"MAMA couldn't come. May nauna na raw kasi siyang commitment for tonight," paliwanag ni Sake nang dumating itong hindi kasama si Lora.
Tipid na ngumiti si Jillian at tahimik niyang tinanggap ang bulaklak na dala ng binata. She wanted to tell him na okay lang. Ito lang naman talaga ang gusto niyang makita.
Sa katunayan ay ayaw na sana niyang bumitaw ng yakapin siya ni Sake. Pero hindi niya maalis sa isip ang narinig niyang boses babaeng tumawag dito habang kausap niya ito kanina.
"So, what did you prepare for dinner?"
"Hindi ako ang nagluto." Gusto niyang sipain ang sarili sa inaakto niya. Hindi niya ginawa ang naunang plano na ipagluluto ito. Nawala kasi siya sa mood kaya pinaubaya na lang niya iyon sa mga kasambahay.
"Thank goodness!" bulalas nitong biro. "Ngayon pwede na akong ma-excite sa pagkain."
Inirapan niya ito't tinalikuran. Naiinis siya.
"Hey, hey, nagbibiro lang ako," hinabol siya nito at masuyong inakbayan. "I'm sorry, alam mo namang kakainin ko kahit na hilaw o sunog na pagkain basta ikaw ang nagluto," pang-aamo pa ni Sake.
"I know how to cook," giit niya.
"Of course," amused na pagsang-ayon ng binata.
"Hmp! May kasalanan ka sa akin." Hindi na napigilan ni Jillian ang sarili. Kailangan na niyang tanungin si Sake para matahimik na siya. "Sino 'yong babaeng kasama mo kanina? Narinig ko habang kausap kita. Tinawag ka niya sa pangalan mo, so definitely, she's not your employee." Tuloy-tuloy niyang sabi dahil nakakunot noo lang ito sa kanya.
"Oh... that?" ani Sake nang maalala marahil ang tinutukoy niya. "Si Nicole iyon, nakabalik na siya from LA."
"Si Nicole," ulit niya na wari ba'y mapait sa bibig bigkasin ang pangalan ng babae.
Naalala niya ang sinabi ni Victoria tungkol kay Nicole. Sinundan kaya nito si Sake?
"Yes... She already graduated kaya umuwi na siya para i-manage ang business nila," kwento nito na para bang personal na kakilala ni Julia si Nicole.
Tumango na lang siya pero kung wala na siyang gana kanina, dumoble pa iyon nang malamang si Nicole pala ang kasama nito. Bigla siyang nakaramdam ng insecurity sa hindi pa nakikilalang babae.
Siguro maganda ito, bukod pa sa mayaman at sa America nag-aral. Samantalang siya-
"Wait," pigil ni Sake nang mapansin ang mukha niya. "Are you okay?"
Samantalang siya ay hindi nakapag-aral ng kolehiyo. Nakatira sa lugar na hindi maganda at mahirap lang.
"Oo naman. Tara na sa dining room. Naghihintay na sina mama." Akma na niya itong tatalikuran pero nahigit siya pabalik ni Sake.
"Julia," he cupped her face, kumikinang ang mga mata nito na wari'y ngumingiti ang mga iyon. "Dati hindi ka ganito mag-react kapag napag-uusapan natin si Nicole. Hindi ka umiiwas at lagi tayong natatapos sa away. Kahit mas okay na mas kontrolado mo na ang selos mo ngayon, hindi okay sa akin na nakikitang malungkot ka." Natawa na ito nang tinaasan niya ito ng kilay dahil sa sinabi nitong nagseselos siya. "Julia, Nicole and I treat each other as siblings for the reason that we both don't have one. Hindi masayang maging solong anak. Alam mo 'yon, hindi ba?"
Sukat sa sinabi ni Sake ay naalala ni Jillian na si Julia pala siya sa pagkakataong iyon. Si Julia na mayaman at solong anak din sa mata ni Sake.
"Oo naman." She forced a smile. "But I am not jealous. Halika na. Kumain muna tayo."
"Let's talk later," he bent and kissed her. "Pakiramdam ko hindi pa sapat ang paliwanag ko."
-----
PARA pawiin ang pagdududa niya, ipinakilala siya ulit ni Sake kay Nicole. Baka raw kasi nakalimutan na niya ang dalaga.
"Julia, natutuwa akong makita ka ulit!"
Niyakap siya ni Nicole na isang napakaganda at eleganteng babae. Matangkad ito, slim at tsinita. Napaka-cute nito kapag ngumingiti dahil halos nagiging linya ang mga mata nito.
Bagamat may sariling ganda si Jillian, hindi niya mapigilang ma-insecure. Lalo na't hindi naman siya si Julia na makakapantay sa gracefulness at elegance ni Nicole.
"Tama si Sake, sa tingin ko mas gusto ko rin ang version mo na ito. Dati ay hindi man lang ako makalapit sa 'yo para batiin ka," dagdag nito.
"People change, sa tingin ko," saad niya.
"Yeah at mas okay ka ngayon. 'Wag kang mag-alala sa relationship namin ni Sake. We're just close friends. Being more than that is like eiw... No way!" patuloy ni Nicole at kahit paano ay gumaan na ang loob niya rito.
"See, Juls? Do you understand now why this lady couldn't be my girlfriend? Mababa ang taste niya sa lalaki," ganti ni Sake.
"Ano? Epal nito!" Inirapan ito ni Nicole bago ulit siya binalingan. "Naiintindihan ko na ngayon kung bakit nagustuhan ka na ni Tita Lora. Although I wish, you would speak a bit."
"Paano siya magsasalita? Hindi siya makasingit sa 'yo." Inakbayan siya ni Sake. Nicole pouted pero muli namang nagsalita.
"So, napag-isipan mo na ba ang gusto ni Tita Lora na magpakasal na kayo ni Sake?"
"Sake and I already talked about that," aniyang hindi tumitingin sa binata. "Hindi kami nagmamadali. Besides, gusto ko munang maka-recover fully bago ang kasal. I want to remember everything about us."
"Sabagay, may point ka naman. Pero baka lang kailangan mo ng reminder. Maraming mga babae ang naghihintay kay Sake Fortalejo," sabi ni Nicole. "Ikaw rin. Nasa huli ang pagsisisi."
Jillian risked looking at Sake. He was smirking at his friend. Alam niyang tama si Nicole. At kung si Julia ang nasa posisyon niya ngayon, she would be really threatened at ora mismo ay siya pa ang mag-aayang magpakasal kay Sake.
Pero hindi nga kasi siya si Julia. Maraming mga bagay-bagay ang pwedeng mangyari at ang pinakamalala ro'n ay ang mahulog siya nang tuluyan kay Sake Fortalejo.
And that she couldn't afford to happen. Dahil kapag nangyari 'yon, matatalo siya sa larong huli na nang mapagtanto niyang hindi niya dapat sinang-ayunan.
"Sake loves me." Kulang sa kump'yansa ang tinig niya. "Two months is a short time to wait. Hihintayin mo ako, 'di ba, mahal?"
Ngumiti lang ang binata. Drew her closer at hinalikan siya sa sentido niya.
"So, what did you prepare for us Nicki?" Sa halip ay tanong ni Sake sa kaibigan nito. "Hindi namin sinagupa ang traffic papunta rito sa bahay mo para makipag-kwentuhan lang. We have stomach to feed you know."
"Ang takaw talaga!" Inismiran ito ni Nicole. "Julia, I was delighted when Sake told me na kinakain mo na lahat ngayon. So hindi na ako nagtanong kung ano ang iluluto ko..." Iginiya sila nito sa maliit na dining area ng condo unit nito at doon nila itinuloy ang kwentuhan habang kumakain.
----
"LET'S get married."
Natigilan si Jillian mula sa amazed niyang reaksyon sa diamond necklace na regalo sa kanya ni Sake. Did he just say na magpakasal na sila?
Hindi agad siya nag-angat ng tingin pero nabura na ang ngiti niya kanina nang ibigay nito ang kwintas.
"No?" He asked nang sa wakas ay nakuha niyang tingnan ito.
"Sake, hindi sa gano'n---" tinangka niya itong hawakan pero umiwas ito.
"Lagi kong sinasabi sa sarili ko na mas gusto kita ngayon kaysa noong bago ang aksidente mo. I even thought that you became a better person, mas marunong kang makisama at naging mas considerate ka sa ibang tao. Pero alam mo kung ano pa ang nagbago sa 'yo?"
Napalunok si Jillian nang harapin siya ni Sake.
"Your love for me," tila hirap na hirap itong sabihin iyon. "Tell me Julia, nakalimutan mo rin ba ang pagmamahal mo sa akin? Because honestly, I don't understand what's holding you back to marry me. You've become distant, parang hindi ikaw si Julia."
"That's not true," nataranta siya, napansin na ba sa wakas ni Sake na hindi siya si Julia? "Sake, I have my reasons..." Nagpapaunawa siya habang panic mode ang utak niya sa paghagilap ng maaaring maging dahilan niya. "Hindi 'to madali sa akin. After waking up na hindi ko maalala ang ilan sa nakaraan ko, I was scared. I almost forgot all about you. Pero nang makita kita ulit, kusa kong naramdaman ang pagmamahal para sa 'yo. Hindi ko man maalala lahat, I trusted my heart when it said that you're the one I love. Kaya lang, ayokong magpakasal tayo na hindi ko maalala ang lahat-lahat sa atin. I want to recover all my memories with you, Sake." 'Wag naman sanang kumidlat at tamaan siya dahil sa mga kwentong hinahabi niya.
"You don't need those memories." Sake cupped her face at tiningnan siya nang diretso sa mga mata. "We will make new ones together. I love you, Julia. I wanted so badly to spend my everyday with you. And it just hurts me that you do not want to marry me."
"Sake," napaiyak siya, naaawa siya sa binata. Naiintindihan niya ito. Pero naiyak din siya dahil naiipit siya sa pagitan ng kagustuhang pumayag at sa natitira pa niyang lakas na tumanggi dahil hindi tamang palitan niya si Julia hanggang sa pagiging asawa sa lalaking mahal nito. "It's not that I don't want to marry you but... I thought you understand---"
"I do... Pero gusto ko ring alagaan ka. Gusto kitang mahalin habambuhay." Tinuyo nito ang mga luha niya bago tuluyang yumuko para halikan siya sa mga labi. Lalo siyang napaiyak, nasasaktan siya sa paraan ng paghalik nitong punong-puno ng pagmamahal na hindi talaga para sa kanya. How could she betray such a wonderful man? "Let's get married Julia. Please? I promise you, I will make you happy, araw-araw hangga't buhay ako. Let us recover your memories together while making new ones. Marry me, my love... please?"
Please...
He was begging her to marry him. Si Sake Fortalejo na wala namang kaalam-alam sa tunay niyang pagkatao was begging her, as Julia, the woman he loves with all his heart, to marry him. Na kung tutuusin, kung si Julia ang kasama nito ngayon ay hindi nito kailangang makiusap.
"Please?" He repeated.
Dala ng awa at kalituhan sa sarili niyang nararamdaman, Jillian found herself agreeing to marry Sake. Ayaw na niya itong saktan. Kahit na sa desisyon niya ay mas masasaktan niya ito.
"Yes, Sake..." anas niya. "I will marry you."
"Really?" Tuwang-tuwa naman si Sake. Tumango siya sa pagitan ng luha ng magkahalong guilt at kaligayahan na rin sa nakitang tuwa ng binata. "Yes!!!!" He shouted.
'Hindi naman niya malalaman, Jillian... Kapag nagising si Julia, itutuloy niya ang naumpisahan mo. At ikaw, maglalaho ka sa buhay ni Sake nang hindi niya napapansin... Just do what Julia would have done if she were the one in your place at the moment. At iyon ay ang pakasalan si Sake... Isa pa, tutulungan ni Tita Lora ang kompanya. Mission accomplished ka na as far as that matter is concern,' kumbinsi niya sa sarili.
"I promise to love you forever, Julia." mahigpit siyang niyakap ni Sake.
"Say your vows on our wedding day," sabi naman niya.
"Sorry. I’m just so excited, kaya ina-advance ko na." He chuckled.
-----
"CIVIL wedding?!" Hindi makapaniwala si Lora sa nais ni Jillian.
"Yes, Tita," aniya. "Itutuloy namin ang enggrandeng kasal para hindi masayang ang mga preparations. Hindi rin masisira ang schedules nating lahat. But for now, we're okay with the intimate wedding."
"I don't understand you, Julia. You are not making any sense." Napahilot sa sentido nito si Lora. "Sake, you've consented to this?"
"Yes, Mama. Julia is right. Practical, 'di ba? Mukhang magiging mahusay na maybahay ang aking future misis, mama." Hinapit siya ni Sake palapit sa katawan nito at hinalikan ang batok niya.
"Ang importante po ay ang seremonya, Tita... Isa pa, gusto kong maintindihan ni mama ang nangyayari kapag nakita niyang ikinakasal na ang unica hija niya. Sa tingin ko ay papagaling na siya at enough time pa ang two months for her to fully recover."
Ang totoo, ayaw niyang agawin kay Julia ang kasal na matagal na nitong pinapangarap. Julia planned the wedding herself, she had looked into the details, she had wanted it to be perfect. Hindi siya masama at inconsiderate na tao para ipagkait ang moment na maging perfect bride si Julia kay Sake sa araw ng kasal ng mga ito.
"Okay, you have a point. Ako na ang bahala sa papeles. It will be ready at once," sabi na lang ni Lora na mukhang nakuha naman ang nais niyang mangyari. Besides, their marriage is bound to be declared null and void once she is found to be an impostor.
EIGHT days later, kinasal sina Jillian at Sake sa harap ng judge na ninong ng binata.