NAPABALIKWAS ng bangon si Percival habang habol ang hininga. Hawak niya ang dibdib at nagpalinga-linga. Takte! Panaginip lang pala. Akala niya, totoo na talagang nangyari na nilamon sila nung Lamhua. Gagi! Nakaka-trauma si Elsa. Pati sa panaginip niya, hinahabol siya para kainin.
Napansin niyang gabi pa sa labas. Tiningnan niya ang efuanti, napahinga siya nang makitang nasa kaniya pa rin ito. Bumalik siya sa pagkakahiga. Kailangan niyang makatulog ulit pero mailap na sa kaniya ang antok. Pabaling-baling siya pero sa bawat baling niya, nakikita niya si Magnus at Reedrick na humihilik at nasa kasarapan ang tulog.
“Hindi ka makatulog?”
Nagulat siya nang magsalita si tanda. Nakaupo ito malapit sa bintana at naghahasa ng itak. Teka, iitakin ba sila nito?
“Ang aga niyo naman maghasa niyang itak na gagamitin mo sa amin, ah.” Umupo siya at pinagmasdan ito.
Napangiti na lang ito sa kaniyang sinabi pero hindi siya nagbibiro.
“Mapagbiro ka talaga bata. Ang itak na ito ay tanging kagamitan ko para mabuhay, manguha ng pagkain sa gubat.”
“Alam ko.”
“Bukas, bago sumibol ang araw sa kaniyang kanlungan… Dapat nakaalis na kayo rito mga bata. Dahil alam kong dadaan ang mga bantay ni Barthram dito at dapat hindi na kayo makita ni Barthram sa pamamahay ko, kundi, pareho niya tayong papatayin.”
Nagkibit siya ng balikat. Hindi naman sila magtatagal. Ang kailangan niya lang sa matandang ito ay mapa. Mapa kung saan sila magsisimula. Alangan naman maglalakbay lang sila na walang tamang dereksyon.
“Saan ang mapa? Hingiin ko at mahirap ng magkandaligaw-ligaw. Marami pa naman halimaw dito at baka mayari na naman kami.”
Natawa ito sa kaniyang sinabi at nilagay sa tabi ang itak na hinahasa. Nag-init ito ng tubig mula sa maruming kaldero pero hindi naman siya maarte kaya okay lang.
“Ang efuanti mismo ang magtuturo sa `yo kung saan kayo pupunta.”
Nangunot naman ang kaniyang noo. “Paano iyon?”
Nagkibit lang ito ng balikat. Kumuha ito ng dalawang tasa na yari sa clay. Magtitimpla yata ito ng tsaa para makatulog siya. “Matanong ko lang kungpapahintulutan mo.”
“Ano iyon?”
“Paano at saan mo galing ang efuanti? Matagal na panahon nawala ang itim na kristal na iyan. Paano napunta sa iyo ito lalo na isa kang mortal at hindi taga-rito?”
Siya naman ang nagkibit ng balikat. Hindi niya sasabihin ang pangalan ng aguelo niya. Hindi pa rin siya nagtitiwala sa matandang ito dahil kanina lang muntikan na silang kainin ng Lamhua dahil dito.
“Basta nasa akin na ito. Huwag ka ng maraming tanong. Ngayon, paano kami matutulungan ng efuanti sa dereksyon na gusto namin puntahan? Baguhan kami rito.”
“Magtiwala ka lang sa efuanti.” Nagtimpla ito ng tsaa at binigay sa kaniya ang isang tasa. “Walang lason iyan o pampatulog. Magtiwala ka.”
Tinaasan niya ito ng kilay. Nakipagpalitan siya rito ng tsaa at pumayag naman ito. Sabay silang uminom ng tsaa at masasabi ni Percival na masarap at nakakapangpakalma ito. Sandali niyang nilasap ang tsaa sa kaniyang dila.
“Anong klaseng tsaa ito?”
“Ipot iyan ng mga paniki na pinatuyo ko kasama ang ugat ng ilang halaman.”
Nadura niya nang wala sa oras ang tsaa. Mabilis siyang tumayo at uminom ng tubig. Tangina talaga ng matandang ito! Binabawi niya na ang sinasabi niyang masarap. Kadiri!
Bumalik siya ng higa sa gitna ni Magnus at Reedrick at tila isang himala, bigla siyang nakatulog ng mahimbing. Nagising lang siya kinabukasan sa yugyog at sampal ni Reedrick sa mukha.
“Tangina mo talaga pinsan, eh! Ang tigas mo pa rin gisingin.”
Naghikab siya at nag-unat ng kamay saka bumangon. Naglibot siya ng tingin. Nakita niyang umiinom na ng tsaa sila Athena at Magnus kasama si tanda. Bigla niya tuloy naalala iyong pinainom sa kaniya kagabi ng matanda ng ipot ng paniki na pinatuyo.
Wala pang araw sa labas, malamang magsisimula na silang maglakbay nito mayamaya. Tumayo siya at piniling uminom ng tubig keysa sa tsaa.
“Ayaw mo ng tsaa pinsan?”
“Ang halo lang naman ng tsaang iyan ay ipot ng paniki sabi ni tanda.”
Sabay-sabay na napabuga ng hangin ang tatlo at umarteng naduduwal.
“Ang ininom mo kagabi bata, iyon ang may ipot ng paniki para pampakalma at pampatulog. Ito ay natural na berdeng tsaa para may lakas kayo sa umagang ito. Wala akong maibigay sa inyo na pagkain kung kaya tsaa na lang na may patak ng luha ng alitaptap. Nang sa gano’n, hindi kayo makaramdam ng pagod buong araw o gutom.”
Nagliwanag naman ang mata nilang apat sa narinig. Sabay silang humingi ulit ng tsaa kay tanda at siya, nilagok lahat ang laman sa tasa. Kailangan niya iyon!
At tama nga si tanda, matapos niyang inumin iyon nakaramdam na siya ng pagkapresko sa katawan. Energy level 1000 na agad ang naramdaman niya!
Ilang sandali pa ay nagpaalam na sila sa matanda. Bitbit ang sulo ng apoy, nagsimula na silang maglakad na walang deriksyon kung saan patungo. Hinayaan niya ang kaniyang instinct kung saan sila pupunta pero hindi na sa palasyo.
Oras na maibalik nila itong efuanti, makakalaya na rin ‘yong mga Asticians na nakikita nilang nakaposas. Inisip ni Percival, ilan pa kayang mga tao o Asticians ang pinakain ni Barthram sa Lamhua? Sa nakikita niya, naghihirap ang mga nakatira rito sa mundong ito. Halata naman.
Sandali silang huminto. Nasa malawak na field sila. Malayo na rin sila sa kaharian ni Barthram at nasa kabilang panig ito. Ganoon pa rin, black and white pa rin nakikita ng kanilang mata. Walang hangganan itim at puti pati ulap. May araw na rin pero hindi masyadong nakakalabas ito dahil sa kakapalan ng ulap. May mga ibon din pero halos nabibilang lang ito ng kaniyang kamay.
“Effective nga talaga ang tsaa ni Lolo!”
“Bakit, Athena? Mahal mo na ako?”
“Mahal mong lilong mo!” Inirapan naman ito ng dalagita at napakamot naman sa ulo si Reedrick. Inayos na lang nito ang salamin na suot at humarap sa kaniya.
“Pinsan alam mo ba kung saan tayo pupunta?”
“Naman! Ako pa! Never akong nagkakamali ng dereksyon.” Pagmamalaki niya. Pinaglaruan niya sandali ang batong kristal sa kamay. “Isipin mo ‘yon Reedrick, pinaglalaruan ko pa ito noon at laging napapaginipan. Pero ngayon, dinala tayo ng kristal na ito sa mundong ito para ipapatay.”
Natawa naman si Magnus. “Hindi naman. Exciting at challenging nga nangyayari sa atin. Isipin mo ‘yon pre, tatlong linggo na tayong nawawala sa atin. Siguro inisip ng mga tao roon patay na tayo.”
“Paniguradong ang lungkot-lungkot ni Tita Perlita, Percival.” Biglang nalungkot si Reedrick. Napakamot ito sa batok.
“Sa akin, paniguradong umiiyak na ang Mommy at Daddy ko. Isama na ang crush kong si Jaiven.” Madramang saad naman ni Athena.
Umasim namana ng mukha ni Reedrick sa narinig na pangalan. “Nandito naman ako, ah.”
“Pero hinid kita gusto, ‘no! Huwag kang feeling gwapo d’yan.”
“Talagang gwapo naman ako Athena. Ayaw mo lang aminin. Napapansin ko ang lagi mong pagkapit sa ‘kin pagtatakot ka.”
Naghagalpakan sila ng tawa ni Magnus at nag-high five. Iba talaga minsan ang nagagawa ng pinsan niyang si Reedrick. Sa mundo nila, tahimik at torpe ito pero pagdating dito makapal na ang mukha. Magpinsan nga talaga silang dalawa ng hayop na ito!
Kapagkuwan ay nagpasya siyang magsimula na silang maglakad. Mahaba pa ang lalakarin nila lalo na at wala naman silang matinong dereksyon. Walang clue o hint. Basta ang sabi, pusod ng Asticus. Magtatanong na lang sila sa dereksyon nila at panigurado may nakakaalam niyon kung saan man ito nakadestino.
Sa kanilang paglalakbay, wala silang nakasalubong kahit isang Asticians. Kung meron man, kaagad na tumatakbo papalayo at nagtatago sa kanila. Siguro dahil sa suot nilang bicyclist at makulay iyon masyado para sa monochrome settings ng mundong ito.
Sandali silang napahinto nang may natanaw silang isang magandang talon. Naghugis puso ang mata nilang apat at iisa lang ang pumasok sa isip nila, ang maligo! Pero kaagad pinigilan ni Percival ang mga kasamahan nang maalalang ganitong-ganito ang talon nung babaeng alam niya sa pangalan Eulalia at halimaw sa gabi. Tama! Talon ito ni Elsa.
Mabilis niyang nilibot ang tingin at hindi nagkamali si Percival, mula sa gitna ng rumaragasang talon, lumitaw roon si Eulalia. Deretso ang tingin nito sa kanila lalo na sa kaniya.
Umasim ang kaniyang tingin dito. Akala nito, nakalimutan niya na ang ginawa nito kagabi? Muntikan silang ginawang hapunan ng mga kasama niya? Pwe! Aanhin niya ang napakaganda nitong mukha e, isa pa rin itong halimaw.
“Mag-iba na tayo ng daan.”
Kaagad silang lumihis ng daan. Iiwasan nila ang Lamhua na ito. Umaga pa naman kaya normal na tao pa rin ito sa kaniyang paningin pero hindi niya nakakalimutan ang ginawa nito kagabi!
“Percival Peirce.”
Napahinto si Percival nung humarang sa harapan nila si Eulalia. May suot itong damit pero basa pa rin ang puting buhok. Nakatiningin ito sa kaniya at hindi niya kayang basahin ang isipan ng babae.
“Nakakaharang ka sa daan namin.”
“Sasama ako sa inyo.”
Ningisihan niya ito. “Hindi.”
Mabilis na bumulong sa teynga niya si Magnus na isama na nila ang babaeng ito pero mabilis siyang umiling. Halimaw ito sa gabi. Baka kainin pa sila nito pagsapit ng gabi.
“Huwag kang mag-alala, Percival Pierce. Sa tuwing sumasapit ang gabi, bumabalik ng kusa ang katawan ko sa palasyo na iyon kung saan niyo ako unang nakita sa halimaw kong anyo. Nakatali ako sa sumpa ni Barthram at gugustuhin ko man sakali na kainin kayo, hindi ko rin magawa lalo na at hawak mo ang itim na kristal na dating nasa pangangalaga ko. Ang efuanti.”
Oo nga pala, nabanggit nga pala ito ni matanda. Ang efuanti ay si Eulalia ang totoong nangangalaga nito kaya ito naging halimaw ngayon at hawak ni Barthram sa leeg.
“Bakit hindi ka namatay kagabi?”
“Dahil ako ang tagapangalaga niyang batong iyan. At nakikiusap ako sa ‘yo Percival Pierce, sasama ako sa inyo dahil kailangan niyo ako ng mga kasamahan niyo para mapabilis niyo ang paghahanap sa pusod ng Asticus.”
“Teka, alam mo ang pusod ng Asticus?” Nagliwanag ang mata ni Magnus.
“Malamang! Siya nga ang anghel na tagapangalaga, ‘di ba?” Naiinis na sagot ni Athena sa tanong ni Magnus.
“Huwag ka nga mangialam sa ‘kin at nagpapansin ako kay Eulalia!”
Sumenyas siya sa dalawa na sandali munang tumahimik. Kaagad naman tumahimik ang dalawa pero nagbabangayan pa rin.
“Kung alam mo ang pusod ng Asticus, saan ito? Ituro mo na lang. Kami na ang magdadala nito ro’n at maghintay ka na lang na bumalik ka sa normal mong anyo.” Mayabang na anas niya. Inisip niyang hahanga sa kaniya si Eulalia pero tiningnan lang siya nito ng walang emosyon na para bang nagsasalita siya na wala sa sarili.
“Ang pusod ng Asticus ay hindi nakikita sa pangkaraniwang mata.” Tumalikod ito sa kanila at naunang maglakad.
Nagulat silang apat dahil tuyo na ang buhok nito at iba na rin ang kasuotan ng babae. Nakasuot na ito ng puting bestidang damit na hanggang tuhod at ang mga sandalyas na suot ay yari sa abaka. May flower crown ito sa ulo. Ah, napakaganda talaga ni Elsa the Frozen!
Sandaling huminto ang kaniyang puso. Ang lakas ng t***k nito at nakakapanibago ito para kay Percival! Mabilis niyang pinilig ang ulo at pinaalis sa sistema ang babae.
“Tingin ko wala tayong choice kundi ang isama si Elsa.”
“Eulalia.”
“Elsa dahil puti ang buhok niya.” Ganting sagot niya at ngumisi. “Seryuso, napag-isipan kong isama natin siya. Baka totoo ang sinasabi niyang hindi nakikita ng pangkaraniwan mata ang pusod ng Asticus.” Isa lang silang normal at wala silang kapangyarihan maliban sa itim na kristal na hawak niya. At mukhang totoo nga na nakatali ito sa palasyo. Mas mabuti iyon at ayaw niyang makipagbuno rito sa gabi sa halimaw nitong anyo. Last na ‘yon kagabi.