Alora’s POV:
“Hoy Alora! Umaapaw na!” Hampas ni Franny sa braso ko over the counter.
Napamura ako ng mahina nang makita na umaapaw na ‘yong tubig sa baso. Huminga ako ng malalim at kumuha ng mop at nilinis ‘yong tubig sa sahig, kumuha na rin ako ng pamunas para roon sa counter.
Nakatitig lang sa’kin si Franny, halata sa mukha niya na nag-aalala siya, kumunot ang noo niya at mukhang ino-obserbahan niya ko.
“Bakit? Anong meron at nakatingin ka sa’kin ng ganyan?” Tanong ko at ako naman ang kumunot ang noo.
Umiling na lang siya, “Wala, ayos ka lang ba Alora?” Sinagot niya ko ng tanong. Tumango na lang ako pero sa totoo lang ay alam kong hindi ako ayos o ano man. “Hindi ka okay Alora, buong linggo ka nang ganito, ‘di ka magaling mag-sinungaling dai, baka siguro pwede kang mag-break na.” Suggest niya sa’kin. Tumango ako at pumunta sa loob saglit at lumabas din agad.
Nilapag ko ‘yong mga assignments na kailangan kong gawin at umupo sa tabi ni Franny. Humarap naman siya sa’kin at itinabi niya sa kanya ang mga gamit ko. Kumunot na naman ang noo ko sa ginawa niya.
“Hindi, mag-uusap tayo,” Seryoso ang tono niya at sinara na niya ang aklat at kwaderno niya.
“Anong pag-uusapan natin?” Mahina kong tanong at nakaharap lang ako sa working area. Do’n kami nakaupo sa bar table na kaharap no’n ay ‘yong working area at cashier.
“Umayos-ayos ka, tignan mo nga sarili mo, para kang hindi nakakatulog ng ilang araw. Ang lalim na ng eyebags mo.” Pag-po-point out niya sa’kin.
Oo, alam ko at aware ako sa lagay ko na ‘yon pero wala akong gana. Magdamag ako na nanonood ng vlogs ng Clover, hindi ko alam kung ba’t paulit-ulit kong pinapanood. Ramdam kong gumagaan ‘yong pakiramdam ko pero maya’t-maya'y nararamdaman ko na ulit bumibigat.
Hindi ako makatulog nang maayos dahil minumulto ako ng mga chismis tungkol kay Colton. To be honest, sa lahat ng miyembro sa grupo, siya ‘yong pinaka-unproblematic at halos walang scandal. Unproblematic naman talaga ang grupo nila. Pero siya? Halos wala kang maririnig na masyadong balita tungkol sa kaniya, halos lahat ng spotlight ay na sa ibang members. Masyado ba akong OA para makapag-react ng ganito?
Wala namang masama, 'di ba?
Okay lang ba na ganito ang nararamdaman ko towards sa taong hindi naman kilala ang pangalan ko?
“Hoy Lora! Ano ba yan!” Tapik ni Franny sa balikat ko, nakita ko na kinamot niya ang ulo niya. “Magsabi ka Lora, kinakabahan na ako sa lagay mo.” Dagdag niya halata nga sa boses niya ang kaba.
“Wala, ayos lang ako,” Sinubukan kong ngumiti ng maayos para hindi naman mahalata na peke pero hindi naman siya gumana.
Sumimangot naman siya. “Lora, tigilan mo nga ‘yang “ayos lang ako”, hindi, hindi ka ayos.” Kilalang-kilala talaga ako. “May nangyari ba sa inyo? Nag-away ba kayo ng Papa mo? Napatawag ka na naman ni Principal Cuevas?” Sabay-sabay niyang tinanong.
Umiling ako, at tumayo. Tinignan niya naman ako na nag-tataka. “Punta na lang tayo sa park, para gumaan ‘yong pakiramdam ko.” Sabi ko na lang at tumango na lang siya at kinuha ang bag niya. Bumalik ako sa loob para kunin ko ang bag ko at nagpaalam na uuwi muna ako ng maaga para makapag-aral.
“Siya, narito na tayo. Mag-kwento ka na.” Sabi ni Franny habang tinutulak niya ang sarili niya sa swing. Ako naman ay nakaupo sa swing na katabi lang ng kaniya at sinandal ang ulo sa hawakan.
“Baka naman sabihin mo’ng ang babaw ng rason,” Bulong ko pero narinig niya pa rin.
“Kaibigan mo ako, Lora. Kilalang-kilala na kita buong buhay ko. Alam kong may mga nasabi akong nakakasakit pero alam mo naman kung bakit nasasabi ko ang mga ‘yon.” Mahinhin niyang sinabi.
Huminga ako ng malalim, “Pa'no kung tungkol Colton, 'to?” Tanong ko, kinakabahan ako baka mamaya may masabi siya.
Kumunot ang noo niya, “Ka...Nila Colton? Anong meron sa kanila? ‘Wag mong sabihin na siya ‘ang rason kung bakit nag-kakaganyan ka buong linggo.” Hindi ako sumagot at alam niya ang isasagot ko sa tanong niya. “Jusko, Alora,” Huminto siya sa pagtutulak ng swing niya at napa-buntong hininga. “Oh, anong nangyari?”
Hindi ko masabi, s**t! Nararamdaman ko ‘yong t***k ng puso ko. Huminga ako nang malalim at iniisip kung paano ko siya sasabihin kay Franny.
“Ano? Sabihin mo na,” Mahinhin niyang sinabi siguro nararamdaman niya na kinakabahan ako na sabihin sa kanya. “Nararamdaman ko ‘yong tension mo, hindi ako mag-sasalita ng kahit ano, baka ma-offend ka.” Sabi niya sa’kin. Gumaan naman ang pakiramdam ko ro’n.
Wala nang balikan ito, huminga ulit ako nang malalim at binulong. “May girlfriend na raw si Colton.” Pilit kong pinikit ang mata ko para hindi ko makita ang reaction ni Franny.
“Ha? Ano? Hindi ko narinig, paki ulit lang, ba 'yan Alora! Ang hilig mong bumulong-bulong.” Inis niyang sinabi. “Paano ko malalaman ang problema mo kung ibubulong mo lang sa sarili mo?” Dagdag niya pa.
Ano ba 'yan! Kairita naman. Umirap na lang ako at inulit ko ang sinabi ko. “May girlfriend na raw si Colton!” Inis kong sinabi. Ayaw ko na sana na ulit pero pinaulit niya pa sa’kin.
Hindi siya sumagot ng ilang saglit kaya napatingin na ako sa kanya. Mukhang naaawa siya sa’kin?
“Hoy! Ba’t ganyan itsura mo? Hindi mo ba ako susumbatan?” Tanong ko sa kanya kasi hindi na siya nag-salita nang sabihin ko sa kanya ang rason.
Tinulak na lang niya ulit ang sarili niya. “Hm, wala lang. Nakita ko lang kung paano mo talaga tinutuon ng atensyon mo riyan kay Colton.” Nagulat naman ako sa sinabi niya. First time ko lang narinig mula sa kaniya ‘yon.
“Hoy ang corny mo ha!” Pabiro ko siya sinabihan. At, dahan-dahan ko ring tinulak ang sarili ko sa swing. Huminto na naman siya sa pagtutulak sa sarili niya.
“Luh?” Nag-taas siya ng kilay sa’kin. “Parang ayaw mo pa yata na seryoso ako? At saka, anong corny ro’n? Hindi ba ‘yon ang gusto mo marinig mula sa’kin? At saka hindi ako nakikipag-biruan.” Mariin niyang sinabi. Umirap na lang ako. “Ano na gagawin mo? At pa'no mo alam na meron na pala siya?” Tanong niya sa’kin.
“Hindi mo ba nakikita ‘yong mga tweets o vids tungkol sa kanya?” Tanong ko sa kanya pabalik.
Tinarayan niya na lang ako, “Hindi naman kasi sila kalat sa newsfeed ko, pano ko malalaman ang mga chika sa mga kanya at kung meron man edi hindi ko na ‘yon pinansin.” Saad niya.
Sa bagay, wala namang pake si Franny sa kanila at hindi naman siya fan kaya hindi niya nakita o narinig man lang. Hays.
“So, ano na gagawin mo?” Tanong niya ulit sa’kin. Napahinto naman ako sa pag-swi-swing dahil nahihilo na ako.
Napakibit balikat na lang ako, wala naman na akong magagawa, eh. Hindi naman puwedeng i-bash ko sila kasi matatawag akong toxic fan, tsaka hindi ko naman puwedeng sabihin na ako na lang, gano’n gano'n.
“Wala, wala naman akong magagawa talaga eh. Wala naman akong kapangyarihan o ano man. At kung masaya man siya sa gf niya, edi okay lang 'yon.” Sabi ko na lang. Sad truth.
Nanahimik lang kami ng ilang saglit, na-realize ko na wala talaga akong magagawa. Simpleng tao lang ako na may simpleng buhay. Hanggang fan lang naman ako, tamang tili, iyak, at tawa lang.
Tumayo na lang ako at kinuha ko na ang bag ko. “Tara na nga, mag-ga-gabi na, uwi na tayo magluluto pa ko ng hapunan.” Sabi ko at naunang mag-lakad.
“Hoy! Teka! Makikikain ako sa inyo!” Habol ni Franny sa’kin. Natawa na lang ako sa kanya dahil kahit papano ay pinapatawa niya pa rin ako.
Pero hindi pa rin ako pinapatahimik ng konsensya ko kay Colton. Wala na kong magagawa at hindi ko siya pagmamay-ari.