Samantala, umuwi si Kelvin sa kanilang mansion matapos niyang hatdan ng groceries si Aril. Dumaan pa siya sa isang tindahan ng mga ref at freezer at sa susunod niyang balik ay bibilhan niya si Aril ng ref. Gusto niyang makabawi man lang kay Aril sa perwisyong dulot niya sa hanapbuhay nito at sa relasyon sa mga kamag-anak nito. Well, mas panatag na siya na wala na sa poder ng tiyahin ni Aril ang dalaga. Hindi rin naman tama ang pagtrato ng mga ito kay Aril at wala sa tamang kalusugan si Aril sa piling ng mga ito.
Naroon na sa dining area ang mga magulang nang pumasok siya. Inabot ni Kelvin ang kamay ng ina at nagmano rito at gayundin ang ginawa niya sa kanyang ama. Nang tingnan niya ang huli ay may ngiti itong inaarok siya ng titig nito. Kumunot ang noo ni Kelvin at nagpasyang umupo na sa katapat ng ina.
“Manang Blessie, pakikuha ng plato para sa alaga mo,” utos ni Carina sa kasambahay.
Maya-maya pa ay nakangiting pumasok ang kasambahay na si Blessie na bitbit ang mga plato at kubyertos na para sa alaga. Nang mailapag niya iyon ay nagmano pa si Kelvin dito.
Napaismid na lang si Carina. Bagaman bulakbol ang anak ay bawi naman iyon sa pagiging malambing nito, lalo na sa Yaya Blessie nito na siya ng nag-alaga sa anak na bunso dahil sa pagiging busy nilang mag-asawa sa negosyo. Napatikhim siya lalo pa at ang tagapag-alaga pa talaga ang nagsandok ng pagkain para kayKelvin.
“Manang, matanda na iyang alaga mo at may mga kamay naman iyan. Hayaan mo siyang kusang magsandok para sa sarili niya,” sita niya sa kasambahay.
“Naku, Carina umaandar na naman ang pagiging selosa mo!” piksi ni Manang Blessie. Nilagyan na niya ng ulam at kanin ang plato ni Kelvin at pinagsalin pa ng paboritong pineapple juice ang alaga. “Ayan, anak kumain ka ng marami at huwag na intindihin ang Mama mo.”
“Salamat, Yaya. Kaya na-mimiss kita eh,” ani Kelvin.
Tahimik at maganang kumain si Kelvin. Panaka-nakang niyang sinusulyapan ang kanyang ama na kanina pa hindi na maalis ang tingin sa kanya. Kaya, ibinaba niya ang kanyang kubyertos at nagsalita.
“Gusto ko po ulit mag-review, Papa,” seryosong saad ng binata.
“Well, that’s good. I hope this time, pumasa ka na hijo. Lalo at 24 ka na at wala ka pang titulo,” pabirong saad ng ama.
“Talaga lang ha! Baka maglulustay ka lang ulit ng pera sa pagkamahal-mahal na review!” Napaismid si Carina sa sinabi ng anak at uminom ng tubig.
“I am serious this time, Mama. Sabi nga ng papa, 24 na ako. Nakakahiya naman sa mga kapatid ko na nagpapakahirap sa trabaho.”
Gustuhin man magtampo ni Kelvin sa ina, hindi niya ito masisi. Napakabulakbol niya kasi at minsan na siyang nalulong sa mga online games.
“Carina, ikaw dapat higit sa lahat ang may tiwala sa anak mo. Ngayon na si Kelvin na mismo ang nag-offer, malamang ay seryoso na siya na makapasa, right hijo?”
“Yes, Papa hindi ko kayo bibiguin ng Mama.” Tumayo na si Kelvin at niyakap ang ina. Kaya, ang nakasimangot na si Carina kanina ay nakangiti na. Hindi rin niya natiis ang kanyang pilyong bunso.
Natapos ang kanilang hapunan ng matiwasay at nang gabing iyon, doon sa kanilang mansion natulog si Kelvin.
********
Maaga pa lang, gising na si Aril. Hindi pa man sumisilip si haring araw nasa bakuran na siya at abalang naglilinis ng buong paligid. Naroong nagwalis, nagbunot ng mga ligaw na d**o at pinutol ang mga sanga ng mga punong kahoy na sagabal.
Saktong alas siete ng umaga, tagaktak na ang kanyang pawis na gumagawa ng mga plant bed. Plano niyang tamnan ng ilang mga gulay ang bakanteng espasyo lalo pa at nakita niya na mataba naman ang lupa sa bahaging iyon.
Buti na lang at naghalungkat siya ng nagdaang araw ng mga kagamitan sa ilalim ng kabinet sa kusina at natagpuan ang mga garden tools. Kaya naisipan niyang asikasuhin na kaagad ang pagtatanim habang iniisip ang susunod na pagkakakitaan. Malapit na ang pasukan at gusto niyang paghandaan ang kanyang pag-aaral.
Wala pa siyang kakayahan na mag-aral kahit sa ALS lang muna lalo at halos wala naman siyang naipon sa kanyang pagbebenta ng balut.
Pumasok na si Aril at nagbukas lang ng sardinas para sa kanyang almusal. May natira naman siyang kanin at hindi na siya nag-abala na initin iyon. Nagtimpla na siya ng kape at kumain na. Pagkatapos ng mabilisang almusal ay kaagad niyang inatupag ang pagbubungkal sa garden na gusto niyang tamnan.
Samantala, pababa ng kanyang kotse si Kelvin nang maamoy ang nasusunog na mga tuyong dahon mula sa munting siga na ginawa ni Aril. Napangiti siya lalo at kay gandang pagmasdan ni Aril kahit halatang pawis ito sa pagbubungkal ng garden. Maingat siyang pumasok sa gate nang hindi namamalayan ni Aril. Napangiti siya lalonang makita kung paano hatawin ni Aril ng asarol ang matigas na lupa.
“Aril,” ani Kelvin.
Napaigtad ang dalaga sa pagtawag na iyon ni Kelvin. Dagli niyang nabitawan ang asarol at napalingon sa bagong dating. Napahawak siya sa kanyang dibdib lalo at pakiramdam niya ay nais humalagpos ng kanyang puso.
“Nanggugulat ka naman!”
Naging matalim ang pagtitig ni Aril sa bagong dating. Gusto niyang hampasin ng walis si Kelvin pero pinigilan niya ang sarili.
Napangiti naman si Kelvin sa samu’t saring emosyon na nakikita niya sa mukha ni Aril. Naroong nabigla, naiinis, at sa huli ay tila nahihiya sa kanya. Hindi man lang niya nakitaan ng paghanga sa kanyang pustora ngayon. Sinadya niyang magsuot ng magara ngayon dahil balak niyang mag-enroll na sa Review Center. Mamayang hapon kasi ay pupunta na siya sa review center. Naisip niya lang talaga kumustahin si Aril lalo at pagkagaling sa pag enroll ay bibilhan niya ito ng refrigerator.
“May sadya ka ba, Kelvin?” tanong ng dalaga sa binata na kanina pa nakatunghay sa kanya. Ang totoo ay naiilang siya lalo at silang dalawa lang ang naroon. Dalagang Pilipina pa rin siya maituturing sapagkat naniniwala siya sa delicadeza. Nang hindi umimik si Kelvin ay tumikhim siya dahilan para kumurap ito. Gustong matawa ni Aril sa pagkakatulala nito sa kanya. Wala naman siguro siyang dumi o di kaya ay uling sa mukha at nagtataka siya sa paninitig ng binata sa kanya.
“Susunduin pala kita mamayang alas tres ng hapon. May pupuntahan tayo,” saad ni Kelvin. Tinalikuran na niya kaagad si Aril at napangiti pa siya nang hindi nakaimik nag dalaga na iniwan ito.