TOHH6: Bahay

1554 Words
Lulan ng taxi ni Mang Temyong, halos trenta minutos din ang nilakbay nila at dumating sila sa isang ‘di kalakihang bahay na bagaman luma na ay maayos naman ang gayak. Yari ito sa kahoy at dalawang palapag iyon. Nakabakod naman ang kabuuan ng bakuran kahit papaano. Malawak ang bakuran at pawang may mga tanim pa na samut-saring bungang kahoy ang naroon: abokado, atis, balimbing, kamyas, mangga, at kaimito. Nang nakababa na sila sa taxi, bitbit na ni Aril ang ilan sa mga natira niyang damit na pinulot niya kani-kani lang sa lupa. Napailing siya dahil buti na lang at hindi niya iniiwan ang kanyang ipon na pera at ang kanyang microsavings passbook sa kanyang mga gamit dahil sigurado siyang pag-iinteresan iyon ng tiyahin. Kinuha na ni Kelvin ang mga gamit ni Aril at siya na ang nagpatiunang naglalakad papasok sa bakuran. Habang naka-confine sa hospital si Aril, abala naman si Mang Temyong at Joseph na asikasuhin ang lilipatan ni Aril. Nakwento ni Mang Temyong sa dalawang binata ang kaawa-awang sitwasyon ni Aril sa malupit nitong tiyahin. Na-guilty tuloy si Joseph at Kelvin na binalak pa nilang pagpustahan ang dalaga lalo pa at nangangayayat na nga ito sa pagkayod. Hiyang-hiya sila sa kanilang mga sarili at nagpasya na kalimutan ang kanilang kabulastugan. “Tiyak, magugustuhan mo dito Aril. Payapa at walang talakerang tiyahin ang araw-araw aabusuhin ang kabaitan mo. Wala ka na rin alalahanin sa bayad sa upa dahil libre ang pagtira mo dito. Tanging bayad lang sa kuryente at tubig ang aalalahanin mo. Sabi ng may-ari ay pwede ka naman magtanim ng gulay at mag-alaga ng hayop dito. Pwede naman lalo at may kulungan ng baboy na nasa bandang likuran,” mahabang paliwanag ni Mang Temyong sa dalaga. “Ako lang po ba mag-isa ang titira dito, Mang Temyong?” bantulot na tanong ni Aril sa matanda. “Oo, dalawa ang silid na nasa taas banda. May dirty kitchen din sa likod at pwede kang doon na magluto ng iyong mga tinitindang balut.” Umakyat na silang tatlo. Kakatwa ang disenyo ng bahay dahil sa ikalawang palapag pa ang tanging daan para makapasok sa kabahayan sa pamamagitan ng may katarikang hagdanan nito. Ang kusina nito ay nasa unang palapag na mapupuntahan mo lang kung bababa ka naman ng hagdan buhat sa gitna. Magkatabi ang dalawang kwarto at sa harapan ng mga ito ay ang malawak na sala. “Isa sa mga silid ang pwede mong maging kwarto, Aril. Ikaw na bahala ang maglinis dito at medyo maalikabok pa lalo at isang taon na wala ng nakatira dito. Kompleto naman ang mga gamit sa kusina at pwede mo iyong gamitin. Kaya mo na ba na kahit ikaw lang mag-isa dito?” nag-aalalang tanong ng matanda. “Siguro bukas na po ako mag-uumpisa maglinis Mang Temyong. Gusto ko muna magpahinga.” “Sige, babalik lang ako mamayang tanghali Aril at magdadala ako ng pagkain mo,” boluntaryo ni Kelvin. “Huwag na po at nakakahiya naman. Masyado ko na po yata kayong naabala, Sir.” Yumuko si Aril dahil hindi niya kayang salubungin ang titig ng binata. Nahihiya talaga siya rito lalo at alam niyang malaking abala na nga ang nagawa nito sa pag-aalaga nito sa kanya sa hospital at hanggang sa bagong tirahan. Ayaw niyang sanayain ang sarili sa presensya nito at baka masanay pa siya. “Kelvin na lang kasi ang itawag mo sa akin. Huwag na ang Sir, lalo at hindi mo naman ako guro,” nakangiting saad nito. Nakasalubong ang kanilang mga tingin nang mag-angat ng mukha si Aril mula sa kanyang pagyuko. Para siyang hinihigop ng kulay tsokolateng mata ng binata. Kumislot ang kanyang puso nang bumaba sa mga labi ng binata ang kanyang tingin. Tila kay sarap halikan ang mamula-mula at may kakapalang labi nito. Binaling niya ang kanyang tingin sa kung saan. Ayaw niya ang tila isang munting tinig na bumubulong na titigan pa niya ang binata. Mali na pangarapin ang isang kagaya ni Kelvin, iyon ang pangaral kaagad niya sa sarili. “Sige, maiwan ka na muna namin ni Mang Temyong. Sasaglit na muna ako sa bahay namin at baka hanapin na ako ng mga magulang ko. Pero, babalik kaagad ako para may supply ka naman dito,” ani Kelvin. Tumalikod na ang binata at si Mang Temyong. Nag-iisa na lang si Aril sa bahay na iyon. Medyo maalikabok ang silid na magiging tulugan niya kaya naghanap siya ng basahan sa kusina para kahit papaano ay maginhawa siyang makapagpahinga. Hindi niya namalayan na natapos kaagad niya ang paglilinis ng kanyang silid at basta na lang nakatulog sa higaan. ***** Bumaba na ng taxi si Kelvin sa apartment complex kung saan siya nakatira. Kaagad siyang pumasok sa kanyang unit at naligo na muna at nagbihis pagkatapos. Kailangan muna niyang pumunta sa mansyon ng mga magulang. Kaya, pagkatapos nga maligo ay pumara ulit siya ng taxi at nagpahatid sa kanilang mansion. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang pagpunta roon. Naroon ang kanyang abuelo na si Serafin Trinidad. Isa itong tanyag na negosyante na ngayon ay retirado na. Aktibo ito sa mga kawanggawa at kilalang mabait kahit istrikto sa mga empleyado. “Good morning, Lolo Serafin. How are you these days?” Lumapit si Kelvin sa abuelo at nagmano rito. “I’m good, Hijo. Where have you been? Aba at tatlong araw na kitang inaabangan.” Nakataas ang kilay ng abuelo at naglakad na sa kalapit na sofa. Lumapit naman ang binata at inalalayan ang kanyang abuelo. “Anong pinagkakaabalahan mo hijo?” Napakamot si Kelvin sa kanyang ulo. Bantulot siyang ipaalam sa kanyang abuelo ang nangyaring pagtulong niya kay Aril pero alam niyang maiintindihan siya nito. “Eh, Lolo kasi three days ago ay may nabangga akong tindera ng balut. Hindi ko po kaagad nadala sa hospital kasi nagmamadali siya na mamili ng paninda niya. Matapos kong bayaran ang mga nabasag na itlog, umalis kaagad siya,” ani Kelvin. Napansin niya ang pagtaas ng kilay ng abuelo kaya pinagpatuloy niya ang kwento. “Kinagabihan po Lolo ay nakita ko naman siya sa liga na sinasalihan ko. Nagtitinda nga siya ng balut doon dala-dala ang munti niyang kariton. At sa malas, tinamaan ko naman siya sa mukha ng bola kaya dumugo ang ilong niya. Tinulungan naman siya ng medic. Pagkatapos ng laro, hindi ko na siya nahagilap sa court kaya lumabas ako at sinundan siya.” “Teka, napapahaba ang kwento mo at hindi ko alam ano ang kinlaman niya,” anang abuelo. “Nawalan po siya ng malay at ako ang nakasagip sa kanya. Dinala ko siya sa hospital at nakita ang pinsala niya sa kanyang balakang at may bugbug dahil sa pagbagsak niya sa kalsada ng tanghali. Nakadagdag pa ang injury niya sa ilong. Halos tatlong araw siya sa hospital at syempre sinagot ko na ang gastos dahil kasalanan. Kaya huwag na po kayo magtaka kung bakit malaki ang bawas ngayon buwan sa atm ko.” Yumuko si Kelvin at nahihiya siya sa abuelo. Tanging ito lang ang nakakaintindi sa kanya. Nawalan na ng amor sa kanya ang mga magulang simula ng dalawang beses na siyang bumagsak sa licensure examination para sa mga Civil Engineer. Sa galit ng mga ito sa kanya, kumuha ito ng apartment at doon na siya pinatira. Para sa mga ito, hindi siya pwedeng permanente na manirahan sa kanilang mansion kung hindi niya maipasa ang naturang exam at maging isang ganap na Civil Engineer. “Ano apo, desidido ka na ba na muling sumubok sa licensure exams?” tanong ng matanda. “Oo Lolo. Pero pwede ba doon ako sa lumang bahay ninyo nabili manatili?” nahihiyang sagot ni Kelvin. “Ano ba ang nasa lumang bahay at gusto mo doon?” nagtatakang saad ng abuelo. “Doon ko po kasi pinatira si Aril, Lolo. Kasi pagkatapos ko siya ihatid sa kanila mula sa hospital pinalayas kaagad siya ng kanyang malupit na tiyahin. Wala naman siyang mapuntahan at ewan ko kung makakahanap siya ng trabaho. Maliban sa minor de edad pa siya ay second year high school lang ang inabot niya.” “Tama ang ginawa mo, hijo. Pero bakit gusto mo doon ka manatili?” Kumunot ang noo nito na inaarok pa rin ang motibo ng apo. “Tahimik kasi ang paligid doon Lolo at nag-aalala ako kay Aril. Mag-isa lang siya doon at mas okay siguro kong doon na muna ako pansamantala.” “Wala ka bang ibang motibo, hijo?” Nang-aarok ang titig ng matanda kay Kelvin na siyang dahilan para ngumiti ang binata. “Lolo, alam ko naman ang mga babaeng pwedeng patusin at hindi. Dadagdag pa ba ako sa alalahanin ng isang minor de edad kung paano niya bubuhayin at pag-aralin ang sarili niya? Ginagawa ko iyo para naman maibsan ko ang guilt na naramdaman ko. Kung hindi ko siya nabundol, hindi sana siya pinalayas ng kanyang tiyahin.” Napabuntong-hininga na lang si Kelvin. Ayaw niyang magtampo sa sinabi ng abuelo lalo at malikot naman siyang sadya sa mga babae. Pero, kahit ganoon pa man hindi niya kailanman dinadala sa kama ang mga babaeng hindi liberated. May respeto pa rin naman siya sa kalahi ni Eba kahit papaano. Naningkit ang mata ni Don Serafin. Naninibago siya sa kinikilos ng bunsong apo pero hahayaan niya ito sa nais gawin sa pagkakataong ito. Nakikinikinita niyang magbabago ito para sa ikabubuti nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD