“P-pero kahit na, hindi mo naman ako obligasyon. Hayaan mo na ako pagkatapos kong makalabas dito. Baka ano nanaman ang gagawin ni Tiyang sa akin kapag nakita ka niya,” ani Aril. Napayuko siya sa huling sinabi niya iyon lalo at nahihiya siya sa pagsabunot ng Tiya Eresh niya sa harapan ni Kelvin.
“Alam mo, hindi makatao ang trato ng tiyahin mo sa iyo. Nadisgrasya ka na nga at lahat, sasaktan ka pa? Ganito na lang, ihahatid kita sa inyo pagkagaling dito sa hospital. Kapag sinaktan ka ng Tiya mo, tutulungan kita na humanap ng matitirhan para makapag hanapbuhay ka ng matiwasay.” Seryoso ang mukha ni Kelvin. Buong buhay niya ay ngayon lang siya naging desidido na makatulong sa kapwa.
Awa at galit ang nararamdaman niya ngayon. Awa dahil hindi niya lubos maisip na may mga sariling kadugo pala ang kayang saktan ang mga kamag-anak kahit pa sa harapan ng ibang tao.
********
Dalawang araw bago na-discharge sa hospital si Aril. Sa kabuuan ng kanyang pananatili sa pagamutan, si Kelvin at Joseph ang palagi niyang nakakasama. Minsan lang nakadalaw ang kanyang Tiyo Boyet lalo at inaway ito ng kanyang tiyahin.
Naawa naman si Aril sa naging kalagayan ng tiyuhin kaya hindi na siya nagtaka na hindi na siya nadadalaw nito.
Nasa taxi sila ni Mang Temyong na siyang tinawagan pa ni Kelvin para siyang sumundo sa kanila sa hospital.
“Hay naku Aril, alam mo ba pinagpiyestahan ng mga kapitbahay ninyo iyang tiyahin mo at madaling araw pa ay inaaway na ang Tiyo Boyet mo. Kaya, mag-iingat ka pagkarating mo sa inyo at baka saktan ka na naman ng Eresh na iyon!” ani Mang Temyong.
“Huwag po kayong mag-alala Mang Temyong. Hindi muna natin iiwan si Aril. Kapag sinalubong siya ng sabunot ng luka-luka niyang Tiyahin, doon na tayo diretso sa sinabi ko sa iyo,” ani Kelvin.
Napakunot ang noo ni Aril. Wala siyang maintindihan sa pinag-uusapan ng dalawang lalaki. Wala siyang makapang kataga man lang para sumingit sa mga ito.
Bente minutos lang, naroon na sila sa tapat ng bahay nila Aril. Kaagad na sumungaw ang mukha ni Aling Perla sa maliit nitong tindahan nang namataan si Aril. Dali-dali itong lumabas at sinalubong si Aril. Hinawakan niya ito at sandaling dinala malapit sa tindahan nito.
“Naku, mabuti at nandito ka na Aril. Mag-iingat ka diyan sa tiyahin mo at ilang araw ng mainit ang ulo.” Parang napapaso na binitawan ni Aling Perla si Aril nang makita na sumungaw sa pinto si Eresh.
“Dumating na pala ang prinsesa namin! Kamahalan, maligayang pagdating!” puno ng sarkasmo ang tinig ni Eresh. Inilang hakbang lang niya ang pagitan nila ni Aril at kaagad niyang hinuli ang ulo nito para sabunutan ang dalaga.
“Aray, Tiyang masakit po!” palahaw ni Aril.
Sa narinig ay kaagad na sinaklolohan ni Kelvin ang dalaga. “Aba po, galing po sa sakit ang pamangkin ninyo. Huwag ninyong sasaktan at baka mabinat.” Kinuha ni Kelvin ang kamay ni Eresh sa buhok ni Aril. Nang ayaw nitong bitawan ang dalaga ay mariin niyang pinisil ang kamay ni Eresh na siyang dahilan para mabitawan nito ang buhok ng dalaga.
“Hoy lalaki! Huwag kang makialam dito!” asik ni Eresh. Hinaplos niya ang kamay na diniinan ng binata at naningkit ang mga mata nito nang itago ni Kelvin si Aril sa likod nito.
Doon na sumabat si Mang Temyong. “Huwag kang ganyan Eresh, minor de edad pa iyang pamangkin mo tapos kinawawa mo pa sa pagtatrabaho tapos ganito mo lang tratuhin?” malakas na saad ni Mang Temyong.
Ang mga kapitbahay ay nagsilabasan na sa kanilang mga bahay. Ang kanilang mga mata ay nakatutok kay Eresh na pinagtutulungan na ng dalawang lalaki na ipagtanggol ang kaawa-awang pamangkin.
Sa inis ni Eresh ay pumasok siya sa kanyang bahay. Umakyat siya sa silid ni Aril at dinampot ang karton na lagayan ng damit ng pamangkin. Bumaba siya at nang makalabas ng bahay ay kaagad niyang ibinato sa mukha ni Aril ang mga gamit nito. Nasalag iyon ni Kelvin at sinalo ang karton. Saglit niyang ibinaba ang karton at tiningnan ang nakayukong si Aril.
“Ayan lumayas ka sa pamamahay ko! Total naman ay nakahanap ka na pala ng mga taong tutulong sa iyo. Tingnan ko lang kung hanggang saan ka nila tutulungan kapag nalaman nilang isa kang dakilang malas sa buhay ng mga taong nakapaligid sa’yo.” Tumalikod na si Eresh at nang makita ang mga usisero, sinigawan niya ang mga iyon. “Mga bwisit kayo tapos na ang palabas!”
Nagbulungan ang mga kapitbahay sa ginawa ni Eresh. Si Aling Perla ay patakbong nilapitan si Aril at niyakap. “Saan ka na ngayon pupunta niyan, Aril?” naluluhang saad ng matanda. Pinisil nito ang kamay ng dalaga at hinaplos ang buhok nito.
“Huwag po kayong mag-alala. May matutuluyan na po siya at ihahatid namin siya roon ni Mang Temyong. Nahulaan na kasi namin na magiging magaspang ang trato ng tiyahin niya sa kanya kaya nakiusap ako kay Mang Temyong na maghanap ng maliit na kwarto na pwedeng rentahan.” Pinulot ni Kelvin ang karton na inilapag niya kanina sa lupa. Napangiwi siya sa mga damit ni Aril. Pawang mga luma na iyon at ilang pares lang.
Nakita ni Aril kung paano nag-iba ang itsura ni Kelvin nang makita nito ang mga luma niyang damit kaya naman kinuha niya ito kay Kelvin. Bigla tuloy gusto na lang niyang lumubog sa kinatatayuan dahil nasa loob ng karton na iyon ang ilan niyang underwear. Nang mag-angat ang kanyang paningin nakita ni Aril si Cholo na nakatingin sa kanila ni Kelvin.
Hindi niya alam kung tama na panibugho ang nakita niyang rumehistro sa mukha ni Cholo. Naglakad ito palapit sa kanila ni Kelvin at napako ang tingin nito sa hawak na karton ni Aril.
“Aalis ka na pala sa poder ng iyong Tiya Eresh? Paano pa ako magkakaroon ng motibasyon na dalawin si Lola kung aalis ka?” malumanay na saad ni Cholo.
“Aba ay dalawin n’yo po pa rin ang inyong Lola Perla. Malulungkot siya at laging nakaabang sa inyong bawat pagdalaw,” ani Aril. Lumingon siya at nang dumaan ang paningin niya sa terasa ng bahay ng tiyahin, naroon si Iris na namumula sa galit. Patay na patay kasi ito kay Cholo at ilang beses na siyang nasaktan ito noon sa tuwing nahuhuli siyang nakikipag-usap sa binata kaya todo iwas siya sa huli.
Tumikhim si Kelvin at tiningnan niya si Cholo. “Halika na Aril, ihahatid ka na namin ni Mang Temyong sa magiging bago mong tahanan. Huwag kang mag-alala at siya na bahala magpaalam sa Tiyo Boyet mo kung saan iyon.” Hinawakan na niya si Aril at giniya pasakay ng taxi ni Mang Temyong.