Whispering Destiny
Kabanata 18 | Misyon
____________________________________
"Baka binibilisan niyo 'di ba mahuhuli na naman tayo," pagpapaalala ko sa kanila, ang babagal kasi magsikilos.
Ang usapan ay alas kwatro impunto ng umaga nandon na dapat kami sa Hemera Forest ngunit heto at natagalan kami sa pag-aasikaso.
"Sinong nakakita ng sitsirya ko?" pagtatanong ni Eren na nag-aayos pa ng gamit.
"Hala, 3:45 na. Teka teka. Nakita ko 'yon kanina sa may sopa," pagsagot naman ni Sirene.
Hindi na kami magkaundagaga kung anong uunahin. Pagkauwi ko kasi kahapon ay kumain muna lang kami saglit at nagkwentuhan ng kakaonti. Nakatulog kami ng mga alas syete na at nawala na sa isipan na mag-ayos ng kagamitan para sa misyon na inatas sa amin ngayong araw. Ang mas masama pa ay alas tres kinse na kami mga nagsigising.
"Handa na ba ang lahat?" tanong ko habang nagsusuklay ng basa kong buhok.
Kaswal na kasuotan ang aming suot ngayon. Mga karinawang aming sinusuot sa bayan. Pwera na lamang na magara ang pagagawa ng mga tela ng mga ito. Masyado kasing agaw pansin sa bayan kung ang uniporme ng akademya ang aming isusuot.
"Oo, tapos na. Tara na!"pag-aya ni Ari.
"Halina kayo," sabi ni Fira at nagmamadali kaming lumabas sa aming silid dala ang mga maliit na di hawak na bagahe namin.
"Anong oras na, guys?" pagtatanong ni Ari.
"3:50 na shemay," sagot ni Sirene.
Nagkatinginan naman kaming lima at sabay sabay na napangisi. Ito na naman po tayo. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad na akong tumakbo nang mabilis papalabas at gano'n din ang ginawa nila.
Nakakasanayan na ata namin sa mundong ito ang mahuli at magkarera.
Nauuna sa 'kin si Fira sumunod ako at si Ari. Nakita ko ang pagkakalapit ng agwat ni Sirene at Eren ngunit sa paglingon ko sa likod ay 'di ko napansing malapit na pala kami sa may tarangkahan ng Hemera at may likod akong tatamaan.
Kaya agad akong gumawa ng harang para hindi ako tuluyang tumama sa likod nito pero parang wala lang din dahil sa bilis ng takbo ko ay tumama ako sa likod ng taong nasa harap ko na ikinawalan ko ng balanse. Kamuntik pa akong matumba kundi lamang maagap akong nasalo ng lalaking natamaan ko.
Pagkaangat ko ng tingin ay agad sumama ang timpla ng mukha ko nang makita ko ang pagmumukha ni Abo. Kung minamalas ka nga naman talaga. Kay Abo pa talaga ako tumama. Hinawakan ko ang noo kong nananakit dahil sa lakas ng salpok ko sa likod niya. Sing tigas kasi ng budhi niya ang likod niya.
"You again," asar na sabi niya at pabalang na tinanggal ang pagkakapit sa beywang ko.
Magpapasalamat sana ako kung hindi lang siya ang sumalo sa akin.
Inunahan ko na siyang umirap dahil alam kong 'yon na naman ang gagawin niya. At napangisi naman ako nang mabakas ko sa mukha niya na ang isiping ako lang dapat ang umiirap. Ngunit mukhang mas tumalim yata ang tingin sa akin ni Abo sa pagngisi ko bago ako inirapan. Bakla talaga.
"Mga bata, ang aga aga nagsisitakbo kayo," puna ni Sir Chris na nakasandal malapit sa tarangkahan.
"Exercise, sir," pagpapalusot ni Eren bago ngumiti ng hilaw.
"Mabuti kung gano'n. Ayusin niyo muna ang mga sarili niyo at mahuhuli raw ng ilang minuto si Misty siya ang gagawa ng portal na magdadala sa inyo sa inyong mundo," ang sabi si sir kaya napasimangot naman kami kasi nagmadali pa kami sa wala.
"Ikaw ang nahuli Vera ah," sabi ni Eren na mas lalong kinanlumo ng mukha ko. Napakamalas talaga ng araw ko ngayon.
"Alam na Vera," sabi pa ni Ari na mahina pa akong siniko. Isa pa itong si Ari. Bakit ba kasi ako tumama sa likod ng abo na 'yan. Ayan tuloy natalo pa ako.
"Oo na," sabi ko na lang bago sila inirapan at inayos ang sarili ko. Mukhang nahawa na ata ako sa kakairap ng Abong 'yon.
Inayos ko ang mala abo kong dyaket dahil medyo bumaba siya resulta ng aming pagtakbo. Madaling araw pa lamang at sadyang malamig ang klima sa mundong ito kaya't napili kong magsuot ng dyaket. Tinernuhan ko lamang ito ng itim na strap na pantaas, abot tiyang pantalong pinaresan ko ng sinturon, at puting sapatos.
Gaya ko ay nakasuot din ng kaswal ang apat. Sa pag-ikot ko ng aking mata ay mukhang hindi lamang kami ang kaswal ang kasuotan dahil maging ang aming mga makakasama ay nakaayos gaya ng ayos namin.
Hindi ko maikakaila ang ganda ng ayos nila. Animo'y talagang parte sila ng aming mundo sa kanilang ayos at tindig. Kung pupunta kami ng bayan sa suot na ito ay tiyak na mapagkakamalan kaming maharlikang angkan.
Sa aking pagsisipat sa kanila ay hindi ko mapansing napako ang aking tingin kay Abo. Nagtama ang tingin namin at panandalian nagkatinginan. Tinaasan niya pa 'ko ng kilay na parang sinasabing anong tinitingin tingin mo. Inirapan ko na lang siya bilang sagot bago binaling ang atensyon sa paligid.
Kasalukuyang nakatayo kami sa unahan ng Hemera Forest. Ang lugar kung saan namin isinagawa ang pinakaunang aktibidad namin sa lugar na ito at ang aking unang disgrasya.
"Hindi na ako makahintay na makitang muli si Ina," mahinang bulong sa amin ni Eren.
"Ako rin. Ilang araw pa lamang tayong nandirito ngunit nangungulila na ako kay Mama at Papa," malungkot na sangayon ni Sirene.
"Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay ang kanilang pagtatago sa atin. Bakit nila 'yon ginawa?" tanong ni Ari na hanggang ngayon ay seryosong seryoso. Kahit ako ay gano'n ang katanungan sa isipan. Bakit? Napakaraming bakit na tanging sila lang ang makakapagpaliwanag.
"Hinuna ko'y may sapat silang kadahilanan," pagsagot naman ni Fira.
Sana nga may dahilan kung bakit nila ito itinago sa amin. Sapat na dahilan para matanggap namin at maintindihan ang lahat.
"Kung anumang dahilan nila malalaman din natin 'yon. Hindi ba nga 'yon ang pakay ng misyon natin?" sabi ko na lang para mapagaan kahit papaano ang mabigat na atmospera sa amin.
"Sana nga. Sana nga, Vera," ani Fira bago kami makarinig nang paparating na sasakyan.
Pagkamangha. Tanging pagkamangha lamang ang aming nadarama sa mga oras na ito. Ngayon lamang ako nakakita ng ganyang kagarang mga sasakyan.
Dalawang sasakyan ang dumating sa aming harap at huminto. Sa anyo nito'y batid mo na agad ang nagsusumigaw nitong ganda at rangya.
Niluwa ng sasakyang ang dalawang pamilyar na mukhang naghatid sa amin ng nakaraan lamang. Kung hindi ako nagkakamali ay sina Misty at Fin.
"It's nice to see the Fin of you again," pagbati ni Leo sa amin.
"You already know what to do, right. In this mission you can't use your mystic. It will be too dangerous to use your mystic in the Mundane World and you only have two days and a night to finish this mission. Nagkakaintindihan ba tayo?" tanong ni Misty sa amin.
"Crystal," sabay sabay na sagot namin.
"Since agaw pansin kung dadaanan tayo sa front door ay dito namin napagdesisyunan kayong dalhin. So, who's driving?" pagtatanong ni Fin habang tinaas ang susi ng kaniyang itim na magarang sasakyan.
Nagkatinginan naman kaming sampo. Nagtatantsyahan kung sino ang kukuha ng susi. At nakita kong kinuha ni Briz ang susi mula kay Leo.
Nagulat naman ako at muntik ko ng 'di masalo nang binato sa akin ni Misty ang susi ng kaniyang pulang sasakyan.
"You'll drive my car," sabi niya na medyo nagpahinto sa akin. Tumango tango na lang ako sa kanya bilang sagot.
Magkahalong kaba at tuwa ang aking nadarama. Kaba na baka maibangga ko ito at magbayad ng milyong milyong pilak at tuwa dahil sa wakas ay magagamit ko na ang itinuro sa akin ni Ama patungkol sa pagmamaneho ng sasakyan. Dati kasi ay madalas na naisasama ako ni Ama sa kaniyang trabaho sa mga Luerca at isa ito sa kanyang na ituro.
"Kayo ang manguna Briz palabas ng Leojara at kayo naman ang bahala Ms. Vera sa daan pagkarating niyo sa inyong mundo at sa kanya kanya niyong tahanan. Nasa loob na rin ng sasakyan ang pilak na kakailanganin niyo kung sakali," pagpapaliwanag ni sir Chris bago kaming giniya papasaya sa sasakyan. Katabi ko sa unahan si Fira habang ang tatlo ay nasa likod.
"It'll be a long trip. Be safe," pagpapaalala pa ni sir Chris at nakakita na kami ng lilang ilaw na nagmistulang lagusan dahil sa laki nito. Nakita ko na ang pag-andar ng sasakyan nila kaya agad ko ng sinimulan din ang sasakyan at sinundan sila.
Nakakabulag na ilaw ang sumilaw sa amin bago naging maaliwalas ang lahat at napansin ko na lamang ang iba't ibang kulay ng puno at mga tindahan sa labas. Napakaganda talaga ng mundong ito. Malayong malayo sa mundo na kinagisnan namin.
Matamang sinundan ko ang nasa harap na itim na sasakyang kinalalagyan ng lima sapagkat 'di ko alam ang daan papalabas dito. Ang tanging alam ko lang ay dadaan kami sa parang tunnel at kagubatan bago makalabas.
"Grabe. Ganito pala ang itsura ng sasakyan. Tama ka nga, Vera. Napakaganda!" Bulalas ni Eren.
"Dati nababasa lang natin 'to sa mga teksto't libro pati sa mga kwento ni Vera pero ngayon nandito na tayo," dagdag pa ni Sirene.
"Kaya nga. Ibang iba talaga ang kinagagalawan natin ngayon," ani Ari na nakatanaw sa bintana.
"Pakiramdam ko tuloy isa na rin tayo sa mga maharlika," matamis na ngiting sabi ni Fira.
Maging ako ay hindi naiwasang hindi mapangiti. Bagamat bago sa amin ang lahat ng among napapaligiran sa mundong ito ay hindi namin mapigilang matuwa at magpasalamat sa mga pribilehiyong kanilang naipaparanas sa amin, na kahit kailan ay hindi namin natamasa ng kami'y nasa bayan pa lamang.
"Ay nga pala, Vera. May nakita ako. Ikaw ah," pag-iiba ni Eren ng usapan na may halong panunukso. Ano na namang kalakohan kaya 'yan. Mukhang 'di maganda sa tono pa lamang nito.
"Anong nakita mo?" takang tanong ko sa kanya habang konsentra pa rin sa harapan sa takot na magkamali.
Nakita ko naman sa may salamin ng sasakyan na may binulong si Eren kay na Si at Ari dahil siya ang nasa gitna ng dalawa. Nilapitan niya rin si Fira at binulungan. Inaantay ko na ibulong niya rin sa akin ngunit wala na ata siyang balak sabihin sa akin.
Nakita ko naman ang pagngisi ni Si, pagngiwi ni Ari, at pagtaas ng kilay ni Fira dahil sa binulong ni Eren.
"Ano 'yon? Bakit hindi mo sinabi sa akin?" takang tanong ko pa rin habang nakakunot ang noo.
"Ikaw ah Vera, iba ka talaga," ani Sirene na mas lalo kong ikinagulo. Ano bang pinagsasabi ng mga ito? Mukhang ako ang nais nilang guluhin ngayong araw.
"Ay nako, maang maangan ka pa Vera. Huli ka na namin," sabi pa nito ni Eren na nagpakunot ng noo ko. Huh? Anong huli huli? Nakita ko pa sa gilid ko ang nakakalokong pagngisi ni Fira.
"Huli? Ano nga ba kasi 'yon?"
"Hephep. Kalma lang, Vera," sabi ni Fira habang sabay sabay silang tumawa.
"Ano nga kasi?" tanong ko pa. Pang-ilang tanong ko na ito ah. Gustong gusto ata talaga nila akong pinagtitripan. Kapag natapos lang talaga ang araw na ito patay kayo sa akin. Gagantihan ko kayo.
Bigla siyang may ipinakita sa aking litrato. Ito iyong kuha ng aming nakasalubong ni Zaireh sa Equirrion na si Yen. O' paano napunta sa kanila 'yan?
"Ayan. Ambilis mo ah," panunukso ni Eren pa.
"Ano ngayon? Litrato lang naman 'yan," pagdadahilan ko. Kahit kailan talaga Eren. Napakaisyu ng mga bruhang 'to.
Mabuti na nga lang talaga ay mukhang antok pa si Ari at 'di nakikisali sa pangangasar. Siya pa naman ang pinakamalakas mangasar sa amin nako.
"Litrato lang naman daw, sus. Iba ka talaga," patuloy pa na pangaasar ni Eren.
"Bilis, Vera," gatong pa ni Sirene. Isa pa tong si Si eh sa nangaasar.
"Huwag ka na mahiyang sabihin. Parang 'di kaibigan," dagdag ni Fira. Aba't naman talaga.
"Bakit? Anong sasabihin? Baliw ba kayo. Ang isyu niyo 'no," sagot ko.
Gano'n na ba talaga ngayon mga utak ng tao magpakuha lamang ng litrato sa lalaki ay iisipin ng kasintahan mo ito. Lahat nilalagyan ng malisya.
"Sus, Vera. Kilig ka naman," pagpapatuloy pa ni Eren.
"Tigilan mo ko Eren a. Makita mo talaga. Litrato nga lang 'yan, anong masama. Sinabi ko na kagabi 'yan eh na may nagpakuha kay Zaireh sa Equirrion kaya ko na diskubre 'yong Ceamera," pagpapaliwanag ko sa ma isyung si Eren.
"O' ano 'yon kailangan pati kayo may kuha rin ni Zaireh?" puno ng panunuksong tanong ni Eren.
"Eh sa kinuhaan kami ni Yen. Alangang bumusangot o magtago ako eh nakatapat na sa akin 'yong Ceamera."
"Wala wala, Vera," iling iling pang sabi ni Eren.
Hays. May mga kaibigan ka talagang magtatanong pero 'di ka naman pala paniniwalaan pagtapos.
"Kaya nga, Vera. Sana lahat. Kaiingit ka."
"Sa 'yo na, Si. Bigay ko na namg matigil kayo," sabi ko pa.
"Bakit mo ibibigay? Pagmamayari mo na siya 'no? Kaya siguro madali na lang ibigay. Pero asa si Vera mamimigay?" walang katigilang pambuburyo ni Eren.
Sasagot pa sana ako nang magsalita ang kanina pang tahimik na si Ari.
"Pwede ba Eren ang harot harot mo. Gusto ko pa matulog pwede," reklamo ni Ari. Mahina naman akong nagpasalamat sa utak ko. Mukhang kakampi ko si Ari ngayon ah.
"Sungit, Ari. Meron ka ba?" pabiro pang tanong ni Eren pero inirapan lang siya ni Ari.
"Aba't—" magsasalita pa sana si Eren pero inirapan niya na lang din si Ari.
Naalala ko tuloy si Abong mahilig umirap. Pwe. Bakit ko ba iniisip 'yon.
"Nako. Eren, tumahimik ka na lang. Fira mode siya," pabulong pa kunong sabi ni Si na rinig na rinig naman ng lahat.
"Sa susunod pagbubulong ka pakilakasan pa," panguuyam na sabi ni Fira. Hindi naman na iyon pinansin ni Sirene.
"Hay. Makatulog na nga muna. Ayusin mo Vera pagmamaneho ah. Gisingin mo kami pagmalapit na," sabi ni Eren at nakita ko ang paghikab niya maging ni Si.
"Ako rin, tulog muna," sabi tin ni Sirene bago sila sumandal at pumikit. Mabuti kung gano'n.
Sa wakas naman tumahimik na sila at tanging ang paggalaw na lang ng kotse ang naririnig namin.
"Zaireh pala ah," biglang panunukso ni Fira.
Akala ko lang pala tatahimik na, hindi pa pala.
∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆