NAPATITIG si Adriano Morello kay Maxine. Sa dami ng babaeng nakilala niya sa buhay, bihira siyang mawalan ng interes sa loob lamang ng ilang minuto. Ngunit ang babaeng nasa harapan niya ngayon ay iba. May kung anong misteryo rito na lalong nagtutulak sa kanya para makilala ito.
“Are you free tomorrow?” diretsong tanong niya habang hindi inaalis ang tingin sa magandang mukha ni Maxine.
Bahagyang tumaas ang isang kilay ng babae bago ito ngumiti ng matamis.
“Yorme,” mapang-asar nitong saad. “Ang bilis mo naman.”
Napangisi si Adriano. “Is that a no?”
“Hindi ko alam na ganyan ka kabilis,” dagdag ni Maxine sa malambing at mapaglarong tono. “Kakakilala pa lang natin, may invitation na agad.”
“Life is short.”
“Or maybe sanay ka lang makuha ang gusto mo.”
Napatawa nang mahina si Adriano.
“Usually.”
“Usually?” Maxine echoed habang iniikot ang wine glass sa kamay niya. “Mukhang mayabang ka talaga.”
“Confident.”
“Pareho lang iyon depende sa kausap.”
Natawa muli si Adriano. Hindi niya maalala kung kailan siya huling nakipag-usap sa isang babaeng hindi agad nagpapadala sa kanyang charm.
At sa kung anong dahilan, lalo siyang naaaliw dito.
“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.”
Napatingin si Maxine sa relo niya bago muling ngumiti.
“Sorry, Mayor. Fully booked ako bukas.”
Bahagyang nagsalubong ang kilay ni Adriano.
“Fully booked?”
“Work is work.”
“At paano kung sabihin kong kaya kong bayaran ang buong araw mo?”
Sandaling natahimik si Maxine. Pagkatapos ay marahan itong tumawa. Hindi mapang-insulto.NHindi rin flirtatious. Parang may alam itong bagay na hindi alam ni Adriano.
“See?” ani nito. “Kaya sinasabi kong mabilis ka.”
Tumayo si Maxine mula sa bar stool. “I have to go.”
“Maxine.”
Huminto ito.
“Will I see you again?”
Bahagyang lumingon ang babae sa kanya. Nagtama ang mga mata nila sa gitna ng maingay na bar. At sa unang pagkakataon, nawala ang mapaglarong ngiti ni Maxine.
“Trust me, Mayor Morello.” Mahina ngunit malinaw ang boses nito. “We'll see each other sooner than you think.”
Pagkatapos ay tumalikod ito at naglakad papunta sa VIP exit. Naiwan si Adriano na nakatingin sa papalayong babae. Ngunit ang hindi niya alam...Nasa loob ng isang nakaparadang itim na sasakyan sa labas ng bar, may lalaking naghihintay kay Maxine.
Ngunit habang pinagmamasdan ni Adriano ang papalayong pigura ng babae, may kung anong pakiramdam na bumalot sa kanya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit, ngunit ayaw niyang basta na lamang mawala ito sa gabing iyon.
“Maxine!”
Malakas ang boses niya kaya napalingon ang ilang tao sa paligid, ngunit hindi siya nagbigay-pansin sa kanila. Mabilis siyang naglakad upang habulin ang babae.
Huminto si Maxine sa tuktok ng hagdanan sa labas ng bar bago dahan-dahang lumingon. Nang makita niyang si Adriano ang humahabol sa kanya, bahagyang umangat ang sulok ng kanyang labi.
“Wow,” natatawa niyang sabi. “Hindi ko akalaing hahabulin ako mismo ng sikat na mayor.”
Nang makarating si Adriano sa harapan niya ay hindi niya agad sinagot ang biro nito. Tinitigan lamang niya ang babae na para bang sinusubukan niyang intindihin kung bakit hindi niya maalis ang atensyon dito.
“Hindi kita dapat hinahabol,” sabi niya sa wakas. “Karaniwan, ako ang iniiwasan ng mga babae para magpahabol.”
“Talaga?” mapaglarong sagot ni Maxine. “Sa nakikita ko, mukhang ikaw ang nahihirapang umalis ngayon.”
Napangiti si Adriano. Hindi niya maitatanggi iyon.
Malamig ang hangin sa gabi ngunit tila hindi iyon nararamdaman ng dalawa. Sa pagitan nila ay may kakaibang tensyon na hindi maipaliwanag.
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
“Uuwi.”
“Hayaan mo akong ihatid ka.”
Bahagyang umiling si Maxine habang nakangiti pa rin.
“Hindi magandang ideya iyon.”
“At bakit naman?”
“Dahil sanay kang nakukuha ang lahat ng gusto mo.”
Napatawa nang mahina si Adriano. “At ano naman kung ganoon?”
“Kapag nasanay ang isang tao na laging nananalo, nakakalimutan niyang may mga laban na hindi niya kayang ipanalo.”
Mas lalo siyang naaliw sa sagot nito. Hindi siya sanay na may babaeng nagsasalita sa kanya nng ganoon. Kadalasan ay nangingimi ang mga tao sa kanya dahil sa kapangyarihan at impluwensyang hawak niya bilang mayor.
Ngunit si Maxine ay tila walang pakialam.
Biglang huminto sa harapan nila ang isang itim na luxury sedan. Agad bumaba ang driver at magalang na binuksan ang pinto para sa babae.
Napansin iyon ni Adriano. Hindi ordinaryong serbisyo iyon. Ang klase ng paggalang na ipinakita ng driver ay para bang may mahalagang tao siyang pinaglilingkuran.
Napatingin siya sa sasakyan ngunit hindi niya makita ang loob dahil sa madilim na tint ng mga bintana.
“May naghihintay sa'yo?” tanong niya.
“Always,” simpleng sagot ni Maxine.
Mas lalo siyang naintriga.
“Bigyan mo man lang ako ng numero mo.”
Tumawa si Maxine at bahagyang umiling. “Hindi ka sanay na tumatanggap ng hindi bilang sagot, hindi ba?”
“Hindi talaga.”
“Napansin ko.”
Sandaling nagkatitigan ang dalawa bago may inilabas na maliit na card ang babae mula sa kanyang purse. Iniabot niya iyon kay Adriano.
Nang tingnan niya ang card ay agad siyang napakunot-noo. Iisang salita lamang ang nakasulat.
MAXINE…Wala nang iba. Walang numero. Walang address. Walang social media. Wala kahit anong paraan para mahanap siya.
“Ano ito?” tanong niya.
“Kung gusto mo talaga akong makita ulit, hanapin mo ako.”
Napangiti si Adriano habang iniikot ang card sa pagitan ng kanyang mga daliri.
“Ginagawa mo ba talaga itong mahirap?”
“Hindi,” sagot ni Maxine habang papasok sa sasakyan. “Pinapadali ko lang para malaman kung gaano mo talaga gusto ang isang bagay.”
Bago tuluyang maisara ang pinto ay muli siyang sumulyap kay Adriano.
“Good night, Yorme Morello.”
At pagkatapos niyon ay umandar na ang sasakyan.
Nanatiling nakatayo si Adriano sa harap ng bar habang pinagmamasdan ang papalayong kotse. Hawak pa rin niya ang card na iniwan ni Maxine at hindi niya namalayang napapangiti siya mag-isa.
Sa loob ng maraming taon, sanay siyang ang mga babae ang lumalapit sa kanya. Sanay siyang sila ang naghahanap ng paraan upang mapansin niya.
Ngunit ngayong gabi ay kabaligtaran ang nangyari. At sa unang pagkakataon matapos ang napakatagal na panahon, may isang babae na nagpaiwan ng misteryo sa kanyang isip. Isang babaeng hindi niya kilala. Isang babaeng ayaw magpakilala nang lubusan. At isang babaeng bigla niyang gustong hanapin pagkagising niya kinabukasan.
PAGOD na pagod ang katawan ni Maxine nang makauwi siya sa kanilang apartment. Agad niyang hinubad ang mataas na takong na sapatos at napapikit sandali habang sumasandal sa pintuan. Kanina lamang ay mukha siyang isang babaeng kabilang sa pinakamayayamang tao sa siyudad. Nakasuot siya ng mamahaling damit, nakikipag-usap sa mga negosyante at pulitiko, at kayang paikutin sa kanyang mga daliri ang mga lalaking sanay na nakukuha ang lahat ng gusto nila.
Ngunit pag-uwi niya...
Bumabalik siya sa realidad.
Isang lumang apartment ang sumalubong sa kanya. May bakbak na pintura sa dingding. Lumang sofa. Maliit na sala. At mahinang ilaw na tila anumang oras ay maaaring mapundi.
Ito ang tunay na buhay ni Maxine.
Malayo sa glamor at karangyaan na ipinapakita niya gabi-gabi. Tahimik siyang humakbang papasok ngunit agad siyang natigilan.
May nakaupo sa sala.
Si Wilson, ang nobyo niya.
Nakatungo ito habang mahigpit na nakakuyom ang mga kamao. Nang marinig ang pagbukas ng pinto ay agad itong nag-angat ng tingin.
At kitang-kita ni Maxine ang galit sa mukha nito.
"Wilson..."
Ngunit hindi siya nito pinatapos.
"Saan ka galing?"
Napabuntong-hininga si Maxine. Pagod na siya para sa ganitong usapan.
"Huwag na nating simulan."
"Huwag simulan?" Tumayo si Wilson at napatawa nang mapait. "Araw-araw kang umuuwi ng madaling-araw tapos sasabihin mong huwag simulan?"
"Pagod ako."
"Ako rin! Pagod na akong intindihin ka."
Umalingawngaw ang boses nito sa maliit na apartment. Tahimik na napapikit si Maxine. Ayaw niya ng gulo ngayong gabi. Ngunit mukhang hindi iyon maiiwasan.
"Alam mo ba kung gaano kasakit para sa akin?" nanginginig na tanong ni Wilson. "Alam ng buong barangay natin kung ano ang ginagawa mo."
"Wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao."
"Ako meron!"
Biglang natahimik ang buong sala. Mahigpit na napahawak si Wilson sa buhok niya.
"Maxine... hindi ito ang buhay na dapat meron ka."
Napangiti si Maxine ngunit puno iyon ng pait.
"Talaga?"
"Totoo."
"Ano ba ang gusto mong gawin ko?"
Natahimik si Wilson. Dahil pareho nilang alam ang sagot. Ang ama ni Maxine ay limang taon nang nakakulong. Isa lamang itong security guard na nadawit sa isang trahedya. Sa pagtatanggol sa sarili at sa establisyimentong binabantayan niya, nakapatay siya ng armadong magnanakaw.
At mula noon… Unti-unting naubos ang lahat ng ipon nila. Naibenta ang bahay. Nalubog sa utang. Hanggang sa mapunta sila sa maliit na apartment na ito.
"Naghahanap ako ng paraan para mailabas si Papa," mahinang sabi ni Maxine.
"May ibang paraan."
"Tulad ng ano?"
Hindi nakasagot si Wilson.
Dahil ilang taon na rin silang naghahanap ng ibang paraan. At lahat ng iyon ay nabigo.
"Mas gugustuhin kong maghirap tayo kaysa ginagawa mo iyan."
Biglang tumawa si Maxine.
Ngunit walang saya sa tawang iyon.
"Madaling sabihin iyon dahil hindi ikaw ang nakatingin kay Papa tuwing dalaw."
Tumigas ang mukha ni Wilson. "Maxine—"
"Hindi ikaw ang nakakarinig kapag sinasabi niyang pagod na siyang mabuhay sa loob." Unti-unting namula ang mga mata niya. "Hindi ikaw ang nakakakita kung paano siya tumanda sa kulungan."
Natahimik si Wilson.
Sa unang pagkakataon ay wala itong maisagot.
"Every night," nanginginig na sabi ni Maxine, "ginagawa ko ang lahat ng ito dahil ayokong mamatay si Papa sa loob ng bilangguan."
Tahimik ang buong sala. Pagkatapos ay mahina siyang napaupo sa sofa.
Pagod na pagod na siya. Hindi lamang ang katawan niya. Pati ang puso niya. Dahan-dahang yumuko si Wilson. Nawala ang galit sa mukha nito at napalitan ng lungkot.
Mahal niya si Maxine. At iyon ang dahilan kung bakit hindi niya matanggap ang mga sakripisyong ginagawa nito.
Ngunit bago pa siya makapagsalita, biglang nag-vibrate ang cellphone ni Maxine. Napatingin siya rito. At agad siyang natigilan.
Isang mensahe ang pumasok mula sa hindi kilalang numero.
"I finally found you. — Adriano Morello"
“Kliyente na naman?” tanong ni Wilson sa kanya, samantalang si Maxine naman ay dahan-dahang napangiti. Dahil hindi niya inaasahan na ganoon kabilis kumilos ang mayor. At mukhang mas naging interesado si Adriano Morello kaysa sa inaakala niya.