Buwan ng Mayo bukod sa piyesta ay inaabangan ang Flores De Mayo kung saan ang mga kabataan nag aangkin ng natatanging kagandahan kasama ng mga piling konsorte ay ipinaparada sa buong barangay. Maaga pa ay nag iikot na ang SK Officials kasama si Julius Roy Castro at iba pang kabataan upang humingi ng tulong sa kapwa kabataan na maihanda ang mga kubol na gagamitin para sa prusisyon. Nakiusap ang mga ito sa kanilang Tiyo Luisito na matulungan silang manguha ng kawayan at matabas na rin para magamit sa mga gagawing kubol.
“Nahuli yata tayo ng pagpunta sa gawi ng barangay na ito Julius abay narito pala ang pinakamagandang dilag na pwede nating gawing Reyna Elena hindi mo man lang nabanggit.” Wika ng SK Chairman habang nakatingin kay Arianne Joy.
“Naku SK kadarating lang ng pamangkin kong yan saka medyo mahiyain hindi ko rin alam kung mapapapayag ko na maisali natin sa prusisyon.” Maagap na sagot ni Tiyo Luisito.
“Kung ganun at hindi namin kayo mapipilit siguro naman ay pauunlakan ni Miss Arianne Joy ang imbitasyon ko na manood ng prusisyon mamayang gabi, harmless naman ako saka kahit na crush na crush kita eh mukhang malabo pa sa kinabukasan ko na maging tayo at malayong kamag-anak daw kita sabi ni nanay.” Kunyaring malungkot na wika ni Julius.
“Oh siya sige, wag ka ng magdrama sige na manonood na si Arianne Joy pero siyempre with the gang kasama kami ah.” Sabat ni Tiya Mina.
Natawa na lamang ang mga kabataan maging si Arianne sa batuhan ng sagot ng mga ito.
“Julius tutal napapayag mo naman na si Tiya Mina kahit sapilitan na makasama silang manood halika na at ng makarami tayo ng makukuhang kawayan baka gahulin tayo sa oras ng pag-aayos.” Tawag ng SK Chairman dito.
Agad naman ng nagpaalam si Julius sa mga kausap para sumunod sa mga kasamang kabataan. Tulong tulong na nagpulak ng kawayan ang mga kabataang lalaki sa tulong ni Tiyo Luisito. Bago pa managhali ay nayari na nilang pulakin at biyakin ang mga nakuhang kawayan tamang tama sa iginayak na dekorasyon ng mga babaeng kabataan na maagang ng gumawa ng palamuti na ikakabit sa bawat kubol.
“Babalikan ko na lang kayo mamayang hapon Arianne,Tiya Mina nakakahiya naman masyado kung makikikain pa ko dito ng tanghalian.” Biro ni Julius.
“Aba eh kahit ano naman ang pagkain na pwedeng pagharapan dito ay pwede ka naman naming alukin bakit naman hindi baka lang hindi ka kumakain ng pagkaing pang mahirap.” Nangingiting sagot ni Tiya Mina.
“Sa susunod na lang tiya aalis na kami ng maidaan na muna ito sa barangay hall.” Paalam ni Julius.
Alas sais pa lamang ay gumayak na sila Arianne Joy para sa panonood ng prusisyon. Suot niya ang skinny jeans na tinernuhan ng fitted blouse na navy blue, kaswal lamang na kasuotan niya ngunit hindi maitatago ang magandang pigura ng kanyang katawan sa taas na 5’5 tila siya isang manikang kay gandang damitan. Inilugay na lamang niya ang kanyang mahaba at makintab na bukok naglagay rin siya ng pulbos at bahagyang lipstick na lalong nagpatingkad sa maganda at maamo niyang mukha.
“Palagay ko sa pagkakataong ito ako ang kaiinggitan ng mga kabataan pati na ng mga konsorte ngayong gabi.” Biro ni Julius habang naghihintay pa sa ibang kabataan na kasabay na sasama sa prusisyon.
“At bakit aber? ano naman ang kainggit inggit sayo ngayon? tumama ka ba sa lotto?” sunod sunod na tanong ni Tiyo Luisito.
“Aba uncle bakit naman hindi sila mamamatay sa inggit ako ang kasama ni Bb. Cabanatuan, partida pulbos pa lang yan wala pang make-up eh kitang kita na ganda paano pa kaya kung makipagsabayan sa kanila sa pag awra eh wala ng panama ibang sagala di ba?” Mayabang na sagot ni Julius kay tiyo Luisito.
“Naku po! Julius wag kang mangarap baka ka bangungutin mahirap na pag tumabi ka ke Arianne mapagkakamalan kang driver?” natatawang biro pa ni Tiyo Luisito.
“Kasakit mo namang magsalita uncle sinaksak mo ang puso ko, binuhusan mo ng asido pinukpok ng martilyo.” Pabirong tugon ni Julius na alam na alam ng ibang kaharap na kinuha niya sa liriko ng kanta.
Tuwang tuwa naman ang iba pang pinsan sa nakatutuwang arte ni Julius at upang maputol na ang harutan ay nag aya na rin si Tiya Mina na simulan nila ang paglalakad para hindi mahuli sa prusisyon.
Sabik na inabangan nila Arianne ang pagdaan ng prusisyon. Ibang iba pala ito sa prusisyon nila sa Cabanatuan. Hindi lang ito parada ng kagandahan kung hindi may mga grupo ng kababaihan na may mga edad na rin na kasama sa parada ang nagsisipagsayaw habang umaawit kasunod ang mga kabataan na nakasuot ng magagarang damit na kumikinang sa ganda.
Sa patuloy na paglakad ng mga sagala ay nahagip ng mata ni Arianne ang isang pamilyar na bulto ng lalaki na masuyong umaalalay sa paglalakad ng dalagang kapareha. Kitang kita niya ang mga pares ng mata nito na tila ba punong puno ng emosyon maging ang mga biloy sa pisngi na lumalabas sa bawat pagngiti nito sa mga taong tumatawag at kumakaway sa kanila. Hindi rin naikubli ng suot nitong Barong Tagalog ang malapad na dibdib na animo isang matatag na sandalan na pwedeng kanlungan.
“Bagay na bagay talaga sina Clarenze at Annalyn, maganda at guwapo perfect combination.” Sigaw ng mga nanonood na nag pangiti sa babaeng kapareha nito sabay kaway sa grupong katabi nila Arianne dahilan kung kaya’t napatanaw si Clarenze sa kinatatayuan nila Arianne.
Hindi mawari ni Arianne kung sinadya ba ni Clarenze na ipakita ang pag alalay nito sa babaeng kapareha o nagkataon lang ba na pagtapat sa kanila ay higit itong nagbigay ng atensyon at inalalayan sa siko ang babae. Parang may kumukurot sa kalooban ni Arianne matapos makita and eksenang iyon kaya’t agad niyang iniiwas ang kanyang paningin at itinungo sa iba pang dalaga na kasama sa sagala.
Aba Miss Arianne Joy Cruz anyare sayo natural magnobyo yun.... hello mali na may ganyan kang pakiramdam, bulong niya sa sarili.
Nagtagal pa ng ilang oras bago tuluyang natapos ang prusisyon. Agad na ring umuwi sina Arianne kasama ng mga pinsan ang kanina ay puno ng excitement na pakiramdam ni Arianne at tila ba nabalot ng lungkot wala siyang kibo habang naglalakad pabalik sa kanilang bahay. Paghiga nila sa katre ay agad ng nakatulog ang kanyang Tiya Mina samantalang siya ay biling baligtad pa rin sa higaan na tila ba ayaw dalawin ng antok. Pabalik balik sa kanyang balintataw kung paano niya nakita ang masayang mukha ni Clarenze habang puno ng pagmamahal nitong inaalalayan ang babaeng nangngangalang Annalyn Venturino.
Siya kaya ang nobya ni Clarenze? hindi naman maganda maputi lang ang laki kaya ng ilong saka mukhang napakaarte, ano kaya nagustuhan niya dun wala palang ka-taste taste ang Clarenze Corpuz na yun siguro kahit poste basta suotan ng palda liligawan din nun, walang tigil na bulong ni Arianne sa sarili.
Ganun kaisipan ang dumadaloy kay Arianne hanggang sa tuluyang na rin siyang dalawin ito ng antok. Sa paglalim ng gabi ay muling dinalaw ng kakaibang panaginip si Arianne kitang kita niya ang kanyang sarili na nasa ilang at yakap ang mga kapatid at pilit na pinipigil ang kanyang ina sa paglisan nito ngunit marahas nitong pinalis ang kanyang kamay at walang lingong likod itong umalis. Maging ang tatlo niyang kapatid ay lumisan din kasama ng kanyang ama at biglang nag laho sa ilang.
Naiwan siyang nag iisa kaya’t walang nagawa kung hindi ang sumubsob sa kanyang kamay at umiyak ng umiyak, maya maya ay isang kamay ang tila nang-aalo ang sa kanya ay lumapit at umalalay sa pagtayo marahan nitong pinahid ang luha sa kanyang pisngi at mula sa liwanag na nagmumula sa buwan ay unti unting natamaan ng liwanag ang mukha nito na walang iba kung hindi si Clarenze.
Sa mga mata nito ay kitang kita niya ang simpatya sa sakit na kanyang nararamdaman. Patuloy sa paghagulgol si Arianne kung kaya’t niyakap siya nito na tila ba sa mga bisig nito ay maiibsan ang lahat ng kanyang dalahin.
Ngunit ang kapayapang kanyang nadama ay daglian lamang sapagkat may marahas na kamay na biglang humatak kay Clarenze, walang iba kung hindi si Annalyn Venturina. Nanlilisik ang mga mata nito habang siya ay dinuduro at pinagwawalaan walang tigil naman sa pag-awat si Clarenze at sinikap na ilayo ito sa kanya na akma pa rin siyang sususgurin. Kitang kita niya ang nag aapoy na galit sa mga mata nito hanggang sa tuluyang maglaho kasama ni Clarenze.
Muli naiwan siyang mag isa sa ilang na patuloy na lumuluha, sa ganoong eksena siya nagising at sa kanyang pagbigla ay basa ng luha ang kanyang mga mata maging ang unan na kanyang gamit .