“Pero bakit nga ba nila tinago sa publiko ang tungkol sa kaso?” tanong ni Agent Allen. Agad naman kaming napatingin sa kanya pero mukhang sarili niya ang kinakausap niya pero maya-maya lang din ay humarap na siya amin. “Bigla ko lang naisip kasi parang hindi sakto sa gusto ni director,” dagdag niya pa.
“Kasi gusto niya ng atensyon?” sabi naman ni Agent Lewis kaya naman tumango ito. Sabi na at kung anong napansin ko ay mapapansin din nila. Nakakapagtaka naman kasi talaga dahil alam namin na gusto ng director na lagi siyang napag-uusapan.
“Anyway, bukod pa sa kaso, may alam ba kayo tungkol sa suspek?” tanong ko sa kanila para maiba na ang usapan. ‘Yong nasa case report kasi ay ang profile lang ng suspek, bukod pa ro’n ay wala nang ibang nakalagay kaya naman hindi ko matukoy kung anong klaseng tao ‘yong suspek.
Bukod kasi sa background nito ay gusto ko ring malaman kung bakit siya pumapatay, anong nag-trigger sa kanya para pumatay, anong klaseng pamilya ang kinalakihan niya, paano siya makihalubilo sa mga tao, at sino talaga ang pinakauna niyang biktima?
May nakalagay na sa report ng pagkakasunod-sunod ng mga naging biktima niya kaya lang ay may ibang kutob pa ako. Pakiramdam ko kasi ay hindi lang talaga ‘yong lalaki ang una niyang biktima, na may mas nauna pa talaga na baka hindi lang nakita ng mga pulis.
Kaya lang ‘yong mga gusto ko ring malaman ay masyadong mahirap hanapan ng sagot. Una ay patay na ang suspek at sobrang tagal na simula no’ng nangyari ‘yong kaso kaya naman kahit na mag-imbestiga kami ay baka wala na rin kaming mapala.
“Nakapag-search ako kagabi tungkol sa suspek,” wika ni Agent Lewis kaya naman agad kaming napatingin sa kanya. May inabot naman siya na papel sa amin kaya mabilis ko rin ‘yong kinuha at binasa. “Pero kaunti lang din ‘yong mga nahanap ko,” sabi niya pa.
Isa-isa ko namang binasa ‘yong mga impormasyon na nakalagay do’n at kagaya lang din ng mga nakalagay sa case report ang nakalagay do’n, may iiba lang din na nadagdag sa kanya.
Mukhang mahihirapan talaga kaming humanap ng iba pang impormasyon tungkol sa suspek at sa kaso. Kaya lang ay hindi ako pwedeng sumuko lalo na at masyado na akong na-intriga tungkol sa kaso na ‘to, pakiramdam ko kasi ay may mas dapat pa akong malaman.
At dahil nga kaunti pa lang din ang alam namin ay hindi rin kami makaabante sa ginagawa namin kaya naman sinabi ko na iba na lang muna ang gawin nila at ako na ang bahalang maghanap ng iba pang impormasyon tungkol dito.
Naisip ko na puntahan at tanungin ang detective na nag-imbestiga rito sa kaso kaya lang ay wala siya ngayon dito sa bansa at wala rin akong ibang paraan kung paano ko siya pwedeng makausap man lang. ‘Yong profiler naman na kumilala sa suspek ay wala na rin.
Napakamot na lang tuloy ako sa ulo kaiisip ng pwede naming gawin. Lumipas ang mga oras na wala pa rin akong nasisimulan, hindi ko rin naman namalayan kung ilang minuto na akong nakatulala dahil parang hindi talaga gumagana ang utak ko ngayong araw kaya naman hindi ako makapag-isip ng maayos.
Namalayan ko lang na oras na pala para umuwi ng biglang kumatok si Agent Allen sa opisina ko para magpaalam, wala na rin naman na kasi kaming gagawin kaya naman pinauna ko na rin sila.
At kaysa magsayang ng oras dito para tumunganga ay nag-ayos na rin ako ng mga gamit ko at naghanda pauwi. Habang nag-aayos ay nakita ko ‘yong notebook ko at do’n ko lang naalala ‘yong diary na nakuha ko kanina.
Bigla tuloy nagliwanag ang mukha ko dahil parang bigla akong nagka-ideya. Dali-dali naman akong nagligpit ng mga gamit at dumiretso na rin sa parking para umuwi. Kailangan ko ng makauwi para mabasa ko kaagad kung ano ang laman ng diary na ‘to.
Nawala na rin sa isip ko ‘to kanina dahil masyado akong abala sa pag-iisip kung paano ako makakakuha pa ng impormasyon. Ngayon tuloy ay parang pakiramdam ko na nasa kamay ko na ang mga sagot na hinahanap ko kahit na hindi ko pa man nababasa ang laman nito.
Mukhang nakiki-sang-ayon naman sa akin ang panahon dahil hindi masyadong traffic kaya naman mabilis din akong nakauwi. Nang maiparada ko ang sasakyan ko ay dali-dali rin akong pumasok sa loob at agad na dumiretso sa study room ko.
Hindi na ako nag-abala pang magpalit dahil hindi na rin ako makapaghintay na mabasa ‘to. Nang mabuksan ko ang plastic nito ay saka ko lang naalala na wala pa pala akong suot na gloves, mabuti na lang at hindi ko pa nahahawakan ‘yong diary.
Dali-dali naman akong kumuha ng gloves at saka ko nilabas ‘yong diary sa notebook. Kahit na tapos na ang kaso ay hindi pa rin namin pwedeng basta-basta hawakan na lang ang mga ebidensya dahil paniguradong masasama ang finger print namin do’n at paniguradong magugulo ang lahat.
Nang mahawakan ko ang diary ay ramdam ko na halos manigas na ‘yon dahil na rin sa sobrang tagal. Ingat na ingat tuloy ako nang ilapag ko ‘yon sa mesa. At bago buksan ay hindi ko alam kung bakit huminga muna ako ng malalim pero naghanda na rin naman na ako.
Dahan-dahan kong binuksan ang unang pahina dahil pakiramdam ko ay ano mang sandali ay baka mapunit ‘yong diary. Nang tuluyan ko ‘yong mabuksan ay walang ibang nakalagay do’n bukod sa date, wala ring pangalan kaya naman hindi ko pa matukoy kung sino ang may-ari nito.
Matapos tignan ‘yon ay nilapat ko pa ulit ang mga pahina at do’n na nga nagsimula ang pagsusulat ng may-ari sa diary. Akala ko ay puno ng dugo ang notebook na ‘to kaya lang ay sa labas lang pala ‘yon dahil malinis ang loob.
Naninilaw lang ang papel at medyo lumalabo na ang sulat dahil sa katagalan pero nababasa pa naman, ‘yon nga lang ay kailangan din talagang dahan-dahanin ang pagbuklat dahil baka biglang mapunit ang bawat pahina. Hindi naman na ako nagsayang pa ng oras at sinimula ko na ang pagbabasa.
Unang sentence pa lang ang nababasa ko ay alam ko na kaagad na ang may-ari nitong diary ay ang suspek, nagpatuloy lang din ako sa pagbabasa kaya lang ay natapos ko na ang unang entry pero wala naman akong nabasang may kinalaman sa kaso. Literal na diary niya lang pala ang notebook na ‘to.
Sa unang entry niya kasi ay nakasulat lang do’n na itong notebook na ‘to ang unang binigay sa kanya ng mama niya dahil natanggap siya sa trabaho kaya naman tuwang-tuwa siya. Nabanggit niya rin na ipinagluto rin siya ng mama niya no’ng araw na ‘yon kaya naman tingin niya ay hindi na siya galit sa kanya.
Palagay ko tuloy ay hindi naging maganda ang relasyon nilang mag-ina kaya naman nilagay niya sa diary ang nangyari no’ng araw na ‘yon. Dali-dali ko tuloy tinignan ang profile niya dahil nakalagay do’n na isa siyang office worker pero palagay ko ay writer din siya dahil sa paraan ng pagsusulat niya.