Chapter 6: Scent of Passion

3809 Words
Luna's POINT OF VIEW: “I’m sorry Ma’am, banned po kayo sa America kaya’t hindi po pahihintulutan ang inyong byahe papunta roon.” Halos maningkit naman ang mata ko nang marinig ko ang sinambit ng receptionist. Hindi ako makapaniwalang napatingin sa kaniya. “Paanong nangyaring banned ako? Wala naman akong ginagawang masama. Actually, sampong taon akong nakatira sa US at walang naging problema---” “Ayon po rito, hindi legal ang inyong pananatili roon. Ang mga ginamit niyo ay pekeng papeles. Nakakapagtaka nga’t sa tagal niyo roon ay hindi kayo nahuli. At nakasaad din dito na may malaking utang na tinataguan ang iyong ina kaya’t ‘di maaaring pumunta ka pa roon,’’ pagpuputol nito sa sasabihin ko. At pinukulan ako nang seryosong tingin. “Hindi puwede iyan. Sa'yo na nanggaling na sa tagal na iyan hindi kami nahuli kaya ang ibig sabihin no’n ang papeles namin ay hindi illegal. Nakapagtapos ako ng pag-aaral sa America. At---” “Ma’am narinig mo naman siguro ang lahat ng sinabi ko? Sana naman ay hindi na tayo paulit-ulit. Sinusunod lang namin ang nakaindicate dito at malinaw na hindi ka na maaaring bumalik pa sa America. Kung may reklamo ka, maaari ka namang bumalik dito at kumuha ng abogado para sa sitwasyon mo. So puwede ka na bang gumilid dahil marami pang naghihintay sa likuran mo?” dagdag pa niya at sumenyas pa ito hudyat na pinapatabi ako nito sa linya. Napalingon naman ako sa likuran at sumalubong sa akin ang mga iritableng mukha ng mga taong nasa likuran ko. Kaya’t napahinga na lamang ako nang malalim at walang nagawa kun’di ang umalis na lang sa pila. Ramdam na ramdam ko ang panlalata ng katawan ko at panghihina ko habang naglalakad at hila-hila ang aking bagahe. Tipong parang pakiramdam ko na binagsakan ako ng lupa. Sigurado ako na ang lahat ng ito ay kagagawan ng demonyong iyon. Alam kong lahat kaya nitong gawin para lang ‘di ako mawala sa paningin niya. At pakiramdam ko ay hawak nito ang lahat. Napatingin ako sa mga napadaang pulis, pakiramdam ko ay isa sa mga ito ay tauhan niya. Sa bawat tao na nasa paligid ko, may kutob akong may nakamasid. Wala akong maaaring maging kakampi, wala akong dapat pagkatiwalaan. Kun’di ang sarili ko lang. ** “Ma’am saan po tayo?” Napatulala naman ako sa tanong na iyon ng Driver ng sinakyan kong taxi. Mataman ko siyang tinitigan at pinakiramdaman. “Mapagkakatiwalaan ka ba?” seryosong tanong ko sa kaniya. Halata naman ang pagkagulat at pagtataka nito sa kaniyang mukha nang marinig nito ang tanong kong iyon. “Nevermind Manong, ‘wag mo nang isipin ang sinabi ko. Sa NewManila po tayo---"   “Oo naman Ma’am. Matagal na po akong taxi driver, aabutin na nga pong isang dekada. Sa tagal ko na nagmamaneho marami na akong nakasalamuhang iba’t ibang klase ng pasahero. May purong Filipino, may kano. At lahat sila, hindi naman po sa pagbubuhat ng bangko eh naging malapit ang loob nila sa akin. Nagpakatotoo lang ako sa kanila at syempre po ay trinato ko sila sa tamang paraan.” ‘Di ko mawari at bigla na lamang nawala ang mabigat sa paghinga ko. Tila ba’y pakiramdam ko sa unang pagkakataon ay ligtas ako sa mga taong alam kong may masamang balak sa akin. “Ma’am siguro ay maraming nangyari sa’yong mga masasamang bagay kaya’t nahihirapan kang magtiwala sa isang tao, ngunit alam mo ba ‘pag natutunan mong magtiwala, makakahinga ka nang maluwag at makakapag-isip ka na ng tama at walang mabigat kang pinapasan diyan sa puso mo,” saad niya pa bago tuluyang igalaw ang kaniyang manibela at sinimulan na nitong magmaneho. Unti-unti namang sumilay ang ngiti sa aking labi. Napakahirap nga talagang magtiwala pero ‘pag hinayaan mo ang sarili mong magbigay ng tiwala sa isang tao ay nakakapagbigay rin ito ng magandang  pakiramdam at kakaibang saya. “Nandito na po tayo Ma’am.” Pagkasabi niyang iyon ay agad kong inabot sa kaniya ang bayad. At bago pa nito iabot sa akin ang sukli ay agad kong binuksan ang pinto ng taxi. “Teka po Ma’am ang sukli niyo po---” “Hindi na po kailangan Manong, keep niyo na lang po iyan. Tip ko sa inyo,’’ nakangiting saad ko siya ngunit napailing-iling naman ito at pilit pa ring inaabot nito ang panukli niya sa akin. “Ma’am hindi. Sobra-sobra po ito. Isang daan lang ang pamasahe mo, napakalapit lang ng lugar na pupuntahan mo, kaya’t masyadong malaki ang isang libo para sa---” “Tip ko po ‘yan sa iyo Manong. Hindi ko iyan pamasahe. Tanggapin niyo na po bilang pasasalamat. Unti-unti ko nang nahahanap ang sarili ko na magtiwala ulit,” nakangiting ani ko sa kaniya. Hindi ko na hinayaan na sumagot pa ito kaya’t nagmadali na akong lumabas pa sa taxi. Ngunit hindi nakaligtas sa pandinig ko ang huling sinambit nito. “Hindi dapat binabayaran ang pinagkakatiwalaan, at hindi lahat ng nagsabi na mapagkakatiwalaan siya ay dapat mo nang piliin na pagkatiwalaan.” Awtomatikong napasalubong ang kilay ko sa tinuran niya, at bago pa ako makamaang ay agad na itong umarangkada paalis. Anong ibig sabihin nito sa kaniyang sinambit? Habang gulong-gulo ako at pilit na renirehistro sa utak ko ang tinuran niya ay nagitla na lamang ako nang biglang tumunog ang aking telepono. Kaya’t mabilis ko naman itong sinagot.   “Hello?” “Miss Luna, may gusto sana akong sabihin sa’yo,” bungad ni Julius sa kabilang linya. At bakas sa boses nito ang matinding kaba at pawang hirap kung magsalita. “Ano ‘yon may nangyari ba?” nag-aalalang tanong ko naman agad sa kaniya. Narinig ko naman ang malalim na paghinga nito na tila ba’y nahihirapan kung paano sabihin ang gusto niyang iparating. “Julius? Sabihin mo na, ano ba ‘yon?” tanong ko pa’t pawang nakaramdam din ako nang kaba sapagkat napakatagal nitong sundan ang sasabihin niya. “Julius? Ano ba---” “Nag-usap kasi kaming mga admin ng Museum, at nakikita namin na sobrang baba na ng sales ng museum at parang wala ng pumupunta pa at bumibisita, kaya’t napagdesisyonan namin na alisin na ang mga paintings o obra na wala namang kita. At na-stock na lang sa display section,” malumanay na tugon nito. Napatango-tango naman ako nang maunawaan ko ang nais nitong ipahiwatig. “At isa ang mga paintings ko sa gusto niyong tanggalin? Ang dami niyo pang pasikot-sikot hindi niyo pa ako diretsuhin,” natatawang sambit ko sa kaniya. Narinig ko naman ang malalim nitong paghinga at ang pagtikhim nito. Napasalubong na lamang ang kilay ko nang marinig kong may sumingit sa kabilang linya. At mukhang kinuha pa ang telepono. “Pasensya ka na Miss Luna, kailangan lang talaga naming bumawi, masyado na kasing nalulugi ang Museum kaya’t inaalis na ang---” Hindi ko pinatapos pa ang sasabihin nito at agad na akong nagsalita. “Mga paintings na walang kita at hindi sikat! That’s unfair. May kontrata tayong pinirmahan. Nakalagay roon na hindi niyo  aalisin ang mga obra ko sa loob ng dalawang taon. Nakamarket iyon. Ang sabi niyo kayo na ang bahala sa marketing at promotion pero bakit ngayon dahil lang sa walang benta ng isang lingo ay itatapon niyo na lang kung saan ang mga obra ko? Nasaan ang inyong konsiderasyon?!” nanggagalaiti na saad ko sa kanila. Hindi ako makapaniwalang sa ganitong klase ng kompanya ko pinagkatiwala ang aking mga obra. Nagkamali na naman ako sa pinagkatiwalaan. “Mali ka yata sa pagkakaintindi ng nakapaloob sa kontrata Ms. Luna, nakalagay roon. Mawawala ang bisa ng kontrata ng obra mo kung hindi ito papatok sa masa. At parang nakalimutan mo yata na lahat ng promotions ay binigay namin sa mga paintings mo. Binigyan ka namin ng pangmalakasan na promotion sa pamamagitan ng glamorosong exhibit no’ng isang gabi at bigla mo na ngalang iniwan. Marami ngang pumunta ngunit ni-isa ay walang nangahas na bumili sa mga pininta mo. Don’t get me wrong ha? Magaganda ang mga obra mo. Pero tanggapin na lang natin na kahit anong ganda pa ‘yan kung hindi talaga pasok sa standard ng tao, mabubulok iyan.”     Halos kumulo ang dugo ko sa mga salitang sinambit nito. At nanginginig pa ang aking kamao dahil sa galit na nararamdaman. “Pinahatid na namin diyan ngayon ang mga paintings mo.  Maraming salamat Luna at pasensya ka na sa nangyari.” Hindi na ako nito hinayaan pang magsalita at agad na nitong pinatay ang tawag. Awtomatiko na lamang na tumulo ang mga luha sa mata ko. Napadako naman ang tingin ko sa jeep na paparating. At agad itong tumigil sa harapan ng bahay ko. Nang bumukas ito ay agad na bumungad sa akin ang mga paintings na pinaghirapan ko. Halos madurog ang puso ko nang makita ko ang mga ito. Ang pinaghirapan ko ng ilang buwan na mga obra at inalay ko ang buong puso ko rito ngunit hindi naman nito kayang kunin ang puso ng mga taong makakakita nito. Agad nilang binaba ang mga obra ko’t hinayaan na ito sa kalsada na nakatiwang-wang at dinaig pa nito ang basura na itinapon na lang. Dahan-dahan ko namang hinakbang ang mga paa ko papalapit sa mga pinaghirapan kong mga likha. Nanginginig ang mga kamay kong hinawakan ang mga ito. Sa bawat kulay at tekstura nito, may nakatagong kuwento ngunit masakit lang dahil walang nakakaramdam nito. ** “Anak, andito ako. Wala mang nagkakagusto o nakakapansin sa mga obra mo, alam mo naman na ako ang numero-unong tagahanga mo. Proud na proud ako sa iyo anak at natutupad mo na ang mga pangarap mo.” Totoo ba itong nakikita ko? Walang tigil kong kinurap-kurap ang mga mata ko. At malinaw na malinaw sa paningin ko ang lalaking nakatayo ngayon sa harapan ko. “P-papa?” mangiyak-ngiyak na saad ko at wala na akong sinayang pang sandali at mabilis ko itong niyakap nang sobrang higpit. “Namimiss na kita papa, akala ko hindi na kita muling makikita pa. Mahal na mahal kita.” Agad nitong pinunasan ang luhang patuloy na umaagos sa aking mata at marahan pa nitong hinalikan ang aking noo. “Hindi naman talaga ako nawala anak, lagi lang akong nakasubaybay sa’yo. Lagi kitang binabantayan. At sinisigurado ko na nasa mabuti kang kalagayan,” malambing na ani nito. “P-papa pagod na pagod na ako, gusto ko nang sumama sa’yo. Isama mo na ako papa---” “Hindi anak, marami ka pang kailangang gawin. Kaya’t hindi ka pa maaaring sumama sa akin. Kaya sige na anak, bitawan mo na ang kamay ko. Harapin mo na ang mundo, Maraming tao na magtatangka sa’yo ngunit alam ko na may magproprotekta sa’yo at hindi ka niya papabayaan dahil ‘yon ang bilin ko sa kan’ya…”   Nagtataka naman akong napatingin sa kaniya dahil sa sinambit nito. Ngunit bago ko pa mabuka ang bibig ko ay tila lumalayo na ito sa akin. Kaya’t pilit kong inaabot ang mga kamay nito. “P-papa hindi! Huwag mo akong iiwan! Papa…” Halos mapahagulhol ako sa iyak nang unti-unti na itong nawala sa paningin ko. At kusang napadilat ang mata ko at agad kong namalayan na namamasa na pala ang aking pisngi dahil sa labis na pag-iyak. Ngunit awtomatiko namang sumilay ang ngiti sa labi ko sapagkat sa wakas ay nakasama ko rin ito kahit sa panaginip lang. Napayakap ako sa sarili kong unan at napangiti dahil hanggang ngayon ay ramdam ko pa ang mahigpit na yakap ng aking ama. *Ding dong* Napabangon ako bigla nang marinig ko ang sunod-sunod na tunog ng doorbell. Kaya’t nagmamadali naman akong tinungo iyon at patakbong pumunta sa gate at mabilis na binuksan ito. Napakunot noo naman ako nang makita ko ang lalaking nasa harapan ngayon. Ngiting-ngiti ito ngunit ‘di matago sa ngiti niyang iyon ang hiya nitong nararamdaman. “Anong ginagawa mo rito?” walang emosyong tanong ko sa kaniya. “Ms. Luna pumunta lang ako rito para ibigay sa’yo ito,’’ nakangiti ngunit halata ang kaba sa boses nito. Napatingin naman ako sa hawak nitong papel, bago ibalik ang malamig na tingin sa kaniya. “Pagkatapos niyong ibalik sa akin ang paintings na parang basura, pupunta ka rito para ano? Para insultuhin ako---” “Hindi, mali ka nang iniisip mo. Pasensya ka na talaga kung inalis ang mga paintings mo sa Museum. Kung hawak ko lang ang desisyon matutulungan kita pero kasi ang may-ari na mismo ang nagdesisyon na---” Umiiling-iling ako nang sunod-sunod para bigyan ito nang hudyat na tumahimik na. “Umalis ka na Julius, hindi ko kailangan ang Museum niyo sa mga paintings ko. Tama nga kayo, mabubulok talaga ang mga obra ko sa inyo dahil wala namang kwenta ang marketing promotions niyo,” walang ganang saad ko at tatalikuran ko na sana ito nang bigla na lamang nitong hawakan ang braso ko. “Alam ko naman na mali talaga ang nagawa naming pagbalik ng paintings mo. Pero Ms. Luna, iba ang nakikita ko sa nakikita nila. Alam kong may potensyal ang mga obra na sumikat. Alam ko na maraming magkakagusto riyan, kaya’t ito nga. Kinuhaan kita ng slot para sa tanyag na contest para sa mga magpipinta. At alam ko na malaki ang potential mo rito. Tama lang din ang pag-alis mo sa Museum, dahil ang mga obra mo ay hindi pang-display lang.”   Iniikot-ikot ko ang paintbrush sa daliri ko habang paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ang mga katagang sinambit ni Julius sa akin kanina. At kusa ring napatingin ang mata ko sa envelope kung saan nakarehistro na ang pangalan ko bilang kasali sa isang tanyag na patimpalak para sa mga nagpipinta.   “Connor’s Texture” Napapalunok pa ako nang maraming beses nang makita ko pa ang pangalan ng kompanya. Isa itong kilalang agency para sa mga magpipinta. At talagang high class ito kaya’t madaming magpipinta ang nangangarap na makapagtrabaho rito, at isa na ako ro’n. Sino pa bang aayaw? Tanyag ito sa buong mundo, kaya’t siguradong sisikat ang mga obra mo at dudumugin ng lahat. Sa ganda ng mga benepisyo nito kaya’t  nag-uudyok akong sumali. Ngunit ‘di ko alam kung bakit bigla na lang akong panghihinaan nang loob. Pawang nawawalan na naman ako nang tiwala sa aking sariling kakayahan. Lalo na’t nakatatak na sa akin na walang tatangkilik dito. “Anak, andito ako. Wala mang nagkakagusto o nakakapansin sa mga obra mo, alam mo naman na ako ang numero-unong tagahanga mo. Proud na proud ako sa iyo anak at natutupad mo na ang mga pangarap mo.” At ‘di ko inaasahan na biglang babalik sa alaala ko ang mga binitawang salita ng aking ama sa aking panaginip. Agad akong nagkaroon ng enerhiya at mabilis na tumayo. Patakbo akong pumunta sa banyo ngunit nang namalayan kong wala akong dalang tuwalya ay agad din akong bumalik. Natataranta na ako’t nasasabik na sumali sa patimpalak na iyon. Sa tagal ng pagpinta ko ay ‘di ko man lang naranasan ang sumali sa ganitong patimpalak. Dahil mas gusto ko na pinapaganda ko ang aking obra dahil gusto ko at mahal ko ang ginagawa ko hindi para talunin o kalabanin ang iba. Wala pang ilang minuto ay nakapag-ayos na ako. Napatingin ako sa salamin at nasiyahan ako sa aking nakita. Dahil napakaaliwalas ng awra ko ngayon. Kumbaga ay alam ko at sinisiguro kong positibo ang magiging resulta.   ** Pagkarating ko sa Museum kung saan idadaos ang patimpalak ay nagitla ako sa aking nakita. Napakarami nang nakapila. At ‘di ako makapaniwala na ang ibang nakapila roon ay kilala na bilang isang tanyag na artist. At malaki na ang naiambag sa ekonomiya ng Pilipinas sapagkat dinadayo na ang kanilang mga obra ng mga turista. Pawang nakaramdam ako nang hiya sa sarili, sapagkat ang maaari kong makalaban ay mga kilala na at talagang bihasa na’t kabisado na kung paano umiikot ang buhay ng isang magpipinta. Samantalang ako ay baguhan pa lang at ang mga obra ko pa ay hindi man lang kumita. “280.” Napatigil naman ako nang biglang may babaeng nagsalita sa harapan at ‘di ko maintindihan sapagkat bigla na lamang tumutok ang mga mata nila sa akin. Kaya’t nagtataka ko naman silang tiningnan.   “Ma’am mali po naman yata ‘yan. Ang tagal-tagal namin nandito, una kami sa pumila tapos bakit kami pa ang nasa huli---” “ Iyan ang nasa  rule kaya dapat sundin niyo. Ang mauuna ang nasa dulo, at ang nasa unahan ay magiging dulo. Come on Ms. 280. Follow me,” maawtoridad na turan nito. Napailing-iling naman ako sa paraan nito nang pagsasalita. Napakaseryoso kasi ng boses nito at kahit babae ito ay makikita mo talagang matikas at kayang lumaban. “Ms. Narinig mo ba ang sinabi niya? Sumunod ka na raw sa kaniya. Ano pa bang inuupo-upo mo riyan?” pagtataray ng babaeng nasa unahan ko na ikinagulat ko nang sobra. “280.” Agad akong napatingin sa numerong nakadikit sa likuran ng upuan ko. Nabigla ako nang maulinagan kong ako pala ang tinatawag nito. Kaya’t ‘di na ako nagsayang pa ng ilang segundo at mabilis akong tumayo’t sinundan ang babae. At kahit na hingal na hingal ako sa pagtakbo ay nginitian ko pa rin ito na aabot hanggang sa tainga ngunit pawang wala itong pakialam at tinuloy lamang ang paglalakad. “Sa’n tayo pupunta?” nagtatakang tanong ko sa kaniya. Ngunit parang bingi ito dahil ‘di man lang ito nag-atubiling sumagot sa tanong ko o ‘di kaya’y mapalingon man lang sa akin. Nasa unahan ko lamang ito at naglalakad at ako ay parang aso na nakabuntot lamang sa kaniya at ‘di ko mawari kung may destinasyon ba talaga kaming pupuntahan. At bigla na lamang itong huminto sa harap ng isang malaking pinto at sa wakas ay lumingon ito sa direksyon ko at tinapunan ako nito nang tingin na walang kaemo-emosyon. Agad nitong binuksan ang pinto at sinenyesan ako nitong pumasok sa loob. Wala ba itong bibig para magsalita? Napailing na lamang ako sa weird na inaakto nito. At pinili ko na lamang na pumasok sa loob at sumalubong sa akin ang amoy ng matapang na pabango ng isang lalaki. Halos mapabahing ako sa lakas ng amoy nito. “Hi, I’m Luna. Participant ako for the contest. At---” “Paint anything in just 10 mins.” Nagitla naman ako sa biglang nagsalita. Namamaos kasi ang boses nito ngunit klaro sa aking tainga kung gaano ito kakalalim at kalinaw. Lumibot pa ang paningin ko sa paligid upang hanapin kung nasaan ito. “You only have 9 mins to go.” Halos masubsob naman akong kinuha ang mga gamit ko sa pagpipinta sa bag at mabilis na sinet up ang lahat. Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak-hawak ang paint brush ko. At pilit na pinapakalma ang sarili. Pawang na-blanko ako bigla at ‘di ko alam kung ano ang ipipinta ko sapagkat natatalo ako nang matinding kaba. “Think Luna, think…” bulong ko sa sarili at pinikit nang madiin ang aking mata. “5 mins to go…” Wala akong makitang magandang imahe… “4 mins to go…” Shit! Walang pumapasok sa utak ko… “3 mins to go…”   “Alam ko na!” napasigaw pa ako sa sobrang saya sapagkat may pumasok nang magandang larawan sa aking imahinasyon. Agad-agad kong sinimulang iukit ang larawang iyon. Nanginginig man ang aking mga daliri ay pinilit ko pa ring pagandahin ito. Lahat ginawa ko para malabanan ko ang takot, kaba at sa ‘di pagtitiwala ko sa aking sarili. “2 mins to go…” Malapit na! Malapit na! “1 min…” Tagaktak na ang pawis ko sa noo ngunit ‘di ko iyon inalintana. Ang importante sa akin ay ang matapos ko ito sa tamang oras at maging maganda ang kalalabasan kahit na sobrang minadali lang ito. “3…” “2…” “1…” “I’m done!” masayang sambit ko at nagawa ko pang itaas ang mga kamay ko sa ere sapagkat nagawa ko ang nakatatak lamang sa imahinasyon ko. “Iyan na ba ang pinagmamalaki mo? Art na ba ang tawag diyan? Kung art na pala iyan, ano pa kayang tawag sa mga drawing ng kinder, professional paintings?” Awtomatiko akong napalingon sa nagsalita sa likuran ko at kahit namamaos ang boses nito ay malinaw sa pandinig ko ang mga salitang binitawan nito. Pagkalingon ko sa kaniya ay halos isang metro lamang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. Kitang-kita ko ang kabuuan ng mukha nito. Ang makapal nitong kilay, at mahahabang pilikmata at ang mga mata niya na tila nangungusap. At ang mga labi niya… “s**t!” napamura na lang ako sa isip nang matauhan ako sa pinanggagawa kong pagtitig sa kaniya. “Tulad ng pagtitig mo sa akin, ganiyan din ang gawin mo sa pag-ukit mo ng magandang larawan sa iyong isip. Kailangan suriin mo muna ang kabuuan, kabisaduhin ang bawat parte at tingnan nang maigi ang maaaring kagandahan niyan,” saad nito at agad na pinunit sa harapan ko ang aking pinaglaanang obra. “Bakit mo ginawa iyon? Pinaghirapan ko ‘yan! Kung ayaw niyo sa pininta ko, puwede niyo namang sabihing hindi pasado, hindi iyong---” “Ibang-iba ka sa iyong ama. Masyado kang madamdamin sa pagkatalo. Nagpapadaig sa kaba kaya’t ‘di ka nakakapagseryoso. Masasanay ka na lang sa puro palpak at walang mararating ang mga obra mo kaya iyan, hindi ka manalo-nalo, ”walang kagatol-gatol na saad niya. “Sino ka ba para pagsalitaan ako nang ganiyan? Oo hindi perpekto ang mga obra ko, hindi gano’n kaganda o kayang maghabol ng mga mata pero binigay ko lahat ng best ko riyan. At ‘wag mong idadamay ang aking ama, hindi mo siya kilala---” “I’m your father’s boss before. At lahat ng tungkol sa iyo ay kinuwento na niya sa akin. Kaya malaki ang expectation ko sa’yo pero iyon pala ang kakayahan mo hindi magiging pasok sa standard ko,” pawang disappointed na turan pa nito. Halos mapakuyom ako nang sobrang higpit sa kamao ko sa mga salitang sinasambit niya. At ang titig ko na pinupukol sa kaniya ay wala nang mas sasama pa sapagkat ang tingin ko sa kaniya ay pinapatay ko na ito. “Edi okay, hindi ko naman ipipilit ang mga obra ko sa inyo---” Hindi pa ako nakakatapos magsalita ay may biglang itinapon ito sa harapan ko na isang maliit na envelope. “Buksan mo iyan kapag nakalabas ka na sa pintong iyan.” Pagkasabi niyang iyon ay agad na bumukas ang pinto kaya’t ‘di na ako nakatiis at mabilis na lumabas. Ayaw ko nang tumagal pa sa opisinang iyon. Naalidbadbaran lang ako sa madilim na presensya nang lalaking ‘yon. Napatingin naman ako sa envelope na binigay nito. Nagtataka ako kung anong laman nito kaya’t mabilis kong binuksan. At laking gulat ko nang makita ko ang nakapaloob sa isang pirasong papel. “Congratulations, you have passed!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD