“Agent Allen, ikaw ang pupunta kay Hector Bill para ma-interview siya,” sabi ko at muling tinignan ‘yong notes ko para sa gagawin ni Agent Lewis. Kaya lang ay hindi rin ako nakapagsalita kaagad dahil sa pag-angal ni Agent Allen.
“Ako lang talaga mag-isa? Hindi ba pwedeng dalawa na lang tayo para may kasama ako? Alam mo naman na hindi ko kayang harapin mag-isa ang lalaking ‘yon, ang ma-interview pa kayo?” tuloy-tuloy reklamo niya habang kumakamot pa sa ulo niya.
Oo nga pala, nawala sa isip ko ‘yong nangyaring insidente no’ng nagkaharap sila. No’ng mga oras kasi na ‘yon ay nasa presinto kami dahil may ginanap na seminar, nagkataon din na nagkaro’n ng karambola no’ng araw na ‘yon.
At muntik na talaga siyang masaksak ni Hector Bill, mabuti na lang din at nakaawat kami kaagad kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa kanya kung nahuli pa kami ng dating. ‘Yong isang preso naman na nakaalitan niya no’n ay agad ding tinakbo sa hospital.
Kaya naman imbes na bumalik kami kaagad sa opisina ay nadagdagan pa ang trabaho namin dahil kinailangan naming tumulong sa mga pulis na nando’n para i-check ang lahat ng gamit ng bawat preso. Hindi naman kasi maiiwasan na gumawa sila ng kung ano-anong klase ng panaksak.
“Yeah, dalawa tayo,” sabi ko na lang sa kanya. “Agent Lewis, ikaw naman ang bahalang mag-ayos ng iba pang case report na kailangan natin kung may mahahanap ka pa sa file storage room, mas okay,” sabi ko naman sa kanya at tumango lang siya.
Matapos ‘yon ay pinaliwanag ko pa sa kanila kung paano ang gagawin namin at nang maayos na ang lahat ay saka na kami nagsimula sa kanya-kanya naming gawain. At dahil maiiwan lang naman dito si Agent Lewis ay naghanda na kami ni Agent Allen papuntang Cannyland Mental Institution.
Muntik ko pang malimutan ‘yong questionnaire kaya naman binalikan ko pa sa opisina ko, paglabas ko naman sa parking ay naghihintay na sa akin si Agent Allen kaya naman sumakay na rin ako at saka siya nag-drive paalis.
Habang nasa byahe kami ay tahimik lang siyang nagda-drive, gano’n din naman ako dahil abala ako sa paghahanap ng iba pang kaso na pwede naming isama sa gagawin naming research. At dahil hindi ako sanay na tahimik siya ay agad na tumingin ako sa pwesto niya.
“Ayos ka lang ba?” tanong ko sa kanya dahil hindi ko maipaliwanag kung ano bang ekspresyon ang mayro’n siya.
“Yeah, ayos lang naman ako,” maikling sagot niya pero nanatiling nasa kalsada ang mga tingin niya.
Well, mukha namang ayos nga siya, hindi ko lang maiwasan na mag-alala dahil baka iniisip niya pa rin ‘yong mga nangyari. Pero kapag naaalala ko ‘yong mga operasyon kung saan muntik na talaga kaming mamatay ay naiisip ko na walang-wala pa ‘yon sa mga pinagdaanan niya.
Imbes na kulitin pa siya ay bumalik na lang ako sa ginagawa ko at muling nagpatuloy sa pagbabasa.
Hindi ko alam kung ilang minuto na kaming buma-byahe pero maya-maya lang ay naramdaman ko na lang na huminto na ang sasakyan kaya naman agad akong tumingin sa labas.
At saka ko lang napansin na nakarating na pala kami. Hinintay ko lang na makaparada siya ng maayos saka ako bumaba. Nauna na rin akong naglakad sa kanya at sumunod din naman siya kaagad. Nang makarating sa entrance ay bumungad kaagad sa amin ang tahimik na pasilyo.
Hindi ganito ang inaasahan ko pero mukhang hindi naman pala gano’n kagulo rito lalo na at mukhang nababantayan naman ng maayos ng mga doctor ang bawat pasyente. At dahil walang tao sa labas ay dumiretso na kami sa front desk at naabutan namin na may nurse ro’n.
“Good morning, can we visit Hector Bill?” agad na tanong ko sa kanya ng makalapit kami.
Bago sumagot ay may tinignan muna siya sa monitor niya at pinaghintay kami ng sandali. Bago rin talaga pumunta rito ay alam ko na hindi nila basta-basta tinatanggap ang mga bisita ni Hector Bill, pero dahil kailangan namin siya ay kailangan din naming maghintay at sumunod sa protocol.
“May I know your name, Sir?” tanong niya kaya naman agad kong sinabi ang pangalan ko. Maya-maya lang ay napansin ko na may tinawagan siya, sandali lang naman ‘yon kaya ng matapos ang tawag ay agad din siyang humarap sa amin at itinuro kung saan ang kwarto ng sadya namin.
“Here, Sir,” sabi niya pa at nauna nang maglakad sa amin kaya naman nanatili lang kaming nakasunod sa kanya.
Ilang sandali lang din ay nakarating na kami sa pinakadulong kwarto at nakasara ang pinto no’n kaya naman hindi namin makita kaagad kung ano ang nasa loob. Nagbilin lang din sa amin ‘yong nurse ng mga dapat naming tandaan at umalis na rin siya.
Bago lumapit sa pinto ay tinignan ko saglit si Agent Allen at tumango lang naman siya sa akin kaya naman kumatok na rin ako para masimulan na rin namin kaagad kung ano ba ang dahilan ng pagpunta namin rito.
-----
Matapos ang ilang oras ay natapos din namin ang interview. Naging maayos naman ang lahat dahil sinasagot naman niya ang mga tanong namin, kaya lang ay masyado niay ring pinapaikot ang mga sagot niya kaya naman inabot pa kami ng ilang oras na dapat ay saglit lang naman.
Kaya naman nang matapos din kami ay umalis na rin kami kaagad ni Agent Allen dahil kailangan na naming simulan ang magiging research namin. May mga sample cases naman na kami kaya naman magiging madali na ang lahat.
Kailangan na lang din namin humanap pa ng ibang impormasyon kung sakaling gusto pa namin ng iba pang magagamit na kaso. Kasalukuyan kaming pabalik ni Agent Allen sa headquarters dahil paniguradong kanina pa ‘yon naghihintay si Agent Lewis sa amin.
Hindi naman gano’n ka-traffic kaya naman matapos lang din ang ilang minuto sa byahe ay nakarating din kami kaagad. Dala-dala ko ang recording ng interview kaya naman nauna na rin akong pumasok sa loob.
“Agent Lewis,” agad na tawag ko sa kanya ng makapasok ako. Nang mapatingin siya sa pwesto ko ay inabot ko na rin naman na sa kanya ang recordings para ma-upload at ma-analyze na niya.
Sa aming tatlo ay siya lang naman ang magaling sa computer kaya naman hinayaan na namin ‘yong sa kanya. Matapos makuha ang mga kailangan namin ay dumiretso na rin kami sa meeting room para masimulan na ang mga dapat at kailangang gawin.
Bago rin naman kami magsimula ay nahati-hati na namin ang mga dapat gawin kaya naman ngayon ay naka-focus na kami sa kanya-kanya naming gawain. Habang abala sila ay sinimulan ko na rin ang akin, inayos ko muna ang mga impormasyon na kailangan ko at saka ko sila pinagsama-sama.
Na-plano ko na rin naman na kasi kahapon ang mga gagawin ko kaya naman alam ko na kaagad kung saan ako magsisimula.
Nasa kalagitnaan na ako ng ginagawa ko ng mapansin ko na parang may kulang, hindi ko lang matukoy kung ano pero pakiramdam ko ay may kulang sa ginagawa ko. Naisama ko naman na ang lahat ng kilalang serial killer dito sa lugar namin kaya lang ay hindi pa rin ako kuntento sa nagawa ko.
Napahinto naman ako kaagad para isipin kung ano pa ‘yong kulang na hinahanap ko at nang mag-angat ako ng tingin ay napansin ko na ako na lang din pala ang nandito sa meeting room.
Nawala sa isip ko na nagpaalam pala sina Agent Lewis at Agent Allen na kakain muna sila sa labas. Hindi pa naman kasi ako nagugutom kaya naman hindi na rin ako sumabay pa sa kanila.
Hindi ko alam kung ilang minuto na akong nakatulala kaya lang ay walang pumapasok talaga sa isip ko kaya naman itinuloy ko na lang ang ginagawa ko kanina. Kaya lang ay hindi pa talaga ako kuntento kaya naman hindi ko gano’ng nagustuhan ‘tong ginagawa ko ngayon.
Imbes naman na magsayang ng oras ay naisipan ko na magtuloy-tuloy na lang sa paggawa dahil baka sakaling mamaya ay maisip ko rin kung ano pa ba ‘yong kulang na hinahanap ko. Hindi ko rin naman kasi masabi kung ano ba ‘yon dahil maski ako ay hindi ko rin matukoy.
Halos patapos na rin naman na ako sa ginagawa ko ng biglang maisipan ko na pumunta sa file storage room para maghanap ng iba pang kaso na pwede kong isama rito. Pwede ko naman sanang i-search na lang sa database para mas madali, kaya lang ay may ibang kaso na hindi nakalagay do’n.
‘Yong iba kasi ay matagal na at hindi na na-record pa kaya naman kailangan ko pang hanapin ang mga ‘yon, hindi kasi ako mapapalagay hangga’t hindi ako nakakahanap ng kaso na magiging interesado talaga ako ng sobra.
Kaya naman hininto ko na ang ginagawa ko at lumabas na ako ng meeting room. Pagkalabas ko ay nakasalubong ko pa sina Agent Lewis na kababalik lang kaya naman nagpaalam muna ako saglit sa kanila. Nag-presenta pa nga si Agent Allen na samahan ako kaya lang ay tumanggi na ako.
Maaabala ko pa siya kung sakali dahil hindi ko rin naman alam kung anong hahanapin ko at paniguradong baka magtagal ako ro’n. Sigurado naman kasi ako na hindi matatahimik ang utak ko kaiisip hangga’t hindi ako nakakahanap ng serial killer na interesado talaga ako.
Nang makapasok sila sa loob ay umalis na rin ako at agad na dumiretso sa ibaba. Nasa basement kasi ang lahat ng mga kailangan namin tulad ng mga vest, baril, file storage room, evidence storage room, at kung ano-ano pa.
Nang makarating ako ro’n ay mabuti na lang at hindi ‘yon naka-lock kaya naman nakapasok kaagad ako. Minsan kasi ay may nagbabantay dito kaya lang ngayon ay walang tao kaya naman dire-diretso na lang din ako sa loob.
Hindi na rin naman na akong mahihirapan na isa-isahin pa ‘yong mga box na narito dahil may label naman kung anong klaseng kaso at anong taon ‘yon naganap. Nag-mukha na rin tuloy library ‘tong storage room na ‘to dahil sa dami ng case report na nandito sa mga nakalipas na taon.