"KUYA, may itatanong ako sa 'yo."
"Ano iyon?" sabi ni Noah kay Natalie na kausap niya sa papamagitan ng Skype.
"Kayo pa ba ni Bethany?"
"Oo naman. Bakit?"
"Nakita ko kasi sila ni Kuya Walter na magkasama sa mall. Nakahawak pa si Bethany sa braso ni Kuya Walter and they looked happy together."
"That's impossible. They don't like each other. Baka nagkataon lang na nagkita sila."
"Hmm... okay."
"At ano naman ang ginawa mo sa mall? Natalie, wala lang ako d'yan kung saan-saan ka na naman nagpupunta."
"Ang OA mo, Kuya. May binili lang ako sa bookstore. Good girl ako rito."
"Good. Pero 'yong mga bilin ko sa 'yo, ha? 'Yong gamot mo, iniinom mo ba?"
"Hindi ko nakakalimutan. Anyway, Kuya, nasa Portland ka, 'di ba? Alam mo bang diyan din nakatira si Marie. I mean, madalas siya sa LA dahil doon madalas ang gig niya at naroon din ang family niya, but she considered Portland as her hometown."
Agad na naging interesado si Noah. Pero hindi nagpahalata. "Marie who?" kaswal niyang tanong.
"Si Marie Hautesserres ng Evernation. 'Yong pinanood nating worship band sa Big Dome."
"O, tapos?" Hindi niya sinasabi kay Natalie na magkaibigan na sila ng idolo nito dahil siguradong hindi siya tatantanan ng kapatid niya sa kakatanong kay Marie. Hihingi rin ito ng kung ano-ano sa kanya tulad ng video greetings mula kay Marie.
"Nalaman ko kasi na diyan sa Portland siya nag-stay lately dahil na-injure 'yong left arm niya. Siguradong madalas na silang nagkikita ni Martin ngayon."
Napakunot-noo siya. "Sino namang Martin iyon?"
"Ex-husband ng dati niyang bandmate na si Sabrina. Alam mo bang kaya na-disband 'yong Slinggirls ay dahil nahuli raw ni Sabrina na may affair si Marie at Martin?" patuloy na pagkukuwento ni Natalie.
"Affair?" gulat niyang sabi.
"Oo. Pero sabi lang 'yon ng mga nakausap ko sa forum. But of course, we really don't know the truth kung bakit sila na-disband."
Hindi nakakibo si Noah. Parang may tumusok sa dibdib niya sa nalaman. Kung talagang totoo ang tsismis na sinabi ni Natalie, posibleng kayang may relasyon pa rin sina Marie at Martin hanggang ngayon? Pero wala naman siyang napupunang kakaiba sa dalawa. Halatang in love pa rin si Martin sa asawa nito dahil naka-display pa rin ang mga pictures ni Sabrina sa bahay ng kapatid niya. Marie, on the other hand, kung paano nito pakitunguhan si Martin ay ganoon din ang pakikitungo ng babae kay Jared at sa iba pang kaibigang lalaki. At hindi naman siguro nito tutugunin ang halik niya kung may relasyon ito at ang kapatid niya.
Noah knew kissing her was wrong. Pero hindi na talaga niya mapaglabanan ang nararamdamang atraksiyon kay Marie. At tuwing nagkikita sila, lalong nahuhulog ang loob niya rito.
"Ang guwapo rin noong Martin na 'yon. May resemblance sa 'yo, Kuya," patuloy pa ni Natalie.
Natural. Magkapatid kami, eh. "How about Nathan Flores? Nagkaroon ba sila ng relasyon ni Marie?
"Hindi , 'no. Friends lang sila. Hindi mo ba alam, kakakasal lang ni Nathan kay Joie Lacsamana," tukoy ni Natalie sa sikat na actress-singer.
"Malay ko? Pagdating talaga sa tsismis, magaling ka. At pati idol mo pinag-iisipan mo ng hindi maganda," sita niya.
"Hindi naman, ah. Nagkukuwento lang. Anyway, Kuya, ihanap mo naman ako ng album ng Slinggirls d'yan. Kumpleto ako ng songs nila pero puro digital lang, eh. Wala ring ma-order-an sa Internet. Hindi ko pa kasi nadi-discover si Marie that time kaya hindi ako nakabili ng albums nila."
"Kailan ba sila na-disband?"
"Five years ago pa."
"Ang tagal na pala."
"Basta ihanap mo ako, ha?"
"I'll see what I can do pero hindi ako nangangako. Pero pasasalubungan kita ng rubber shoes. Ang lapit lang ng apartment ko sa warehouse ng Nike. Bibilhan kita ng marami," pangako ni Noah sa kapatid.
"Okay pero basta, ihanap mo ako, ha?"
Pagkatapos nilang mag-usap ni Natalie, nagbukas ng search engine si Noah at binasa ang lahat ng artikulo tungkol kay Marie Hautesserres at sa mga lalaking na-link dito.
GUSTONG umatras ni Marie nang makitang nasa Real Hour Ministries na si Noah, kasama sina Rick, Luke at John. Naka-set up na rin ang musical instruments at siya na lang ang hinihintay. Pagkatapos ng nangyari sa bahay niya dalawang araw na ang nakalilipas, hindi niya alam kung paano pakikiharapan si Noah. Nakailang beses na rin siyang humingi ng tawad sa Diyos sa pagkakamaling nagawa.
"Marie!" tawag ni Luke na unang nakakita sa kanya.
Napilitang pumasok si Marie at nilapitan ang mga kaibigan. Pinilit niyang umakto nang normal, binati niya ang mga kaibigan at isang matipid na ngiti ang isinukli kay Noah nang mag – "hi" ito sa kanya. Pagkatapos ay tiningnan niya ang nakasulat sa set list.
"Marie, Noah can play and sing 'Beautiful Things,'" imporma ni Rick. "It would be better kung kakantahin niya iyon sa charity event. Bagay na bagay sa boses niya."
"No way, guys. I don't know the song well. Madalas lang iyong tugtugin ng mama at ng sister ko sa bahay kaya pamilyar sa akin. At hindi ako sanay kumanta sa big crowd," tanggi ni Noah.
"Kaya nga tayo nagpa-practice to make it perfect," sabi ni John. "Sige na, pare, pumayag ka na."
Hindi na nakareklamo si Noah.
Alam ni Marie na mas mapapaganda ang performance nila kung kakanta rin si Noah. "'Beautiful Things' is one of my favorite songs. Pumayag ka na, please," hiling niya sa lalaki.
Bumuntong-hininga si Noah. "All right," halatang napilitan lang nitong sabi pero nakangiti.
Ilang sandali pa, nagsimula na ang practice. Inunang pinractice ang kakantahin ni Noah. Nag-background vocals din si Marie during the second chorus. Anim na kanta ang pinractice nang gabing iyon, kasama ang kanta ni Marie na "If You and Me. Pagdating sa chorus, sinabayan ni Noah si Marie sa pagkanta.
Lampas alas-nuwebe na ng gabi natapos ang practice.
Habang naglilipit ng musical instruments ang mga lalaki, nag-refill ng kape si Marie. Napalingon siya nang maramdamang may tao, si Noah. "Coffee?" alok niya.
Umiling ang lalaki. "Baka hindi ako makatulog. May pasok pa ako bukas," sabi nito at kumuha ng tubis sa water dispenser.
"Thank you again for joining us."
"It's nothing. And I can't say 'no' to you. Baka isumbong mo pa ako kay Bethany."
"I'm not gonna do that."
"Luminga-linga muna sa paligid si Noah bago nagsalita. "Marie, about the kiss, I – "
"Can we forget it happened?" mabilis niyang putol sa sinasabi nito.
"Yes. But can we still be friends? Hindi mob a ako iiwasan?"
"For as long as hindi na mauulit 'yon, yes, we can still be friends."
Ilang sandaling dumaan ang hesitation sa mukha ni Noah bago dahan-dahang tumango.
"Good,"sabi niya at iniwan na ang lalaki.
"YOU can't do this to me!" hindi makapaniwala at mataas ang boses at na sabi ni Noah. Kausap niya si Bethany sa telepono.
Mahigit isang buwan na siya sa Portland pero isang beses pa lang sila nagkapag-usap ng girlfriend niya. Palaging nakapatay ang cell phone nito. Kapag tumatawag naman siya sa workplace o sa bahay nito, kung wala ang babae ay palagi itong busy. Nag-e-email din siya at nag-message sa social media accounts ni Bethany pero hindi man lang nito sinasagot. Pakiramdam niya ay iniiwasan siya ng girlfriend niya. Maayos naman ang lahat sa pagitan nila noong huli silang mag-usap.
Nang araw na iyon, dahil Linggo at walang pasok sa trabaho, habang hindi pa nagsisimula ang practice nila ng banda, naisip ni Noah na tawagan ang girlfriend niya. Sa wakas ay sinagot nan i Bethany ang cell phone nito. Pero ginawa lang pala nito iyon para lang makipagkalas sa kanya.
"I'm sorry, Noah, pero nakapagdesisyon na ako."
"Pero bakit? May ginawa ba ako na hindi mo nagustuhan? Tell me!" galit niyang sabi.
"You never did something wrong but my parents asked me to break up with you. I'm sorry, Noah, pero hindi ka talaga nila gusto para sa akin."
"That's bullshit, Bethany. Hindi mo man lang ba ako ipaglalaban at susunod ka na lang sa inuutos nila sa 'yo?"
"Mga magulang ko sila, Noah. Hindi ko sila kayang suwayin. At hindi ko rin gusto ang long-distance relationship. Malay ko ba kung nambabae ka na riyan."
Hindi nakakibo si Noah dahil guilty siya sa huli nitong sinabi. Pero kahit na. Pinilit naman niyang magpakatino kahit hirap na hirap siyang kontrolin ang atraksiyon niya kay Marie.
"I'm sorry, Noah, pero nakapagdesisyon na ako. Thank you for everything and good luck," sabi pa ni Bethany at pinutol na ang tawag.
Hindi napigilang mapamura ni Noah. Sinubukan uli niyang tawagan si Bethany pero naka-off na ang cell phone nito. Sa galit niya, nasipa ni Noah ang sementadong dingding.
"Something wrong, Noah?"
Bahagya siyang kumalma nang marinig ang tinig ni Rick na hindi niya namalayang nakalapit sa kanya. "My girlfriend just broke me up with me," nakasimangot niyang sagot.
Mabagal na tumango si Rick. "Do you wanna talk about it?" concerned nitong tanong.
Mabilis na umiling siya. "I'm okay. Mag-i-start na ba tayo?"
"Mamaya na lang kapag kalmado ka na. On the way pa lang naman si Marie. I'll leave you for awhile. Pero pare, just remember, If God takes away something you've never expected losing, He will replace it with something you've never imagined having." Tinapik- tapik pa ni Rick ang balikat niya bago umalis.
Bumuntong-hiningang naupo si Noah sa gilid ng hagdan nang muling mapag-isa. Ilang sandali pa ang lumipas, narinig niya ang boses ni Marie.
"Are you okay?" Bakas ang concern sa maganda nitong mukha habang nakatingin sa kanya.
Biglang nilipad sa kung saan ang galit na nararamdaman niya pagkakita sa babae. At noon niya na-realize na tama si Rick sa sinabi.