“Siyanga pala,” wika ni Roselle habang bahagyang itinataas ang dalawang maliit na kahon na hawak niya, “may ibibigay ako sa inyo, mga bes.”
Malapad ang pagkakangiti niya—yung uri ng ngiting walang bahid ng alinlangan, walang bakas ng pagkukunwari, at lalong walang senyales ng anumang masamang intensyon.
Sa paningin ng kahit sinong makakakita, isa lamang siyang masayang kaibigan na taimtim ang suporta sa pagmamahalan nina Meriam at Lawrence. Isang pinsang laging nandiyan, handang umunawa, handang magbigay, at handang magsakripisyo.
O iyon ang nais niyang ipaniwala sa lahat.
“Gaya ng sinabi ko,” patuloy niya, “may regalo ako para sa inyong dalawa.”
“Tiyaran…” dagdag pa niya, sabay tawa na lalong nagpalapad sa kanyang ngiti.
Ngunit sa likod ng tila inosenteng kilos na iyon ay may kakaibang ningning sa kanyang mga mata—hindi agad mapapansin, ngunit sapat upang ipahiwatig ang pananabik.
Hindi lamang pananabik na makita ang tuwa ng dalawa, kundi pananabik na masaksihan ang simula ng isang bagay na matagal na niyang ikinimkim at tahimik na pinagplanuhan.
Inilahad niya ang dalawang maliit na kahon. Parehong kulay pula, may ribbon na maingat ang pagkakatali. Halatang hindi minadali—pinag-isipan, pinili, at sinigurong may simbolismong higit pa sa materyal na halaga.
“Wow,” sambit ni Lawrence habang kinukuha ang kahon na iniabot sa kanya. “Ang ganda nito ah. Ano kaya ’to, bes?”
Napangiti si Meriam habang hawak ang sarili niyang kahon. “Hindi mo naman kailangan pang mag-abala, Roselle.”
“Gusto ko,” sagot ni Roselle, diretso ang tingin kay Meriam. “Buksan niyo na. Surprise ko ’yan.”
Tahimik siyang umatras ng kaunti habang binubuksan ng dalawa ang kanilang mga kahon. Pinagmamasdan niya ang bawat galaw—kung paano dahan-dahang bumuka ang takip, kung paano sandaling huminto ang kanilang paghinga, at kung paano nagbago ang ekspresyon sa kanilang mga mukha.
At sa sandaling iyon—
Napakislap ang mga mata nina Meriam at Lawrence.
Isang pares ng gold necklace ang laman ng bawat kahon. Magkapareho ang disenyo—pendant na hugis kalahating puso. Kapag pinaglapit, malinaw na bubuo ito ng isang buo at perpektong puso.
Isang simbolo ng pagkakabuo, ng pangakong hindi kailanman magkakahiwalay.
Ngunit higit pa roon ang tunay na sorpresa. Sa pendant ni Lawrence, may maliit na larawan ni Meriam. Sa pendant naman ni Meriam, ang larawan ni Lawrence.
Parang hindi agad makapaniwala ang dalawa. Napamaang si Meriam, tila nawalan ng boses sa loob ng ilang segundo.
“Grabe naman, bes…” mahina ngunit nanginginig ang tinig niya.
“Ang effort mo dito.”
Hinawakan niya ang pendant na parang may takot na baka mawala ito sa isang iglap.
“Talagang pinag-isipan mo ’to. Alam kong hindi biro ang ipagawa nito.”
“Bes, the best ka talaga!” sabay halos pasigaw na sabi ni Lawrence. Hindi niya napigilan ang sarili at bigla niyang niyakap si Roselle—isang yakap na puno ng tuwa, pasasalamat, at purong emosyon.
Saglit na nagulat si Roselle, ngunit mabilis niyang tinanggap ang yakap. Sa loob ng ilang segundo, ramdam niya ang pintig ng dibdib ni Lawrence—malapit, totoo, at mas mainit kaysa sa nararapat para sa isang yakap na walang ibig sabihin.
O iyon ang nais niyang paniwalaan.
“Kung ang tawagan niyo sa isa’t isa ay ‘mahal,’” sabi ni Roselle nang kumalas sila ni Lawrence sa pagka yakap, “ganun din ang turing ko sa inyo.” Bahagyang nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Kung may makakakita man, iisiping iyon ay luha ng purong pagmamahal at malasakit.
“Para sa akin kasi,” patuloy niya, “napakahalaga niyong dalawa sa buhay ko. Hindi lang kayo best friends. Hindi lang pinsan. Para na rin kayong tunay kong mga kapatid.”
Hindi na napigilan ni Meriam ang emosyon. Tumulo ang luha niya habang nakangiti.
“As in na-touch talaga ako, bes. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan.”
“Tigilan na nga natin ’tong dramang ’to,” pabirong wika ni Roselle habang pinupunasan ang pisngi.
“Parang OA na tayo.”
Tumawa si Lawrence.
“Oo nga. Para na tayong nasa teleserye.”
“Actually,” biglang sabi ni Lawrence, “kumain tayo sa Starbucks. Libre ko.”
Napatingin si Meriam. “Talaga?”
“Oo,” sagot ni Lawrence, saka inakbayan si Roselle—isang kilos na walang malisya sa kanyang isip.
“Ililibre kita ng paborito mo—Java Chip Frappuccino. At Chocolate Glazed Donut.”
Napangiti si Roselle. “Kabisado mo talaga ang paborito ko, ah?”
Tahimik lamang na ngumiti si Meriam. Wala siyang naramdamang selos sa pag-akbay ng nobyo sa pinsan. Alam niyang natural lang ang closeness ng dalawa. Isa pa, hindi pa rin siya maka-move on sa regalong hawak niya ngayon—sa simbolismong kinakatawan nito, sa pangakong akala niya’y hindi kailanman masisira.
Ngunit para kay Roselle, iba ang dating ng akbay na iyon.
At sa loob-loob niya, may boses na bumulong—malamig at mapakla ngunit may ligayang nasasabik sa
susunod na mangyayari.
Tama. Hayaan niya muna silang maging masaya.
Napatingin siya kay Meriam—masaya, payapa, hawak ang kwintas na parang pinakamahalagang bagay sa mundo.
Kung mapaluha ka man ngayon, sabi niya sa sarili, luha ’yan ng ligaya.
Bahagya siyang ngumiti, isang ngiting walang ibang nakakita.
Pero sa susunod… hindi na saya ang dahilan ng luha mo.
Kundi sakit.
Mga pangakong hindi pa nasusubok ng panahon, tuluyan nang nagsara ang kabanatang ito—isang kabanatang puno ng ngiti, regalo, at yakap.
Ngunit sa ilalim ng lahat ng iyon, nagsimula na ang wakas. At ang simula ng pighati ng isang pusong Akala ay totoo ang lahat, iyon Pala ay matagal nang kinain ng panibugho.
At si Roselle lamang ang nakakaalam ng tunay na bigat ng regalong iniabot niya sa dalawa.
—
“Ma’am Meriam,” wika ni Alondra, ang kanyang sekretarya, “nariyan na po sina Ma’am Roselle Gomez at Sir Lawrence Velasquez sa labas. Hinihintay na po kayo para pag-usapan ang business proposal.”
Nang makalabas ang sekretarya, humarap si Meriam sa salamin sa loob ng kanyang opisina.
Huminga siya ng malalim.
Ito na, wika niya sa sarili. Haharap ka na sa dalawang taong lumikha ng malalim na sugat sa puso mo.
Pinatatag niya ang sarili, itinaas ang noo, at inayos ang postura.
Hindi na ikaw ang Meriam na dati nilang kilala twelve years ago, bulong niya sa sarili. Hindi na mahina. Hindi na madaling masaktan.
Ngayon, isa na siyang babaeng handang harapin ang nakaraan—nang walang takot, at may bakas ng tatag ng loob.
-
Kung ang wakas ay nagsimula sa isang regalo, hanggang kailan maitago ang katotohanang ang bawat ngiti ay may katumbas na kapalit
-
Sa sandaling muling magtagpo ang tatlo sa iisang mesa ng negosyo, alin ang unang guguho—ang kumpanya o ang mga kasinungalingan minsan ay ginawang totoo para bumagsak ang kahapon na pag-iibigan?
-
Kung ang bawat ngiti ay may tinatagong lihim, sino sa kanila ang unang mabibigo—ang puso o ang may madilim na plano?