Nagpaalam muna si Rael bago umalis sa aking tabi. Naiwan akong mag-isa rito saka muling tumuon sa mga prostitutes na naglalakad sa pantalan. Sa suot pa lang nila ay mahahalata na kung ano at sino talaga sila. Kaniya-kaniya rin sila ng shoulder bag na mayroong kalakihan. Siguro kasya na roon ang pamalit nila at kung ano-ano pa. Ilang taon na kaya nila ito ginagawa? Hindi ba sila nag-aalala sa sakit na maaari nilang makuha? Naagaw muli ng atensyon ko sina Rael na nag-aabang ngayon sa gawing foremast. May dalawang pirata na nagbaba ng cockboat upang masundo ang mga babae. Huminto sila at naghintay sa dulo ng pantalan kung saan sila susunduin. Iyong tatlo ay nakangiti at kumakaway sa mga hayok na pirata, pero ang isa na tingin ko’y kasing-edad ko lang ay diretsong nakatingin kay… kay Yaelo.

