Nang nakapasok si Roselle sa kanyang kwarto, muli siyang napahinga nang malalim. Ramdam niya ang bigat sa dibdib—isang bigat na matagal na niyang ikinukubli. Kimkim niya sa kanyang kalooban ang lihim na panibugho na matagal na niyang pinipigil, panibugho sa pinsang sa tingin niya ay tila walang kamalay-malay sa kanyang pinipiling damdamin.
Bago niya kinuha ang regalo sa drawer, na inihanda para sa magkasintahan na sina Meriam at Lawrence, napadaan siya sa salamin. Humarap siya at tumitig. Hindi maipinta sa mukha ang tunay niyang nadarama.
Sa salamin na iyon—isang salamin na nagpapakita ng simpleng repleksyon ng kanyang sarili—pero ang tanging nakakaalam ng lahat ng sekreto niya. Ang bawat lihim ng kanyang puso, ang bawat sama ng loob at galit na pinipilit niyang itago kay Meriam.
Sa totoo lang, sa likod ng kabaitan at pagpapakita ng magaan na loob niya kay Meriam, ay naroon ang kasuklam-suklam at inis sa damdaming pilit niyang kinukubli.
Simula nang dumating si Meriam sa kanilang buhay, tila lahat ng pagkakataon at pabor na dapat sana ay kanya, ay inagaw. Hindi lang basta inagaw—walang kahirap-hirap, parang iyon ay ipinanganak na para lamang sa pinsang iyon, habang siya ay pinagpaguran para sa parehong bagay. Subalit, sa huli, nabigo siya.
At ang kabiguan, bagamat matagal na niyang itinago, ay matalim pa ring sugat sa puso.
Nine years old pa lang siya nang tumira si Meriam sa kanilang bahay, halos magkasing edad sila. Ang atensyon ng kanyang mga magulang, na sana’y nakalaan lamang sa kanya, ay tila kusang ibinigay kay Meriam. Hindi niya alam ang dahilan, at kahit na anong pagsisikap niya, tila wala siyang kapangyarihan para mapanatili ang pagmamahal at pagpapahalaga ng kanyang sariling pamilya.
Ginagawa niya ang lahat ng gusto ng kanyang mga magulang, kahit minsan labag ito sa kanyang kalooban. Ngunit sa pagdating ni Meriam, ang pakiramdam niya ay lahat ng pabor at papuri ay ibinibigay na lang sa pinsan niya, habang siya, ang tunay na anak, ay tila nakalimutan.
Ang mga sandaling iyon ng kanyang kabataan—ang mga oras na dapat sana’y puno ng pagmamahal at gabay—ay napuno ng tahimik na paghihirap.
Para kay Roselle, si Meriam ay unti-unting inagaw ang kanyang pamilya at ang espasyo na para sana sa kanya.
Ngayon, habang dalaga na siya, hindi lamang ang pansin ng kanyang mga magulang ang inagaw ni Meriam—pati ang matagal niyang lihim na iniingatang pagmamahal sa isang tao, ang kanyang best friend, ay ipinagkaloob na rin sa pinsang iyon.
Oo, aminado siya, at saksi ang salamin sa kanyang harapan: mahal niya si Lawrence. Mahal na mahal niya ito, matagal na niyang pinangarap na mapansin, ligawan, at mahalin siya ng binata. Subalit, kahit gaano niya pinilit, wala… walang nangyari. Sa halip, si Meriam ang pinili ng binata.l
Ang sakit—
Roselle… hindi maikukubli ang sakit sa bawat eksena ng pagmamahalan nina Meriam at Lawrence. Tuwing magkasama ang dalawa, sa bawat halakhak, sa bawat pagkakakahawak ng kamay, tila isang patalim na unti-unting kumakain sa kanyang puso. Ang mga kuwentong inihahanda niya—na kunwari ay masaya siya—lahat ng iyon ay kasinungalingan. Pakitang tao lamang. Ang bawat ngiti na ipinapakita niya, bawat biro na ipinapanggap niya, ay panakip lamang sa sakit na nararamdaman niya.
Ang biglang pagsabi niya sa kanyang mga magulang tungkol sa relasyon nina Meriam at Lawrence ay isang taktika niya iyon na akala niya, siguradong pagalitan si Meriam at pipilitin na pigilan ang relasyon ng dalawa.
Ngunit hanggang akala lang pala iyon. Wala siyang nakitang pagbabago sa dalawa, at ang sakit sa kanyang dibdib ay lalo pang tumindi.
Ngumiti si Roselle sa kanyang sarili, ngiti na may halong kasamang lihim na balak. Hindi ito simpleng ngiti—ito ay ngiti ng isang taong nagbabalak, ngiti ng isang taong handang simulan ang isang laro ng kapalaran na unti-unting sisira sa matibay na pundasyon ng pagmamahalan ng dalawa.
“Magbibigay ako ng regalo,” bulong niya sa sarili. “Regalong umpisa na sisira sa inyong dalawa.”
At sa isip niya, hindi niya iniisip na ang regalo ay basta isang simpleng bagay. Ito ay magiging simula ng isang serye ng pangyayari na magpapakita ng kanyang presensya sa gitna ng relasyon ng dalawa—isang lihim na hakbang na magbibigay ng duda, pag-aalinlangan, at marahil kahit poot.
Habang hinahanda niya ang regalo, bumabalik sa kanyang alaala ang mga sandali ng kanyang kabataan: ang mga oras na dapat sana’y nakalaan sa kanya, ang mga ngiti at papuri ng kanyang mga magulang na ipinagkaloob kay Meriam, at ang mga pagkakataon na ipinakita niya ang lahat ng effort niya, ngunit walang kapalit na pagmamahal.
Ang lahat ng iyon ay nag-iwan ng bakas sa kanyang puso—isang bakas na nagiging apoy, na ngayon ay nagbabalak na sunugin ang lahat ng pabor kay Meriam.
Si Roselle ay tumigil sandali, at muling tumingin sa salamin. Sa mata ng sarili niya, nakita niya hindi lamang ang sakit, kundi pati ang determinasyon–
Ito ay isang determinasyon ng isang taong piniling hindi lang manahimik sa likod ng tabi ng kasayahan ng iba. Piniling maging aktibo sa kanyang sariling kwento, kahit na ito ay nangangahulugang magdala ng kaguluhan sa nakasanayang katahimikan.
Habang dala ang regalo sa kanyang mga kamay, nakangiti siyang isinaisip na ito na ang simula ng isang bagyong darating sa buhay nina Meriam at Lawrence. Isang bagyo na unti-unting sisira sa kanilang mundo—isang regalo na magtatakda ng simula ng pagbabago, isang regalo na magbibigay-daan sa kanya upang mabawi mula kay Meriam ang dapat ay para sa kanya.
“Ito na ang panahon,” bulong niya, “ang panahon ng pagbabawi, ng paghahabol sa mga bagay na dapat sana ay akin pa rin.”
At dala ang kanyang regalo, lumabas siya ng kwarto, may ngiti sa labi ngunit may apoy sa puso—isang apoy na sabik na makita ang epekto ng maliit na galaw na mag-uumpisa ng malaking pagbabago sa buhay nina Meriam at Lawrence.
—
Nakita ni Meriam si Roselle na paparAting, malapad Ang pagkangiti ng kanyang pinsan habang naglalakad palapit sa kanilang kinaroroonan.
“Pasensya kung pinaghintay ko kayo ng matagal.” Sabi ni Roselle nang makalapit na ito sa kanila.
“Wala namang problema amin ni Meriam, Bes” Wika ni Lawrence saka inakbayan si Meriam.
Saglit na napatingin si Roselle roon, ngunit agad namang binawi at na labi.gsalita ng—
“Ang totoo niyan, talagang sinadya ko na matagalan. Para mabigyan kayong dalawa ng solo, love birds moment” malapad ang pagkangiti na saad ni Roselle. Saka tinukso ang dalawa.
Kaya hindi napigilan ni Meriam ang magpostura ng ngiti sa kanyang mga labi. Hindi pinalampas iyon ni Roselle sa kanyang paningin.
“Ang tanga, naniwala naman sa sinabi ko…pero sige, magpakasaya ka na ngayon. Hanggang sa gusto mo” tinig iyon sa isipan ni Roselle. Na may pilit na mga ngiti. Ngiting may tinatagong panibugho.