Nang marinig niya ang pagkatok mula sa labas ay agad ding binuksan ni Clara ang pinto at bumungad sa kanya ang nakangiting si Ivan. Kahit na inaasahan na niya ang pagpunta ng lalaki sa kwarto niya ay hindi niya pa rin maiwasang mabigla.
“Tapos ka na bang mag-ayos? Halika na sa baba at naghanda ng pagkain si nanay,” nakangiting sabi pa nito kay Clara kaya naman tumango na lang ang babae. Mabuti na lang din at tapos na siyang mag-ayos at nakabihis na rin siya kaya naman maayos ang itsura niya.
“Sige, susunod na lang ako, ayusin ko lang gamit ko,” sagot nito kay Ivan kaya naman iniwan na siya ng lalaki para makapag-ayos ng gamit niya.
Nang makaalis ito ay agad niya ring sinara ang pinto at sinimulang iligpit at ayusin ang mga kalat niya. Kakaunti lang din naman kasi ang gamit na dala niya dahil nagmamadali rin siyang tumakas kanina, mabuti na lamang at nakapagdala siya ng iilang damit kaya naman may maisusuot siya sa mga susunod na araw.
Habang nag-aayos ng gamit ay muli na naman niyang nakita ang kanyang cellphone kaya naman bumalik sa alaala niya ang text message na nabasa niya kanina. Pero ipinagsa-walang bahala na lamang niya ‘yon at saka nag-isip ng plano sa kung ano ba ang gagawin niya.
Maya-maya lang din matapos mag-ayos ay bumaba na siya at nasilayan niya sa kusina si Ivan na naghahanda ng pagkain sa mesa. Dali-dali naman niyang dinaluhan ang lalaki para tulungang mag-ayos. Dis-oras na rin kasi ng gabi kaya naman imposible na kakain pa lang ang mag-ina.
Bigla tuloy siyang nakaramdam ng hiya dahil ipinaghanda pa siya ng mga ito kahit na panandalian lang naman siyang tutuloy sa bahay ng mag-ina. Nang makita niya ang mga pagkain na nasa mesa ay parang bigla siyang nalula sa dami nito.
“Ang dami naman nito, sana hindi na kayo nag-abala pa,” nahihiyang sabi niya sa lalaki habang inaayos ang ilan pang ulam sa mesa. Ngumiti naman ito sa kanya bago sumagot kaya naman bigla siyang nakaramdam ng pagbilis ng t***k ng kanyang puso at pamumula ng kanyang pisngi.
“Ayos lang. Maya-maya lang din ay alas-sais na, gano’ng oras kami naga-almusal kaya ayos lang,” paliwanag nito kaya naman kahit papano ay nakahinga siya ng maluwag. Agad namang napatingin si Clara sa relo niya at do’n niya lang napansin na maga-alas-singko na rin pala ng umaga.
Hindi niya namalayan ang paglipas ng oras. Matapos niya kasing umalis sa trabaho niya ay umuwi lang siya sandali sa apartment niya para kumuha ng iilang damit at importanteng gamit at saka siya nagsimulang umalis papalayo.
Ilang oras din naman kasi siyang inabot sa pagmamaneho at paglalakad kaya naman paniguradong malayo rin ang narating niya. Kahit na iwasan niya ang pag-iisip sa nagawang problema, hindi niya pa rin tuloy maiwasang isipin ang pamilya niya.
Matapos ihanda ang mga pagkain ay naupo na rin agad siya para sana magsimula dahil ramdam na rin niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Kaya lang ay hindi rin siya makapagsimulang kumain dahil napansin niya na imbes maupo ay naglilinis sa kusina si Ivan kaya naman agad niya itong tinawag.
“Ako na lang ang maglilinis d’yan, sabayan mo na lang muna akong kumain,” nakangiting sabi niya sa lalaki. Ilang sandali pa ay itinigil na nito ang paglilinis at dinaluhan din siya sa mesa upang kumain, agad namang napangiti si Clara dahil do’n. “Ayos lang ba ‘yong mga pagkain?” tanong sa kanya ni Ivan habang nagsasandok siya ng pagkain.
Imbes na sumagot at tumango at ngumiti na lamang siya kaya naman hindi na muli pang nagtanong ang lalaki. Nagsimula na silang kumain at parehas silang tahimik kaya naman nagpasya si Clara na magtanong-tanong dahil hindi siya sanay na masyadong tahimik. Masyado rin kasi siyang na-intriga sa mag-ina dahil mas pinili ng mga ‘to na bumukod kaysa tumira sa barangay kung saan may mga kapitbahay sila.
“Bakit niyo pala naisipan na dito magtayo ng bahay? Hindi ba masyadong malungkot dahil walang tao at masyadong liblib ‘tong lugar?” panimula niya. Napatigil naman sa pagkain si Ivan at tumingin sa babae upang sagutin ang tanong nito.
“Kagaya nga ng sabi ko sa’yo kanina, mas madali naming mababantayan ang mga pananim kung nandito kami. Hindi kasi maiiwasan na may nangunguha ng pananim namin kapag anihan na, kaya naman para maiwasan ‘yon ay dito namin napili na manirahan. Isa pa, ayaw ng nanay na masyadong maraming tao at maingay.”
“Ahh,” sagot naman ni Clara habang tumatango-tango pa. “Kung gano’n pagsasaka lang ba ang pinagkakaabalahan mo? O may iba ka pang trabaho?" tanong niya ulit. Akala niya ay maiinis ang lalaki dahil patuloy siya sa pagtatanong pero ngumiti lang ulit ito sa kanya.
“Pagsasaka lang talaga ang ginagawa ko araw-araw, pero kapag may libreng oras ako ay nagsusulat ako ng mga nobela,” sagot naman ni Ivan. Hindi naman maiwasan ni Clara na mamangha dahil hindi niya akalain na mahilig pala itong magsulat, isa pa ay mahilig din kasi siyang magbasa ng mga nobela.
“Wow! Nagsusulat ka pala, anong mga genre ang sinusulat mo? Ilan na ‘yong nasulat mong mga nobela? Pwede ko bang mabasa?” sunod-sunod na tanong niya kay Ivan kaya naman bakas sa mukha nito ang pagkabigla. “Ahh, mahilig kasi akong magbasa kaya naman na-excite ako ng sabihin mo na nagsusulat ka.”
“G-gusto mong mabasa ang mga nasulat ko?” hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni Ivan kaya naman sunod-sunod na pagtango ang ginawa niya. Hindi niya tuloy matukoy kung ayaw ipabasa nito ang mga nasulat niya dahil nahihiya siya o kung ano.
“Hindi ba pwede? Ayos lang naman,” malungkot na sabi ni Clara ng mapansin niya na parang hindi mapakali ang itsura ng lalaki. Parang bigla tuloy siyang nagsisi ng sabihin niya na gusto niyang basahin ang mga nasulat nito gayong mukhang ayaw naman ipabasa ng lalaki ang mga gawa niya.
“Hindi!” agad na sabi ni Ivan kaya naman nagulat siya. “Ayos lang. Masyado lang akong natuwa ng sabihin mo na gusto mong basahin ang mga gawa ko,” sabi pa nito kaya naman parang nakahinga siya ng maluwag. At do’n niya lang din napansin na nakahawak pala ang lalaki sa isa niyang kamay.
Parehas pa silang nabigla kaya naman agad din silang nagbawi at umayos ng pagkakaupo. Agad namang uminom ng tubig si Clara ng maramdaman niya ang pag-init ng kanyang pisngi habang nahihiya namang napahawak sa kanyang batok si Ivan.
Matapos ‘yon ay wala nang nagtangka pang magsalita sa kanilang dalawa dahil sa hiya kaya naman ipinagpatuloy na lang nila ang pagkain. Panaka-naka namang sinu-sulyapan ni Clara ang lalaki na mukhang hindi naman napapansin nito.
At kada tititgnan niya ang lalaki ay napapangiti siya kaya naman pa-simple pa siyang napahawak sa dibdib niya. “Ano ba, kumalma ka,” sabi niya sa isip niya habang nakahawak sa kaliwang dibdib niya at may malawak na ngiti sa mukha.