Matapos din naming pag-usapan ang gagawin namin ay nagpaalam na kami kay Agent Lewis dahil kailangan na rin naming umalis kaagad para naman hindi kami abutin ng masyadong gabi sa byahe pabalik. Magdadala pa sana ng sasakyan si Agent Allen pero sinabi ko na lang na ‘wag na.
Kaya naman ‘yong sasakyan ko na lang ang ginamit namin, nag-presenta naman siya na siya na lang ang magda-drive kaya naman hindi na ako umangal pa kaya naman dumiretso na rin ako sa passenger’s seat. At dahil mas kabisado niya rin naman kasi ang lugar ay naging madali lang ang pag-byahe.
May alam naman siyang shortcut kaya naman do’n na rin kami dumaan para mas mabilis din kaming makarating. Ang dapat na mahigit na isang oras na byahe ay naging isang oras na lang dahil naging mabilis lang din ang byahe namin.
Nang makarating sa bungad ng Farm City ay tanaw kaagad namin ang magkakalapit na bahay, kaya lang ay hindi pa naman dito ang bahay ng suspek dahil sa pinakadulo pa ‘yon kaya naman kailangan pa naming malagpasan ang lugar na ‘to.
Kung lalakarin lang ay paniguradong aabutin pa ng mahigit dalawampung minuto pero dahil naka-kotse naman kami ay limang minuto lang din ang inabot namin bago makarating sa dulo. Kaya lang, nang makarating kami sa dulong bahagi ng Farm City ay wala akong makitang bahay.
Agad naman akong napatingin sa kasama ko para tanungin kung nasa tamang lugar pa kami pero bago ko pa ‘yon masabi ay nagsalita na siya.
“Hanggang dito na lang tayo. Hindi na kakayanin na ipasok ang sasakyan kaya naman kailangan nating lakarin para makarating sa bahay nila,” sabi niya at naghanda na rin pababa ng sasakyan. Hindi naman na ako sumagot sa kanya at bumaba na rin ako.
Mabuti na lang pala at nagdala ako ng bag kaya naman hindi na rin kami mahihirapan pang dalhin ang mga gamit. Hindi ko na rin naman na dinala lahat at ‘yong mga importante lang, at nang masiguradong kumpleto na rin ang mga dala namin ay nagsimula na kaming maglakad.
Habang naglalakaday tanaw namin sa gilid ang sakahan na sa tingin ko ay pagmamay-ari ng pamilya ng suspek. Nabanggit kasi sa profile niya na may sarili silang farm na siyang kabuhayan nilang mag-ina. Mukha namang hindi na nalalagyan ng pananim ang sakahan na ‘yon dahil halos tuyot na ang lupain.
Akala ko ay kaunti lang din ang lalakarin namin pero hindi ko inaasahan na dulong-dulo pala talaga ang bahay nila, bukod do’n ay wala nang ibang kalapit na bahay kaya naman malaya rin talagang nagagawa ng suspek ang pagpatay niya sa mga biktima.
Ilang minuto na rin kaming naglalakad ni Agent Allen hanggang sa matanaw namin ang bahay sa dulong bahagi ng sakahan. Malawak din ang sakahan kaya lang ay sira na rin ‘yon dahil hindi na talaga natataniman ang lupa.
Masyado ring malayo sa iba pang kabahayan ang lugar na ‘to kaya naman hindi rin mapapansin kaagad na bahay pa pala rito. Habang papalapit sa bahay ay agad kong nakita ang maliit na bahagi na may sunog, ‘yon siguro ‘yong sinasabi ni Agent Lewis na sinubukang sunugin ng mga residente.
Kung madilim lang ay iisipin ko na haunted house ang bahay na ‘to dahil sa sobrang pagkaluma, binabalot na rin ng dumi at mga patay na dahon ang buong bahay. May police line rin na nakapalibot sa kabuuan nito.
Nang tuluyan kaming makalapit sa bahay ay do’n ko lang napansin na may kalakihan din pala ito. Masyado siyang malaki para sa dalawang tao. tinignan ko naman ang original na ayos ng bahay at hindi mo iisipin na haunted house dahil sa ganda at ayos ng kabuuan nito.
May mga pananim din sa gilid kaya naman nakadagdag ‘yon sa ganda ng bahay. Kung hindi ko lang alam na crime scene ang lugar na ‘to ay iisipin ko na kaagad na magandang rest house ang bahay dahil sa ganda ng paligid. Kaya lang ay sobrang layo na ng hitsura nito sa ngayon dahil halos sira-sira na rin ang bahay.
“Ang creepy naman ng lugar na ‘to. Mabuti na lang at umaga tayo pumunta kaya naman hindi nakakatakot,” narinig kong sabi ni Agent Allen habang tinitignan ang bahay. Ilang metro pa rin naman kasi ang layo namin, ewan ko ba at hindi namin magawang lumapit kaagad.
“Let’s try to find some things. Paniguradong may mga naiwan pang gamit sa bahay na ‘to,” sabi ko sa kanya at tumango naman siya. Hindi naman na kami nagsayang pa ng oras at dumiretso na sa loob, mabuti na lang at dalawa kami kaya naman hindi kami mahihirapan na tignan ang buong bahay.
Pagpasok namin sa loob ay bumungad sa amin ang mabahong amoy kaya naman parehas kaming natigilan. Hindi ko maipaliwanag kung anong klaseng amoy ba ‘yong naamoy ko dahil masyadong masangsang. Para bang naghalo-halo na ‘yong amoy ng dugo at pagkaluma nitong bahay.
Maya-maya lang ay inabutan ko ng face mask ni Agent Allen kaya naman agad kong sinuot ‘yon.
Mabuti na lang pala at may dala siyang face mask kaya naman kahit papano ay nabawasan ang masangsang na naaamoy namin. Sakto naman at kumpleto rin ang dala naming gamit dahil madilim sa loob ng bahay. Sinubukan kong i-on ang ilaw kaya lang ay hindi na ‘yon bumubukas.
Nang maisuot ang gloves ay inabutan ko siya ng isa pang flashlight, itinuro naman niya ang itaas na palapag kaya naman tumango na lang ako sa kanya at naghiwalay na rin kami. Una akong dumiretso sa sala at wala man lang akong makitang kahit isang picture ng mag-ina.
Hindi ko tuloy ma-imagine kung ano baa ng itsura ng suspek. ‘Yong picture niya kasi ro’n sa case report na nakuha ko ay masyado nang malabo at may mantsa kaya naman hindi ko makitang mabuti ang mukha niya, mukhang hindi rin naman sila gano’n ka-close ng nanay niya kaya siguro wala silang larawan.
Matapos suriin ang sala ay dumiretso naman ako sa pinaka-malapit na kwarto, nang buksan ko ang pinto ay muling bumungad sa akin ang masamang amoy. Nang tignan ko ang buong kwarto ay bodega pala ang isang ‘to at may mga nakalagay pa na panlinis kaya naman isinara ko na lang din ‘yon kaagad.
Nilibot ko ang iba pang parte ng bahay hanggang sa ang hindi ko na lang napupuntahan ay ang kusina at likod bahay. Hindi ko pa talaga natatapos basahin ang diary pero nabanggit ng suspek na dito niya itinago ang ibang biktima.
Hindi ko tuloy mapigilang mapaisip kung bakit hindi isinamang suspek ang nanay niya gayong nasa iisang bahay lang naman sila, pero nang maalala ko ‘yong listahan ng mga biktima ay nakalagay din siya ro’n, ibig sabihin ay pinatay din siya ng anak niya.
Nang makarating ako sa kusina ay agad na bumungad sa akin ang mga talsik at bakas ng dugo sa pader at sa buong paligid. Halos maalikabok at may mga sapot na rin ang lahat ng gamit pero kitang-kita pa rin ang mga bakas ng dugo.
Nang tignan ko naman ang ref ay do’n ko na hindi napigilan na mapaubo dahil sa sobrang sangsang ng amoy na bumungad sa akin.