Alora’s POV:
"Aba! Nagtatrabaho si Madam Lim! Kaloka!" Pagbibiro ni Franny nang makapasok na siya sa cafe kung saan ako nagtatrabaho. Inilapag niya ang bag niya sa bar table na kaharap ng working area at cashier namin.
Umirap nalang ako "Hindi lahat ng araw ko ay umiikot sa kanila, okay? Masyado ka namang OA."
"Ako pa! Hindi naman ako ‘yung nababaliw sa isang grupo na ‘di naman ako kilala, ‘no.” Pagtataray niya sakin at binuksan ang bag niya at kinuha ang kanyang mga libro at kwaderno sabay na rin ang kanyang pencil case.
Ouch! Salamat sa lahat, Franny.
Minsan nakakasakit rin magsalita si Franny.
"Tignan mo! Kaya 'di ko sila pinapanood sa harapan mo eh! kasi grabe ka makasalita sakin." Ngumuso nalang ako at natawa naman siya.
"Alam mo, hindi ko lang kasi gets, why waste your time on people like them?" Tanong niya.
Nawawala tuloy ako sa mood, minsan napaka-insensitive rin nitong kaibigan ko.
"Basta! Iba nalang pag-usapan natin..." Sabi ko na lang habang nag-aayos nang kakainin ni Franny. Kabisado ko na kasi yung usual niya tuwing nandito siya, eh, halos araw-araw ba naman siya nandito sino namang hindi maka-ka-kabisado ang order niya?
Ham and Cheese sandwich at Strawberry milkshake.
Tumahimik ang paligid, abala ako sa trabaho. Kuha ng order rito, gawa nang order d’on, habang si Franny ay sinasagutan ang homework niya.
Oo nga pala, meron din ako pero sa bahay ko nalang ‘yon gagawin dahil hindi naman ako maka-focus dito.
"By the way, may naisipan ka na bang university na papasukan mo?" Tanong bigla ni Franny, napaisip ako do’n habang kumukuha ng cheesecake mula sa display glass.
Wala pa pala akong napipiling university na papasukan ko, wala pa nga akong tinitignan.
Ni hindi ko pa nga iniisip ‘yon.
Ngayon ko lang naisip dahil ngayon lang nabanggit ni Franny ‘yong topic.
"Wala ka pang tinitignan, ‘no? Hay nako, Alora!" Buntong hininga niya at minasahe ang sentido.
"Ngayon ko lang naisip." Bulong ko habang nakatalikod sa kanya, inaayos ang drinks ng isang customer namin.
"Ngayon mo lang naisip dahil binanggit ko, gano’n ba ‘yon? Alora, matauhan ka nga, parang mas pina-prioritize mo ‘yang boy group na yan kaysa sa pag-aaral mo." Humarap naman ako sa kanya dahil prini-print ko yung sticker na ilalagay doon sa drinks.
"Hindi naman sa ganun Fran, ano ka ba! Hindi ba pwedeng sabihin na ngayon ko lang naisip dahil, pwede naman, na busy lang ako o kaya hindi ko pa iniisip dahil ayaw ko pa isipin dahil may mas kailangan pa akong isipin bago ‘yon, gets mo ba?" Tanong ko at tinawag ang pangalan ng customer para sa order niya. "O kaya, dahil inaayos ko ‘yong grades ko sa school kaya hindi ko pa naisip ‘yon o kaya dahil hindi pa ko rea-" Naputol ang sasabihin ko nang tapikin niya ako sa noo at nagsalita siya.
"Ang dami mong nasabi, nawala na ko. "Busy raw" Busy saan? Kay Colton? Diyan sa boy group mo? Alora sinasabi ko talaga sayo." Tinuro niya ang ballpen niya sakin at binalik ang atensyon niya sa notebook at nagsulat.
"Ba't parang galit na galit ka sa kanila? Wala namang ginagawa sa’yo, ganyan ka na agad maka-react. Hayaan mo na lang ako, Franchesca. Alam ko kung saan ako pu-puwesto at alam ko ‘yong tamang oras kung kailan ako pwedeng mag fangirl sa kanila." Inirapan ko na lang siya habang nagpupunas ng counter sa tapat niya.
Naba-badtrip ako sa kanya ngayon, ang daming sinasabi.
Narinig ko ang binitawan niya ang ballpen at bumuntong hininga, sabay tingin sakin. "Hindi ako galit sa kanila, wala akong pake sa kanila, sila nga naman ang nagpapasaya sa’yo, concerned lang ako sayo dahil hindi ka na bata, Alora. This is reality, face it." Sabi niya sabay kagat ng sandwich niya.
Patuloy ko pa ring pinupunasan ang counter, at napaisip nang malalim.
This is reality, face it...
Tumatak ang sinabi niya sa utak ko.
This is reality, face it...
Alam ko ang mga dapat kong pina-prioritize, syempre hindi ko ren pababayaan ang sarili ko, ‘no. Hindi lahat ng ginagawa ko laging umiikot sa boy group ni Colton, may buhay rin ako, binabalanse ko lahat.
Totoo naman na hindi ko talaga naiisip yung college kasi marami akong inaasikaso sa bahay at sa school.
Huminga na lang ako nang malalim at nilagay ang palad ko sa mga balikat niya at harap-harapang nagsalita, "Hindi ko pababayaan ang sarili ko, Fran. Kilala mo naman ako hindi ba? Tiwala ka lang sakin, I'll make it work, ‘wag mo na akong alalahanin." Ngiti ko sa kanya, nag-relax naman yung itsura niya sa sinabi ko.
"Oo na, sige na. Basta sinasabi ko talaga sayo, umayos-ayos ka!" Bumalik siya sa ginagawa niyang homework.
Nag-echo sa paligid ‘yong bell, isang senyales na may pumasok na customer. Kanina pa nandito si Franny, lumubog na rin ang araw at alas-otso na ng gabi, malapit na rin ako mag-off.
Pumasok ang isang matangkad na lalaki, nakasuot siya ng face mask na black, kaya hindi kita ang mukha. Nakasuot rin siya ng baseball cap at salamin. Naka sweatshirt siya na black at black sweatpants. Hawak-hawak na niya yung menu namin.
"Can I get two chocolate milkshakes, two iced frappuccinos, and a Nitro, add also two ham and cheese sandwiches, a slice of cheesecake, and a slice of carrot cake as well. All for take out please, thank you." Sabi nung lalaki. Tumango-tango nalang ako habang pinu-punch ko yung mga orders nila.
"Sure, please wait for a while, may I ask for your name?" Tanong ko kaya parang nanigas siya sa kinatatayuan niya.
Kinamot niya ang batok niya, para bang nag-iisip ng sasabihin, "Um-I, Na-Nathan." Nauutal na sagot niya.
Tumango na lang ako at hindi na lang ‘yon pinansin. Sinulat ko ang pangalan niya sa resibo. Nag-abot siya ng 1000 bill at sinuklian ko naman siya. Pagkatapos niya magbayad ay umupo nalang muna siya sa may bar table malapit kay Franny.
Kasalukuyan niyang tinatapik ang mga daliri niya sa lamesa at nililibot ang paningin sa paligid, para bang kabado sa lugar.
Minamadali ko ang pag-gawa sa order niya. Habang naghihintay siya, nilibang niya muna ang sarili niya sa kanyang cellphone.
Nakakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam, pero hindi ko masabi kung ano ‘yon.
"Good evening, Sir Nathan. Here is your order, have a nice evening." Ngiti ko nang mailapag ko na sa harapan niya ang mga orders niya.
Nagmamadali siyang tumayo at kinarga lahat nang order at mabilis na lumabas ng cafe.
Nakita ko na pumasok siya sa isang itim na van na pumarada sa harap ng cafe at pumasok sa loob.
"Ako lang ba o parang ang weirdo ng lalaking yun?" Bulong ni Franny.
"Shh! Ano ba!" Saway ko siyang binulungang pabalik.
"Hindi, hindi sa ganun, para bang pa-mysterious siya." Tuloy niya pa rin.
Inirapan ko na lang siya at bumulong, "Alam mo? Masyado mo ata hinuhusgahan ‘ang mga tao sa paligid mo. Baka naman ganun lang talaga siya umasta,” Saway ko sa kanya habang nagtatanggal ng apron ko. “Oh, siya, patapos na shift ko, mag ayos ka na." Sabi ko sa kanya at tumuloy na sa loob para mag-ayos ng gamit at magpalit.
"Oh Alora, sinasabi ko sa’yo, ha! Wag kang ma-di-distract diyan sa mga lalaki na ‘yan!" Sigaw ni Franny habang naglalakad na siya pauwi.
Alas-diyes na ng gabi nang makauwi na ko sa bahay. Magkalapit lang ang bahay namin ni Franny, isang liko pa sa kanto, tapos ‘yon na ‘yong street nila papuntang bahay niya. Alas nuwebe ang off ko sa cafe kaya naman ginagabi na ako ng uwi. Alam naman ni Papa na nagpa-part time ako, pero as much as possible, ayaw niya yung ideya na nagtatrabaho ako dahil mapapagod daw ako masyado.
Kita naman sa mga bintana na madilim na sa loob, mula sa sala ay nakikita ko ang mahinang ilaw mula sa TV namin, dahan-dahan kong sinara ‘yong gate at ginamit ang flashlight ng cellphone ko. Dali-dali akong pinasok ang susi ko sa bahay at binuksan ang pinto.
Dahan-dahan ko’ng sinara ang pintuan at tinanggal ang sapatos ko. Unang bumungad sa akin ay ‘iyong mga plato na hindi pa nahuhugasan sa lababo at sa lamesa, huminga na lang ako nang malalim at naglakad patungo sa sala.
Nakita ko si Papa na tulog sa sofa at ‘yong mga bote ng beer ay naka-kalat sa coffee table, binitawan ko ‘yong backpack ko sa tabing upuan. Nakatulog siya do’n sa sala kaya naman ay pinatay ko na ang TV at binuksan ang ilaw.
"Pa...Pa!" Niyugyog ko siya nang mahina sa balikat para magising at madala ko siya sa kwarto niya. "Pa! Gising, wag kang matulog dito!" Ulit ko sa kanya.
"Hmm...Alora?" Unang tanong niya sakin nang magising siya. Dahan-dahan siyang umupo ng maayos.
Halata sa kaniya na nahihilo na siya, kaya naman hinila ko siya patayo at inalalayan. "Opo pa, ako ito, ba’t naman kasi uminom ka na naman po, ha? Makakasama ‘yan sayo. Halika na't umakyat ka na po sa kwarto niyo para makatulog ka na." Sabi ko na lang sa kaniya.
Hindi pa siya nagpapalit ng kanyang damit at amoy na amoy sa kanya ang alak. Inalalayan ko siyang umakyat sa hagdan at pumunta sa kwarto nilang dalawa ni Mama dati, pero naging kwarto niya na lang.
Dahan-dahan ko siyang pinahiga sa kama at kumuha ng pajama pants at t-shirt sa cabinet niya. Pagbukas ko, amoy pabango ni Mama ang bumungad sakin. Naroon pa rin ang mga damit niya, ayaw ni Papa ipatapon o ipamigay ang mga damit niya. Gusto niya na manatili ang mga kagamitan ni Mama, pati na rin ang mga kasangkapan niya sa vanity table ay naroon pa rin.
Kinuha ko ‘yong puting t-shirt at plaid na pajama pants niya, niyugyog ko ulit nang marahan si Papa para gisingin at mag palit siya. Habang nagpapalit siya, ay kumuha ako ng bimpo at dumiretso sa CR nila sa kwarto at binasa ‘yon para maipunas ko sa mukha niya.
Nasa sahig ‘yong mga damit niya at malalim na siyang natutulog, umupo ako sa tabi niya at pinunasan ko na lang ang mukha niya. Nang matapos ay sinara ko ang ilaw, pati ang pinto, at umalis na dala-dala na ang mga marurumi niyang damit.
Huminga ako nang malalim nang pagkababa ko galing sa kwarto ni Papa at nandito naman ako sa kusina ngayon.
Naisipan kong maglinis ng bahay dahil makalat, hindi healthy ang tumira sa isang maruming bahay.
Nagearphones ako at nagpa-tugtog ng kanta ng Clover kaya naman ay naganahan akong maglinis.
Ala-una na ng umaga akong natapos sa paglilinis at pagod na pagod na ako, sinilip ko muna ‘yung mga bata kong kapatid, natutulog sila sa isang kwarto lang dahil tatlo lang ang kwarto rito sa bahay. Balak pa nga namin maglipat nang bahay kaso nagamit namin ‘yung pera para sa burol ni Mama kaya nanatili na lang kami rito, kahit na maliit na ang bahay para sa aming lahat.
Isang kama lang meron do’n kaya hati sila, tumabi ako sa gitna nila at isa- isang hinalikan ang noo nila.
Nanatili ako roon saglit bago ko naisipang bumangon at pumunta na sa kwarto ko para makapagpahinga. Binuksan ko ang ilaw at napangiti dahil punong-puno ng posters ang kwarto ko.
Nagpalit na ako ng damit, pinatay ko na ‘yung ilaw. Humiga sa kama at nanood muna ng vlogs ng Clover at di ko mapigilang ngumiti nang makita silang masaya.
Makita siyang masaya...
Ilang sandali ay nakaramdam na ko ng antok at ‘di ko namalayan ay nakatulog na pala ako habang nanonood.