"Sorry about what happened yesterday, Ida. It's my entire fault. Ako dapat ang sisihin sa nangyari," saad ni Sir Vander. Bakas sa kanya ang hiya at pagsisisi dahil sa nangyari kahapon sa may pool.
Nginitian ko siya.
" 'Wag na lang po nating ungkatin 'yung nangyari noon, sir. Saka si Sir Odin talaga dapat 'yung kinukutusan dito eh. I-announce ba naman?" pagrereklamo ko.
Nagkatinginan kaming dalawa at saka sabay na natawa.
"Yeah, I agree. That dummy. He's really fond of sticking his nose where it doesn't belong." Iiling-iling niyang sagot.
Nagulat ako nang may brasong pumulupot sa bewang ko at agad akong hinapit palapit sa kanya. Nang mag-angat ako ng tingin kay Mavi ay nakatikwas na ang kilay niya kay Sir Vander.
"Are you trying to kiss her again, huh?" maangas niyang tanong rito. "Dare and I will punch you."
Hinampas ko siya sa dibdib.
"Ano ka ba! Ikalma mo nga 'yang bagang mo." Naiinis kong sabi. Para kasing batang palaging aagawan ng pagkain eh.
"Could you please take a chill pill?" natatawang sagot ni Sir Vander.
"Tss. Chill pill your ass." Ingos niya, masama pa rin ang tingin kay Sir Vander. Buti na lang at hindi nito siniseryoso 'yang mga sinasabi niya.
Mabuti na lang at tumunog ang kanyang telepono kaya't naputol ang pag-uusap na 'yon. Maya-maya pa ay nagpaalam siyang aalis, pinatatawag raw ng mama niya. Masaya ako at napapadalas na ang pagpunta niya roon. Ibig sabihin lang no'n ay madalas na rin silang nagkakausap. Nalaman ko kasing dalawang taon na rin palang hindi siya bumibisita roon. Naging madalas lang ngayon dahil malapit na rin silang grumaduate ng kolehiyo.
" 'Nay, kumusta na po kayo? Natanggap niyo po ba 'yung pinadala ko sa inyo?" Sagot ko sa kabilang linya. Abala ang mga amo ko ngayon sa paglalaro sa salas kaya't malaya kong nagagamit ang telepono ko kahit oras ng trabaho. " 'Nay, 'wag niyo pong pababayaan ang sarili niyo ha? Sinabihan ko na po si Eva na bilhan kayo ng gamot kaya sana po 'wag niyong kaliligtaang inumin—"
["Anak, anak."] putol ni nanay sa sasabihin ko. ["Ayos lang ang nanay ha? 'Wag mo na ako masyadong intindihin rito at hindi naman ako pinababayaan ng Aling Rosario mo maging ni Eva."] Sunud-sunod niyang sagot, bagama't nanghihina.
Napabuntong-hininga ako.
"Eh si ate po? Inaasikaso ka po ba ni ate?" hindi ko maiwasang mag-alala lalo na kapag naririnig ko ang kanyang pagbuntong-hininga at naaalala ang mga sinabi noon ni Eva tungkol sa pagbabarkada ni ate."Nay, nariyan pa ho ba kayo?"
Huminga siya ng malalim bago muling nagsalita.
["Okay lang naman kami rito, anak. Hindi naman ako pinababayaan ng ate mo."]
Bakit pakiramdam ko ay hindi siya nagsasabi ng totoo? Na pinagtatakpan niya lang si ate?
[ 'Wag ka nang mag-alala anak ha? Parating na rin ang ate mo maya-maya at inutusan ko iyong bumili ng iuulam naming manok. Salamat sa ipinadala mo pero 'wag mo naman ubusin ang sweldo dahil ipambabayad mo pa 'yan sa dati mong nobyo, hindi ba?"]
Napakagat-labi ako dahil sa sinabing iyon ni nanay. Nagi-guilty ako dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nasasabi sa kanya ang totoo. Sigurado akong sa oras na malaman niya iyon ay pauuwiin niya na ako.
Ayoko pa. Siguro ay patatapusin ko lang ang buwang 'to o sa susunod ay magpapaalam na ako sa mga amo ko . . . kay Mavi.
["Ibibigay ko na itong telepono sa kaibigan mo at nang magkausap kayo. Mahal kita, anak. Lagi mong tatandaan 'yan."]
Agad na nangilid ang luha sa aking mata dahil sa huling sinabi ni nanay. Hindi niya iyon araw-araw sinasabi sa 'kin pero araw-araw niya namang pinararamdam.
Pinahid ko ang nangingilid na luha at napangiti sa kawalan.
"Mahal na mahal ko rin po kayo, 'Nay. Mag-iingat po kayo palagi."
Ilang minuto lang ay narinig ko na ang boses ni Eva. Nagpaalam siya kay nanay at marahil ay naroon na siya sa bahay nila dahil sa naririnig kong mga bumibili sa kanilang tindahan.
Nagkwentuhan lang kami. Kinumusta niya ang namamagitan sa amin ni Mavi at hindi ko alam ang isasagot sa mga tanong niya dahil hindi ko naman talaga alam kung anong sasabihin.
["Ano? Ba't hindi mo alam? Ano 'yon, patuka ka lang ng patuka tapos wala naman palang kayo?"]
Nanlaki ang mata ko saka tinakpan ang cellphone.
"Ano ba, 'yang bunganga mo! Sabi ko na nga ba't hindi magandang ideya 'yung sabihin sa 'yo 'to eh!" inis kong sabi sa kanya.
Rinig ko siyang umingos sa kabilang linya.
["At sa tingin mo magandang ideya rin 'yang ginagawa niyo? Naku, naku. 'Wag ako, Ida! Hindi ka feeds para magpatuka lang ha? Label muna bago tukaan! Kakaloka 'to! Akala ko natuto na kay Jake pero mukhang nagpapaloko na naman. Uto-uto version 2.0 lang 'te?"]
Napangiwi ako.
"Ikaw, ang plastik mo rin eh 'no? Kilig na kilig ka pa nung sinabi ko sa 'yo tapos ngayon . . ."
Napanguso ako. Paano kasi ay parang kumkukontra tuloy siya ngayon. Siya 'tong tulak ng tulak sa aking umamin noon tapos ngayon, hindi ko na maintindihan.
["Hoy, hindi ako plastik ah?! Kinikilig naman talaga ako sa inyo. Support na support kita sa lovelife mo, pero Bes, label muna. Mas masakit 'yung magbe-break nang wala namang relasyon."]
Dapat ko na ba siyang kausapin tungkol sa kung anong mayroon kami? Hindi ba 'yun nakakahiya? Hindi niya kaya ako pagtawanan dahil parang ako pa yata ang nagtutunog na naghahabol at nagde-demand sa kanya?
"Hay, kainis!" bulong ko sa sarili.
Pero may punto naman talaga si Bes. Hindi ko alam ang mangyayari kung mananatili kaming ganito. 'Yung kami pero parang hindi.
"I like your necklace," nagugulat akong napatingin sa harap at natagpuan si Sir Ramses roon. Kita ang paggalaw ng kanyang Adam's apple dahil sa nilalagok na tubig.
Napahawak ako sa aking kwintas.
"Bigay po 'to sa 'kin ni nanay, na bigay rin po sa kanya ng tatay ko." Nakangiti kong tinignan ang suot na kwintas na mas kuminang dahil sa pagkakatama ng liwanag ng ilaw. Agad na sumalubong sa akin ang letrang 'I' na nakaukit roon. Dahilan siguro para Ida ang ipalayaw sa akin nila nanay.
"That looks familiar . . ." komento niya.
Napatingin ako sa kanya at naabutan siyang titig sa kwintas ko.
"What does the 'I' stands for?" Dagdag na tanong niya saka nag-angat ng tingin sa akin.
Ngumiti ako at kumibit-balikat.
"Ida . . ?" patanong kong sagot sa kanya dahilan para maang niya akong tignan na para ba akong nagbibiro. "O baka naman, Inammorata? Katulad noong palabas sa T.V.?"
Iiling-iling niya akong iniwan ng kusina na para bang nagsawa agad sa walang-kwentang pinagsasasabi ko.
"Eh hindi ko naman talaga alam." Hindi ko maiwasang mapangiwi habang tinatanaw ang papalayong likod niya. "Sungit."
Ang kagustuhan kong pag-usapan ang tungkol sa amin ni Mavi ay hindi natutuloy dahil madalas siyang nasa kanila. Nagpaalam naman siya sa 'kin kaya hindi na ako nagtataka sa tuwing hindi siya nakakauwi. Pero hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala sa tuwing hindi siya nakikita rito. Namimiss ko na siya.
Buti na lang at nasisingit niya ang pagkikita namin sa iskwela niya at nagtatagpo kami madalas sa coffee shop na itinuro sa akin dati ni Sir River, 'yung malapit sa iskwelahan nila.
Gumawa ng ingay ang chime nang excited kong buksan ang pinto. Gusto ko na siyang makita eh, enebe.
Agad na sumalubong at nanuot sa ilong ko ang mabangong amoy ng kape na habang tumatagal ay nagiging pamilyar na sa akin.
Ngumiti sa akin ang isang staff na agad ko ring ginantihan ng tipid na ngiti. Halos lahat ng empleyado rito ay kilala na ako dahil sa palagi kong pagpunta rito sa cafe nila.
Gaya ng nakagawian, naupo ako sa palaging pwesto namin. Nasa sulok iyon pero malapit lang sa salaming dingding at tama lang sa dalawang tao na ookupa. Pinili ko iyon dahil para mabilis ko siyang makita lalo na kung papunta na siya rito.
Lumapit sa akin ang nakangiting si Elyse, staff rito.
"Hi, Ida! Dating order lang?" tanong niya.
Agad akong tumango.
"Oo. Pero mamaya mo na dalhin rito pagdating—"
"Pagdating ni Mavi? Tapos dalhin ko muna sa 'yo 'yung hihingin mong tubig. Alam na alam ko na 'yan!" mayabang niyang pagputol sa sasabihin ko.
Nakangiwi akong napairap.
"Oo, 'yun nga."
Natawa siya.
"Your water in a minute, ma'am!" masigla niyang saad bago umalis sa harap ko.
Kinuha ko ang cellphone ko para tignan ang oras. Mag-a-alas-kwatro na ng hapon. Bukod sa lunch time ay ito lang ang bakanteng oras niya tuwing biyernes. Kapag lunes hanggang huwebes kasi ay puno ang kanyang schedule. Sa weekend naman ay madalas siyang nasa kanila. Ang sabi niya ay may inaasikaso raw siyang importante tungkol sa kumpanya nila. Mukhang ngayon pa lang ay hinahanda na siya ng mga magulang niya kaya ganoon.
Nagtipa ako ng mensahe para sa kanya.
To Mavingit
Dito na ako. Hihintayin kita. Miss you!
Kagat ang labing itinago ko ang ngiti saka iyon isinend sa kanya. Napatingin ako sa labas. Ang isipin pa lang na magkikita kami ay sapat na para palabasin ang mga kiliti sa katawan ko! Nakakaloka!
"Oh, eto na po ang tubig niyo, madam!"
Napatingin ako sa kararating lang na si Elyse, bitbit ang isang baso ng malamig na tubig para sa akin.
"Salamat."
Sumimsim ako sa baso at saka muling tumingin sa cellphone ko.
Wala siyang reply.
Napalingon ako sa entrance nang tumunog ang chime ngunit agad ring napabalik sa upuan matapos makitang ibang tao iyon.
Wala pa siya.
Inabala ko na lang ang sarili sa mga games sa cellphone ko habang naghihintay. Kung anu-ano lang ang nilaro ko. Candy Crush, Zombie Tsunami, Temple Run at iba pang apps na nakasanayan ko nang laruin sa dati kong cellphone. Babad ako sa paglalaro kaya't hindi ko na namalayan pa ang oras. Nagulat na lamang ako nang makitang papalubog na ang araw sa labas!
Dali-dali kong nilibot ang tingin sa paligid at agad na nadismaya matapos makitang wala pa rin siya. Nagbabaka-sakali lang naman ako na naligaw lang siya at hindi agad ako nakita kaya wala pa rin siya sa puwesto namin.
Muli kong tinignan ang cellphone para i-check kung nagreply na ba siya at hindi ko lang napansin kanina.
Pero wala.
"Hi, miss!"
Napabaling ako sa aking harap matapos makita ang tatlong kalalakihan. Napatikwas ang kilay ko nang hilahin ng isa ang upuan sa harap ko at naupo roon habang ang dalawa naman ay nanguha pa sa kabilang mesa.
"Mukhang mag-isa ka ah?"
Nang-aasar ba 'to? Parang mas lalo niya lang pinaparamdam sa 'kin na mag-isa nga ako.
"Ida."
Napalingon ako sa nagmamay-ari ng boses na tumawag sa akin at nakita roon si Sir Ramses. Agad na nagsitayuan ang mga lalaking nasa harap ko at nagsialisan. Sino ba namang hindi matatakot kay Sir Ramses eh para siyang si San Goku na nagsu-supersaian pero imbes na orange ay itim ang lumalabas sa kanya.
Parang mananapak na eh. Madilim palagi ang awra.
Sinundan niya pa ng tingin ang mga lalaking lumagpas sa kanya saka niya ibinaling ang tingin sa akin.
"Let's go. Ihahatid na kita." Saka siya tumalikod pero natigil nang humabol ako.
"Ahm sir, hinihintay ko po kasi—"
"He can't go."
Natigilan ako.
"Po?"
Napabuntong-hininga siya.
"He has an emergency. He can't go here now."
Matapos sabihin iyon ay tumalikod na siya at nauna na sa labas.
"May emergency siya? Tapos hindi niya man lang ipinaalam sa 'kin?" mahina kong sabi sa sarili saka sarkastikong napangisi.
Pareho kaming walang-kibo ni Sir Ramses sa biyahe.
Gusto ko man siyang tanungin tungkol sa emergency na sinasabi niya pero pinigilian ko na lang ang sarili kong isaboses iyon.
Hindi ko maiwasang sumama ang loob. Minsan na nga lang kami magkita. Kahit na isinisingit niya lang ako sa oras niya ay alam ko kung saan ako lulugar dahil alam ko rin na may mahalaga siyang ginagawa, na may responsibilidad siya sa pamilya niya. Pero sa kabila ng pag-iintindi ko ay bakit hindi ko pa rin maiwasang masaktan?
Gustuhin ko mang huwag magduda ay hindi ko pa rin maiwasan.
"Don't think too much."
Natauhan ako nang marinig ang boses ni Sir Ramses. Napaayos ako ng upo ngunit nanatili lamang ang tingin ko sa labas ng bintana.
"Please understand him, Ida. He's graduating and he has lot of pressure and responsibilities on his shoulder right now. Ngayon niya lang tuluyang naaayos ang relasyon niya with his family kaya he needs nothing but your trust and understanding."
Napayuko ako sa sinabi niya at agad na binaha ang aking sistema ng pagsisisi.
Bakit nga ba hindi ko iyon naisip?
"Sorry po." Mahina kong sabi.
Bumuntong-hininga siya.
"You don't have to, and you shouldn't. What you are feeling right now is valid. But you just have to understand and trust him."
Lumingon ako sa kanya at tumango.
"Opo."
Noon pa man, wala na akong ibang ginagawa kundi ang umintindi. Parte 'to ng trabaho ko, hindi ba?