palagi niyang ginagawa.
Saka naman dumalaw ang antok sa akin, at doon mabilis na akong nakatulog.