Chapter 2

2947 Words
“Nasa’n na ba ‘yun?” isa-isa kong tinignan ang bag ko, gano’n na rin ang ilalim ng unan ko at nang hindi makita ang hinahanap ay nagsimula muli ako sa paghalungkat sa drawer kung nasaan ang aking mga damit. Kagagaling ko lang ng trabaho, pagod ang katawan at sumasakit na ang ulo dahil sa gutom pero hindi ko pa rin nahahanap ‘yung perang itinabi ko. Nasa 1,500 rin iyon at dahil sa pagmamadali kaninang umaga ay hindi ko na natandaan kung saan ko nailagay. Napasabunot ako sa inis nang hindi ko matagpuan ang pera. “Ano ba naman ‘to oh? Pandagdag ko iyon sa ipon ko eh!” napakagat ako ng labi habang inaalala kung saan ko posibleng tinago. Nagpatuloy ako sa paghahanap. Nahalungkat ko na halos lahat ng gamit ko pero bigo akong matagpuan ‘yon. Nanghihina akong napaupo sa kama. Parang ngayon pa lang ay sumusuko na akong mababayaran ko ang perang hinihingi ni Jake. Wala sa sariling napahawak ako sa suot kong kwintas. Isa ‘to sa mga pinagkukunan ko ng lakas sa tuwing pakiramdam ko ay nanghihina ako. Binuksan ko ang pendant noon at pinagmasdang muli ang litrato roon ni nanay. Medyo malinaw pa ‘yun kaya’t kitang-kita ang kagandahan niya noong kabataan niya. Sa katabi naman ay ang tatay ko. Pero hindi katulad ng litrato ni nanay, malabo na iyon at halatang nabasa kung kaya’t parang anino lang ang aking nakikita. “Anak, kumain ka na muna.” Pagtawag sa akin ni nanay, hindi ko man lang namalayang nakapasok na pala siya ng kwarto. “Mamaya na lang po siguro ‘nay.” Binigyan ko siya ng tipid na ngiti. Nagugutom na ako pero hindi ko yata magagawang kumain hangga’t hindi natatagpuan ang perang ‘yon. “Sige na, kumain ka na muna. May pasok ka pa mamayang alas siete hindi ba? Halika na at maraming biniling pagkain ang ate mo. Ako na ang mag-aayos nitong mga gamit mo mamaya.” Dahil sa gutom ay nagpatangay na rin ako sa paanyaya ni nanay. Totoo nga ang sinabi niyang maraming binili si ate, pero karamihan roon ay para sa mga anak niya. Habang pinagmamasdan ang mga ‘yon ay parang bigla akong may napagtanto. “ ‘Nay, nasa’n po si ate?” tanong ko. ‘Sana mali ang iniisip ko . . .’ “Ewan ko. Pagkahatid dito ng mga pinamili niya ay sumama na do’n sa mga barkada niya. Alam mo naman ‘yang ate mo. Kung hindi telepono, barkada ang inaatupag.” Pumasok ako sa pinagtatrabahuhan kong convenience store na gulong-gulo ang isip at umuwi akong gano’n pa rin. Pasado alas dose na ng gabi pero wala pa rin si ate nang makauwi ako, at dahil sa sobrang pagod mula sa tatlong trabaho ngayong araw ay madali lang akong kinain ng antok. Kinaumagahan ay maaga akong nagising. Mahimbing pa ang tulog ni nanay kaya hindi ko na muna siya ginising at dahan-dahang bumangon para makapagluto na ng agahan. Pagkalabas ay nadatnan ko si ate sa sala na bahagya ko pang ikinagulat, pakanta-kanta siya habang abala sa pagwawalis. Hindi ko alam kung anong oras na siya nakauwi kagabi pero mukhang hindi naman siya lasing dahil mas umaga pa siyang nagising kesa sa akin. Tumikhim ako kaya napalingon siya sa akin, agad akong inangatan ng kilay. “What?” umi-english niyang tanong. “Sabi ni nanay, ang dami mo raw pinamili kahapon.” Panimula ko bago naupo sa silyang nasa hapag-kainan, paharap sa kanya. Maliit lang naman kasi ang bahay namin at mga pawid lang ang nagsisilbing partition kaya ang sala at kusina namin ay nasa iisang space lang. “O, eh ano naman sa ’yo? Magpasalamat ka na lang pwede?” inikutan niya ako ng mata bago ako tinalikuran. “At least ako may naiuuwing grocery dito. Hindi katulad mo na kung makapagdamot akala mo hindi ka kumakain sa pamamahay na ‘to.” Natigilan ako sa init ng ulo niya. Ano bang masama sa tanong ko? Nagtatanong lang eh. “Saan mo kinuha ang perang pinang-‘grocery’ mo, ate?” tanong ko, matiim lang na nakatingin sa kanya. “Pake mo ba? Kayo na nga ‘tong binigyan tapos pati pinagmulan ng perang ‘yon kailangan alam niyo pa? Kailangan ko bang tanungin ‘yung Bangko kung na-trace ba nila kung saan papunta ang perang ‘yon para naman alam ko kung saan ang huli niyang bakasyon bago mapunta sa ‘kin, gano’n ba?” sarkastikong aniya. “Kinuha mo ba ‘yung pera ko, ate?” hindi ko na napigilang itanong. Kagabi pa ‘yon gumugulo sa isip ko at lalo lamang akong kinakabahan sa tuwing naiisip kong baka si ate nga ang kumuha. Agad na nag-iba ang kanyang ekspresyon at dinuro ako ng walis tambong nasa kamay niya. “Hoy, ‘wag mo ‘kong pinagbibintangan ah. At kung ako man ang kumuha no’n, hindi lang naman ako ang makikinabang. Lumalamon ka rin. Lumalamon kayong lahat.” “So ikaw nga ang kumuha?” nag-iinit na ang sulok ng mga mata ko saka ‘di makapaniwalang tumayo. “Ate naman! Alam mo naman ang sitwasyon ko hindi ba?! Kailangan na kailangan ko ng pera ngayon pero imbes na tulungan mo ‘ko, dumadagdag ka pa sa mga problema ko—“ “At ikaw ang may kagagawan ng problema mong ‘yan kaya ‘wag mong isisi sa akin!” bulyaw niya, nakaduro sa akin. “Kung narito lang sana si tatay—“ “Heto na naman tayo, ate! Pwede bang patahimikan mo na si tatay, parang-awa mo na?! Hindi ‘yong paulit-ulit mo na lang siyang inuungkat at isinusumbat sa ’kin sa tuwing nakakagawa ka ng kasalanan!” “Anong ingay ‘to? Umagang-umaga nagsisigawan kayong dalawa, ano bang nangyayari?” singit ni nanay, mukhang nagising sa pag-iingay namin. Pareho kaming natahimik ni ate at pareho ring malalalim ang paghinga dahil sa pagsigaw. Matalim niya akong ginawaran ng tingin bago niya pabalyang itinapon ang walis tambo sa sahig at nagdadabog na nagmartsa pabalik ng kanilang kwarto. Pigil ang mga luhang napaupo ako, hagod-hagod na ni nanay ang aking likod. “Ano bang nangyari anak?” mahinahon niyang tanong. Umiling lang ako at tikom ang bibig pero ang mga luha ko ay nagsiunahan na sa pagtulo. “Sshh. Tahan na anak.” Pag-aalo ni nanay. Kahit anong pigil ko ng sariling hikbi ay kusa na ‘yong tumakas sa bibig ko. Pakiramdam ko ay napakaraming problema . . . na kahit patatagin ko ang loob ay kusa rin iyong nagigiba ng mga taong nasa paligid ko. “ ‘Nay, magtrabaho na lang po kaya ako sa Maynila?” suhestyon ko. “Ida, anak, napakagulo ng Maynila at ni isa ay wala kang kakilala roon. Isa pa, ano namang trabaho ang papasukin mo?” nag-aalala man ay ramdam ko sa kanya ang pagtutol. “K-Kahit ano po ‘nay. Kahit kasambahay o kaya naman waitress. Paniguradong mas mataas ang sahod roon at mas mapapadali ang pag-iipon ko ng pambayad kay Jake.” Kahit ano. ‘Yun ang sabi ko pero ni isa ay walang pumapasok sa utak ko. “Kakayanin natin ‘to anak, ha? ‘Di ba sabi ko naman sayo, tutulong ako? Magtutulungan tayo. Kahit paunti-unti ay mabubuo natin ‘yang halaga na kakailanganin para makabayad sa dati mong nobyo.” Sa mga sinabing ‘yon ni nanay ay muling nanumbalik ang lakas ng loob ko. Kahit ayaw ko ay wala na akong pamimilian kaya’t naibenta ko ang secondhand laptop na naipundar ko sa pagpa-part time job dalawang taon na ang nakararaan. Maliit lang ‘yon pero ilang videos na ang na-edit ko do’n para sa channel ko kaya tapos na siguro ang misyon nito sa akin. “Clinton, ingatan mo ‘yan ah. Nand’yan ‘yung mga pictures at videos ko. Jojombagin kita kapag nabawi ko ‘yan na may sira.” Pinakita ko pa sa kanya ang kamao ko. Kay Clinton ko naibenta ang laptop ko sa mababang halaga, tamang-tama lang pandagdag sa ipon ko. “Oo naman. Mga pictures mo ‘to ‘no. Alam mo namang mahalaga ka sa ‘kin ‘di ba?” pambobola niya pa sabay kindat. “Kung kaya ko nga lang paliparan ng suntok ‘yung ex mo noong nakaraan dahil sa pamamahiya sa ‘yo, malamang—“ “Malamang makakasama kita sa kulungan ‘pag nagkataon.” Pamumutol ko sa pagyayabang niya. Puro lang naman ‘to salita eh. “At least magkasama tayo, hindi ba?” nakangising sabi niya habang tinataas-baba pa ang dalawang kilay. Nginiwian ko lang siya. Matagal ko nang alam na patay na patay siya sa ‘kin kaya naman sa kanya ko unang inilapit ang pagbebenta ng laptop ko. Mabuti na lang at binili niya agad. May kaya rin kasi ang pamilya nila. Sa loob ng isang linggo ay halos kaunting oras lang ang tulog ko sa gabi. Pagkagising ay naglilibot ako sa mga bahay-bahay para mangolekta ng mga pagkaing baboy na siyang dinadala ko sa babuyan malapit lang rin sa amin. Binibili nila ‘yon ng bente pesos kada balde kaya swerte na ako kung maka-isangdaan ako sa isang umaga. Pagkatapos no’n ay umuuwi muna ako ng bahay para maligo at saka na ako didiretso sa karinderya ni Aling Yrma. Hanggang hapon ako roon at ilang oras lang na pahinga ay sa convenience store naman ang trabaho ko hanggang hatinggabi. Kung sana ay panahon lang ng anihan ng palay ngayon ay baka sakaling makarami ako ng kita, kaso ay katatapos lang noong nakaraang taon. Ramdam ko ang pagod sa buong katawan pero nagagawa ko iyong indahin kahit gusto ko nang sumuko sa tuwing naririnig ang mga sinasabi ng tao tungkol sa akin. “Ang kinis nang pwet no’ng ex mo roon sa video, ah.” Malanding sabi ni Gwen, regular costumer namin dito sa karinderya. “Oo nga. Sayang at hindi kita ‘yung alam mo na . . . natakpan eh,” dagdag naman ni Fely, kaibigan niya at saka sila naghagikhikan. Tipid lang akong ngumiti saka na sila nilayasan para maasikaso ang iba. ‘Kumakain pero ang dumi-dumi ng pinag-uusapan. Pwe!’ Araw-araw, iba-ibang komento ang naririnig ko. Pasok sa kanang tenga, labas sa kaliwa. Iyon lang ang paulit-ulit kong naririnig. Nasanay na rin yata ang tenga ko at namanhid na ang utak ko sa kapoproseso ng mga iyon kaya wala na masyadong epekto sa akin. Kinahapunan ay mga miryenda na ang binibenta namin. May mga tira pa namang mga ulam pero kapag ganitong oras ay mas mabenta na ang iba kesa sa kanin. Abala ako sa pagliligpit ng mga plato nang pumasok sa loob ang humahangos na si Clinton, tinatawag pa ako. Napatukod siya sa dalawang tuhod upang sumagap ng hangin bago muling umayos ng tayo. “Ida!” humahangos pa ring tawag niya. “O, anong nangyari sa ‘yo? Nakipaglaro ka na naman ba du’n sa mga bata? Ang laki-laki mo na Clinton pero ‘yung utak mo minsan hindi ko maintindihan eh. Kita mo naman, mas dugyot ka pang tignan kesa sa mga batang kalaro mo,” buti na lang at kaunti na lang ang kostumer sa loob. Malapit na rin kasi kaming magsara. “Hindi ‘yun ano ka ba! Si Aling Cecilia . . . ‘yung nanay mo—“ “O? Ano ‘yung nanay ko?” “ ‘Yung nanay mo sinugod nila Aling Rosario sa ospital—“ “Ano?! Ba’t ‘di mo sinabi agad?!” dali-dali kong kinuha ang mga gamit ko at saka lakad-takbo ang ginawa makasakay lang kaagad ng jeep. Ni hindi na ako nakapag-paalam kay Aling Yrma. Kasama ko si Clinton at mabuti na lang ay alam niya kung saang ospital sinugod si nanay. Pagdating namin ay halos mahirapan pa kami sa paghahanap dahil sa dami ng pasyente. Abala rin ang mga doktor at hindi halos kami maasikaso. Pampubliko kasi ito kaya mas doble ang bilang ng pasyente kesa doon sa mga private. Buti na lang at nakita namin sina Aling Rosario kasama si Eva. Ilang oras na kaming narito at laking pasasalamat ko nang gising na si nanay. “ ‘Nay, ‘di ba sabi ko po sa inyo ‘wag niyong papagurin ‘yung sarili ninyo?” “Anak, kaya ko naman ang sarili ko. Sadyang napakainit lang talaga ng panahon kaya sumakit ang ulo ko kanina.” Naiiyak ako habang pinagmamasdan si nanay pero agad ko ring pinigilan. Magulo ang maiksing buhok na mas lalong nagpalitaw ng mga uban niya at mapupungay rin ang mata. Ang mga sugat sa daliri ang siyang patunay na tambak na labahin ang trinabaho ni nanay. Halos araw-araw ko iyong nakikita at parang hindi man lang gumagaling dahil hindi siya tumitigil kahit anong pigil ko. Ngayon ko mas gustong pukpukin ang sarili ko dahil tama nga si ate. Ako ang puno’t-dulo ng problemang ‘to at ngayon ay sila ang mas naiipit— ang mas naaapektuhan. Mahina rin ang kanyang katawan na parang hindi man lang naisipang kumain kanina. “Nagugutom po ba kayo? Halika, samahan mo ‘ko bes, bibili tayo ng pagkain ni nanay—“ “Anak, ayos lang ako.” Nanghihinang pigil sa ‘kin ni nanay, halos pabulong niya na lang ‘yong sinabi. “ ‘Nay, sinugod po kayo sa ospital kaya hindi kayo maayos, kaya halika at samahan mo ‘ko bes para makakain na si nanay.” Hindi na ako napigilan ni nanay nang hilahin ko na ang braso ni Eva para magpasama sa labas ng ospital. Agad na sumabog ang buhok ko nang sumalubong sa amin ang malamig na hangin pagkalabas ng ospital. Gabi na pala, hindi ko man lang namalayan. Nauna na rin kasing mag-paalam si Clinton sa amin kanina. “Salamat bes, ah?” pambabasag ko ng katahimikan. “Buti na lang at nand’yan kayo ni Aling Rosario. Salamat talaga sa inyo.” “Ano ka ba, wala ‘yun. Sino-sino pa bang magtutulungan kung hindi tayo-tayo lang?” Napangiti ako, pero ang loob ko ay parang nag-uumpisa na namang gumuho. Pero hindi pwede. Kailangan kong tatagan ang loob ko. Ako na ang nagsubo ng pagkain kay nanay nang makabalik kami. Binilhan ko na rin sina Aling Rosario at Eva dahil pare-pareho lang silang hindi pa naghahapunan. At pagkatapos ay nauna nang umuwi si Aing Rosario dahil aasikasuhin niya pa raw ang tindahan nila. Mabuti na lang at palagi ko nang dala ang perang ipon ko kaya hindi ako nahirapang humagilap ng ipangbabayad sa ospital ngayon. Gusto ko pa sanang kausapin ang doktor para mas malinawan sa kondisyon ni nanay kaso ay nakausap na raw nila ito noong bago pa kami dumating at maayos naman daw ang lagay ni nanay. Dala lang ng pagod kaya nahimatay kanina. Matagal na rin kasing iniinda ni nanay ang madalas na paninikip ng dibdib niya. Magkatuwang kami ni Eva nang ipasok si nanay sa kwarto para makapagpahinga na siya. Malapit na ring mag-hatinggabi kaya medyo tahimik na ang paligid, wala na rin kasi gaanong mga tambay sa labas. Inayos ko muna ang unan sa paligid ng higaan ni nanay bago siya kinumutan. Marahil ay dala na rin ng pagod kaya agad rin siyang nakatulog. Malaya kong pinagmasdan ang mukha ni nanay na medyo kulubot na ang balat, kung dahil ba sa katandaan o sa kahirapan, hindi ko na rin alam. Tumambay kami ni Eva sa labas ng nakasara nilang tindahan. Itinaas ko sa upuan ang dalawang binti at niyakap ‘yon para may mapagpatungan ng baba ko. Walang nagsasalita sa pagitan namin at pareho lang ninanamnam ang lamig ng gabi. “Narinig ko kay Aling Cecilia na nagpaplano ka raw pumunta ng Maynila . . .” pambabasag ni Eva sa katahimikan. Napatingin ako sa kanya saka kumibit-balikat. “Ewan ko. Gusto ko sana pero mukhang malabo akong payagan ni nanay.” Napabuntong-hininga ako nang muling maalala ang huling napag-usapan namin tungkol doon. “Kahit siguro kasambahay ay papatusin ko na, kumita lang ng malaking pera. Nabawasan kasi ‘yong ipon ko para sa pambayad ko kay Jake eh.” “Nakakapang-init rin ng ulo ang walang-hiyang Jake na ‘yon ah! Siya na nga ‘tong gumawa ng kasalanan sa ‘yo, siya na ‘tong nagloko tapos tayo pa rin ‘yung pinapasakitan niya! ‘Wag na sanang lumaki ‘yang kasing liit ng kikiam na bayag niya, ‘langyang ‘yon!” Napatakip ako ng bibig sa sinabi niya at marahang sinugod ang mukha sa kanya kaya agad siyang umatras. “Nakita mo?” Nginisihan niya ako ng nakakaloko bago paulit-ulit na nagtaas-baba ang dalawang kilay. “Maliit talaga?” tanong ko ulit at ‘di na niya napigilang tumawa ng malakas. Hawak-hawak niya pa ang sariling tiyan habang ako ay ‘di makapaniwalang nanonood sa kanya. “Makinis lang ang pwet pero maliit naman ang bayag! Hanep! Kaya siguro ayaw kumalat ‘yung video kasi nahihiya siyang makita ng ibang tao na maliit lang ang jun-jun niya haha!” tumawa ulit ito kaya nahawa na rin ako. Kung hindi pa kami sinigawan ng nanay niya ay hindi kami matitigil. Kinaumagahan ay ilang pangungulit pa kay nanay ang ginawa ko para lang mapapayag siyang ‘wag na munang maglabada. Mabuti na lang at nadaan ko siya sa pakiusap dahil hindi ko na gugustuhin pang madala siya ulit sa ospital. Habang pinagmamasdan ang kalagayan namin ngayon ay mas lalo lamang tumindi ang kagustuhan kong lumuwas ng Maynila. Sana lang ay madala sa pakiusap si nanay. Sana maintindihan niya na gagawin ko rin naman ‘to para sa kanila, na kahit hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral ay maiaahon ko rin sila sa hirap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD