Nag-grocery si Kelvin matapos niyang sumaglit sa kanilang bahay. Wala roon ang mga magulang kaya hindi na siya nagtagal. Nagbilin na lang siya sa kanilang kasambahay na sabihan ang mga magulang na napadaan siya.
Bitbit ang pinamili ay pumasok na siya sa bahay na tinutuluyan ni Aril. Umakyat siya sa hagdan kahit medyo mabigat ang kanyang mga dala. Bukas naman ang pinto kata diretso siyang pumasok. Naroon na si Aril at abalang naglilinis ng kusina. Bumaba ulit siya ng hagdan at nilapag ang pinamili sa lamesa na naroon.
Lumingon si Aril at nakita ang binatang si Kelvin na may bitbit na isang supot ng grocery at isang vacuum sealed bag na bigas. Namilog ang kanyang mata sapagkat naiisip niya na masyado na niyang naperwisyo ang binata.
“Nariyan na po pala kayo, Sir Kelvin,” saad ng dalaga.
“Whoah! Wala namang ganyanan, Aril. Bente kwatro lang ako at pitong taon lang ang tanda ko sa iyo para tawagin mo akong Sir. Kelvin na lang, please.” Napakamot sa batok si Kelvin sa pagtawag sa kanya ni Aril ng ‘Sir’. Hindi niya matanggap na naiilang pa rin ang dalaga sa kanya.
“Sige po, kung iyan ang gusto mo Kelvin.” Napayuko si Aril dahil naninibago siyang bigkasin ang pangalan ng binata. Naiilang siya sapagkat dalawa lang sila sa bahay na iyon. Ayaw niyang mag-isip ng masama pero taglay niya pa rin naman ang ugali ng isang dalagang Pilipina kahit medyo boyish siya.
Napangiti si Kelvin sa papalit-palit na emosyon na bumalatay sa mukha ni Aril. Naroong tila nahihiya na kung ano. Sanay siya na pinagkakaguluhan ng mga babae. Pero ang mukha ni Aril ay hindi niya man lang nakitaan ng paghanga sa kanyang kagwapuhan. Medyo dismayado siya pero iniisip na lang niya na hindi siya ang tipo ng lalaki ng dalaga.
“May dala akong grocery. Ikaw na ang bahala dito at lutuin mo na lang ang karneng baboy na matagal masira. Wala ka nga palang ref dito. Hayaan mo at titingnan ko ang magagawa ko.” Inabot na ni Kelvin ang nabiling karne kay Aril.
Nahihiya man ay kinuha ni Aril ang inabot na supot ni Kelvin. Liempo iyon ay medyo marami. Nang mag-angat ang kanyang paningin ay nahuli pa niya ang binata na nakatingin sa kanya.
“Ano kaya ang masarap na luto d’yan Aril para tumagal?” tanong ng binata.
“Adobo po na maraming suka. At dahil makapal ang taba nito ay sakto po ito. Pwede rin akong gumawa ng homemade na smoked bacon nito. Tama po ang napili ninyong liempo.”
Tumunog ang cellphone ni Kelvin at binasa ang text message. Ang kanilang kasambahay pala na si Manang Puring na pinapauwi siya ng mga magulang. Kaya, nagpaalam na siya sa dalaga at umuwi na.
*******
“Mabuti naman at umuwi ka pa! Aba ay sayang lang ang pa -allowance namin sa iyo at hanggang ngayon ay wala ka pa yata balak mag-review ulit for your board exams!” Hindi pa man tuluyang nakakapasok sa kanilang bahay iyin na kaagad ang sumalubong kay Kelvin. Bumuntong-hininga siya at lumapit sa inang si Carina. Nagmano siya rito at sinunod na lapitan ang kanyang amang si Amadeus.
“Kumusta, papa?” tanong niya sa ama.
“Mabuti anak. Pumunta ka sa library at may pag-uusapan tayo.” Tumayo na ang kanyang ama at nauna na naglakad samantalang naksunod lang si Kelvin. Nasa ikalawang palapag iyon ng kanilang mansion at nasa pinakadulong bahagi iyon malapit sa master’s bedroom.
Naupo ang kanyang ama at umupo na rin si Kelvin sa katapat na silya.
“So, maganda ba siya?” nakangiting tanong ng ama sa anak.
“M-maganda?” Kumunot ang noo ni Kelvin at tiningnan pang muli ang ama. “Sino po?”
“Iyong babae na nasa lumang bahay na nabili ng Lolo mo?”
Napakamot na lang sa ulo si Kelvin dahil sa kadaldalan ng kanyang abuelo. Ang kanyang ama ay katulad rin ng kanyang abuelo. Mapagkawanggawa ito samantalang medyo matapobre naman ang kanyang ina. Hindi naman niya masisi ang ina lalo at galing din naman ito sa mayamang angkan. Pero matapos na mag-asawa ito ay bumagsak na ang kabuhayan ng pamilya nito.
“Ah, si Aril po ba ang tinutukoy ninyo? Kailangan ko talaga tulungan Papa lalo at nabundol ko iyon. At dahil sa pagkakaospital niya ay pinalayas na siya ng salbaheng tiyahin kaya tinulungan ko na siya.” Napailing na lang si Kelvin habang binabalikan ang eksena sa hospital na sinasabunutan ang kawawang si Aril ng tiyahin.
“Mabuti at naging responsable ka. Mas mabuti ang tumulong sa kapwa at hindi umasa na may balik mas maraming pagpapala ang matatanggap mo.” Bumuntong-hininga muna ang ama bago magsalita muli. “Kailan mo balak mag-review ulit, anak? Para naman tigilan ka ng Mama mo na talakan. Ako ay naririndi na rin paminsan at sa akin na palaging nagrereklamo, anak.”
Sa susunod na buwan po, Papa. Lilipat po ako ng review center para makaiwas na rin ako sa bulakbol,” tanging sagot ni Kelvin sa ama.
“Aba, inspired ang binata ko! Si Aril na ba ang bago mong inspirasyon?” tukso ng ama sa anak.
“Papa naman! Tinulungan ko lang iyong tao lalo at malaki ang perwisyong dulot ko sa kanya,” hinampo ni Kelvin.
“Sinabi mo eh.” May dinukot ito sa kanyang bulsa at inabot sa anak. “Pang-allowance mo. Ikaw na bahala at unlimited ‘yan. Walang access ang Mama mo d’yan at pwede mo gamitin sa anumang paraan mo gustuhin. Basta sa mabuti at hindi sa kabulastugan. Alam mo naman ako anak ay napaka-supportive sa iyo.”
Halos mapunit ang labi ni Kelvin sa kanyang ngiti. Natutuwa siya na ang ama ang kanyang kakampi. Kaya ang mga kapatid minsan ay naiinis sa kanya. Lalo na ang kanyang Kuya Clark na isang sikat din na Businessman at kasalukuyang isang Senior Marketing Officer sa negosyo ng mga magulang. Maliban pa sa sariling mga investment nito sa sari-saring mga financial companies.
Naging tradisyon na kasi ng mga Trinidad na ang sinumang magiging kasali sa negosyo ng pamilya ay bibigyan ng kanilang abuelo ng malaking halaga. At napaka-wise ng naging desisyon ni Clark na i-invest iyon sa labas ng kanilang kompanya.
*******
Pinagpawisan ng marami si Aril matapos niyang linisin ang buong kusina. Matapos niyang mananghalian kanina at asikasuhin ang karne at maimbak ang adobo sa garapon ay ang paglilinis muna ang inatupag niya. Binabad na muna niya ang ilang pirasong liempo sa asin at pauusukan mamaya lang.
Kumain na siya matapos maglinis ng katawan. Kahit papaano ay panatag siya dahil may kuryente at tubig ang bahay na iyon kahit luma na. Wala siyang nakitang kalan doon bagkus ay isang pugon na yari sa tesa ang naroon. Natuwa naman siya lalo at sakto iyon sa kanyang negosyo.
Sa kanyang kwarto napili ay maayos naman kahit na may kalumaan na ang kutson na naroon ay nagpasya siyang huwag na gamitin iyon. Itinabi niya iyon at tanging banig lang ang sapin niya sa kawayan na papag na naroon. Natulog ng mahimbing si Aril ng gabing iyon na unang pagkakataon na nawalay sa kanyang mga kaanak.