Matapos ang tawag namin ni Akihiro ay para bang pagod na pagod ako. Ewan ko ba, lagi ko na lang nararamdaman ang pagod kapag kausap ko siya kahit na nakikinig lang naman ako sa kanya. Mukhang kailangan ko na talaga siyang hanapan ng gamot na pwedeng makapag-patahimik sa kanya.
At kaysa isipin pa siya ay dumiretso na ako sa kwarto ko para magpahinga. Maaga pa kami bukas at malayo-layo rin ang magiging byahe namin ni Agent Allen kaya naman kailangan kong makapagpahinga talaga kaya naman nahiga na rin ako kaagad.
Naalimpungatan naman ako ng dahil sa tunog ng alarm clock ko kaya naman bumangon na rin agad ako kahit na gusto ko pang mahiga. Hindi ko alam pero parang tamad na tamad akong kumilos ngayong araw kaya naman pilit ko na lang inaalala ‘yong pupuntahan namin mamaya.
Nang tuluyang makabangon ay ay dumiretso na kaagad ako sa banyo para maligo. Inaantok pa kasi talaga ako, kaya naman kailangan ko lang iligo ‘to para naman mawala ang pagka-auntok na nararamdaman ko. Matapos kong mag-asikaso ay naghanda na rin ako ng mga kailangan kong dalhin.
At dahil kilala ko na si Akihiro ay nadala na rin ako ng mga pagkain na hindi na kailangan lutuin at nilagay ko sa sasakyan. Paniguradong hindi naman kami aabutin ng sobrang tagal do’n dahil kailangan ko lang makita ang lugar pero mabuti na rin ‘yong sigurado.
Nang masigurado ko na kumpleto na ang mga kailangan ko ay sumakay na rin ako sa sasakyan ko at bumyahe papasok sa trabaho. Naging mabilis lang ang byahe ko kaya naman nakarating din ako kaagad at saka ako dumiretso papasok.
Pagdating ko ay nando’n na rin naman na sina Agent Lewis at Agent Allen kaya naman dumiretso na lang din ako sa meeting room. Kailangan ko pa palang banggitin muna sa kanila ang tungkol sa diary na nakuha ko. Kaya naman ng makapasok ako sa loob ay agad kong ni-lock ang pinto dahil baka may makakita pa.
Nang makaupo ako ay mukhang nag-aabang din naman sila ng sasabihin ko kaya naman bago ako magsimulang magsalita ay ipinakita ko muna sa kanila ang diary. Agad naman ‘yong kinuha ni Agent Allen para tignan pero hindi naman na nila binuksan kaya nagpaliwanag na ako sa kanila.
“That’s the diary of the suspect and that was found in his house. Sa una ay normal na diary lang siya na naglalaman ng mga nangyari sa kanya, kaya lang, kalagitnaan ng diary na ‘yan ay inilagay niya kung paano niya pinatay ang mga naging biktima niya,” sabi ko sa kanila kaya naman agad silang napatingin sa akin.
“As in kung paano niya pinatay ang bawat biktima, sinulat niya rito sa diary?” pag-uulit pa ni Agent Allen kaya naman tumango ako sa kanya. Sinubukan niya pang buksan ‘yong diary pero sinaway siya ni Agent Lewis at kinuha sa kanya ang diary.
“Ang sabi sa report ay may isa pang biktima, babae, kaya lang ay hindi rin nila nakilala kung sino dahil hindi pa makakapag-dna test no’ng panahon na ‘yon. Isa pa, walang tumutugma na nawawalang babae sa biktima at wala ring pamilya ang kumuha sa kanya,” paliwanag ko pa.
“May nabasa akong article na sinasabing girlfriend niya raw ‘yong babae pero ayon naman sa mga witness ay walang girlfriend ‘yong suspek dahil nga wala rin namang gustong makipag-kaibigan sa kanya,” sabi naman ni Agent Lewis kaya naman napatango-tango ako.
Mukhang tama lang talaga ang desisyon ko na piliin siya bilang ka-grupo dahil maaasahan talaga siya.
“Nalaman ko rin na hindi talaga nasunog ‘yong bahay no’ng suspek,” sabi niya pa kaya naman muli kaming nakinig sa kanya. “Sinubukan ng mga residente na sunugin ‘yong bahay pero napigilan din naman sila dahil nga hindi pa tapos ‘yong imbestigasyon kaya naman naapula rin ‘yong apoy.”
Kaya pala may kaunting sunog sa gilid ‘yong diary. Mabuti na lang kung gano’n dahil hindi nadamay ‘yong diary mismo kaya naman nagkaro’n kami ng ideya kung paano niya pinatay ang bawat biktima. Kaya rin siguro nalaman kaagad ng mga pulis kung saan tinago ang mga biktima dahil nakalagay din ‘yon sa diary.
Ngayon ay alam ko na kung bakit naging interesado rin ako sa kaso na ‘to, sa lahat kasi ng serial killer na nakaharap at nakilala ko ay siya lang ang tanging nagsusulat sa diary. Kung paano niya pinatay, saan niya tinago, at kung ano ang naramdaman niya ng mga oras na ginagawa niya ‘yon.
Paniguradong naging malaking tulong din talaga sa mga detective ang diary na ‘to dahil halos nandito na talaga ang lahat. Ang gumugulo lang sa isip ko ay bakit hindi nagawang umamin ng suspek no’ng tinatanong siya ng mga pulis gayong naisulat naman niya ang lahat ng detalye tungkol sa pagpatay.
At dahil hindi ko na rin naman na siya matatanong tungkol do’n ay inalis ko na lang sa isipan ko ang tungkol sa bagay na ‘yon. Sayang lang talaga at estudyante pa lang ako no’ng mga panahong nangyari ang kaso na ‘to kaya naman umaasa na lang kami ngayon sa mga impormasyon na nasa case report.
“That’s nice then, dahil plano ko na puntahan namin ni Agent Allen ‘yong lugar. Pakiramdam ko kasi ay may makukuha pa tayo ro’n kahit na matagal na panahon na rin naman na ang lumipas,” sabi ko naman sa kanila. “O, gusto mo ba na sumama sa amin Agent Lewis?” tanong ko sa kanya.
“Hindi na. Maiiwan na lang siguro ako rito para mas makahanap pa ako ng impormasyon. Susubukan ko rin na alamin kung sino ‘yong babaeng sinasabi mo, Sir,” sagot niya kaya naman tumango ako. Mabuti kung gano’n dahil mas magkakaro’n kami ng lead.
“Kaya lang ay ayos lang ba na imbestigahan natin ang kaso na ‘to ng walang abiso mula sa itaas?” singit na tanong ni Agent Allen kaya naman napatingin kami sa kanya.
“Hindi naman natin i-imbestigahan ‘tong kaso, maghahanap lang tayo ng impormasyon pa na magagamit natin para sa research,” paliwanag ko sa kanya. ‘Yon naman talaga ang dahilan pero alam ko sa loob-loob ko na gusto kong imbestigahan ang kaso na ‘to dahil pakiramdam ko ay may kulang pa.
At kung sakali man na imbestigahan namin ang kaso na ‘to ay paniguradong hindi rin kami papayagan ni Sir Hammington, lalo na ng mga nasa taas. Kung sakali man kasi na may malaman kami tungkol sa kaso ay magugulo ang buong imbestigasyon na ginawa nila no’n.
At ang mangyayari ay kailangan pa naming imbestigahan ulit kung tama ba ang naging unang imbestigasyon ng mga detective na humawak nito sa kaso, at kapag ginawa namin ‘yon ay iisipin ng publiko na may naging mali sa imbestigasyon na ginawa no’n.
At paniguradong malaking gulo ‘yong sa management. Kaya naman wala kaming magagawa sa ngayon kung hindi ang humanap ng mga impormasyon ng hindi nakakatunog ang management, lalo na si Sir Hammington, dahil kapag nangyari ‘yon ay malalaman nila na kinuha ko ‘yong diary.
Kaya naman kailangan din talaga namin maging maingat sa mga sinasabi namin dahil baka may makarinig at makarating sa kanila.
Sigurado naman ako na mapagkakatiwalaan ko ‘tong dalawa dahil kahit na madaldal si Agent Allen ay hindi naman siya basta-basta nagsasabi ng mga impormasyon tungkol sa ginagawa namin.