Chapter 10: Shayne's POV

2121 Words
Dalawang araw na ‘ko nakakaramdam nang pag-iinit. Hindi pa naman sa punto na kailangan kong ikadena uli. Pero dahil sa pag-iinit na ‘to, ilang beses sumagi sa isip ko ang Alpha na ‘yon. Pinipilit ko siyang alisin sa isipan ko, pero patuloy siyang nagpapabalik-balik. Hindi ko malimutan ang paghalik niya sa labi ko, at maging ang pagromansa niya sa ‘king katawan. Dahil sa kanya, naging mas mabilis ang pagkalat ng init sa katawan ko kompara noon na wala akong lalaking pinag-iinitan.  Wala akong nararamdaman sa kanya, pero tama nga ang sabi-sabi na mahirap talaga kapag nasa heat at mayroong Alpha sa paligid—lalo pa ang katulad ni Miggy na isang Dominant one. Ilang beses akong nagpaikot-ikot sa kama. Sinubukan ko ring haplusin ang sarili ko para lang mainis dahil pinagpapantasyahan ko talaga ang Alpha na ‘yon. Hindi siya maalis sa t’wing ipipikit ko ang aking mga mata. Hindi ko gusto na siya ang naiimahe ko kahit pa may iba akong lalaking gusto. Pero hindi ko naman magawang isagi sa isipan ko ang hitsura ni Jade, hindi ko maatim na mag-isip ng kalaswaan na kasali siya. Baka hindi ko na siya magawang tingnan pa. Magiging sa ‘kin ka dahil gusto mo hindi dahil pinilit kita.  Napamulat ako sa pagkabigla nang maalala ko ang tagpo na sinabi niya ‘yon. Naiinis na nasabunutan ko ang sariling buhok. Sinubukan kong si Jade ang isipin pero patuloy talagang pumapasok sa isipan ko ang Alpha na ‘yon. Hindi lang basta ang haplos at halik niya, maging ang amoy ng Pheromones niya at natural na amoy na parang gusto kong hindi mahiwalay dahil nakakalma ako sa kanya… “Dahil sa kanya parang mas mabilis pang darating ang heat ko,” naiirita akong tingnan ang malalamlam kong mga mata sa salamin, namumulang mukha hanggang tainga, at labing ilang ulit kong kinagat kaya pulang-pula ‘yon. Dahil din siguro sa lamig ng mga nagdaang gabi kaya mas aktibo rin ang katawan ko sa pag-iinit. Bumaba ako sa kama para sana maghilamos nang makarinig ako nang malakas na pagbagsak. Abot-abot ang kaba ko sa naging mabilis kong pagkilos. Lumabas ako ng silid ko para abutan ang mama ko na nakahiga sa lapag habang nakabagsak ang isa sa mga kahoy na upuan. “Ma!” Parang hinugot ang kaluluwa ko sa takot. Kaagad ko siyang nilapitan. Wala na siyang malay! “Ma…” Sapat lang ang kinikita ko para sa gamot niya kaya hindi ko mapigil mag-alala at matakot na kahit sa pampublikong hospital ko siya dalhin ay magkaro’n kami ng malaking bayarin. Hindi matigil ang mga luha ko dahil sa pilit ko siyang inihiga sa hita ko habang hinahanap ko ang contact number ng isa sa mga tanod ng barangay na sumasakop sa ‘min. Noong nakaraan, sila rin ang tumulong sa ‘min para madala si mama sa hospital noong hindi siya makahinga. Dama ko nang malapit na ‘ko sa heat pero hindi ko kayang pabayaan si mama na dalhin lang ng iba sa hospital. “Wala pa ‘ko sa heat, papalapit pa lang…” kumbinsi ko sa sarili. “Shayne,” nang sakay na kami ng ambulansiya ay nagising si mama. “Umuwi ka na,” may pag-aalala sa kanya, “Tingnan mo, nasa heat ka na…” nanghihina man at hirap sa paghinga ay pilit si mama na nagsasalita. “Wala kang kasama ro’n, hindi ako magiging maayos kung alam ko na—” “Shayne, walang batas ang poprotekta sa ‘yo!” naiiyak na aniya. Tama siya. Pero hindi ko pa rin kayang isantabi ang mama ko. “Babalik ako kaagad sa bahay, basta alam ko na nakarating ka sa hospital, alam ko kung anong problema, ano ang kailangan mo, at marinig ko lang na magiging maayos ka...” nangilid ang mga luha ko. “Shayne…” “Kaya ko pa ‘yong sarili ko. Hindi pa ‘ko nawawala sa sarili. Kahit may lumapit sa ‘kin, mapipigilan ko sila. Hindi ko pababayaan ang sarili ko—” Hindi na siya makasagot dahil sa paghihirap sa paghinga. Hinawakan niya lang ang palad ko at pinisil ‘yon. Nag-aalala siya sa ‘kin kahit mas dapat niyang isipin ang kanyang sarili. Sa ganitong sitwasyon, nanghihina ako. Pakiramdam ko palagi siyang mawawala sa ‘kin. Wala kaming ibang kapamilya kaya wala akong malalapitan. Hindi ko rin gusto na gumambala ng iba dahil wala rin naman akong malapit na kaibigan. Pero kailangan kong manghiram ng pera kung kinakailangan. Nang makarating kami sa hospital ay may ilang napatingin sa ‘kin habang ibinababa sa ambulansiya si mama. Alam din ba nilang nasa heat na ‘ko? Paranoid lang ako. “Shayne, kailangan mo yata nito—” Inabutan ako ng isang babaeng opisyal ng barangay na sumama sa ‘min ng suppressant. May pag-aalala sa kanya. Doon na nagsimulang tumriple ang kaba ko. “Parang nasa heat ka na—” aniya na mas nag-aalala ang hitsura. “P-pero isang linggo pa…” “Sige na, sasabihin ko na lang sa ‘yo kung saang kuwarto. Inumin mo na muna ‘yan.” Tinapik niya ‘ko sa balikat. Alam ko na hindi pa ‘ko gaanong nagiging pansinin pero kung magtatagal ‘to, baka nga lumala pa ‘to. Kailangan ko lang naman na masiguro na magiging maayos si mama, at wala pang ibang malalang nangyari sa kanya. Ilang beses akong nanalangin na talaban na ‘ko ng gamot na ‘to. Tatlong tableta ang ipinasok ko sa bibig ko. Lasa ko na ang pait no’n habang unti-unti siyang nagtutubig sa ‘king dila. Lumabas ako kahit wala pa  ‘kong nararamdaman na epekto niya—kung eepekto nga siya. Nang makarating ako sa silid kung saan may apat na kama sa loob ay nakasalubong ko ang nagbigay sa ‘kin ng suppressant. “Shayne, pansamantala kailangan raw manatili ng mama mo sa Ospital.” Hindi ko siya mababantayan sa Ospital. Anong gagawin ko kung nasa mismong heat na ‘ko sa panahon na kailangan niyang manatili rito? “Kailangan niyang manatili rito ng ilang araw o linggo. Mas mabuti na narito na lang siya para kung sakali man, mabilis maaksiyonan ng mga nars at doktor. Pero kakausapin ka rin ng doktor. Kung may kailangan ka, tawagan mo lang kami.” Nginitian niya ‘ko. Noong una, akala namin pangkaraniwang trangkaso lang ang mayro’n si mama. Pero noong tumagal na ang pag-ubo at sipon niya, nagpatingin na rin kami sa Ospital, iyong akala namin simpleng trangkaso lang, pulmonya na pala. Damang-dama ko ang kabiguan nang hindi nabawasan ang nararamdaman ko sa katawan dulot sa paparating na heat. Umasa pa rin ako sa suppressant pero hindi talaga umeepekto. Ang hospital na yata ang madalas naming puntahang mag-ina, noon palaging ako, dahil sa hindi pagtalab ng mga gamot na pinasubok sa ‘kin ng doktor. Ngayon, dahil naman sa sakit niya. Masyado na yatang malupit ang buhay sa ‘min. Nang makausap ko ang doktor at tumabi kay mama, pilit niya ‘kong pinauwi kahit ayoko siyang iwanan.  Sinunod ko siya pero hindi ako umuwi. Patungo ako sa Café, kailangan ko ng pera para pandagdag sa gastusin sa hospital at kung sakaling may biglang kailanganin si mama. Sana kahit maliit na halaga, mapahiram nila ‘ko. Dahil hindi naman ‘yon kalayuan, nilakad ko na lang. Mahalaga ang bawat piso sa ‘kin ngayon. Ang hirap kapag sapat lang ang pera sa araw-araw, lalo sa ganitong biglaang pagkakasakit. “Shayne,” Nginitian ko si Ae nang magulat siya na naro’n ako. Napalingon siya sa paligid dahil maraming bumaling ang atensiyon sa ‘min. Kinabahan akong bigla. “Sa loob tayo mag-usap,” si Ae na tila nakaramdam. Pumasok naman ako sa loob, nagpalit siya saglit. Kahit paano, nagtitiwala ako kay Ae. Hindi lang sa punto na maging itong sikreto ko, sasabihin ko sa kanya. “Sinusundan ka ng tingin no’ng mga Alpha sa labas. Parang ang tagal ka naman nilang ‘di nakita,” si Ae nang nasa loob na kami kung nasaan nakapuwesto ang mga Espresso machine. Dahil Beta sila, hindi nila alam na puwedeng may kinalaman sa heat ko kaya napatingin sa ‘kin ang ilan sa mga Alpha. Wala silang nararamdaman at wala rin silang kakayahang makaamoy at maglabas ng Pheromones. Nakagat ko ang labi ko. Nararamdaman ko na ang heat ko. “Shayne?” Nagulat ako nang hawakan ako ni Ae. “Ayos ka lang ba? May problema ba?” Nag-aalala siya. “K-kailangan ko ng pera,” nagmamadali ang pagkakabigkas ko, “Wala si Boss, k-kaya hindi ko alam kung kanino ako lalapit. N-nasa hospital ang mama ko…”  pinigil kong maluha. “Sige, mapapahiram naman kita. Malaki ba ang kailangan mo? Sasabihin ko sa kanila—Shayne?” Muli niya ‘kong hinawakan sa magkabilang braso, “Maayos ka lang ba? Namumula ka, saka kung saan-saan ka tumitingin may kinatatakutan ka ba? O, nariyan na naman ‘yong Alpha na gumugulo sa ‘yo?” Umiling ako. “S-salamat, Ae. P-pasensiya ka na kung nagmamadali akong kunin ang pera…” Tumango siya at kaagad dumukot sa kanyang bulsa, “Sige, sasabihin ko na lang din sa iba. Mag message o tawagan mo ‘ko kung kailangan mo pa. Sabihin mo na rin sa ‘kin kung saan ‘yon para madalaw ko ang mama mo,” maging siya tila nagmamadali na rin magsalita. Nang maibigay niya ‘yon ay kaagad akong nagpasalamat. “Tatawagan na lang kita mamaya para magpaliwanag.” Tumango siya, “Sabihin mo rin sa ‘kin kung may sakit ka.” Nginitian ko siya. Hindi na ‘ko nagpaalam sa iba pang naro’n kahit binati nila ‘ko at nginitian. Kailangan ko nang makauwi. Siguro kailangan ko na rin sabihin ‘to kay Ae. Sa lahat ng narito, siya lang ang kaya ko pang pagkatiwalaan. Dahil kung nasa heat ako, wala talagang ibang aasikaso sa mama ko. Mabibilis ang mga hakbang ko. Itinaas ko ang zipper ng jacket ko. Siniguro ko na sa liwanag ako daraan para maging ligtas sa mata ng ibang Alpha. Hindi ko na inabala ang sarili ko sa pagtingin sa paligid. Oras na may makita ako na titig na titig sa ‘kin na kahit hindi naman ako nasa heat ay nangyayari, pero kung ngayon, imposible na hindi ko talaga katakutan ang tingin nila. Kinapa ko ang cellphone ko dahil kanina pa ‘yon vibrate nang vibrate. Pinalitan ko ang pangalan niya, naalala ko pa no’ng isang gabi na mainis ako dahil naiisip ko siya nang paulit-ulit. Alpha Epal (1) Baliw na talaga ‘ko sa ‘yo. Hindi ako makatulog kaiisip sa ‘yo. Hindi ako sanay na hindi kita nakikita kahit nakaw na tingin lang. Alpha Epal (2) Shayne, tatawagan kita. Kahit isang ‘Hi’ lang magsalita ka. Mabalik lang ba ‘tong katinuan ko. Alpha Epal (3) Hindi naman kita gustong kulitin, pero uncontrollable talaga ‘to. Gustong-gusto na kitang makita. Alpha Epal (4) Nasaan ka? Wala ka pala sa Café. Ilang linggo ka na namang mawawala?   Akala ko ba umalis siya? Ilang araw pa lang. Tumatawag na nga siya. Isisilid ko sana ang cellphone sa bulsa ko nang may humawak sa braso ko, sa isang iglap napaliligiran na ‘ko ng limang mataas na lalaki. Pare-pareho silang naglalabas ng Pheromones kaya nanginig ang tuhod ko. Nagsimulang magblangko ang pandinig ko sa takot. Inakbayan ako nang isa sa kanila na parang magkakilala kami. Nagsasalita sila na parang kinukuwentuhan ako kaya hindi mo masasabing hindi kami magkakilala. Nag-iinit ako dahil sa mga pheromones na inilalabas nila para sadyain akong manghina. “Bitiwan mo ‘ko—“ hinawakan ko ang lalaking umaakbay sa ‘kin, pilit ko siyang tinaliman nang tingin pero tinitigan niya ‘ko nang husto na muntikan ng magpaluhod sa ‘kin. Kaagad niya ‘kong nahapit sa katawan. “Oh, lasing ka na talaga, Shayne…” Lasing? Shayne? Tama, namumukhaan ko sila. Ilan sila sa mga lalaking palaging nasa Café na ngiti nang ngiti. “Mataas ang tingin ko sa ‘yo, alam mo ba ‘yon? Pero tingnan mo nga, malandi ka naman pala dahil kusa kang nagpapapansin sa inilalabas mong Pheromones…” ngisi niya. Patuloy siyang naglalabas ng Pheromones na mas nagpapahina sa ‘kin. Hindi ko magawang sumigaw. Dahil bukod sa kanya, pare-pareho sila ng kasama niya na dinadala ako sa Pheromones nila. Hindi ko na nga alam paano nila ‘ko nadala sa madilim na lugar kung saan may malamlam na ilaw ang mga poste.                          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD