*******
Alice's point of view...
"Bessy! Samahan mo ako kay Aling Magda bilis!" pagpupumilit ko sa bessy ko.
"Huh? Bakit nanaman ba?" nagtatakang tanong ni Jelai.
"Ihhh si chang ko kasi isinugod daw nila kuya kagabi sa hospital, dahil nanaman 'yun sa sakit niya sa puso, pa'no na ba 'yan kailangan ko ng pera, kulang na kulang pa naman 'yung sahod ni kuya para pambayad sa hospital at pambili ng mga gamot ni chang," natataranta kong sabi, at para bang iiyak na lang ako bigla ng wala sa oras dahil sa sobrang pagkataranta.
"Hah! Eh anong balak mo ngayon?" nag-aalalang tanong ni Jelai.
"Kaya nga samahan mo ako kay Aling Magda!" sabi ko sabay hawak sa braso niya para hilahin siya.
"Oh, oo sige, sige!" Nagpahila naman siya sa akin at agad naming hinanap si Aling Magda.
*************
"Aling Magda nagmamakaawa po ako sa inyo, babale lang po ako, pangako, hindi ko po tatakasan ang trabaho ko rito," pagpapakiusap ko kay Aling Magda.
"Pero kakaumpisa niyo pa lang ah," sagot naman nito.
"Oo nga po pero pangako ko po sa inyo, pagbubutihin ko po ang trabaho ko." Halos lumuhod na ako sa pagmamakaawa at baka ako'y pagbigyan niya.
bumuntong-hinga siya at, "Oh sige, magkano ba ang kukunin mo?" tanong nito, na ikinalawak ng ngiti ko at ikinahinga ko pa ng maluwag.
Pagkabigay na pagkabigay ni Aling Magda ng pera sa'kin ay agad din kaming nagpunta ni Jelai sa labas, para maipadala na kay kuya ang pera. Si kuya na lang kasi ang katuwang ko sa buhay at inampon lang kami ni Chang Mildred, noong namatay ang nanay at tatay namin dahil sa aksidente, at kasama na ro'n ang tatay ni Jelai.
"Bessy, alam mo ba pupuntahan natin?" tanong ko.
"Ahmm sabi kasi ni Elsa sa'kin, kailangan lang daw nating sumakay ng jeep papunta sa malapit na mall at doon may branch ng pera padala," sagot naman ni Jelai.
"Oh sige, tara sakay na tayo." Pang-aaya ko, sumakay nga kami ng Jeep at sinabing sa malapit na mall lang kami ibaba. Siksikan sa loob ng jeep at ang init pa, hay naku nagtaxi na lang sana kami, pero joke lang, wala nga kaming pera ihh.
*************
Jelaica's point of view...
Nakasakay kami ngayon sa jeep at sa hindi inaasahan ay napukaw ng isang batang lalaki ang atensyon ko. Nakakandong siya ngayon sa kanyang ina at kitang-kita ko ang mga ngiti sa mga labi niya habang pinagmamasdan ang kabuuan ng jeep. Siguro noong nabubuhay pa ito ay mahilig na siyang sumama sa mama niya at lagi silang sumasakay ng jeep. Oo, kaluluwa ng batang lalaki ang nakikita ko ngayon.
Pero kahit gano'n ay hindi ko pa rin magawang matakot dahil mas nangingibabaw sa'kin ngayon ang awa, nakatingin ang bata sa mama niya habang ang mama niya naman ay nakatanaw lang sa labas ng bintana ng jeep. Malungkot ito at namumugto ang mga mata na para bang galing sa matagal na pag-iyak. Siguro ay kamamatay lang ng anak niya, hindi ko na lamang sila tinignan pa at ibinaling ko na lang ang atensyon ko sa labas ng bintana.
Makalipas ang halos kalahating oras ay huminto na rin ang sinasakyan naming jeep at isa- isa na rin na nagsisibabaan ang mga pasahero nito.
"Bessy, dito na ba?" tanong nitong si Alice.
"Itanong natin," sabi ko.
"Ahh manong, dito na po ba 'yung mall?" tanong ni Alice sa driver ng jeep.
"Maglakad lang po kayo ng kaunti banda roon ma'am, makikita niyo na po roon ang mall," sagot naman ni manong driver.
"Ah salamat po," sabi naman ni Alice, bago pa kami tuluyang bumaba ng jeep. No'ng makababa kami ay sinunod nga namin ang sinabi ni manong driver, naglakad nga kami para hanapin ang mall na malapit.
"Uy! Wait lang, bessy," sabi ni Alice na huminto pa sa harap ng isang itim at mukhang mamahaling kotse.
"Ohh bakit?" tanong ko.
"Magsasalamin muna ako, ang hagard na yata ng face ko," sabi nito, na ikinakunot ng noo ko, siya lang yata 'yung kilala kong may emergency kuno, pero heto at inuuna pa ang mga ganitong bagay, tsk. Lumapit siya sa isang kotse na kulay itim at doon nagsalamin sa itim nitong bintana.
"Ohh di ba, ganda ko." Sabay ayos ng buhok niya. Sumilip na rin ako para malaman ko rin kung okay ba ang itsura ko, akmang aalis na sana kami no'ng mapansin namin na unti-unting bumababa ang bintana ng kotse.
"Hala! May tao?" nasabi ng katabi kong si Alice.
"Hindi ba obvious? Naku tara na nga! Nakakahiya!" Sabay hila ko sa kanya palayo sa itim na kotse.
************
Nasa loob na ng pera padala branch si Alice at nag-fifill up na siya roon ng form, kaya naman naisipan kong magpunta muna sa comfort room, kasi mukhang matatagalan pa siya ro'n dahil pipila pa siya.
Malawak ang mall, kaya nagtanong tanong na lang ako kung nasaan ba 'yung malapit na C.R dahil baka maligaw pa ako. No'ng mahanap ko na nga ito ay agad na akong pumasok sa loob, maluwag dito at malinis, kaya naman hindi ko mapigilan ang ma-amaze, napansin ko ang mga nakahilirang cubicle sa kaliwang bahagi, bakante ang lahat ng cubicle rito, kaya naman pumili lang ako ng isa at pumasok ako rito.
Nang matapos na ako ay nag-flash na agad ako ng toilet, pero sandali akong natigilan no'ng makarinig ako ng kakaibang tunog na sumasabay sa ingay ng flash ng tubig sa toilet. Alam kong ako lang ang tao rito dahil halos lahat ng cubicle kanina no'ng pumasok ako ay bakante, kaya naman nakapagtatakang nakakarinig ako ngayon ng malakas na iyak at hikbi ng isang babae.
Nang matapos na ang flash ng tubig ay nawala na rin ang hikbi na naririnig ko. Nangunot ang noo kong lumabas ng cubicle at dumiretso na lamang sa harap ng lababo para maghugas ng kamay, awtomatikong napatingin ako sa sarili kong repleksyon sa salamin no'ng maisipan kong mag-retouch muna, kahit na powder lang ang dala ko sa maliit kong sling bag.
Natigil ako sa pagpapahid ng powder sa mukha ko no'ng magsimulang magpatay sindi ang mga ilaw, inilibot ko ang paningin ko sa paligid bago ko marahang ilagay sa bag ang hawak kong powder. Napalunok ako no'ng makaramdam na ako ng kakaiba sa paligid, mabigat ito sa pakiramdam, hindi nagtagal ay halos manlaki ang mga mata ko no'ng tuluyan na ngang nawala ang ilaw sa loob ng C.R.
Mabilis kong kinuha ang cellphone ko sa bag at ginawa itong flashlight, itinapat ko ito sa salamin at halos mabitawan ko ang cellphone ko no'ng bumungad sa akin ang isang imahe ng babae sa salamin, duguan ang mukha nito at nanlilisik ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Tila galit na galit siya, at punong puno ng paghihiganti.
Agad akong napaatras dahil natakot ako no'ng bigla na lamang tumagos ang duguan nitong kamay sa salamin na para bang gusto niya akong abutin. Tumutulo na ang dugo niya sa lababo, gusto kong tumakbo pero parang hindi na ako makagalaw dahil sa sobrang kaba at takot, hindi ko na kinaya pang tignan siya kaya't napapikit na lamang ako at napasigaw ng, "Tama na!"
"Bessy? Bakit ka sumigaw? Tsaka bakit namumutla ka? Ayos ka lang?" tanong ni Alice, dahilan para magmulat ako at makita ko siyang bumungad sa may pintuan ng C.R, nakabukas na rin ang mga ilaw at wala na rin ang babae sa sa salamin.
"Ah? W-Wala, oh tapos kana ba? Nakapagpadala kana?" pang-iiba ko ng usapan, pagkatapos ay lumabas na ako at agad siyang hinila.
"Oo, pero wait lang punta lang ako sa C.R," sabi niya, na ikinalaki ng mga mata ko.
"Hah! Wag na! Doon kana lang magbanyo sa mansion, pag-uwi, tara na." Pagtutulakan ko sa kanya, palayo sa C.R.
"pero naii-..." Pinutol ko na ang sasabihin niya.
"Bessy, wala ng pero pero, tara na!" sabi ko na lang. Wala naman na itong nagawa kaya sumunod na lang siya at hindi na muling nagpumilit pa. Hindi nagtagal ay nakahinga na ako ng maluwag no'ng makalabas na kami ng tuluyan sa mall. Napakamot na lang ako ng ulo no'ng mapansin kong nanginginig pa rin ang mga kamay ko dahil sa mga nangyari kanina. Hindi naman na bago sa akin ang pagpapakita ng mga ligaw na kaluluwa, pero hindi ko pa rin talaga maiwasang matakot.
"Bessy, saang jeep tayo sasakay?" tanong ni Alice, dahilan para mabaling ang tingin ko sa kanya.
"Ah, doon." Turo ko sa isang jeep sa hindi kalayuan.
Ilang saglit lang ay lumapit na kami sa itinuro kong jeep at agad na ring sumakay dito si Alice, kaunti pa lang ang pasahero at sasakay na rin sana ako no'ng mapansin kong lumapit sa akin ang isang matandang babae, may saklob itong itim na belo sa ulo at hawak niya ang isang maliit na lata na ginagamit niya sa panglilimos. Nanlumo ako at napailing na lamang sa kalagayan ng matanda, dahil hindi na dapat niya ito ginagawa...
"Manang? Wag na ho sana kayong mamalimos dito, kung hindi niyo pa po alam, patay na ho kayo," mahinang bulong ko rito, pero ayaw pa rin talaga niyang umalis sa harapan ko, kaya naman hinulugan ko na lang ng limang piso 'yung lalagyan niyang lata.
Kahit alam kong tatagos lang iyon ay hinayaan ko na lamang, sandali akong natigilan no'ng ngumiti sa akin ang matanda at unti-unting nagliwanag ang buo nitong katawan, naglaho na rin ito na parang usok at sumama sa hangin. Natulala ako dahil ngayon lang ako nakakita ng gano'n, sa tinagal tagal na nakakakita ako ng mga kaluluwa? Ito pa lang ang nakita kong kakaiba.
"Bessy! Ano pa bang ginagawa mo riyan?" bulyaw sa akin ni Alice, dahilan para agad na akong sumakay sa jeep, no'ng sandaling makaakyat na ako ng jeep ay sumalubong sa akin ang mapanuring tingin ng mga pasahero sa jeep. Marahan kong nakagat ang ibabang bahagi ng labi ko no'ng ma-realize ko kung bakit ko napukaw ang atensyon nilang lahat, "Ays akala yata nila nababaliw ako! Kasi naman Jelai!"
"Bessy, ano 'yun? Bakit naghulog ka ng barya sa daan?" bungad na tanong ni Alice sa akin no'ng tuluyan na akong makasakay at makaupo sa tabi niya.
"Wala," tanging naisagot ko.
"Baliw yata itong babae, sayang maganda pa naman."
"Oo nga kawawa naman."
Narinig kong usapan ng mga babaeng kaharap namin...
"Aheemmm hindi p-..." Pinutol ko na ang sana'y sasabihin sa kanila ni Alice para wala ng gulo.
"Hayaan mo na lang sila," pagpigil ko.
"Hmmm! Ang mga bibig kasi ehh, hay! Ikaw naman kasi, sinong kinakausap mo ro'n? Ano 'yun hah? Sa tanda mong 'yan may imaginary friend kapa?" sermon ni Alice, na ikinailing ko na lang.
"Tsk, tumigil kana nga, wala!" sabi ko na lang. Mabuti na lang ay tumahimik na lang siya at hindi na muling nagtanong pa sa buong byahe ng jeep.