Sa wakas ay makakauwi na siya.
Bitbit ang maliit niyang sling bag at iilan pang gamit ay kaswal na lumabas si Paraluman sa locker room. Kanina pa talaga siyang uwing-uwi dahil kanina pa masama ang kanya ng pakiramdam. Pag gising niya kaninang umaga ay mabigat na ang katawan niya ngunit hindi naman siya pwedeng um-absent nang hindi nag fa-file ng sick leave. Tingin niya ay kaya pa naman niyang pumasok kaya pinilit niya ang sarili sa pag-aakalang madadala sa gamot ang sakit ng kanyang ulo. Na ngayon ay mukhang nauwi na yata sa trangkaso.
Habang naglalakad siya palabas ng lobby ay ramdam niya ang init ng ilalim ng kanyang mata pero hindi na niya pinansin at binilisan pa ang lakad. Sa exit ng hotel kung saan dumadaan ang mga empleyado ay may nakasabayan siyang mga empleyado rin. Ngunit dahil sa masama ang pakiramdam ay hindi na niya alintana ang dalawang lalaking nakasabay niya na halos ilang distansya nalang mula sa kanyang nilalakaran.
Namumukhaan niya ang isa sa mga ito dahil nakikita niyang dumadaan ang mga bellboy sa lobby habang may tulak-tulak na food cart. At hindi niya gusto ang pasulyap-sulyap at pangiti-ngiti nito sa kanya sa tuwina na tila may hindi magandang gagawin.
"Siya iyan, Pre. Siya iyong sinasabi ko sa`yo na magandang dilag sa front desk. Iyong baguhan." pabulong ngunit narinig ni Paraluman na sabi nito sa lalaking kasama.
"Maganda nga. Ang sexy pa."
Hindi na niya masyadong narinig ang sagot ng isang lalaki dahil mas binilisan niya ang lakad hanggang sa makarating siya sa malaking gate. Mukhang pauwi din ang mga ito dahil hanggang makarating siya sa gilid ng kalsada ay andoon pa din ang dalawa.
Nakatayo siya sa gilid ng daan habang naghihintay na may dumaang taxi o kahit traysikel. Ngunit mukhang minalas yata siya sa araw na iyon dahil limang minuto na siyang naghihintay ay wala parin.
Jusko! Gusto na niyang makauwi.
"Sige na.. Hingiin mo na ang number.. Hindi na naman tayo magkakaroon ng pagkakataon niyan kapag nasa duty eh, Bilis!" sa gilid ng mata ay nasulyapan niyang bahagyang nagtutulakan ang dalawang lalaki pero hindi parin niya pinagtuonan ng pansin.
Hanggang sa naglakas ng loob na sanang lumapit ang kasama nito ngunit mabilis ang hakbang niyang naglakad palayo.
"Miss?"
"Miss?"
Ngunit wala siyang balak na lumingon at nagpatuloy parin sa mabilis na hakbang. At hindi niya maipagkakailang nagsisimula na siyang kabahan dahil medyo may kadiliman sa banda kung saan siya naglalakad. Wala paman ding dumadaang sasakyan sa mga oras na iyon.
"Teka lang, miss, ang bilis mo naman maglakad makikipagkilala lang naman kami." pahabol nitong sabi na may kasamang ngisi kaya kinilabutan siya ng bahagya.
Mas lalo pa siyang kinabahan ng maramdamang malapit na siya nitong maabutan. s**t!
Akmang tatakbo na si Paraluman nang biglang may humintong itim na sasakyan sa harap niya. Napatigil siya sa paghakbang dahil nasisilaw siya sa malakas na ilaw na nanggagaling sa headlight ng kotse.
Gustuhin man niyang tumakbo ulit ay hindi na niya magawa dahil tila napako na siya sa kinatatayuan ng magbaba ng bintana ang driver ng sasakyan.
"Get in."
Ang malamig nitong boses ay tila nagpagising sa kanya mula sa pagkatulala. Nagbukas-sara ang bibig ni Paraluman at hindi alam ang gagawin. Samantalang ang lalaking sumusunod sa kanya kanina ay tila natakot dahil natigilan din ito sa hindi kalayuan. Napatingin tuloy siya doon pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa walang emosyong mukha ni Mr. Santibañez.
Nakatiim ang bagang nito na mukhang galit o ano.
"What? Would you rather go with that asshole than me, Ms. Cruz?" ulit nitong tanong kaya napatitig siya sa mukha nito.
Ayaw man niyang sumakay at lagpasan nalang ang sasakyan nito ngunit nang ilibot niya ang paningin sa paligid ay doon lang niya napagtanto kung gaano iyon kadilim. May malalaking puno pa sa unahan at masukal ang mga damo. Wala sa sariling lumapit si Paraluman sa nakabukas na pinto ng sasakyan katabi ng driver seat. Hindi na niya tinangkang tingnan kung umalis na ba ang humahabol sa kanya o hindi pa. Isa pa ay sobrang sama na talaga ng pakiramdam niya.
Nang umaandar na ang sasakyan ay hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Tahimik lang naman ang lalaki at tila may malalim na iniisip. Parang galit yata ito dahil nakikita parin niya ang nakaigting nitong panga simula pa kanina.
Sa isip ni Paraluman ay hindi siya makapaniwalang nasa loob siya ng sasakyan ni Mr. Santibañez, sa lalaking ni sa hinagap ay ayaw niya sanang makasalubong pa. Ngunit ngayon ay heto pa siya sa tabi ng lalaki at prenteng nakaupo sa loob ng sasakyan nito. Hindi niya tuloy alam kung saan siya mas nahihilo, sa kaalamang ramdam niya ang presensya ng lalaking iniiwasan o dahil talaga sa masama ang kanyang pakiramdam.
"Is that your boyfriend following you?" kulang ang sabihing nagulat siya sa biglaan nitong pagsasalita.
"H-hindi," sabay iling niyang sagot.
"Then who?"
"H-Hindi ko kilala. Nakasabay ko lang siya kanina sa lobby." sa kabila ng malakas na kabog sa dibdib ay nagpasalamat siyang nagawa pa niyang sumagot ng maayos. Dagdag pa ang paraan ng pagtatanong nito na parang galit sa kanya o ano.
"So he`s an employee. That`s explain his uniform." hindi tanong o anupaman. Mukhang alam na nito kaagad ang sagot dahil narin sa suot ng lalaking humahabol sa kanya na katulad ng mga bellboy sa hotel na pagmamay-ari nito.
Hindi na rin niya nagawang sumagot dahil nakita niyang dinampot nito ang cellphone sa dashboard at may tinawagan.
"Hello. Yes Alex, Take a look at all the bellboy`s name that are out in 5pm today and fire them all."
Sa narinig ay hindi lang yata siya ang nagulat pati na rin ang kausap nito sa telepono dahil rinig na rinig niya ang boses niyon. Agad siyang napasinghap at napanganga habang nakatitig sa lalaki na seryoso paring nakikipag-usap habang ang isang kamay ay nasa manibela.. Hanggang sa tinapos na nito ang tawag ay hindi parin siya makapaniwala!
"S-sir hindi mo naman po kailangan gawin iyon." mahina ngunit determinado niyang bigkas. Ayaw niyang isipin na may mga taong mawawalan ng trabaho dahil sa kanya!
"I don`t tolerate such bastly act in my hotel, Ms. Cruz." angil nito na tumingin sa kanya.
"P-pero kawawa naman po sila kung mawawalan ng trabaho."
"Then are you saying na okay lang ang pagbastos sa`yo?" nakataas ang kilay nitong tanong sa kanya.
"Hindi, pero hindi tamang may madadamay na walang muwang dahil lang sa akin." hindi niya alam kung saan siya humuhugot ng lakas na sumagot ng deretso pero nagawa na niya. De baleng magalit ito sa kanya basta nasabi niya ang gustong sabihin. Isa pa ay wala namang nangyaring masama sa kanya dahilan upang kaya pa niyang palagpasin ang nangyari kanina.
"Then tell me exactly his name."
"Hindi ko kilala." napayuko niyang tugon.
Napahinga ito ng malalim at ayon na naman ang walang emosyon nitong mukha na tila nakakatakot itong kausapin.
Sa sumunod na sandali ay walang natangkang magsalita pero ramdam niya ang masungit niyang katabi na tila galit parin talaga.
Teka, bakit parang mas apektado pa ito kesa sa kanya?
Mas lalong sumakit ang ulo ni Paraluman sa tanong na iyon kaya`t wala sa sarili niyang naisandal ang katawan sa sandalan ng upuan. Kanina kasi ay para siyang tuod na naka straight body lang.
Sa sobrang sama talaga ng pakiramdam ay hindi na niya namalayang nakatulog na siya at nagising nalang na nasa harap na sila ng bahay niya!
Nanlalaki ang matang napabalikwas siya sa kinauupuan at napaayos ng upo. Samantalang ang lalaki ay nakatingin lang sa kanyang gawi habang naka-kunot ang noo.
Sa sobrang pula ng mukha niya dahil sa kahihiyan ay dumagdag pang wala siyang maapuhap na sabihin kahit isang salita!
Hindi niya tuloy alam kung ano ang uunahing iisipin sa mga sandaling iyon. Ang kaalamang nakatulog siya sa sasakyan nito o kung ilang oras itong naghintay na magising siya-
At higit sa lahat ay..
Kung paano nito nalaman kung saan siya nakatira?
"