March 27, 2017
Sumapit na ang umaga. Agad ko nang ginising si Pat sa mahimbing niyang tulog upang ihatid na sa bahay nila Jaz.
Naghilamos na ako at bumaba na sa sala pero hindi pa rin nagigising si Pat. Binuksan ko na ang kalan at nag-init ako ng tubig para magkape kami ni Pat.
Lumabas muna ako sa bahay at bumili ng pandesal para makain namin bago kami bumyahe.
Kitang-kita ko rin ang mga basurang inanod dahil sa lakas ng ulan kagabi. May mga sanga pa ng kahoy at mga bubong ang nakakalat sa may kalsada.
Dali-dali na akong bumili ng tinapay at sachet ng kape sa tindahan baka magising na si Pat at wala ako doon.
"Kuya, pabili nga po, bente pesos a tinapay, malambot po," sambit ko sa tindero sa may pandesalan.
"Wait lang noy," at binuksan na nito ang malaking oven at nilagay sa paper bag ang tinapay.
"Atsaka kape na rin po na 3 in 1. Ito po 'yung bayad" abot ko ng aking pera.
Nang maiabot sa akin ang binili kong tinapay at kape ay umuwi na agad ako sa bahay dahil baka kumukulo na ang sinalang kong tubig sa may kalan.
Nakauwi ako sa bahay nang mabilis at pagkabukas ko ng pinto ay nakita ko si Pat na nasa sala, hawak-hawak ang cellphone niya at may minemessage.
Mukhang kinakausap nito si Jaz dahil sasalubungin kami nito sa gate ng village nila para makapasok.
Dali-dali akong tumakbo sa may kusina para patayin ang kalan at alisin ang mainit na tubig na nakasalang. Pagkadating ko do'n ay nakapatay na ang kalan at nakasalin na sa termos 'yung mainit na tubig.
"Pat, ikaw nagpatay ng kalan?" Nagtataka kong tanong.
"Oo, kanina pa kumukulo e. Sinalin ko na rin sa may termos 'yung mainit na tubig," sambit pa ni Pat.
"Akala ko mauubos na 'yung tubig e, buti nalang napatay mo. Ito pandesal," sabay lapag ko ng pandesal sa may lamesa.
"Oy thank you dito," kuha ni Pat sa pandesal.
Kumuha na ako ng dalawang baso para sa amin ni Pat at nagsalin ng mainit na tubog na nakalagay sa termos. Tinimpla ko na ang dalawang sachet ng kape para may mahigop kami ni Pat na mainit.
"Ito, Pat," abot ko ng kape sa kaniya.
Naupo na rin ako sa upuan katabi ni Pat.
"Thank you, Mahal," kuha nito ng baso.
Hindi pa rin ako sanay na tawaging 'Mahal' si Pat. Nahihiya ako kapag nagtatangka akong tawagin siya no'n. Nasanay kasi akong Pat, Pate, Patricia ang tawag ko sa kaniya.
Nang matapos kami kumain ay inasikaso niya na ang mga damit niyang nabasa kagabi. Wala kaming dryer kaya mabuti nalang talaga ay natuyo ang mga ito sa CR.
"Buti nalang talaga ay natuyo 'yung mga 'yan?" Tanong ko kay Pat.
"Oo nga e. Anlamig pa naman ng simoy ng hangin kagabi," sambit pa nito.
"Hindi ba amoy kulob?" Tanong ko pa sa kaniya.
"Buti nga hindi e," tugon ni Pat.
"Paano pala 'tong mga damit mo?" Tanong ni Pat sa akin.
"Ay diyan mo nalang lagay sa washing machine, ako na bahala d'yan," tugon ko habang nahigop pa ng kape.
"Paano 'yung panloob na pinahiram mo sa akin?" Tanong pa ni Pat habang papasok sa CR.
"Sige, gamitin mo muna. Hindi na hahanapin 'yan ni Mama kasi luma na niyang bra 'yan," paliwanag ko naman.
Sa sobrang lakas ng ulan kagabi ay pati ang panloob naming mga damit ay nabasa na rin, kaya naman pagdating namin sa bahay ay ipinahiram ko kay Pat ang bra ni Mama Gina at brief ko.
Pinahiram ko si Pat ng brief ko kasi hindi kakasya sa kaniya ang panty ng nanay ko dahil medyo chubby si Mama Gina at hindi rin kakasya kay Pat ang panty ng bunso kong kapatid dahil maliit pa 'yon.
"Osige, ibalik ko nalang sa'yo kapag bumalik na ako dito," sambit ni Pat.
Kinuha ko na ang mga helmet na nasa kwarto ko. Kinuha ko na rin ang jacket ko dahil malamig ang simoy ng hangin dahil alas singko palang ng umaga. Nagbihis na ako at kinuha ko na ang motor na nakapark sa gilid ng bahay.
Sinuot ko na kay Pat ang helmet at nilock ko na ang pintuan ng bahay. Umalis na agad kami dahil sisikat na ang araw ilang sandali nalang.
"Nasabihan mo na si Ate Danica na sunduin ka do'n kila Jaz?" Tanong ko habang nagdadrive ng motor.
"Oum, mga 7 ata siya dadating sabi niya," tugon nito.
"Alam niya bang nagpunta ka sa bahay at doon nagpalipas ng gabi?" Patuloy kong pagtatanong.
"Oo," maikling sagot ni Pat.
"Hindi ka kaya isumbong no'n kina tita?" Tanong ko pa.
"Hindi 'yon. Partners in crime ko 'yon si Ate Danica, kaya malabo akong ilaglag no'n," paliwanag pa ni Pat habang mahigpit na yakap sa likuran ko.
"Buti naman," tugon ko.
Maga-alas sinko y media nang makarating kami sa harap ng village nila Jaz. Chinat na ni Pat si Jaz na nasa gate na kami at puntahan na kami doon.
Hindi na ako pumasok sa village. Binaba ko na doon si Pat at hinintay naming sunduin siya ni Jaz. At nang makalabas na si Jaz ay nagpaalam na ako kay Pat.
"Mahal, dito na ako. Balitaan mo nalang ako sa mangyayari mamaya," sambit ko kay Pat habang sinusuot ang helmet.
"Osige, Mahal," lapit nito at yakap sa akin nang mahigpit.
Hinalikan ko ito sa noo at inumpisahang i-start ang makina ng motor.
"Dito na ako. I love you," paalam ko.
"Okay, ingat ka sa pagmamaneho. I love you too," tugon ni Pat.
Umalis na ako agad at umuwi sa bahay upang bumalik sa kama at ituloy ang tulog ko.
Alas otso nang magising ako dahil sa alarm ng aking cellphone. Agad kong kinuha ang cellphone ko at pinatay ang alarm na kanina pa tunog nang tunog.
Nang mapatay ko na ang alarm ng aking cellphone ay biglang naglabasan ang mga messages ni Pat sa notification bar ko.
Pat: Nakauwi na ako, Mahal. Sinundo ako ni Ate Danica.
Pat: Sabi ko sa'yo hindi ako papagalitan e. Sa katunayan nga si ate pa nagpalusot para hindi ako paluin ni Mama.
Pat: Nagdrive-thru kami ni ate. Kumain kana rin pag gising mo.
Sent a photo.
Nagsend pa ito ng picture habang sumusubo ng nuggets. Ang ganda talaga ng girlfriend ko.
Agad naman akong nagreply kay Pat.
Dos: Goodmorning, Mahal! Mabuti naman at hindi ka pinagalitan nina tita. Kagigising ko lang, kakain na rin ako maya-maya.
Pat: May pasok ka ba today?
Dos: Mamaya pang hapon class ko, dalawang subject lang.
Pat: Ako mamayang hapon din kaso apat subjects ko tuwing monday.
Dos: Sunduin ba kita sa inyo?
Pat: H'wag na, Mahal. Baka mabisto pa ang tinatago ni Jesrael na kabaklaan.
Dos: Osige, kita-kits nalang tayo sa school. Aalis tayo mamaya.
Pat: Saan na naman tayo pupunta, aber?
Dos: Basta. Magtiwala ka lang sa akin, hindi ko naman ipapahamak ang babaeng mahal ko.
Pat: Siguraduhin mo lang baka sa motel mo ako dalahin makakatikim ka sa akin ng bugbog. Hmpk!
Dos: Hindi, baliw! Mamaya na lang.
Pat: Osige na, bye.
Dos: Ba-bye, later nalang.
Napuyat ako kagabi kaya naman muli akong natulog sa aking kama. Nagset ako ng alarm sa aking cellphone, ngayon ay mas in-advance ko na nang 50mins bago ako pumasok.
Napasarap na naman ang tulog kaya late na naman ako sa school. Andami ng missed calls sa akin ni Aldrin at Von kaya madali akong nagbihis. Naligo na kasi ako kaninang umaga kaya naman nagbihis nalang ako ng uniporme at umalis.
Mabilis lang natapos ang mga subject namin dahil nag-announce lang ang mga professor ng mga grades namin sa kanila. Sa awa ng Diyos ay matataas ang nakuha kong mga grades ngayong taon, mukhang makakasali pa ako sa Dean's lister.
"Pare, tataas ng mga grades nating," sambit ni Aldrin.
"Oo nga e, mukhang kasama pa tayo sa dean's lister," tugon ni Von.
Ang patakaran kasi sa school namin ay basta walang 2.0 na grades ay pwede kang mag-apply para sa dean's lister. Puro uno ang mga grades naming tatlo kaya safe na safe.
"Kain muna kaya tayo mga pare? Libre ko," aya sa amin ni Aldrin.
Rich kid talaga ang bestfriend ko.
"Tara! Saan ba tayo kakain?" Tanong ni Von.
"Pass ako pare," tugon ko kay Aldrin.
"Pangit mo naman kabonding 'pag ganiyan," tugon ni Aldrin habang nangongonsensya pa.
"Kaya nga. Treat naman ni Aldrin e. E 'di ako bahala kung magkulang budget ni Aldrin sagot kita," pamimilit pa ni Von.
"Hindi nga pare. Wrong timing 'yung aya niyo e. Aalis kami ni Pat, nasabihan ko na siya," paliwanag ko sa dalawa.
"Next time nalang, hindi naman tayo kumpleto e," tugon ni Aldrin.
"Kaya nga, magcecelebrate nga tayo kasi kasali tayong tatlo sa dean's lister," sambit ni Von.
"Pasensya na mga pare, next time nalang ako sa sama. Sure na 'yon," tugon ko.
"Osige, i-reset nalang natin 'yung free lahat para masaya," sambit ni Aldrin habang nag-aayos ng bag.
"Sama natin mga bebe natin?" Tanong ni Von.
"Game lang naman, pero si Dos?" wika ni Aldrin.
"Ayos lang naman," tugon ko.
Hindi ko pa kasi sa kanila ipinapaalam na kami na ni Pat kahit na mg bestfriends ko pa sila.
"Sige-sige, reset na lang. Tara na, uwi na tayo," aya sa amin ni Von sa may gate.
"Sige mga pare, may motor akong dala e," wika ko.
"Sige, ingat kayo sa pupuntahan niyo ni Pat," sambit ni Aldrin at lakad palayo kasama ang girlfriend niyang si Cara.
Agad kong sinundo si Pat sa kanilang classroom, pag-akyat ko doon ay hindi pa tapos magdiscuss ang professor nila ng mga gagawin para sa paga-apply ng dean's lister.
Naghintay nalang ako doon dahil ilang minuto nalang din naman ay maglalabasan na sila.
"Pat!" Bungad ko sa kaniya bago pa ito makalabas ng pinto buhat-buhat ang bag niya.
"Aga mo, Mahal. Saan ba tayo pupunta kasi?" Curious na tanong ni Pat.
"Basta nga. Tara na!" Aya ko sa kaniya para makaalis na kami.
Hindi na ako nagsayang ng oras at dinala ko na si Pat sa lugar na sinasabi ko.
"Parang pamilyar 'tong daan na 'to, Dos. Dito papuntang bahay niyo diba?" Sambit ni Pat at tingin pa nito sa kabilang gilid.
Hindi ko siya sinagot at binilisan ko nalang ang takbo ng motor upang makarating sa pupuntahan namin.
"May kukuhain ka ba? Bakit tayo andito sa bahay niyo?" Tanong pa ni Pat.
"Tara, pasok ka," aya ko kay Pat sa loob ng bahay.
"Dito na ba 'yung pupuntahan natin? Sayang sana naibigay ko na 'yung brief pati bra na pinahiram mo sa akin," sambit ni Pat at umupo nito sa may upuan sa sala.
"Oo, dito lang. Wait, ipapakita ko sa'yo," tugon ko kay Pat at tinakpan ko ang mga mata nito ng kamay ko.
Dinala ko si Pat sa may bakuran namin sa likod ng bahay. May puno doon ng mangga at ibang halaman na nakatanim. Sa puno ng mangga ay may ginawa kami ni Papa noon na tree house, matagal na itong hindi nagagamit dahil nagkaka-edad na kami ng kapatid ko. Malawak ito at kasya ang apat na tao. May hagdan din ito na safe na safe dahil may lubid sa gilid.
Tinggal ko ang kamay ko sa pagkakatakip sa mata ni Pat at ito'y nagulat. Parang nabuhay ang pagigin bata sa loob ni Pat at dali-daling inakyat ito.
"Ang ganda, Dos! Sinong nag-ayos nito? May pa TV pa ha," sambit ni Pat.
"Ako lang, kanina ko ginawa no'ng pagkagising ko. Gusto ko kasi matuloy 'yung date nating naudlot kahapon kaya ginawa ko 'to," paliwanag ko kay Pat.
"Manuod ka muna d'yan, andiyan ang remote ng TV. Maghahanda lang ako ng kakainin natin sa kusina," paalam ko kay Pat.
"Sige, Mahal," tugon nito.
Itutuloy...