Arianna’s POV
Paroo't parito ako sa waiting area ng emergency room ng hopital. Hinihintay ko ang paglabas ng doctor na tumitingin kay Lucas. Mahigit sampung minuto pa lang mula ng ipasok sa emergency room si Lucas pero pakiramdam ko ay taon na ang nagdaan.
Pinagtitinginan na ako ng mga kasabay kong naghihintay din ng mga pasyente marahil dahil sa ayos ko. May nurse pa ngang lumapit sa akin at tinanong kung okay lang ko. Punong puno kasi ng dugo ni Lucas ang suot kong damit. Pero wala akong pakialam.
Ano kung mukha akong dugyutin o kung amoy malansa na ako?
Mas importante ngayon ay si Lucas.
Napaupo ako sa isang bakanteng upuan at yumuko.
"Sana po, iligtas Ninyo po siya." Usal ko ng maikling panalangin.
Tumunog at nag-vibrate ang phone na hawak ko. Katulad ng bilin ng kausap ko kanina. Dinala ko ang phone ni Lucas. Mabilis naman akong matuto kaya naalala ko ang turo ng babaing lalake kanina kung papaano sasagutin ang tawag.
"Hello?" Nakitang kong tumatawag na naman si Arlene.
"Where you? I'm here now at the hospital's lobby."
Naku nag-english na naman siya at ang bilis pang magsalita. "Andito po ako sa waiting area ng emergency room."
"Wait for me there, I'll be there in a minute. Bye." Narinig kong nag-busy tone pagkatapos.
Napatayo ako nang makitang may lumabas na doctor sa emergency room. Mabilis ko siyang nilapitan.
"Kumusta na po ang mahal ko?" Tanong ko.
"Sinong mahal?" Balik tanong ng babaeng doktor.
"Si Lucas Madrigal po!"
"Stable na ang kalagayan niya. Natahi na namin ang sugat niya sa ulo pero unconcious pa rin siya. He's still under observation while we are waiting for the result of his city scan. He will be transfered to a private room in a while." Pasimple niya akong tinignan mula ulo hanggang paa. “Did anyone asked you about what happened? I think as a standard protocol, you need to give your statement on how Mr. Madrigal had a head injury."
Ano ba yan, ang haba naman ng english parang SONA. Narinig ko na stable na si Lucas kaya hindi ko na masyadong pinakinggan ang ibang sinabi niya. In fairness mas mabagal itong magsalita kumpara sa engliserang kausap ko sa phone.
Yun nga lang di ko pa rin masyadong maintindihan.
"Arianna?"
Napalingon ako ng marinig kong may tumawag sa aking pangalan.
Isang babaeng nuknukan ng ganda. Napapikit pa ako dahil parang nasilaw ako sa kaputian niya. Kung ang kutis ko ay laba sa poso, laba sa Tide ang balat ng babaeng tumawag sa aking pangalan. Kakulay yata nito ng lab gown ng doktorang kausap ko.
"I'm Arlene, cousin of Lucas, where is he?" Inabot niya sa akin ang kamay niya.
"Naku, huwag na po, Madumi po ang kamay ko. Baka po mamantiyahan ko kayo." Nahihiyang tanggi ko sa alok niyang pakikipagkamay.
"Mantiyahan?" Narinig kong usal ng katabi kong doktora.
"Opo kasi parang damit sa puti si Ma'am Arlene. Nakakahiya, mahirap pa naman tanggalin ang dugo sa puting labada."
Narinig kong humagikgik ang doktora. Samantalang nanatiling seryoso ang pinsan ni Lucas.
"Are you his doctor? How is he? Is he okay now?" Baling ni Ma’am Arlena sa doktora.
"Kagaya nga ng sinabi ko kanina dito sa PA niya. Under observation, pa rin si Lucas pero stable na siya. He's now in the recovery room and in a couple of hours he will be transferred to a private room."
"Anong PA?" Hindi ko napigilang sabad sa usapan ng dalawa. "Porever Admirer?"
Pareho silang napalingon sa akin, napatulala at sabay na tumawa ng malakas. Hawak ng doktora ang tiyan niya samantalang ang pinsan ni Lucas na kanina ay hindi mangiti ay naiiyak sa kakatawa.
Bakit? May nakakatawa ba sa sinabi ko?