Chapter 18

1231 Words
“Hindi ka pa ba inaantok?” tanong ni Ivan kay Clara ng mapansin nito na nagpapahangin sa labas ang babae. Matapos kasi nilang kumain ay nag-presenta ang babae na maghugas kaya lang ay hindi nagpatalo si Ivan kaya naman nilinisan na lang nito ang mesa. “Hindi pa. Sanay kaya ako sa puyatan kaya naman normal na lang sa akin ‘to,” nakangiting sagot niya pa. Akala niya ay may sasabihin pa ang lalaki kaya lang ay iniwan din siya nito kaya naman kahit na nagtataka ay hindi na niya sinundan pa ito at nanatili na lang sa labas. Nang makakita ng bakanteng upuan ay agad niya ‘yong kinuha at humanap ng magandang pwesto kung saan tanaw na tanaw niya an gang buong paligid pati na rin ang sakahan. Papatirik na rin naman na kasi ang araw kaya naman ninanamnam niya ang simoy ng hangin. Ilang minuto lang din ang lumipas ay muling lumabas si Ivan at may dala-dala na itong dalawang baso ng kape. Agad namang lumapit sa pwesto niya ang lalaki at inabot ang isang baso ng kape, nagpasalamat naman siya rito at saka nagsimulang inumin ‘yon. “Ang ganda rito sa lugar niyo,” panimulang sabi ni Clara habang malayo pa rin ag tingin. “Nakaka-relax, hindi masakit sa ilong ‘yong hangin, walang usok, walang ingay,” dagdag niya pa. Habang nagpapalipas ng oras ay hindi niya maiwasan na ipagkumpara ang buhay niya sa syudad at sa magiging buhay niya rito. “Bakit, masyado bang magulo ro’n sa lugar kung saan ka nakatira?” tanong sa kanya ni Ivan kaya naman tumango siya. “Kaya naman naisipan mo na umalis?” muling tanong nito at tumango lang siya ulit. Matapos ‘yon ay muli silang binalot ng katahimikan. “Araw-araw ba na nandito ka lang sa inyo?” tanong ni Clara na siyang bumasag sa katahimikan. “Para kasing ang boring kung araw-araw ka lang nandito sa inyo. ‘Wag mo sanang masamain ang sinabi ko, napansin ko lang na hindi siguro maiiwasan na may araw na mabo-bored ka kasi masyadong tahimik.” “Hindi naman. Lumuluwas naman ako kapag may kailangang bilhin pero madalas nandito lang din ako. Hindi rin naman kasi ako sanay na makihalubilo sa ibang tao kaya naman sa pagsusulat ko inilalaan ang oras ko o kaya naman sa pagsasaka.” “Pero naranasan mong mag-trabaho? ‘Yong mga trabaho na nasa opisina ka gano’n,” tanong ulit ni Clara kaya naman tumango si Ivan. “Oo naman, nakapag-trabaho ako sa isang opisina dati pero umalis din ako. Hindi kasi talaga ako sanay na makihalubilo sa maraming tao, isa pa ay mas gusto ko ‘yong magsusulat lang ako at hindi kakausap ng iba,” sagot nito kaya naman napatango-tango siya. “Ikaw, ano pala ang trabaho mo?” “Ako, isa akong Accountant. Kaya lang ay umalis din ako sa trabaho ko dahil hindi ko na gusto ang ginagawa ko, napagod na ako gano’n,” pagsisinungaling niya. Hindi niya kayang sabihin na kaya siya umalis ay dahil nagnakaw siya ng malaking halaga sa kompanya nila. “Kahit gaano pala kaganda ang trabaho mo ay hindi pa rin maiiwasan na mapagod ka sa ginagawa mo. May mga nakilala ako na katulad mo, pero hindi naman sila umalis, kahit na napapagod na sila ay nanatili pa rin sila dahil kailangan nila ng pera.” “Masaya ka ba sa ginagawa mo? Hindi naman sa minamaliit ko ang trabaho mo pero masaya ka ba kahit na maliit lang ang kinikita mo sa pagsasaka?” tanong niya pa kaya naman napatingin sa kanya si Ivan. “Oo, maliit lang ang kinikita pero masaya naman ako sa ginagawa ko. Pwede akong gumising ano mang oras gustuhin ko, pwede akong gumala ng ilang araw ng hindi mapapagalitan. Kahit na hindi gano’n kalaki ang kita ay ayos lang, ang importante ay wala akong boss na susundin,” sagot naman nito sa kanya. Hindi tuloy maiwasan ni Clara na isipin ang magiging buhay niya kung sakali man na piliin niyang manirahan sa ganitong kaliblib na lugar. Hindi gano’n kalaki ang pera niya pero may ilang libo pa naman ang natitira sa kanya na pwede niyang magamit sa pagbabagong buhay. Kaya lang ay hindi rin naman maalis sa isip niya ang pamilya niya, pero napanatag din naman ang loob niya ng maisip niya na malapit nang maka-graduate sa college ang kapatid niya na sumunod sa kanya habang ang isa naman ay college na rin. Ilang taon na lang din naman na ay makakatulong na ang mga ito sa mga magulang nila, isa pa ay wala na silang po-problemahin na utang dahil nabayaran na niya ‘yon kaya naman mas napanatag siya. Dahil do’n ay nabuo ang pasya na hindi na magpakita pa sa pamilya niya at mamuhay na lang mag-isa. “Nabanggit mo na kayo lang ang nagpatayo nitong bahay niyo, kung sakali, pwede rin ba akong matayo ng sarili kong bahay ‘yong malapit lang din sana rito?” mukhang nagulat naman si Ivan sa tanong niya dahil hindi rin ito nakasagot kaagad. Ilang segundo pa ang lumipas at nanatili lang itong nakatingin sa kanya kaya naman hindi niya maiwasan na kabahan. Sa isip-isip niya kasi ay baka pagbawalan siya nito lalo na at nabanggit nito na ayaw ng nanay niya ng masyadong maraming tao. “Bakit bigla mong naisipan na dito manirahan?” nagtatakang tanong sa kanya ni Ivan. Mas nakadagdag tuloy ‘yon sa kaba na nararamdaman niya dahil mukhang hindi ito sang-ayon sa plano niya na manirahan malapit sa kanila, parang pinaghinaan tuloy siya ng loob dahil do’n. “Nang dahil sa sinabi mo kanina ay parang napaisip tuloy ako na tama ka. Mas mabuting mamuhay na wala kang sinusunod na ibang tao, ‘yong nakakapag-trabaho ka pa rin pero wala ka nang sinusunod dahil ikaw mismo ‘yong amo,” pagdadahilan niya. Sa ngayon ay nagtatalo ang isip niya kung sasabihin niya ba kay Ivan ang dahilan kung bakit siya napunta sa lugar na ‘to, kaya lang kapag naiisip niya ang dahilan ay nag-aalala siya na baka paalisin din siya rito lalo na at hindi naging maganda ang dahilan ng paglayo niya. “Isa pa, napapagod na rin ako sa lugar namin. Masyadong maraming tao, maingay, at magulo,” dagdag niya pa. Napansin naman niya ang bahagyang pagtango-tango ng lalaki kaya palagay niya ay pinag-iisipan nito ang sinabi niya. “Madalas bang puntahan ng mga tao ‘tong lugar niyo?” “Hindi. Sobrang liblib na nito kaya naman ‘yong mga residente lang sa kabilang barangay ang nakakaalam na may bahay dito. Isa pa ay iilan lang din ang may alam nitong lugar na ‘to kaya naman wala talagang pumupunta rito,” sagot nito sa kanya. Hindi tuloy maiwasan ni Clara na mapangiti habang tumatango sa sinabi ng lalaki. Sa isip-isip niya kasi ay malaki ang posibilidad na hindi siya agad mahanap ng mga tauhan ng boss niya lalo na at sobrang liblib ng lugar na ‘to, iniwan niya rin ang sasakyan niya sa gilid ng highway kaya naman hindi siya mahahanap agad. “Hindi ba pwede? Ayos lang naman, pwede naman akong maghanap ng ibang lugar,” paawang sabi pa ni Clara kaya naman agad na napatingin sa kanya ang lalaki. “Hindi naman sa gano’n. Kakausapin ko muna ang nanay kung ayos lang sa kanya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD