Habang nagbabasa ng mga case report tungkol sa mga nakalipas na krimen ay para bang sumasakit ang ulo ko. Kahit na hindi ko na basahin ang mga ‘to ay kaya ko namang isa-isahin ang mga pangalan ng mga kilalang serial killer dito sa lugar namin.
Kaya lang ay kailangan ko pa rin talagang basahin ang mga case report para naman mas maintindihan ko kung anong naging takbo no’ng kaso na ‘yon. Hanggang ngayon nga ay tandang-tanda ko pa rin kung gaano katakot ang mga tao no’n na lumabas.
No’ng kasagsagan na naglipana ‘yong mga serial killer ay halos bihira na lang talaga lumabas ‘yong mga tao. Kapag umaga ay grupo-grupo pa silang pumupunta sa palengke at grocery para lang mamili, ‘yong mga nagta-trabaho naman ay alas-singko pa lang ng gabi ay nagsisiuwian na.
Habang ‘yong lahat ng estudyante naman ay halos hatid-sundo ng mga magulang nila. Gano’n katakot at kaingat ang mga tao no’n. Kaya nga hanggang sikat pa ang araw ay ginagawa na nila ang lahat ng kailangan nilang gawin at alas-singko o alas-sais pa lang ng hapon ay nasa bahay na sila.
At pagdating naman ng alas-otso ng gabi ay wala ka na talagang makikitang tao sa kalsada dahil lahat ay nasa bahay na nila. Habang may nagiikot-ikot naman na patrol at mga pulis bawat lugar.
Hindi naman sa pagiging praning pero tandang-tanda ko talaga kung paano halos malugi din no’n ang ekonomiya ng lugar namin, dahil nga maaga ring nagsisiuwian ang mga tao at wala nang tumatambay talaga sa labas.
Pero no’ng mahuli rin ‘yong serial killer na ‘yon ay parang nakahinga ng maluwag at nabunutan ng tinik sa lalamunan ang mga residente kaya naman bumalik na rin ulit ang lahat. Nakakapaglaro na ulit ‘yong mga bata sa labas at nakakapasyal na sila ng walang iniisip.
Kaya nga naging interesado rin talaga ako no’ng bata ako na pag-aralan ang tungkol sa mga serial killers, sa mga psychopath at sa iba pa. Naalala ko pa kung paanong mas pinili kong tumambay sa library para magbasa-basa kaysa makipaglaro sa mga kaibigan ko.
Ang asar pa nga sa akin nila no’n ay baka maging kagaya ako ng mga binabasa ko na psychopath dahil masyado na akong maraming alam tungkol sa kanila. Akala ko nga rin ay gano’n ang mangyayari kaya nga no’ng nag-high school ako ay tinigil ko ang pagbabasa tungkol do’n.
Kaya lang ay para may kung anong naghahatak sa akin na basahin ulit ang mga ‘yon kaya naman ilang buwan lang din ang lumipas at bumalik ulit ako sa pag-aaral tungkol sa kanila. Buti na lang din at pinapayagan akong manood ni papa nang mga true to life crime.
Kaya naman pagdating ng college ay ginusto kong maging isang detective, at ito na nga ako, isa na akong ganap na senior special agent. At kaysa balikan pa ‘yong mga nangyari no’ng kabataan ko ay ipinagpatuloy ko na lang ang pagbabasa.
Paninindigan ko na lang talaga na bumalik ako sa college at kailangan ko ulit magbasa nang magbasa ng mga kaso para naman ma-kumpleto ko ‘yong requirements at maka-graduate ako.
Hindi ko napansin na ilang oras na rin pala ang lumipas dahil sa pagbabasa ko. Hindi ko namalayan dahil masyado rin akong nalibang. Habang inaaral ko rin kasi ang kaso nila ay nagno-notes na rin ako para naman mas mabilis kami sa mangyayaring meeting.
May pasok na rin naman na kasi ako bukas kaya naman dapat ay maayos at ma-plano na rin naman na namin ang gagawin. Hindi ko pa napapaliwanag kina Agent Allen at Agent Lewis ang gagawin dahil mas gusto ko sana na sa personal na lang para hindi ako mahirapan.
At para sabay na rin nilang marinig ang mga sasabihin ko, sa ngayon ay binigay ko muna sa kanila ang mga listahan ng serial killer at kaso na kailangan nilang basahin para naman tuloy-tuloy na rin kami bukas.
At dahil naramdaman ko na rin ang sakit ng likod ko ay nagpasya na ako na magpahinga na lang muna. Rest day ko talaga ngayon pero parang hindi ko rin ramdam dahil sa dami ng gagawin, pero ayos na rin ‘yon kaysa naman sa magdamag akong nakatunganga lang.
Hindi na rin naman na kasi ako sanay ng walang ginagawa lalo na sa trabaho na mayro’n kami. Kahit nga day-off o bakasyon namin ay minsan kailangan pa rin naming pumasok at mag-trabaho, lalo na talaga kapag may emergency kaya nasanay na rin ang katawan ko.
Itinabi ko na lang muna ‘yong mga papel kaya naman tambak na ng kung ano-anong file ang mesa ko, pero bahala na, bukas ko na ‘yan aasikasuhin at aayusin lahat. Sa ngayon ay magpapahinga na lang muna talaga ako dahil hindi ko alam kung kailan ulit ako makakapagpahinga ng maayos.
Bigla naman akong nagising dahil sa tunog ng alarm ko kaya naman dali-dali akong napadilat para patayin ‘yon. Ilang beses kong sinubukan patayin ‘yong alarm kaya lang ay patuloy pa rin ‘yon sa pagtunog, maya-maya lang din ay tumigil na ‘yon kaya naman bumalik ako sa paghiga.
Ilang minuto lang pagkapikit ko ay muli na naman ‘yong tumunog kaya naman iretable akong bumangon para patayin na ‘yon ng maayos. At nang mapatingin ako sa wall clock ay do’n ko lang napansin na anong oras na rin.
Kaya naman kahit na tinatamad pa talaga akong bumangon ay nagsimula na akong kumilos dahil may trabaho pa ako ngayong araw. Pakiramdam ko ay pagod na kaagad ako kahit na wala pa naman talaga akong ginagawa ngayong araw.
Nag-asikaso na lang din ako kaagad at nang matapos ay inayos ko na rin ‘yong mga case report na inaral ko kahapon. Hindi ko na dadalhin ang mga ‘yon dahil pwede naman namin i-check sa database o kaya naman ay may kopya naman do’n.
Naghanda na lang din ako ng almusal ko at mabilis na kumain, dati ay hindi talaga ako naga-almusal pero natuto na rin ako simula no’ng tumagal ako sa trabaho ko. Kapag hindi kasi ako kumain ngayon ay hindi ko na alam kung kailan ulit ako makakakain.
Kaya nga hangga’t may oras kami ay ginagawa na namin ‘yong mga bagay na hindi namin magagawa kapag nagkaro’n na ng trabaho o operasyon.
Mabilis ko ring tinapos ang pagkain ko at basta na lang nilagay sa lababo ‘yong mga hugasan. Wala na akong oras pa para linisin ang mga ‘yon dahil anong oras na rin naman na at kailangan ko nang umalis. Aabutin pa ako ng ilang minuto sa byahe papuntang opisina kaya naman maaga akong umalis.
Habang nasa byahe ay bumili na rin ako ng kape dahil hindi pwedeng hindi ako magkape sa loob ng isang araw. Ewan ko ba pero pakiramdam ko ay mas gumagana ang utak ko at mas nakakapag-isip ako ng maayos kapag nakakainom ako ng kape.
Kaya naman lagi muna akong bumibili ng kape bago pumasok. Kilala na rin naman na ako ng mga empleyado rito dahil araw-araw akong bumibili kaya naman alam na rin nila ang order ko.
Nang makabili ako ng kape ay dumiretso na rin ako sa loob, pagdating ko ro’n ay abala na rin ang lahat sa kani-kanilang ginagawa kaya naman dumiretso na ako opisina ko at hinanda ang mga gagamitin namin mamaya sa meeting.
Hindi ko alam kung dumating na ba sila Agent Lewis at Agent Allen dahil hindi ko pa naman sila nakikita. Hindi na rin naman na ako nag-abala pa na hanapin sila dahil pupunta na lang sila rito kapag nakarating na rin sila.
Habang naghihintay ay inuna ko munang asikasuhin ‘yong ibang case report na kailangan kong i-approve dahil paniguradong magiging abala ako ngayon buong araw.
Ilang sandali lang din ay dumating na sina Agent Lewis kaya naman pinaghanda ko na rin sila para sa meeting namin. Ilang beses ko na rin naman na kasi silang naka-trabaho at nakasama sa mga operasyon kaya naman mas madali sa akin na sila ang katulong ko ngayon.
Sigurado rin naman ako na maaasahan talaga sila kaya naman naniniwala ako na maaga naming matatapos ang presentation na ‘to dahil marami pa kaming trabaho na kailangang tapusin.
Nang maihanda ko ang mga kailangan ko ay dumiretso na ako sa meeting room at naabutan ko naman sila sa loob na nagkukulitan. Close rin naman kasi silang dalawa kaya naman lagi rin silang nag-aasaran, buti na lang din at walang napipikon kaagad sa kanila.
“Let’s start,” sabi ko sa kanila ng makapasok ako.
Umayos na rin naman na sila at naghanda. Ito rin ang gusto ko sa kanila, kapag kasi oras ng trabaho ay nagse-seryoso sila. Alam nila kung kailan dapat mag-seryoso at maglokohan kaya naman hindi rin ako nai-stress sa kanila.
“Bakit nga pala sa’yo binigay ang task na ‘yan? Alam ko kasi sa ibang department dapat ‘yan eh,” tanong ni Agent Allen.
“Ang sabi kasi ni Sir Hammington ay mas gusto ng management na ang department natin ang humawak nito dahil mas alam natin ang takbo ng isip ng mga serial killer,” sagot ko naman sa kanya.
Inabot ko naman sa kanila ‘yongkopya ng questionnaire na pasasagutan namin kay Hector Bill. Nang makuha naman nila ‘yon ay mabilisan nila ‘yong binasa kaya naman nagpaliwanag na kaagad ako ng kung anong gagawin namin ngayon.
“Bukod sa kailangan natin ‘yan pasagutan kay Hector Bill, na sana ay gawin niya. Kailangan din natin gumawa ng presentation talaga tungkol sa mga psychotic serial killer,” panimula ko.
Patuloy naman sila sa pagbabasa no’ng mga tanong kaya naman nagpatuloy lang din ako sa pagsasalita.
“Kaya naman sa ngayon ay pasasagutan na muna natin ‘yan sa kanya at kapag okay na ay saka natin sisimulan ang paggawa sa presentation,” sabi ko pa sa kanila.
Itinaas naman ni Agent Allen ang ballpen niya kaya tumingin ako sa kanya.
“Ano ‘to, parang balik college tayo, thesis-thesis lang gano’n?” natatawang tanong niya kaya naman tumango ako sa kanya.
Sabi na ay gano’n din ang iisipin nila. Hindi naman nagsalita si Agent Lewis pero nakita ko ang pag-iling niya habang natatawa pa sa sinabi ni Agent Allen. Parang bigla tuloy akong napaisip kung bakit ko nga ba pinili si Agent Allen.