Sa pagsunod ko kay Aldrin at Von ay sa wakas, nakarating din kami sa pupuntahan namin- sa bahay nila Von. May resthouse pala sila dito sa may tagaytay at ngayon lang namin 'to nalaman ni Aldrin kaya gulat na gulat kami.
Saktong alas tres ay nakarating kami sa resthouse nila Von dahil nagpahinga pa kami sa nadaanan naming convenience store sa gilid ng kalsada.
Malaki ang bahay nila at parang haunted house kung iisipin dahil mapuno ang lugar, ang bahay ay medyo makaluma ang design at isolated ang mga bahay dito na parang lahat ay resthouse lang kaya tahimik. Ngunit walang duda na maganda ang lugar, may view pa na pangmalakasan.
Pagkarating namin ay agad na sumalubong sa amin ang dating yaya ni Von at binati kami nito.
"Magandang hapon, sino ho kayo?" Bati sa amin ng caretaker ng bahay.
Noong una ay kinabahan kami ni Aldrin dahil nagtanong sa amin ang caretaker at mukhang hindi kilala si Von. Naisip namin na baka nangtitrip lang si Von at hindi naman nila ito resthouse.
"Ako 'to, Nay!" Sambit ni Von at lapit sa matandang babae.
"Ikaw pala 'yan, Bon-bon ko!" Sabay yapos nito kay Von.
Siya pala si Aling Mildred, matagal na siyang katiwala ng pamilya ni Von simula pa no'ng bata pa ang kaniyang tatay. Nilipat lang siya dito sa tagaytay upang hindi na mahirapan sa bahay nila Von dahil mahirap ang gawain at tumatanda na ito. Ginawa nalang siyang caretaker ng resthouse ng pamilya ni Von dahil malapit din ito kung saan nakatira ang pamilya ni Aling Mildred.
Natawa nalang kami nang tawaging 'Bon-bon ko' si Von ni Aling Mildred. May pang-asar na naman kami sa kaniya kapag nakauwi na.
"Pasok kayo mga anak," aya sa amin ni Aling Mildred.
Pumasok na ito sa loob ng bahay kaya naman sumunod na kaming tatlo. Pagpasok ay luminga-linga kami ni Aldrin at namangha nalang kami sa laki ng bahay nila Von. Walang nakatira dito, si Aling Mildred lang at ang apo niya. Uwian siya sa bahay nila dahil araw-araw niya itong nililinis.
"Ang laki pala ng bahay n'yo Von e," sambin ni Aldrin habang nakaupo sa couch.
"Oo, pwede tayo dito kahit tag-iisang kwarto," tugon ni Von.
"Wala bang nakatira dito?" Tanong ko kay Von.
Dumating naman si Aling Mildred na may dalang juice at tinapay. Sumingit ito at sinagot nito ang tanong ko.
"Wala, ako lang ang tao dito palagi," paliwanag ni Aling Mildred sa amin.
"May nagpaparamdam naman po dito?" Tanong ni Aldrin na kinagulat ko.
Ayon na ang nasa isip ko pagdating palang namin sa harapan ng bahay. Hindi ko nalang talaga iniisip pero biglang tinanong ni Aldrin.
"W-wala naman," pag-aalangan pa nitong sagot kay Aldrin. "Ano bang gusto niyong kainin? Ipagluluto ko kayo," pag-iiba ng topic ni Aling Mildred.
Napansin ko 'yon pero hindi ko nalang sinabi sa kanila dahil ayoko silang takutin.
"Nay, afritada nalang 'yung paborito kong luto mo," mabilis na tugon ni Von.
Sumang-ayon nalang kami ni Aldrin sa sinabi Aldrin dahil mukhang masarap naman magluto si Aling Mildred.
"Osige, bababa muna ako sa bayan. Wala na kasing stock d'yan," sambit ng caretaker nila Von.
"Ay aalis po kayo? Iiwan niyo po kami?" Tanong agad ni Aldrin.
Halatang-halata sa mukha ni Aldrin na natatakot siya sa bahay na pagistay-an namin.
"Oo, wala nang maluluto d'yan sa may refrigerator," tugon ni Aling Mildred.
"Pwede po bang kami nalang?" Suggest ni Aldrin na kinakabahan.
Malakas lang mangtrip at mang-asar 'tong si Aldrin pero matatakutin ito.
"Hindi na, malapit lang naman 'yung bayan. Magpahinga nalang kayo d'yan. Manuod ng TV," sambit nito at alis na ng bahay.
"Pare, dapat tayo nalang bumili e," sambit ni Aldrin.
"Easy ka nga lang, walang multo dito. Manuod nalang tayo ng movie," tayo ni Von sa couch at bukas sa TV na nakadikit sa dingding.
"Kaya nga, easy ka lang pare," dagdag ko pa sa sinasabi ni Von.
Pumili nalang kami ng movie na panunuorin at sinuggest ni Aldrin ay 'yung nakakatawa raw.
"Ito nalang pare, Ridiculous 6. Comedy 'to, sasakit mga tiyan niyo kakatawa dito," pilit ni Aldrin sa amin.
"Ayoko n'yan pre, ito nalang," sabay pindot ng remote ni Von.
Insidious: Chapter 2.
Horror! Tarantado ka talaga Von.
Kami lang tatlo ang nasa bahay na mukhang haunted house at wala nang iba. At nanuod pa kami ng horror/suspense na movie. Ang galing.
Umpisa pa lang ng palabas ay dikit na dikit si Aldrin kay Von. Ako naman ay kumuha nalang ng unan na nasa sofa para yakapin.
Kinuha ko ang cellphone ko para mag-update kay Patricia at Mama Gina. Pagbukas ko ng aking phone ay alas kwatro na pala pero aakalain mong alas sais na dahil nga sa mapuno ay madilim na agad.
Nakita kong may chat pala si Patricia sa akin at nagtatanong ito kung nasaan na kami kaya naman tinawagan ko na ito para makausap.
Calling...
Pat: Oh love, nasaan na kayo?
Dos: Andito na kami sa resthouse nila Von, Mahal. Nagulat nga ako nang malaman kong resthouse pala nila ito, ang laki kasi.
Pat: Mabuti naman at nakarating na kayo. Kumusta naman d'yan?
Dos: Ito, nanunuod kami ng horror movie. Kami nga lang tatlo dito kasi si Aling Mildred bumili nang maluluto pero andito ata 'yung apo niya kaso hindi pa namin nakikita.
Pat: Malaki ba ang resthouse nila?
Dos: Oo, hindi ko maipaliwanag sa laki. Sa may bakuran pa lang lalo na kapag pumasok ka sa loob.
Pat: Ay minsan, puntahan natin 'yung rest house ng pamilya namin.
Dos: Saan ba 'yon?
Pat: Sa Baguio.
Dos: Anlayo ah.
30 mins na kaming nanunuod nang makarinig ako ng yapak sa may hagdanan. Dahil kami lang ang naiwan ay nakalimutan namin buksan ang ilaw sa bahay, hindi rin kasi namin alam kung nasaan ang bukasan.
"Narinig niyo 'yon?" Tanong ko sa dalawang tutok na tutok sa panunuod kahit takot na takot na.
"Ang alin?" Sagot ng dalawang kolokoy.
Pat: Mahal, anong nangyayari?
Dos: Wait, Mahal.
Kaya naman pinuntahan ko ang hagdanan. Dahil sa madilim nga ay hinanap ko muna ang switch ng ilaw para buksan ito.
Nang maka-akyat ako sa may hagdanan ay may nakita akong babae na dumaan papuntang kanang bahagi. Inisip ko agad na baaka siguro siya 'yung sinasabi ni Aling Mildred na apo niya. Kaya naman agad ko itong binati at tinanong.
"Magandang hapon! Pwede bang magtanong?" Bati ko dito habang naglalakad.
Bigla itong huminto at humarap sa akin. Hindi ko siya maaninag dahil sobrang dilim kaya tinanong ko kung nasaan ang mga switch.
"Saan ba ang switch ng mga ilaw niyo dito," tanong ko dito habang hawak ko pa rin ang cellphone ko.
Nagtataka ako ba't hindi sumasagot pero tinuro niya naman ang switch ng mga ilaw banda sa likuran ko.
Nasa 2nd floor kasi kami nag-uusap, sa harap ng hagdan. Andoon siya sa may kanang part ng 2nd floor at ako naman ay nasa kaliwa. Tumuro siya sa likuran ko at nakita ko ang mga switches ng ilaw kaya binuksan ko ang mga ito.
"Salamat h-," nawala siya nung lumingon ako pabalik, kaya naman naputol ang sasabihin ko.
Lumiwanag ang bahay at mas nakita ang tunay na ganda nito. Bumaba na rin ako at sakto kakarating lang ni Aling Mildred galing sa may bayan kaya sinalubong ko na ito.
Pat: Nabuksan mo na?
Dos: Oo, Mahal. Wait andito na si Aling Mildred e. Tawag ulit ako mamaya, I love you.
Pat: Okay, Mahal. I love you too.
"Buti naman at nabuksan niya ang ilaw? Mahirap makita ang mga bukasan kung hindi ka pamilyar sa bahay," sambit ni Aling Mildred.
"Si Dos ang nagbukas nay e," singit ni Von habang nanunuod.
"Paano mo nakita, hijo?" Tanong nito sa akin.
"Ay tinuro po sa akin ng apo niyo 'yung mga switches. Binuksan ko na rin po kasi ang dilim na kahit ang aga pa po dito," paliwanag ko at biglang kumunot ang noo ng matanda.
"Sinong apo?" Tanong nito na medyo nagulat.
Agad pinause ni Von ang pinanunuod nila ni Aldrin upang makinig sa usapan namin.
"Iyong babae niyo pong apo, nagtanong pa nga po ako sa kaniya kung nasaan 'yung bukasan ng ilaw, tinuro niya naman po," paliwanag ko.
"S-sigurado k-ka ba d'yan, h-hijo?" Gulat na gulat na tanong nito.
"Oo naman po," confident ko tugon.
"A-ang a-apo ko kasi ay nasa trabaho at lalaki 'yon. Wala akong apo na babae," paliwanag nito.
"H-hindi n-nga p-po?" Nangangatal kong sabi. "Eh 'di sino po 'yung nakausap ko?" dagdag ko pa.
Kaya agad kaming nagtumpukan sa sala at binuksan na lahat ang ilaw sa buong bahay. Kanina kasi ay sa corridor lang bukas at sa sala.
Si Aling Mildred ay parang wala lang sa kaniya dahil nagluluto pa siya mag-isa sa may kusina kaya naman pinuntahan ko siya. Dahil sa takot ay nagsisunuran din ang dalawang kolokoy na kanina ay nanunuod ng 'Insidious' sa may sala.
"Oh mga anak, ba't kayo nandito?" Tanong ni Aling Mildred sa amin habang nagluluto siya.
"Hindi po ba kayo natatakot?" Tanong ko.
"Sa tagal ko ba namang nandito, matatakot pa ba ako? Hindi ko naman siya ginagalaw, hindi niya rin naman ginagalaw kaya ayos lang," tugon nito sa akin.
"Ano bang itsura, Dos? Baka naman namamalikmata ka lang dahil sa hindi pa tayo kumakain?" Tanong ni Aldrin at dikit na dikit kay Aling Mildred.
"Narinig pa nga ni Pat e," tugon ko kay Aldrin. "Gusto niyo tawagan natin si Pat?" At kuha ko ng cellphone ko sa may bulsa ko.
Tinawagan ko uli si Pat para tanungin at patunayan sa kanila ang nakita ko sa may 2nd floor.
Calling...
Pat: Anong balita?
Dos: Narinig mo diba, na may kausap ako kanina?
Pat: Sino, sina Aldrin at Von?
Dos: Iba, 'di ba sabi ko bubuksan ko 'yung ilaw pero hindi ko makita 'yung switch?
Pat: Oo, meron ka ngang tinatanong pero hindi naman sumasagot e. Nagpasalamat ka pa nga diba?
Dos: Oh 'di ba? E 'di naniwala kayo.
Pat: Anong nangyari ba?
Dos: 'Yung nakausap ko kasi kanina- multo.
Pat: Paanong multo?
Dos: Kaya pala hindi sumasagot 'yung nakausap ko kanina, kasi kaluluwa pala 'yon. Akala ko apo ni Nanay Mildred pero wala naman pala siyang apo na babae.
Habang nagkukwentuhan ay kasabay nito ang pagtaasan ng balahibo namin. Makaluma kasi ang bahay kaya hindi na nakakapagtaka na mayroong naninirahan.
Pat: We? Gagi nakakatakot. Magi-stay pa ba kayo d'yan?
Dos: Baka dito na kami magpalipas, mag-gagabi na rin kasi. Pakisabihan nalang si Mama Gina. I love you, kakain na kami.
Pat: I love you too! Eat well.
Nang matapos si Aling Mildred magluto ay agad na kaming pumwesto sa may sala upang kumain. Iniwan pala ng mga kolokoy na bukas ang TV.
Ang tahimik sa bahay na ito kaya naman ang sarap matulog dito. Samahan pa ng malamig na simoy ng hangin.
Nang matapos kami kumain ay naglatag na kami sa sala para doon nalang matulog. Ang kaninang plano na tag-iisang kwarto ay hindi na natuloy dahil sa takot. Agad na kaming natulog dahil sa sobrang busog at sarap ng luto ni Aling Mildred.
Itutuloy...