Leandro's P.O.V
Matapos kaming matipon ay napag-alaman naming mayroong apat sa amin ang hindi nakakompleto ng misyon para sa araw na ito. At ang kailangan naming gawin ngayon ay bumoto para malaman kung sino ang magpapatuloy at sino ang matatanggal sa laro.
Abala ang lahat sa paglalabas ng mga suhestiyon ngunit lahat ito ay lalabag sa rules na ibinaba sa amin. Ngayong naubusan na kami ng oras ay kailangan na naming bumoto.
"Huwag kayong mag-alala kahit anong kalabasan ng botohan masaya pa rin akong nakilala ko kayo," naiiyak na sabi ni Patrick.
"Ganoon din ako kaya 'wag niyo iisipin na kayo ang dahilan bakit kami matatanggal," pangsang-ayon naman ni Royce at saka ngumiti.
"Isang minuto lang ang mayroon tayo kaya bumoto na kayo bago maubos ang oras natin," pagpapa-alala ni Trisha.
Agad akong tumingin sa cellphone ko at agad na ibinoto si Trisha. Sa kanilang tatlo si Trisha lang ang nakitaan ko ng pagbabago at naniniwala akong may mapapatunayan pa siya kaya siya ang ibinoto ko para magpatuloy.
Makalipas ang ilang segundo ay nakatanggap na kaming muli ng mensahe mula sa laro. Ang nakakuha ng mataas na boto ay si Trisha na mayroong labing isang boto na sinundan naman ni Kristoffer na mayroong anim boto, pangatlo naman si Patrick na may tatlong boto at ang huli ay si Royce na may isang boto.
"Alam kong walang boboto sa akin kahit ako ay si Trisha ang ibinoto ko.. pero guys masaya akong nakilala ko kayo at 'wag kayong mag-alala matagal ko ng tinanggap na darating ang araw na 'to. Hindi ko lang inaasahan na kung kailan ako nagsisimulang magkaroon ng pangarap ay saka naman mangyayari ito," naiiyak niyang sabi at saka pinilit na ngumiti.
Matapos niyang makapagsalita ay nakatanggap kaming muli ng mensahe at nakapaloob dito na dahil sa mababang boto silang dalawa ay pinaparusahang kitilin ang sarili buhay sa kahit anong paraan. Muli kong ibinaling ang atensyon ko kina Patrick at Royce nagbago ang expression ng mukha nila tila ba wala silang emosyon at saka biglang tumakbo ng mabilis papasok sa loob.
Sinubukan naman silang sundan ng iba para pigilan ngunit mas mabilis ang mga ito kaysa sa mga normal na tao. Mula sa pwesto naman ay kita ang dalawang tao na paakyat sa terrace ng resort. Walang pagdadalawang isip ay sabay silang tumalon at wala kaming ibang nagawa kundi ang panoorin silang magpakamatay.
"Lahat ng gustong tumulong sa akin para maghukay sumunod kayo sa akin," walang emosyon kong sabi at saka naglakad papunta sa garden kung nasaan ang mga patik at pala para sa paghuhukay.
"A-anong gagawin natin sa hukay?" Tanong ni Ayesha.
"Malamang ililibing natin sina Royce, hindi naman natin maaaring hayaan sila diyan hanggang sa mangamoy na sila o kaya tumawag ng ambulance kasi anong ipapaliwanag mo? Tumalon sila kasi trip nila?" walang gana kong pag sagot sa kaniya.
Ang halos kalahati sa amin ay sumunod sa akin at ang iba ay pumunta sa mga katawan nina Royce para i-check kung ang mga ito ah buhay pa ba.
Nang mabuksan ko ang maliit na store room ay mayroon lamang dito na apat na pala at dalawang patik na maari naming magamit sa paggawa ng hukay. Napag-usapan naman namin maghati sa dalawang grupo para sa dalawang hukay na gagawin.
Nagsimula na kami sa pagpapatik at saka naman papalahin pagkatapos ay papalalimin hanggang sa sumakto ito ng lalim. Tahimik lang ang lahat habang naghuhukay kami kumukulog na rin at nagbabadya ng pag-ulan. Mabilis naman ang paghuhukay namin dahil sa malambot na lupang ito.
Inabot kami ng halos isang oras paghuhukay hanggang natapos namin ang butas. Tulong tulong naman naming binuhat ang nga bangkay at dahan dahang ibinaba sa hukay.
Nagtirik naman ng kandila sina Sachi at saka kami nagdasal para sa mga kaluluwa nilang dalawa. Alam kong maraming pagkakataon na naipakita nila ang kabutihang loob nila kaya't naniniwala akong gagabayan sila ng nakatataas.
Matapos naming madasalan ang mga ito ay nagsimula na kaming tabunan ang bawat hukay. Nagtulong tulong kami para ito ay matabunan ng maayos at pagkatapos ay muli kaming nagpaalam sa kanila.
Sabay sabay naman kaming pumasok sa loob. Ang lahat ay malungkot sa nangyari dahil inaasahan naming wala ng matatanggal o mamamatay sa amin. Pumasok naman kami ni Sachi sa kwarto para magpalit ng damit at maglinis ng katawan.
Pagkatapos naming makapaglinis ng katawan ay napagpasiyahan na naming magpahinga dahil halos wala pa kaming tulog at alas dos na ng madaling araw. Dalawang oras na ang nakalipas ng mamatay sina Patrick at hindi pa rin ako makapaniwalang nangyari iyon.
"Leandro, tutuparin mo naman pangako mo sa akin hindi ba?" biglang tanong ni Sachi.
Tanging pagtango na lamang ang naging kasagutan ko sa sinabi niya. Agad naman akong humarap ng higa sa kaniya at saka yumakap sa kaniya.
Mamaya sa paggising namin ay muli kaming mag-aantay sa bagong misyon na siyang magpapahirap sa amin. Hindi ko maintindihan ang laro ito. Sino nga ba ang master ng laro? Bigla akong napa-isip sa kung sino ang tao sa likod ng Master Game.
"Sachi, sa tingin mo ba tao rin ang may gawa ng larong ito?" Tanong ko.
"Hindi ako nakakasigurado pero 'yon din ang naiisip ko," pagsagot niya.
"Kung sakaling may ideya lang tayo sa kung sino ang Master baka mapigilan natin ito," malungkot kong sabi.
Hindi na siya sumagot pa at naramdaman ko na ang mabibigat niyang paghinga. Nakatulog na siya sa sobrang pagkapagod sa araw na ito. At naisip kong magpahinga na rin para sa mga mangyayari mamayang umaga.
Kate's P.O.V
Kasalukuyan akong nasa terrace ng resort kung saan tumalon sina Patrick dahilan ng pagkamatay nila. Habang inaalala ko ang mga nangyari ay bigla namang sumulpot si Lance mula sa likod na may dala dalang gatas.
Agad naman niya 'yong ini-abot sa akin na kinuha ko rin agad. Pagkatapos ay pinagmasdan ko ang paligid tahimik ito at tanging ingay lamang ng mga hayop ang naririnig ko. Hindi na rin natuloy ang pagbuhos ng ulan.
"Hindi ka ba makatulog?" biglang niyang pagtatanong.
"Mukhang ganoon na nga," pagsagot ko at saka uminom ng mainit init kong gatas.
"Marami ka bang iniisip o ano?" Nag-aalala niyang tanong sa akin.
"Actually, sino sa tingin mo ang Master na nasa likod ng larong ito? Na-iisip mo rin ba kung tao siya o sadyang isa itong sumpa na hindi dapat natin pinaki-alaman?" pagtatanong ko sa kaniya.
"Naniniwala akong may kasagutan para diyan at naniniwala rin akong tayo ang makakahanap ng sagot dito," pagsagot niya sa akin.
"Biglang pumasok sa isip ko ang mga paratang ng iba kay Gavreel paano kung siya nga ang nasa likod ng bangungot na 'to?" bigla kong sabi kay Lance.
"Ha? A-anong ibig mong sabihin? Si Gavreel hindi ba't kaibigan mo siya bakit ka nag-iisip ng ganiyan sa kaniya?" Sunod sunod niyang tanong.
"Wala pumasok lang sa isip, 'wag mo na lang isipin 'yung sinabi ko baka naguguluhan lang talaga ako sa lahat ng nangyayari," pagbawi ko sa mga sinabi ko sa kaniya.
"Siguro sobrang stress kana sa mga nangyayari, subukan mo ring magpahinga kung minsan," pagpapa-alala niya.
"Baka pagod kana rin, kung gusto mo magpahinga kana," sabi ko sa kaniya at saka ngumiti.
"Ubusin mo muna 'yang gatas at sabay na tayong pumasok sa loob," pagsagot naman niya.
Tumango naman ako sa kaniya at saka muling uminom ng gatas na hawak hawak ko. Muli akong tumingin sa paligid palagi kong hinihiling na sana ay ganito nalang kapayapa ang lahat.
Nang matapos ako sa pag-inom ng gatas ay pumasok na kami sa loob ni Lance at dumiretso sa kwarto namin.
Habang nakahiga at inaantay na dapuan ng antok ay napapa-isip pa rin ako sa katauhan ni Gavreel. Hindi ako matatahimik hanggat tumutugma ang lahat ng clues ko sa mga ikinikilos niya at sa mga bagay na nangyayari sa larong 'to.
Sana ay mali ang mga inaakala ko tungkol kay Gavreel dahil hindi ko siya mapapatawad kung totoo nga ba ito. At isa nga si Gavreel sa mga taong nasa likod ng sumpang ito.
Kahit gusto ko siyang tanungin ay hindi ko 'yon maaaring gawin dahil baka bigla na lamang akong matanggal sa laro ng hindi nasasabi sa iba ang nalalaman ko. Hindi ko naman pwede sabihan agad si Leandro tungkol dito dahil alam kong kakampihan niya si Gavreel dahil kasama na niya ito mula pagkabata at isusumbat niya lamang sa akin ay matagal na silang magkakilala at hindi 'yon magagawa ni Gavreel.
Nagsimula ang lahat ng ito dahil sa plano niyang party matapos naming manalo sa sport fest at siya rin ang nag-udyok sa amin na manood sa delikadong site at pumilit sa amin na mag yes sa link na 'yon. Ang mga parusa niya ay hindi kamatayan ngunit sa iba kahit simpleng pag-break sa rule ay buhay agad ang kapalit. Hindi ko agad napansin ang mga bagay na ito sa una ngunit ngayon ay unti unti ko ng napagtatagpi tagpi ang mga katotoohanan at kaunti nalang ay masasagot ko na ang tanong. Ang kailangan ko lang ay ang laptop ko ngunit wala 'yon dito kaya't kailangan kong magtyaga.
Marami na sa amin ang nawalan ng buhay at pangarap dahil sa larong ito. At hindi ko na'yon hahayaan pang mangyari kaya't sisikapin kong alamin ang katotohanan at alamin ang tunay sa likod ng pagkatao ni Gavreel Asuncion.
Alive: 19 Dead: 27