Sa lahat ng tulog na naranasan ko, ito na yata ang masasabi kong isa sa pinaka-mapayapa at pinaka-maganda sa lahat. Ang init na yumayapos sa akin ay nilalabanan ang lamig na bumabalot sa kabuuhan ng kwarto, naghahatid ng masarap na pakiramdam sa katawan ko.
Tumagilid ako ng higa at mas isinuksok pa ang sarili sa kumot para mas madama ang init na nagmumula roon, ngunit agad rin akong naalimpungatan nang may yumapos sa bewang ko at mas lalo pa akong inilapit sa mainit na bagay na iyon.
Huh? Ba’t gumalaw?
Mas lalo akong naguluhan nang maramdaman ang mainit na hanging pumapaypay sa bandang mukha ko.
Grabe na ba ang global warming kaya pati hangin sa electric fan ko ay mainit na rin?
Unti-unti kong binuksan ang aking mata at halos manigas ako sa kinahihigaan nang tumambad sa akin si Sir Mavi— walang pang-itaas, magulo ang buhok at susko po, ang gwapo sa umaga!
A-Anong— Waahhh!!!
Paano nangyaring narito ako sa kwarto niya?! Paano nangyaring magkasama kami at ang malala pa no’n, ba’t— ba’t ba siya nakahubad?!
Ganito ‘yung mga napapanood ko sa pelikula eh. ‘Yung mga galing sa bar tapos pagkagising nila may iba na silang katabi tapos nakahubad pa?!! Tapos ilang araw lang malalaman na nilang buntis sila, tapos hindi sila paninindigan noong ama ng bata, lalaki iyong bata na silang dalawa lang magkasama hanggang sa magtatagpo ulit ‘yung landas nila balang-araw, tapos—
“Enjoying the view, are we?” nagulat ako kasabay ng pagtindig ng aking balahibo nang marinig ang namamaos niyang boses. Kasunod no’n ay ang pagmulat niya ng mata na sa akin agad tumama. Agad na lumakas ang kalabog ng dibdib ko habang nakatitig sa mga mata niyang nanghihigop.
‘Susmaryosep po, Lord. . .’
Kung ganito ba naman ang makikita ko tuwing umaga parang ang sarap yatang dito palagi magising—
Marahas kong naipilig ang ulo. Sinasabi ko na nga ba’t masama ang epekto sa ‘kin ng gwapo eh.
“Done checking on me?”
“H-Ha?” nauutal kong sagot.
Nagiging marumi ang utak ko nang dahil sa kanya at ayaw ko ng mga pumapasok sa isip ko sa mga oras na ‘to.
“What now?” tinaasan niya ako ng kilay saka sumilay ang isang ngisi sa labi niya.
Para naman akong nahimasmasan kaya dali-dali akong kumawala sa braso niya at umalis ng kama. Daig ko pang tumakbo ng ilang kilometro dahil sa lalim ng paghingang ginagawa ko.
“W-Wala namang nangyari, ‘di ba?” agad na tanong ko, kinakabahan.
Pumikit siyang muli at nang magmulat ay kasabay rin no’n ang pagsilay ng isang nakalolokong ngisi sa labi niya. Marahan niyang sinuklay paatras ang magulong buhok dahilan para roon mapunta ang paningin ko pero ibinalik ko rin agad iyon sa mukha niyang iiling-iling.
“Ano? Wala naman ‘di ba?” pag-uulit ko. Hindi kasi sumasagot eh!
“Hindi mo na agad maalala?” nakangisi pa ring sagot niya.
Nagawa niya pang tumagilid at itukod ang kaliwang braso sa kanyang ulo, dahilan para makita ko kung paano nag-flex ang mga muscles niya sa kanyang bumabalandrang dibdib at braso. Natataranta kong inilihis roon ang mata papunta sa mukha niya, pilit na nilulunok ang namumuong laway.
“K-Kaya nga kita tinatanong ‘di ba? Ba’t ba ako narito sa kwarto mo?”
“That’s because you’re drunk,” sabi niya na ikinagulat ko. Hindi naman ako uminom ng alak kaya hindi ako lasing ‘no! “And you can’t walk on your own so I carried you. I thought you’re going to let me free but you didn’t. Ang higpit nga ng yakap mo sa ‘kin eh, like this.” Nanlalaki ang mata kong nakatunghay sa kanya habang nagkukwento siya at yakap ang sarili— tulad raw ng pagkakayakap ko sa kanya.
“H-Hoy! Ba’t ko naman gagawin ‘yon? Saka bakit dito mo ako dinala eh may kwarto naman ako sa baba?”
Umingos siya sabay taas ng kilay.
“Do you expect me to sleep on your small bed? Besides, I don’t like masikip— well, depends on what is it but do I have to adjust for you when you already disturbed my supposed to be peaceful night? Also given by the fact that it’s my birthday?”
Natutop ko ang bibig sa mga pinagsasabi niya.
“Eh, ba’t ka ba kasi nakahubad? Ang aga-aga sa ‘yo nakaganyan ka,” sabi ko, pilit na tinatakpan ang kahihiyang nararamdaman.
Sa hindi ko malaman kung pang-ilang beses na ay ngumisi na naman siya. Ba’t ba siya ganyan? Ilang beses ko na ba siyang nakitang ngumisi pero para pa ring bago iyon sa paningin ko at aaminin kong habang tumatagal ay lalo siyang gumagwapo sa mga mata ko. Bumabagay ‘yon sa mukha niya at hindi ko nagugustuhan ang ginagawang pagkalabog ng dibdib ko dahil roon.
“Have you forgotten already? You did it yourself . . .” ang nanlalaki kong mata ay may mas ilalaki pa pala dahil sa mga salitang binitawan na naman niya.
“A-Anong— Hoy, imbento ka na ha! Hindi ko magagawa ‘yan . . .”
“Ahuh.”
Tatangu-tango siya na para bang napipilitan lang maniwala sa akin.
Maya-maya ay itinuro niya ang katawan ko. Dahan-dahan akong nagbaba ng paningin roon at agad na napapikit sa inis nang makilalang hindi ko damit ang suot-suot ngayon! Bra lang ang meron ako sa loob kaya saan napunta ang damit ko?!
“See this?” napamulat ako at nakita siyang hawak-hawak ang t-shirt ko!
Tuluyan na yatang naiwang nakanganga ang bibig ko sa sobrang pagkagulantang at pagkapahiya!
Tama na! Sobra na!
Akmang magsasalita pa siya nang agad kong hablutin ang damit ko at kumaripas ng takbo palabas ng kwarto niya.
“Hey! What about my shirt?!” rinig kong pahabol niya pero hindi ko na iyon inintindi pa. Ang importante ay ang makalabas ako rito ng buhay! Pakiramdam ko ay parang bomba ang mukha ko na sa sobrang init at pula ay sasabog na anumang oras.
Hinihingal akong bumaba at pagkapasok ng kwarto ay agad kong nahipo ang noo habang pilit na pinakakalma ang sarili.
“Ano na naman ‘tong ginawa mo, Ida?! Kailangan talaga kada araw may bagong record ka gurl? Nakakahiya ka na!”
Ilang minuto ko pang pinagalitan ang sarili saka sandaling nagpahinga. Matapos no’n ay tuluyan na akong naligo. Baka sa pamamagitan noon ay mabawasan ang pag-iinit ng mukha ko.
Gulo pa rin ang isip nang lumabas ako para magluto ng agahan. Nakasalubong ko pa sina Sir River, Vander, at Odin na mukhang aalis dahil sa mga porma nila.
“Are you okay now, Ida?”
Napakunot ang noo ko sa tanong ni Sir River samantalang matiim lang na nakatitig ang dalawa.
“Opo naman sir. Bakit po?”
Umiling lang siya saka ginulo ang buhok ko.
“Nothing. Aalis na kami. We’re just going to run some errands.”
Ngumiti pa sila Sir Vander at Odin bago nagpaalam at tuluyang umalis na. Ni hindi man lang hinintay ang niluluto kong pancit bihon.
Nang makaalis ay siya namang pagbaba ni Sir Ramses. Mukhang wala siyang lakad ngayon dahil nakasuot lang siya ng pambahay.
“Agahan po, sir?”
Ilang segundo pang nakatitig sa akin ang seryoso niyang mata bago nagsalita.
“How are you?”
Sandaling napaawang ang bibig ko habang nakakunot ang noo. Anong nangyayari sa mag-kambal na ‘to? Parang sila yata ang hindi okay eh . . .
Matanong nga mamaya si Nash.
“Okay lang naman po . . . may nangyari po ba kagabi?”
Nalilito na talaga ako sa mga pagtatanong na ginagawa nila. Kung alam ko lang ang number ni Nash ay kanina ko pa siya tinawagan at tinadtad ng tanong.
Bumuntong-hininga siya.
“Just don’t trust anyone you barely know. You’ll just put yourself in danger.”
Matapos sabihin iyon ay nakapamulsa siyang nilagpasan ako.
Nagtatakang napasunod ako ng tingin sa kanya na abala na sa pagtitimpla ng kape sa sulok. Tahimik lamang siya roon katulad ng nakasanayan at nang matapos ay lumabas na rin siya habang naiwan ako rito, pilit na inaalala kung anong klaseng danger ba ang sinasabi niya.
At parang eksena sa pelikula, isa-isang nagsiragasaan sa utak ko ang mga pangyayaring hindi man gano’n kalinaw ay sapat na para magka-ideya ako.
“Ohmaygad!” napatakip ako sa sariling bibig. Kung ‘yung ayos ko kanina ang pagbabasehan, hindi kaya . . . “Hindi kaya si Sir Mavi ‘yung naghubad ng damit ko at ibinintang niya lang sa ‘kin ‘yung ginawa niya?!”
Grabe ha!
“Just bring my food in the music room.”
Nagulat ako sa biglaang pagpasok ni Sir Ramses!
“O-Opo, sir.”
“And pakigising na rin si Mavi so he could have his breakfast.”
Akmang aatras pa ako sa utos ni sir nang layasan niya na ako.
“Pambihira naman oh! Bakit ako pa ang kailangan gumising do’n eh nagagawa niya naman ‘yon nang siya lang?” kakamot-kamot sa ulong tanong ko sa sarili.
‘Trabaho mo ‘yan, baliw!’
Napangiwi ako sa isinigaw ng utak ko. At bago pa ako tuluyang mabungangaan nito ay inasikaso ko na ang pagkaing pinadadala ni Sir Ramses.
Pagpunta roon ay naabutan ko si sir na nagwo-work out. May pasak ang tenga niya pero nakita niya naman ako kaya isinenyas ko na lang ang sadya ko roon saka na ako umalis para gisingin ‘yung isa.
Napahinto ako sa paglalakad nang may maalala.
“Alam kaya nina sir na doon ako nakatulog sa kwarto ni Sir Mavi?”
Sana lang ay hindi. Ano na lang ang iisipin nila? Na porque nagiging mabait sila sa akin ngayon ay aabusuhin ko na?
Bumuga ako ng hangin saka ipinagpatuloy ang paglalakad.
Iiling-iling ako habang papalapit sa kwarto niya. Akmang kakatok na ako nang makitang bukas iyon. Marahan akong tumikhim bago iyon mahinang kinatok saka binuksan.
“Sir? Sir, gising na po ba kayo?” baka naman tulog pa Ida dahil walang sumasagot ano? Tss. “Sir?” muling pagtawag ko. “Sir—“
“Are you going to return my shirt now?” nagugulat akong napasapo sa dibdib.
“Ba’t ka ba nanggugulat?!” asik ko sa kanya.
“So polite,” may bahid ng sarkasmo na sabi niya bago umalis sa harap ko.
Nagtungo siya sa harap ng malaki niyang salamin at doon inayos ang sarili. Mukhang bagong ligo siya dahil umaalingasaw ang bango niya sa kabuuhan ng kwarto na kahit ilang metro ang distansya namin ay nagagawa noong umabot sa puwesto ko.
Napalabi ako.
“Why are you here?” tanong niya, hindi tumitingin sa akin.
“Pinapagising po kayo ni Sir Ramses. Kumain na rin daw po kayo ng agahan, sir.”
Nakatayo lang ako sa may gilid ng pinto habang siya naman ay abala pa rin sa pag-aayos. Akala mo naman kung anong aayusin eh kahit nga siguro magsuot siya ng basahan ay gwapo pa rin siya— ano ka ba naman Ida!
Para akong baliw na ipinipilig-pilig ang ulo rito sa sulok. Napatigil lang ako nang mapansing nakatingin siya sa akin, naniningkit ang kilay bago ako inismiran.
“Eh ano pang kailangan mo? Why are you still here?”
Agad akong natauhan at tago ang ngiwi na lumabas ng kwarto niya, ngunit hindi pa man ako tuluyang nakakalayo ay naabutan niya na ako sa paglalakad. Marahan kong binilisan ang mga paghakbang para hindi kami magkasabay pero agad niya rin akong naabutan, tila nahalata ang aking ginagawa. Magkapantay kami ngunit may ilang distansya sa pagitan namin. Pinaglalaruan ko lang ang magkasalikop kong kamay sa aking likod habang siya naman ay nakapamulsa sa gilid ko.
Ilang sandaling namayani ang katahimikan habang pababa kami nang basagin niya iyon.
“How’s your sleep?”
“Maganda nama—“
Hindi ko naituloy ang sasabihin nang mapagtantong sa kanya ako gumising kanina. Pero mukhang nakuha niya na ang ideya ng sinabi ko kaya ganoon na lamang ang pagngisi niya. Punyemas ka Ida!
“Of course. How could you not when I’m the one who’s beside you? You won’t hug me that tight kung hindi, right?” kumindat siya at heto na naman ang pagkalabog ng dibdib ko.
Ba’t ba nagiging ganito ang lalaking ‘to? Minsan masungit pero mas madalas pa rin na may sapak sa ulo. Sala sa lamig, sala sa init lang ang peg?
“Ewan ko sa ‘yo.”
Naiiling akong pumasok ng kusina habang nakasunod pa rin siya. Sa counter siya dumiretso saka ako pinanood na kunan siya ng pagkain at ilagay iyon sa harap niya.
“What’s this?” kunot ang noo niya nang tumingin sa akin saka iyon muling inihulog sa platong nasa harap niya. Nakatingin siya roon na para bang ngayon lang siya nakakita no’n.
Napabuntong-hininga na lang ako. Mayayaman talaga.
“Pancit guisado po ang tawag riyan, sir. ‘Yan ang paborito kong pagkain. Pwedeng agahan, tanghalian, dinner o kaya meryenda. Ewan na lang kung hindi pa humaba buhay niyo riyan sir. Masarap ‘yan lalo na kapag may kalamansing kapares. Ay teka lang,” sandali ko siyang tinalikuran saka kumuha ng kalamansi sa ref. Ako na mismo ang naglagay ng kalamansi roon saka inalisan ng mga buto. “Hayan. Masarap ‘yan dahil ako ang nagluto,” nakangiti kong sabi bago muling inilapit ang plato sa kanya. “At saka . . . Happy birthday, sir!”
Nakatingin lang siya sa akin. Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha niya habang ako ay nakangiti lang. Ilang segundo iyong nagtagal bago niya ibinaba sa pagkain at nag-umpisang haluin ang nasa harap. Nang tikman ay mabagal lang ang naging pagnguya niya.
“Anong lasa, sir?”
Matagal bago siya sumagot.
“Pwede na.”
Nawala ang ngiti ko sa sagot niya. Hindi iyon ang inaasahan ko lalo na’t alam kong masarap ‘yan.
“Iyon lang? Wala na kayong idadagdag pa?”
Tinaasan niya ako ng kilay.
“Pwede na,” kinagat niya ang labi na parang nagpipigil ng ngisi. “Pwede nang pagtiyagaan.”
Mas lalo lang sumama ang mukha ko saka tumabi sa gilid niya.
“Patikim nga,” inagaw ko sa kanya ang hawak na tinidor at tinikman ang pancit na niluto ko, saka siya sinamaan ng tingin. “Masarap naman ah. Alam mo sir, kailangan mo nang magpa-check up at nawawalan ka na ng lasa. Delikado na ‘yan at baka may sakit ka na.”
Nakaawang ang labi niya habang nakataas ang dalawang kilay, tila hindi makapaniwala sa mga sinabi ko. Sinamaan niya pa ako ng tingin bago nagpatuloy sa pagkain kaya hindi ko na rin napigilan ang mapa-irap. Tinalikuran ko siya para kumuha ng maiinom niya at nang makabalik ay pabagsak kong inilapag ang baso.
“Nagwawala ka ba?”
“Ay hindi po sir.”
Ginawaran ko siya ng matamis na ngiti kahit gustung-gusto ko na siyang kurutin. Pamanang recipe pa ‘yan sa akin ni nanay tapos sasabihin niya lang na ‘pwede na’?!
“Pasensya naman po at ‘yan lang ang pagkain natin dahil ubos na po kasi ‘yung ginrocery ko noong nakaraan at kaunti na lang po ang stocks sa ref at pantry.”
Iiling-iling lang siyang nagpatuloy sa pagkain. Kauupo ko pa lang sa harap niya nang saktong tumunog ang tiyan ko. Ngayon ko lang naalala na hindi pala ako nakapagluto kanina ng agahan ko.
Hilaw akong ngumiti.
“Sorry po sir, hehe,” sabi ko na nagawa pang mag-peace sign sa kanya.
Nginiwian niya ako na animong nandidiri saka iiling-iling na tumayo. Akala ko ay lalayasan niya na ako kaya’t ganoon na lamang ang gulat ko nang kumuha siya ng isa pang plato, nilagyan ‘yon ng pagkain saka nilapag sa harap ko.
“Now eat.”
Bumalik siya sa pagkakaupo sa harap ko at pinagpatuloy ang kanyang kinakain. Hindi ko alam kung ilang segundo na akong nakatitig sa kanya.
Ano bang nangyayari sa mundo? Parang noong isang linggo lang ang sungit niya ah? Tapos kanina, gano’n rin. Medyo okay pero madalas kasi siyang may topak eh. Nakakatakot ‘yong mga ganito, sa totoo lang. Pakiramdam ko tuloy ay mamamatay na siya dahil sa pagiging mabait niya.
Napakurap ako nang mag-angat siya ng tingin sa ‘kin, kasunod ay ang pagtaas rin ng kilay niya.
“Ano pang ginagawa mo? Eat now. Hindi iyang pagkain ang lalapit sa bibig mo.”
Itinago ko ang ngiwi saka na nagsimulang kumain habang patuloy pa rin ang isip sa pagtataka sa inasta niya.
Nanatili lamang kaming tahimik habang kumakain. Gusto ko sanang magtanong sa kanya tungkol sa kung anong nangyari kagabi pero naiisip ko pa lang ang tanong na iyon ay dumurumi na agad ang utak ko.
‘Ano ba kasing iniisip mo, Ida, ha?’
Natapos kami nang walang imikan. Kinausap niya lang ako para sabihang samahan siya sa mall kaya’t heto, pagkatapos magbihis ay narito ako sa front seat ng kanyang kotse habang siya naman ay tahimik lang na nagmamaneho.
‘Ano ba ‘yan ang tahimik naman! Kung si Sir Vander ‘to baka ang dami na naming napagkwentuhan. Mapapanis lang ang laway ko nito eh.’
Maitulog na nga lang.
Sumandal ako sa upuan at itinuon ang bigat roon. Akmang pipikit na ako nang magsalita niya.
“Don’t you dare drool on my car.”
Maang akong napabaling sa kanya na nasa daan pa rin ang mata. Aba’t!
“Hoy sir hindi ako naglalaway ah. Grabe na ‘yang fake news niyo kaninang umaga pa ‘yan.”
“Tss. Kaya pala you’re drooling over my chest last night.”
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya at agad na umalma. May balak ba siyang dagdagan ang mga kahihiyan ko?!
“Puro na kayo imbento sir ha, naku! Sinasabi ko sa inyo! Hindi na ako magtataka kung lahat ng mga sinabi mo kanina walang katotohanan.”
“Like what?” nanghahamong tanong niya.
“Like ‘yung— ‘yung hugging you so tight, ‘yung sinabi mo pang I did it myself tapos ngayon naman ‘yang drooling drooling na sinasabi niyo, naku pow sir! So hard to believe. I know myself that’s why— that’s why I know I-I don’t . . . naintindihan niyo ba ‘yung English ko sir?” nakangiwing tanong ko.
Natatawa siyang nailing. Napanguso ako.
“But you’re good. At least you tried,” agad niyang bawi, tumatangu-tango pa.
“Pampalubag loob ba ‘yan, sir?”
“No, it’s not,” sandali siyang bumaling sa akin bago iyon ibalik sa daan. “There’s nothing wrong if you can’t speak English that well. You can learn it anyway and it’s not the basis of someone’s intelligence.”
“Weh?”
“Well, if you don’t want to believe me, then don’t. Just easy as that,” kumibit-balikat siya.
Napangiwi ako.
“Ang dali mo namang sumuko agad, sir. Siguro hindi humahaba usapan niyo ng ka-chat mo ‘no? mag-‘we-weh’ pa sana ako eh.
Wala siyang naging tugon roon at parang ang daling mapagod dahil balik na naman siya sa pagiging tahimik at seryoso.
Tumingin na lang ako sa labas ng bintana para malibang ang sarili. Pumikit ako at inihilig ang dalawang kamay roon saka ipinatong ang aking baba. Buti na lang at bukas ang bintana kaya’t nakakalanghap ako ng hangin. Mabahong hangin. Charot! Hindi ko kasi kayang tagalan ang kulob ng aircon sa sasakyan dahil nasusuka at nahihilo ako.
Nagmulat lang ako ng mata nang maramdamang huminto na ang sinasakyan namin sa harap ng isang malaking mall. Magkasabay kaming bumaba dahil siyempre, hindi naman niya ako pagbubuksan. ‘Yan pa ba?
Pagkapasok ay dumiretso siya sa grocery store at kumuha ng malaking pushcart. Ako naman ay nakasunod lang sa kanya at pinanonood siyang dumaan sa may meat section. Matapos noon ay lumipat na naman siya sa ibang hilera ng paninda. Halos pinagtitinginan siya ng ibang kababaihan dito pero parang wala lang iyon sa kanya at hindi man lang niya tapunan ng pansin.
Ako naman ay patingin-tingin lang ng mga paninda roon pero pagkatapos makita ang nagmamahalang mga presyo ay ibinabalik ko rin kaagad sa lalagyan. Napabaling ako kay sir nang may damputin siyang kung ano pero agad niya rin iyong binalik. Napakunot ang noo ko nang lumipat na naman siya at parang hindi nahahanap kung anuman ang bagay na ‘yon. Akmang itutulak niya na naman ang pushcart paalis nang pigilin ko na siya.
“T-Teka lang— teka lang po sir ha? Pero saan po ba talaga kayo pupunta? Ano po ba talagang hahanapin natin dito kasi kanina pa po ako nahihilo kapapanood sa inyo eh.”
Bagot niya akong tinignan.
“Well, I’m just waiting for you to pick something and put it here.”
Maang naman akong napatitig sa kanya saka itinuro ang sarili.
“Ako? Bakit po ako? Eh ‘di ba kayo ‘yung nag-ayang pumunta rito? Malay ko bang kailangan pa pala ‘yung opinyon ko sa bibilhin niyo . . .”
“Of course! You’re the one buying groceries in the house!”
“Ah . . . Eh ba’t naman po kasi hindi kayo nagsasabi ano ba naman ‘yan? Kalahating oras na tayo rito wala man lang nailagay maski isa,” eksaheradang sagot ko. Maggo-grocery pala ni hindi man lang nagsasabi.
“Blame yourself, not me,” mataray niyang sagot bago nagpaumunang umalis.
Napaismid ako.
“Kita mo ‘yon. Kung maka-iwan akala mo naman alam kung anong kailangang bilhin . . .” iiling-iling pa ako bago sumunod sa kanya.
Matapos kunin ang mga kailangan ay natapos rin kami. Inabot na kami ng tanghali kaya naman gutom na gutom na ako.
Akmang magbabayad na kami nang magsalita siya.
“Did you buy those thin and long wiggly things again?” sinipat-sipat niya pa ang mga pinamili namin habang sinasabi iyon.
Napakunot ang noo ko.
“Anong wiggly wiggly?”
“That thing you made me ate earlier for breakfast.”
Napaawang ang bibig ko dahil sa napagtanto saka siya pinanliitan ng mata.
“What’s with that look? Stop that,” pananaway niya sa ‘kin dahilan para matawa ako.
“Ikaw sir ha, kunwari pang hindi nasarapan kanina tapos ngayon hinahanap-hanap mo na,” pang-aasar ko. “Bakit kasi hindi mo na lang aminin na masarap talaga ‘yung niluto ko? Naku!”
“Stop that if you don’t want to get fired. Go back there and find that thing,” asik niya. Asar-talo eh. “You’re going to teach me how to cook that dish so go and come back here immediately.”
Nanlaki ang mata ko kasabay ng pag-usbong ng excitement sa gagawin kong pagturo kaya naman binilisan ko na ang pagbalik roon. Marami-raming pack ang kinuha ko. Kumuha na rin ako ng mga sangkap at pagbalik ay naabutan siyang nagbabayad na. Nang makalabas kami ay nag-order lang siya ng pagkain saka na kami bumalik sa sasakyan para umuwi.
“So, what’s the first step?” tanong niya at gusto kong matawa sa suot niyang yellow apron na may smiley sunflower design sa gitna. Gabing-gabi na pero heto kami at abala sa kusina.
Mula sa mga sangkap sa counter top ay nag-angat siya ng tingin sa akin at kumunot ang noo.
“What are you laughing at?”
Kagat-labi akong umiling.
“Ang cute lang po ng apron niyo.”
Tinignan niya ako ng masama kaya pasimple akong nag-iwas ng tingin at tumikhim.
“So, ang uunahin natin ay hugasan at hiwain ang mga sangkap.”
“Tss.” Iiling-iling siya.
Ibinigay ko sa kanya ang mga dapat hugasan at pagkatapos ay ako na ang nagbalat at naghiwa no’n. Naluluha pa ako habang naghihiwa ng sibuyas kaya naman papunas-punas ako ng mata at pasinghot-singhot.
“Open your mouth,” nanghahapdi ang mata na bumaling ako sa kanya, ni hindi ko nga maimulat ng maayos.
“Ha?”
“Open your mouth.”
Ginawa ko ang sinabi niya at natigilan ako nang pasakan niya ng isang slice bread ang bibig ko. Hindi niya iyon ipinasok ng buo at tanging gilid lang ng tinapay.
“Hold it with your lips. It’ll help,” sabi niya.
Pinagpatuloy ko ang paghihiwa habang kagat pa rin iyon at tumango-tango ako sa kanya nang gumana nga ito.
Matapos ay inalis ko na iyon at kinain kaya naman nandidiri siyang tumingin sa akin.
“Sayang kaya ng tinapay,” pag-rarason ko.
“Yeah, yeah, whatever. Just continue.”
Matapos mahiwa ang lahat ng sangkap ay isinalang ko na ang kawali tapos ay binigay sa kanya ang wooden spatula.
“What would I do with this?”
Imbes na sagutin ay inilagay ko na sa mainit na kawali ang mantika.
“Hey—“
“Ilagay niyo po ito sir riyan,” inabot ko sa kanya ang hiwang sibuyas.
“Like this?”
“Yes sir, like this,” sagot ko.
Pinanood ko kung paano niya haluin ang ginigisa.
“I thought it should be garlic first?”
Kunot-noong tanong niya matapos kong isunod ang bawang sa kanya.
“Kung amoy ang pagbabasehan, oo. Pero kasi madaling maluto ang bawang at nasusunog agad kaya inuuna ko ang sibuyas. At maapektuhan ang niluluto kapag sa sibuyas at bawang pa lang ay pumalpak na tayo.”
Matapos maluto ang dalawa ay sinunod ko na ang iba pang sangkap habang siya naman ang hinayaan kong maghalo.
Pareho kaming tahimik at nakakailang pa sa tuwing titignan namin ang isa’t-isa ay nagkakasalubong ang aming mga mata saka kami sabay na mag-iiwas.
Ano ba ‘yan?
Tumikhim ako para mabawasan ang ilang na nararamdaman hanggang sa maya-maya ay siya na ang bumasag ng katahimikang ‘yon. Lihim akong napangiti.
“You seem very experience with this kind of thing. Are you always the one cooking at your house?”
Napatingin ako sa kanya.
“Hindi naman sa ako palagi, pero wala naman kasi akong aasahan sa ate ko kaya ako na lang ang tumutulong kay nanay. Saka isa pa, nagtrabaho ako sa karinderya ro’n sa amin kaya natutunan ko ring lutuin ‘yong mga tinitinda namin roon.”
“How about your dad? Where is he? I haven’t heard you mentioning him yet.”
Tipid akong ngumiti.
“Wala na si tatay. Namatay siya noong maliit pa ako kaya naman hindi ko na masyadong kabisado ang mukha niya . . .” kuwento ko habang naghahalo.
“That’s why you didn’t continue your study?”
“Hindi naman. Sadyang bata pa lang ako, mulat na ako sa kahirapan namin. Balak ko nga sanang tumigil ng pag-aaral pagka-graduate ko ng elementary eh para makatulong kaso hindi pumayag si nanay. Sino nga namang tatanggap sa akin eh wala naman akong kaalam-alam. Pero nang nagtapos ako ng high school ay wala na rin siyang nagawa. Kung anu-anong part time ang pinasukan ko noon para kahit papaano ay makatulong sa mga gastusin namin sa bahay.”
“Was it hard?”
Napatingin ako sa kanya at naabutan siyang nakatitig sa akin. Ilang segundo pang nagtagal ang mata ko sa kanya bago ako tumango.
“Oo naman po sir. Lalo na kapag ang sasama ng ugali at hirap pakisamahan ng mga taong nasa paligid mo, naku! ‘Yung tipong kung hindi lang kasalanan ang manakit, baka nasaktan mo na, alam mo ‘yun? Pero siyempre, kahit na gano’n, hindi ko magawang sumuko. Lalo na kapag pamilya ang inspirasyon ko para magpatuloy, walang hindi kakayanin.” Nagmamalaki kong sagot, may ngiti pa sa labi.
“What about your sister? Is she working too?”
Agad akong napangiwi.
“Hay naku. PAL ‘yun, sir.”
“PAL? Philippine Airlines? Is she a flight attendant there?” sunud-sunod niyang tanong dahilan para bahagya akong matawa sabay iling.
“PAL, as in palamunin sir! Pero kahit gano’n ‘yun, mahal na mahal ko ‘yun, lalo na ang mga cute na cute kong pamangkin.”
Napangiti ako sa kawalan matapos silang maalala. Grabe, nakaka-miss rin pala ang pagbubunganga ni ate.
“There, there. Let’s eat now. You’re getting creepy smiling like that,” iiling-iling siyang hinawi ako sa daraanan niya at siya nang kumuha ng kawali saka dinala sa countertop.
Nakanguso ko siyang pinanood pero kalaunan ay napangiti rin sa ginagawa niyang pag-asikaso roon. Nakabusangot pero kung gumalaw ay akala mo binibining mahinhin.
Mahina akong natawa.
“Cute . . .”