Prologo
“Palagi ka na lang bang magtatago, Cassandra? Hanggang kailan ka magiging ganito?”
Iyon ang paulit-ulit na tinatanong sa akin ng kaibigan kong si Lisette tuwing hindi ko magawang umalis nang basta-basta lamang at tuwing ginagawa ko ang lahat para itago ang aking pagkakakilanlan.
Tulad na lang ngayon. I cut my hair short.
Mahaba ang buhok ko at maalon, pero napilitan akong gupitin. Ngayon, hanggang sa ibaba ng mga balikat ko na lang ang haba nito.
“Daig mo pa ang wanted criminal!” nakangiwi niyang dagdag.
Huminga ako nang malalim. One second, I was doing good at school, the top of my class, and the promising student of our batch. I had more than enough money, finished high school in a nice private school. Grumaduate rin ako bilang class valedictorian.
Pero simula nang araw na iyon, nawala ang lahat-lahat. Ngayon, ang mga dating abot-kamay ko lamang ay malayo na.
When my father died, our name died, too. Kasama niyang naglaho ang lahat ng magaganda sa aking buhay.
“Alam mo namang wala akong magagawa sa ngayon,” sagot ko habang nagpupunas ng mga mesa. Si Lisette naman ay abala sa kabilang bahagi ng lobby.
Matagal na ang kinatitirikan ng maliit na hotel na ito at kadalasan sa mga nanunuluyan ay iyong mga na-stuck sa biyahe at nangangailangan ng pansamantalang hihintuan lalo na kapag masama ang panahon.
“Kaya nga sinasabi ko sa ‘yo! Kontakin mo siya at humingi ka ng bayad! Aba’t mahal ding magpatuloy ng tao sa bahay, ah? Pinakain mo siya, binihisan, pinatira mo pa!” Binitawan niya pa ang mop para lang bilangin sa mga daliri ang lahat ng aking ginawa at ipakita iyon sa akin.
I grimaced with her last word. Parang iba ang pagkakabanggit niya roon!
“Naku, talaga, Cassandra! Kaya hindi ka umaasenso dahil masiyado kang santa. Minsan manlamang ka rin sa kapwa mo. Alam mo ba ‘yong kasabihang mas mabilis kang aangat kung marami kang tinatapakan?” naiiling na pagdadakdak pa ni Lisette at nagpatuloy na sa pagpupunas doon sa front desk.
Yari sa makintab, makinis, at matibay na uri ng kahoy ang bawat muwebles dito. Napag-iwanan na yata ng panahon at hindi mabalik-balikan ng may-ari. Isang nangangalaga na lang ang naiwan na siyang nagpapasahod sa amin.
Everything in this place screams old money. Panahon pa yata ng World War I itinayo ito at dinaan lang sa mga kailangang renovations.
“Puro ka talaga kalokohan, Lisette,” naiiling at natatawa ko na lamang na sinabi.
Pagtapos bitawan ang basahang pinupunas sa mga muwebles ay pinulot ko naman ang mop at nagsimula na sa sahig.
“Nagsasabi lang ako nang totoo, Cassandra. Sigurado namang tutulungan ka niyon! Hingian mo kahit fifty thousand! Hindi ba’t sobrang yaman n’on? Barya lang ‘yon sa kaniya! At malaki ang utang na loob niya sa iyo.”
“Tigilan mo na ang bagay na ‘yan, Lisette. Wala akong plano!”
“Makakatulong iyon para matapos mo na ang kurso mo, gaga! At pandagdag-ipon para tuluyan mo nang mapalaki iyong flower shop at dagdagan ng coffee shop! Gusto kong maging barista mo,” ani Lisette at lumapit na sa aking gawi.
Naupo siya sa mesa at abalang-abala sa mga ideyang hindi ko kailanman gagawin.
“Hihintayin mo pa talagang lumagapak ka lalo sa putikan bago mo pa gawin ang mga ideyang ito, ah? Naku, Cassandra, ako na ang nagsasabi sa iyo! Isasalba ka nito at lalagay ka sa tahimik.”
“Hindi mo naiintindihan, Lisette. Ikakasal na siya. Anong gusto mong gawin ko? Pumunta sa simbahan at pigilan ang kasal?”
Nai-stress na napasapo sa noo si Lisette. Masiyado na yata siyang invested sa kwento ng buhay ko palibhasa’y may asawa na’t anak kaya naman kahit papaano ay lumagay na sa tahimik.
She has a loving husband, a smart kid, and a nice, warm home. Hindi man magara ang buhay ay masaya naman sila at nakakaahon-ahon din sa buhay.
Masipag si Lisette kaya nga nandito siya kahit may trabaho naman ang kaniyang asawa. But sometimes, I’d really just like to think that she’s here only because she doesn’t want to leave me yet.
Na hangga’t nagtatrabaho pa ako rito at naglilinis sa inn at nagma-mop ng sahig, hindi muna siya titigil lalo pa’t nag-iisa na rin ako at madalas walang kasama.
“O kaya naman, mag-asawa ka na, ‘yong totoong asawa! Marami namang nagkakagusto sa ‘yo at mayayaman pa ang mga nanliligaw sa ‘yo! Simulan mo nang mamili sa kanila.”
“Mahirap lang ako pero hindi ako gold digger…”
“Wala naman akong sinabing ganoon! ‘Ku, bahala ka talaga, Cassandra!” saad niya at tumayo na para ligpitin na ang mga basahang ginamit. “Basta, ah? Kung kailangan mo ng tulong, alam mo namang nandito lang kami,” dagdag niya pa na ikinatango ko.
I smiled. “Thanks, Lisette.”
“Siya, itatapon ko na nga ito at lilinisan,” paalam niya at dinala na ang balde at mop.
Tumango naman ako at hinayaan na siya. Agad nilukob ng katahimikan ang buong lobby. Iilan na lang ang guest ngayon kaya tahimik. Mabuti na lang at kahit luluma-luma na ay naka-soundproof pa yata ‘yong mga kwarto.
Nilibot ko ang tingin sa buong lobby at nakita ang magandang chandelier.
Minsan talaga sa hirap ng buhay, napapaisip na rin ako kung magkano ang presyo niyan kung sakaling ibenta.
The owner of this inn is said to be so rich. Sa sobrang yaman nga raw ay hindi na talaga ito napapansin. Siguro marami pang mas naglalakihang negosyo na mas maganda ang pasok ng kita.
Minsan ay naisip ko, amin na lang kaya ‘to nila Lisette? Kapag kaya binili ko itong property, magkano kaya? Tapos saka ko palalaguin at magsisisi ang may-ari na pinabayaan niya!
Napangiti ako sa aking sarili. I get called crazy and delusional for having such big dreams, pero masiyadong matatag ang paniniwala ko para matibag ninuman.
Tumunog ang door chime nang pumasok si Rosa na naka-uniform pa.
“Bagong order, Ma’am Cass!” tuwang-tuwa na anunsyo ni Rosa, ang estudyanteng nagpa-part time job sa maliit kong flower shop noong sumunod na araw.
Hindi pa ganoon kalaki ang kita ko sa shop. Kakasimula pa lang kaya hindi ko pa pwedeng iwan ang iba kong pinagkakakitaan. Saka nag-e-enjoy rin naman ako sa paglilinis doon sa inn.
“Ang aga mo, Rosa, ah?” nangingiti kong sinabi.
“Opo, Ma’am Cass. Iyon nga’t may bago tayong order mula sa isang sobrang gwapong customer! Sobrang gwapo talaga, Ma’am. Parang artistahin! Nakakotse pa! Mukhang ultra mega rich. Hollywood level!” sabi ni Rosa na manghang-mangha pa.
“Talaga? Gaano karami ang order niya?” Iyon agad ang tanong ko at nanlaki ang mga mata.
“Naku, Ma’am Cass, magugulat ka!”
Agad kong kinuha ang papel at excited na rin. Malaki pa yata ang kikitain ko!
My lips parted when I saw the new customer’s order. At tama nga si Rosa. Kadalasan kasi ay maliliit na orders lang ang natatanggap namin, but this one isn’t the usual.
“Buti na lang talaga at lagi akong may dala-dalang order form, Ma’am. Diyan ko siya nakita sa labas lang at naghihintay. Nagmamadali na rin yata kaya hindi na po pumasok dito.”
Napatakip ako sa aking bibig. Isa ito sa pinakamalaking orders na natanggap namin sa tatlong linggong pagbebenta ng mga bulaklak.
“Wow, Rosa! Ang swerte natin ngayon!” sabi ko at halos magtatalon kaming dalawa.
Pero nandito lang naman ako, ah! At wala namang ibang customer. Pwede namang dumiretso rito!
Tinago ko nang maayos iyon para pag-isipang mabuti. Si Rosa naman ay pumwesto na sa may counter at handa na ring gawin ang ibang mga bulaklak na in-order kahapon at noong isang araw.
Napangiti ako at hindi namamalayang dumadami na rin pala ang bumibili ng mga gawa ko. Siguro pwede na akong huminto sa paglilinis at pagma-mop kung saan-saan kung lalong gumanda ang kita nitong flower shop.
Hindi naman daw ito rush order at may isang linggo pa bago ipapa-deliver. I still have time to think about a nice arrangement, lalo pa’t sa dulo ng order form ay nagsulat ito ng note at nakalagay na kung magustuhan ang gawa namin, o-order ito ulit sa susunod para sa isang malaking event!
Ako pa ang personal na pumunta sa flower market para makakuha ng fresh Ecuadorian roses. Iyon ang request nito, mahal na uri ng roses, at labing-limang libong budget para sa flower bouquet.
Kaya kailangang gandahan namin iyon. Mukha pa namang para sa girlfriend!
Maaga pa lang ay naroon na ako sa bilihan at pumipili ng magagandang rosas. Naisipan ko na ring mag-restock ng mga bulaklak lalo na iyong mga paubos na. Suki na nila ako at kahit sila ay nagulat na bibili ako ng mahal na rosas.
“Naku, mukhang mayaman ‘yang may order, Cassandra, ah?” nangingiting sabi ni Ate Delia habang hinahanda na ang mga binili ko at nilalagay sa mga flower buckets.
Habang naghihintay ay inaamoy ko ang ibang mga bulaklak na paninda. Makukulay ang mga nakalatag. Matagal na akong mahilig sa mga bulaklak kaya halos kabisado ko ang lahat.
“Kapag umasenso ang flower shop, aba’y huwag mo kaming lilimutin!” paalala nila.
Natawa naman ako. “Kayo talaga, Ate Delia. Siyempre naman po. Hayaan ninyo, kapag natanggap namin iyong event na sinasabi, dito agad ako kukuha.”
Natuwa naman sila roon, kaya sana talaga ay makuha namin. Mukhang galante pa naman magbayad ang customer na iyon!
May kakilala akong kapitbahay na mayroong L300. Nagbabayad ako para sunduin nila at gamitin ang sasakyan para maayos na dumating sa shop ang mga pinamiling bulaklak. Hindi na ako sumabay dahil nag-e-enjoy pang maglibot sa flower market.
Para akong nasa hardin at punong-puno ang paligid ng makukulay at mababangong bulaklak.
May mabait pang nagbigay ng libreng tangkay ng sunflower, kaya ngiting-ngiti ako habang naglilibot at kahit ilang beses nang makakita ng magaganda lalo na iyong mga mamahaling bulaklak ay namamangha pa rin ako.
Nakarating ako sa gawi ng mga vendor kung saan sa tapat lamang ay mayroong coffee shop. Napatigil tuloy ako at napalingon doon.
I also dream of opening one. Kung papalarin ay itatabi ko lang sana sa flower shop, kaya lang hindi ko pa pag-aari ang lupa roon kaya kailangan ko munang pag-ipunan.
Napangiti ako at nakitang mukhang bagong bukas ito na shop. Nakakatuwa naman, marami agad silang customer.
Ako kaya? Magkakaroon din kaya ako ng ganiyan karaming customer?
Tumalikod na ako para makabalik pero saktong pagpihit ko ay muntik na akong may mabangga! Galing ito sa flower vendor na pinakamalapit mula roon sa kapehan. Agad na nilukob ng matangkad na pigura ang sinag ng araw. Wala akong nakita kundi dilim lang nang bumangga ako sa kaniyang katawan.
Agad akong umatras at napahawak sa aking noo. Nakita ko kung paano natapunan ang umbok ng kaniyang pantalon.
Sa gulat ay umatras ako lalo. Mukha pa namang mamahalin ang kaniyang suot at agad akong nilamon ng kaba. Balak ko sanang tumakbo na lang at magpatay-malisya lalo pa’t wala akong pambayad kung sisingilin niya ako!
“Sorry!”
Humingi ako ng paumanhin ngunit kahit ilang beses iyon, walang ibang sinabi ang lalaki. Kaya nang dumako ang tingin ko sa kaniya ay pareho na kaming natigilan. Para akong nakakita ng multo nang nahanap niya agad ang mga mata ko.
He stared at me. May bakas din ng gulat sa ekspresyon na parang nakakita ng nilalang mula sa kabilang dimensyon. Agad nagsalubong ang kaniyang mga kilay at titig na titig sa ‘kin.
“P-Pasensya na—” Ni hindi ko iyon matapos at nanginginig na umamba sa pag-alis.
Yumuko ako upang itago ang mukha at mabilis ang lakad. Halos tumakbo na ako, ngunit sinundan niya ako at hinabol.
“Miss! Sandali.”
Hindi ako naghintay o huminto. Kung hindi lang nakakaeskandalo ay baka tumakbo na ako nang tuluyan!
Hindi siya huminto at hinanap ako sa alon ng mga tao. Nang akala ko ay nakatakas na ako, isang kamay ang humigit sa aking braso at mabilis akong hinarap sa kaniya!
Hindi ako nakapalag. Pinihit niya ako paharap at pareho kaming hinihingal. Pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib ko! Pilit niya pa rin akong inaaninag kahit yumuyuko na ako.
“Mara…” ang magaspang at may panghihina niyang tawag.
Para na akong mahihimatay anumang oras, ngunit ganoon yata talaga katapang ang buong pagkatao ko na nagawa ko pang mag-angat ng mga mata sa kaniya!
Nagtama ang paningin namin. He was having war inside his mind as he held me captive in a piercing gaze. Titig na titig siya at halos hindi kumurap habang pinasadahan ng tingin ang mukha ko.
“P-Po? Sir?”
Natigilan siya sa aking sinabi. Hawak niya na ang pulsuhan ko. And slowly, I saw how his eyes glistened. Gumalaw ang kaniyang panga nang nakita ang takot sa mga mata ko at kalaunan ay namungay iyon. Kahit tila ayaw ay napilitan siyang dahan-dahan akong bitiwan.
“You don’t know me?” may lalim niyang tanong.
Umiling ako at umaatras na ulit.
“Damn, I’m sorry, Miss,” magaspang niyang usal at lumamig ang tingin, ngunit titig na titig pa rin sa aking mukha at nanunuri. “Kamukha mo ang babaeng hinahanap ko…” napapaos niyang dagdag sa mahina at nangungulilang tinig.
“P-Please, excuse me,” nauutal kong saad upang bawiin ang aking braso.
“You look like my lost wife…”