Chapter 1
“Miranda! Pumunta ka nga ng tindahan ni Aling Rosario at bumili ka ng gatas! Tatlo ang bilhin mo!” rinig kong sigaw ni Ate Monette mula sa sala. “Ipagtimpla mo na rin si Adrian ng dede niya pagkatapos.”
Napabusangot ako habang nakatitig sa kisame ng kwarto namin matapos marinig ang mga utos niya. “Ate, alam mo namang daig ko pa si Kathryn Bernardo sa kasikatan sa labas hindi ba?!” naiinis na sagot ko.
“Aba’y kung hindi ka ba naman kasi kalahating tanga at kalahating malandi?! Kasalanan mo rin at ‘yan ang napala mo! Sinabihan na kitang magbantay na lang sa mga anak ko hindi ba? Pero anong inuna mo, iyang kalandian mo! Tapos ngayon iiyak-iyak at magmumukmok ka? Pasisikatin mo na lang rin ang pamilya natin, sa scandal mo pa! Pati kami nadadamay nang dahil riyan sa kalokohan niyo ng kaibigan mo! Kelan ka ba magkakaroon ng kwenta? Puro na lang kahihiyan ang dala mo!”
Agad na nanubig ang mata ko sa sinabi niyang ‘yon. Kaunti lang ang sinabi ko pero ang dami na ng ganti niya. Masasakit pa. Grabe s’ya ah.
Isang linggo na ang nakararaan pero imbes na mamatay ang isyung ‘yon ay mas lalo lamang iyong kumalat na parang apoy. Na kahit anong saboy ko ng tubig ay uusok lamang iyon sandali pero pagkatapos ay aapoy na naman ulit. Ang tagal maapula. Nabura ko naman na sana ‘yung video, kaso mas marami lang talaga ang nagpakalat.
“Ano na?! Kilos-kilos din ‘pag may time!”
Marahan kong pinunasan ang luhang namumuo sa mga mata ko saka bumangon mula sa kinahihigaan. Kahit na sa tabing-bahay lang ang tindahan nina Eva ay minabuti ko pa ring magsuot ng sombrero. Nilugay ko ang kulay tsokolate at abot-dibdib kong buhok saka isinuot ang itim na shades na napulot ko lang sa karinderya ni Aling Yrma, may nakaiwan siguro. Tinignan ko muna ang ayos sa salamin saka sinuot ang malaki at itim na hoodie jacket ko bago tuluyang lumabas ng kwarto. Sa sala ay nadatnan ko si ate na prente lang na nakaupo at nanonood ng t.v. habang may kaharutan sa cellphone niya.
Paano niya nagagawang pagsabayin ‘yun? Tapos ako pa ‘tong malandi?
Inangatan niya ako ng kilay bago sinipat ng tingin ang kabuuhan ko. Hindi ko alam kung anong katawa-tawa para ngisihan niya ako, pero imbes na pansinin ay inilahad ko na lamang ang kamay sa kanya dahilan para ilayo niya ang cellphone sa kanyang tenga.
“Ano?!” mahina ngunit naiinis niyang asik sa akin na akala mo’y naistorbo siya sa mahalagang ginagawa niya.
“Nasaan ‘yong pambili ng gatas, ate?”
[“Milk? Milk for whom?”] rinig kong tinig ng kausap niya sa kabilang linya.
Agad akong pinanlakihan ng mata ni ate at saka alanganing ngumiti na akala mo ay nasa harap lang ang kausap niya. “No, no. It’s por my sester. She is like baby damulag na but still wants my breastmilk— este milk. Hehe.”
Kung nandito lang ang kaibigan kong si Eva, paniguradong itatama niya ‘yang mga pinagsasasabi ni ate. Pero alam kong kagaya ko, nagtatago rin ‘yun na parang kriminal at nagbabagong-anyo na parang aswang nang hindi agad makilala.
‘Pa-prank prank pa kasi eh!’
Sinamaan niya ako ng tingin at sinenyasan na umalis sa harap niya kaya naman alam ko na ang mangyayari— na palagi namang nangyayari.
Bagot akong naglakad pabalik ng kwarto at mula sa pitaka ay humugot ako ng isangdaan. Halos kaunti na lang ang natitira sa perang ibinigay ni Aling Yrma para sa pagtatrabaho ko sa karinderya niya noong nakaraan at hindi na ‘yun nadaragdagan pa dahil nahihiya akong lumabas at magpakita sa tao.
Wala naman sana akong hiya eh, pero dahil pati pamilya ko ay nadadamay na, umatras na rin siguro ‘yung kapal ng mukha na iminamaskara ko palagi sa aking sarili.
Ikaw ba naman ang pag-usapan halos araw-araw at oras-oras, hindi ka ba mahihiya? Ni hindi ko nga alam kung paano nahaharap ni nanay ang mga tsismosa naming kapit-bahay eh. Sigurado akong kung anu-ano nang bersyon ng kwento ang naririnig niya.
Ibinalik ko sa drawer ang pitaka ko at saka na dumiretso palabas pero bago pa man makalabas ng pinto ay ilang pagsilip muna ang ginawa ko, tinitignan kung may meeting ba ang mga tsismosa sa labas ng bahay namin. Umaga pa naman, at ‘yon ang pinaka-paborito nilang oras para mag-tipun-tipon. Buti na lang at wala.
Nakayuko at mabibilis ang hakbang kong naglakad patungong tindahan nila Eva. Laking pasasalamat ko na lang na wala masyadong tambay bukod sa mga nakahubong bata na nagtatakbuhan sa gitna ng daan. Hindi naman kasi ‘to high-way dahil ilang maliliit na sasakyan lang ang kasya sa loob.
Agad akong kumatok nang makarating sa tindahan nila Eva, pero bago pa man dumating ang nanay niyang si Aling Rosario ay napayuko na agad ako nang makitang may katabi na akong lalaking kostumer.
‘Ano ba ‘yan? Ba’t naman kasi ang tagal ni Aling Rosario!’
“Ida? Ida, ikaw ba ‘yan?” tanong nito. Kilala ko ‘to at kilala niya ako kaya mas lalong ayokong iangat ang ulo ko at pilit na itinatakip ang mahabang buhok sa mukha. “HOY!”
“AY PUNYETANG BUTIKI!!” halos mapatalon ako sa gulat nang malakas niya akong sigawan sa tenga. Pakiramdam ko’y may nabasag sa loob at ilang segundo akong nabingi. Tinanggal ko ang suot na shades at agad siyang sinamaan ng tingin. “Napakawalang-hiya mo talaga Clinton, ‘no?” at tatawa-tawa pa siya ah?
“Eh bakit ba kasi ganyan ang ayos mo eh ang init-init ng panahon?” pangisi-ngising tanong niya sabay hagod sa buhok niya habang pinapasadahan ng tingin ang kabuuhan ko.
“Pakialam mo ba?”
“Ah. Dahil ‘to du’n sa scandal mo ‘no?” kyuryosong tanong niya. Ito talagang si Clinton, kahit kalalaking tao umaandar ang pagiging tsismoso eh.
“Pwede ba? Hindi sa aking scandal ‘yun ‘no? Ako ba ang pinatungan ha? Ako ba ang nandu’n sa kama? Ako ba ang nakabukaka? Kung maka-scandal kayo akala niyo naman ako ‘yung bida du’n. Psh.” Naiinis na sagot ko.
Totoo naman eh! Bakit ba kasi nila sa akin sinisisi? At saka, bakit ba ako ang dapat na magtago eh hindi naman ako ‘yung nando’n. Hindi man lang ba nila inisip na ako ‘yung niloko? Na ako ‘yung pinagpalit? Kainis ng mga ‘to ah. Ang sarap ipagbabalibag!
Buti na lang at dumating na rin si Aling Rosario. Napagsabihan niya na rin ako noong nakaraan kaya naman kaunti na lang ang narinig ko sa kanya ngayon. Si Eva naman ay paminsan-minsan ko lang rin nakakausap dahil bukod sa pag-aaral ay hindi rin siya masyadong nakakalabas. Kasi nga ‘di ba, nando’n rin siya sa video.
Pagkatapos ipagtimpla ng gatas ang mga pamangkin ko ay nag-umpisa na rin akong maglinis. Nandito si Ate Monette at hindi rin ako makakapagmuni-muni ng tahimik sa kwarto dahil hindi ako tatantanan ng mga utos niyang dinaig pa si Lord sa dami, kaya bago pa siya mag-utos ay mas mabuting ako na ang magkusa.
Inabala ko ang aking umaga sa mga gawaing-bahay, sabayan pa ng pagbabantay sa mga pamangkin ko dahil ang magaling nilang nanay ay hayun na naman at abala na naman sa mga kausap niya. Sa loob ng isang araw ay halos hindi mabilang ang kausap niyan. Hindi na ako magtataka kung bakit palaging nauubos ang pera niyan dahil halos kalahati ay napupunta sa pagpapa-load.
“I . . . da,” napatingin ako kay baby Adrian na inaabot sa akin ang dede niyang wala ng laman, mukhang nanghihingi pa. Si Aya naman na tatlong taong gulang at siyang panganay ay abala sa paglalaro ng mga lutu-lutuan niya. Inayos ko sandali ang pagkakatali ng buhok at saka kinuha ang tsupon kay Adrian nang maitabi ko na.
“Adrian, ‘di ba sabi ko sa’yo mama ang itatawag mo sa’kin?” pang-uuto ko sa bata saka ito kinarga.
“I . . . da,” pag-uulit niya.
“Ma . . . ma. Mama. Sabihin mo mama, dali baby.” Pag-uudyok ko rito pero talagang Ida ang tawag niya sa akin. Napangiwi na lang ako. Ano ba ‘yan? Pati mga pamangkin ko hindi ako ginagalang. Psh.
Eksaktong tanghali nang makauwi si nanay at mabuti na lang ay may dala na siyang ulam kaya agad rin kaming nakapag-tanghalian. Pero ang pagkabusog ng tiyan ay parang bigla ring naging kabag nang makarinig kami ng mga pagsigaw sa labas ng bahay.
“Ida! Ida, lumabas ka d’yan!”
Nanlalaki ang mga matang napatingin ako sa labas.
Patay! Si Jake! Anong ginagawa niya rito?
Magtatago pa lang sana ako nang maunahan na ako ng kilay ni ate at sumesenyas na labasin ko si Jake roon. Napabuntong-hininga na lang ako at saka dahan-dahang tumayo para puntahan si Jake sa labas. Tatayo pa lang sana si nanay nang agad ko na ring pinigil. Baka tumaas lang ang presyon ni nanay kapag hinarap niya ang lalaking ‘yun eh. Mahirap na.
Pagkalabas ay hindi na ako nagtaka nang madatnan ang galit na mukha ni Jake at ang mga tsisimosang nagbubulungan sa likod niya. Sa lakas ba naman ng sigaw niya at halos magkakadikit na mga bahay ay malamang hindi lang kami ang makakarinig.
Nakasuot siya ng itim na hoodie at naka-pulang short. Naka-tsinelas lang siya at mukhang naglakad papunta rito dahil may mga bahid pa ng lupa sa kanyang paa.
“What the f**k is that video?!” pigil ang boses niyang sigawan ako pero sa mata pa lang ay agad na malalamang nanggagalaiti siya sa galit kaya hindi ko maiwasang kabahan. “Talagang hanggang ngayon hindi mo pa rin inaalis? Gusto mo ba talaga akong mapahiya, ha?! Talagang pinagkakalat mo pa!” Ngayon ko lang siya nakitang ganito, at ngayon lang rin ulit kami nagkita matapos ang insidenteng ‘yon. Pati ‘yang mala-pasas niyang nunal sa gilid ng kanyang ilong ay ngayon na naman lang nagpakita sa akin at nakakatakot ‘yong tignan dahil gumagalaw sa tuwing nagsasalita siya. Parang anumang oras ay lalabas na ‘yung nakatirang nuno sa punso d’yan sa nunal niya at maghahasik na ng kadiliman.
“Hindi ako ‘yon,” mahinang sagot ko, tinutukoy ang pagpapakalat ng scandal— este, video niya.
Nginisihan niya ako. “Sa tingin mo ba maniniwala ako sa’yo? Baka akala mo hindi ko alam na pumasok kayo ng kaibigan mo sa loob ng kwarto ko. Ang daming ebidensya. Kitang-kita ‘yang mga pagmumukha niyo ng kaibigan mo sa CCTV. At pwede ko kayong kasuhan ng trespassing at pagpapakalat ng mga video ko kasama ang girlfriend ko.”
Sa dinami-rami ng sinabi niya ay isa lang ang kumuha ng atensyon ko. Napakurap ako habang nagpapaulit-ulit sa isip ko ang mga sinabi niya.
“May g-girlfriend ka?”
Hindi niya ako sinagot pero sapat na ang nakakalokong ngisi niya para malaman ko ang katotohanan. Ang katotohanang tama nga si ate nang sabihin niyang lolokohin lang rin ako ni Jake.
So ibig sabihin, buong relasyon namin ay may girlfriend naman pala siya? Kaya pala hindi ako pwedeng pumunta sa hotel room niya nang hindi siya mismo ang nagsasabi? Kaya pala tuwing gabi lang ako pwede roon sa kanya? At para ano? Para lang paglutuin o kaya gusto niya ng makakain?
Sa madaling sabi, niloko niya lang ako.
Napakuyom ang kamao ko.
“Alam mo, maganda ka sana eh. Kaso ‘yang utak mo, hindi kayang makipagsabayan sa globalization. Oh, malamang hindi mo maiintindihan ‘yon.” Ang sarap pawiin ng ngisi sa pagmumukha niya. “Kaya itatak mo ‘to d’yan sa kokote mo, ha?” napaiwas ako nang duruin niya ako sa noo. “Delete that video or else . . . sa kulungan ang bagsak niyo ng kaibigan mo.”
Agad akong kinabahan sa banta niya. Hindi ko alam kung gaano siya kayaman at kung anong kaya niyang gawin pero hindi malabong totohanin niya nga iyon. At pag nagkataon, mas lalo lang akong pagagalitan ni Aling Rosario sa pandadamay sa anak niya.
Matalim siyang tumingin sa akin at saka tumalikod, handa nang umalis pero hindi natuloy nang humawak ako sa braso niya.
“J-Jake, sandali . . . ‘wag namang kulong.” Kinakabahang apela ko. “B-Binura ko naman na ‘yung video sa channel ko eh, maniwala ka. Promise. Cross my heart, hope you die. Kumalat lang talaga. Saka, ang grabe mo naman! Malay ko bang abala ka sa buffet mo do’n . . .” kusang natutop ang bibig ko nang higitin niya ang sariling kamay mula sa pagkakahawak ko, galit na naman ang mukha. “Pwede bang . . . magbayad na lang ako?” Huling tanong ko, baka sakaling mapapayag ko siya.
Natigilan ako nang mula sa pagkagalit ay bigla siyang humagalpak ng tawa na akala mo nag-joke ako.
‘Aba’y loko ‘to ah. Pagtawanan ba naman ako? Halos lunukin ko na nga ang pride ‘wag lang siyang patamaan ng kamao sa mukha tapos . . . ha!’
“Ikaw? Magbabayad? Tignan mo nga ‘yang tinitirhan niyo. Baka bungguin ko lang ‘yan ng kotse ko, wala na kayong matulugan mamayang gabi.” Nang-iinsulto niyang sabi na tumingin pa sa bahay namin bago ibalik ang tingin sa akin. “Ilan ba ang laman ng wallet mo?” tatawa-tawa pang tanong niya.
Napayuko ako dahil sa mga pang-iinsulto niya at piniling ‘wag na lang magsalita. Sa ilang linggong pagsasama namin ay hindi ko kailanman inasahang maririnig ang mga ganitong salita mula sa kanya. Tunay na lalabas nga ang ugali ng tao lalo na kapag meron ka sa kanyang atraso.
Ang sarap niyang suntukin, pero pinipigilan ko lang ang sarili ko. Kung ibang sitwasyon ‘to ay kanina ko pa ‘yon nagawa, pero dahil ako ang mas madedehado rito ay masamang ideya na ituloy ang balak na ‘yon.
“Sige ba, bayaran mo ‘ko. Two hundred thousand pesos, Ida.” Nanlaki ang mata ko sa presyong binanggit niya. Magrereklamo pa lang ako nang magsalita na naman siya. “Malaking damage ang ginawa mo sa pangalan ko. Talagang in-announce mo eh. Complete name pa. Pati tuloy parents ko nadadamay. Pasalamat ka nga at wala sa Pilipinas ang mga ‘yun dahil kung hindi, baka nanghihimas na kayo ng rehas sa kulungan ng kaibigan mo bago pa kayo magkaharap.”
“Pero ang laki naman niyan, Jake! Saang lupalop ako kukuha ng ganyan kalaking pera?!”
“Hindi ko na problema ‘yon. And besides, maliit na halaga na lang ‘yan para ipambayad mo sa ’kin. Pasalamat ka at hindi ko ginawang kalahating milyon.”
Ngayon pa lang ay naghahanap na ‘ko kung saang bangko ako magnanakaw o kaya naman kung sino ang pwedeng mapag-bentahan ng mga lamang loob ko.
Mabuti na lang at kahit papaano ay napakiusapan ko si Jake na hulugan na lang ‘yung perang ibabayad ko sa kanya. Walong buwan. Walong buwan lang ang binigay niya sa aking palugit para makaipon at makabayad nang hindi ko alam kung saang kamay ng Diyos ko kukunin.
Matapos ang pag-uusap na ‘yon ay umalis na rin siya. Buti na lang at baka hindi ko na siya matantya at ma-flying kick ko siya sa pagmumukha niya!
Bakit ba kailangang sa ’kin mangyari ‘to?! Grabe naman, ako na nga ‘yung naloko oh!
Hindi ko tuloy maiwasang sisihin kung bakit ako nakipag-relasyon sa lalaking ‘yon! Siguro nakaka-hypnotize ‘yung nunal niya kaya napapayag niya ako. Kainis!