┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
Pagkalabas ni Ynah mula sa company building ng kanyang mga magulang, nagmamadali siyang naglakad patungo sa parking area. Gusto na niyang umuwi, magpahinga, at kalimutan ang nakakapagod na araw na nangyari sa kanya, lalo pa at dalawang meeting ang natapos niya ngayong araw. Ngunit bago pa siya tuluyang makalayo, isang malakas na puwersa ang biglang humila sa kanya mula sa gilid at hinatak siya hanggang sa makapagkubli sila.
Naging mabilis ang naging reaksyon ni Ynah, umigkas ang kamay niya upang umatake, habang mabilis na nag-swing ang isa niyang paa, handang sipain kung sino man ang taong humatak sa kanya. Pagsipa niya ay agad na may yumakap sa kanyang likuran kaya hindi na siya nakakilos. Pilit siyang nagwawala mula sa mahigpit na pagkakayakap sa kanya, pero natigilan siya ng maamoy niya ang pabangong gamit nito.
"Shhh... it's me. Calm down." Bulong ni Arquiz.
Napakuyom ang kanyang mga kamay nang marinig ang pamilyar na tinig. Kilala niya ang boses na iyon. Hindi niya kailangang lumingon para makumpirma kung sino ito. Inis niyang inalis ang pagkakahawak sa kanya ni Arquiz, pagkatapos ay inis din siyang humarap dito. Nakangiti sa kanya ang binata, pagkatapos ay isang mabilis na pagdampi ng halik sa labi niya ang iginawad sa kanya ni Arquiz.
"Ano'ng ginagawa mo dito? Hindi ba may usapan tayo na hindi tayo dapat makita ng kahit na sino? Bakit nandito ka?" Inis niyang sabi habang panay ang lingon sa paligid, sinisiguradong walang nakakakita sa kanila. Ayaw niyang malaman ng kahit na sino ang tungkol sa ugnayan nilang dalawa, lalo pa at walang pagmamahal mula kay Arquiz ang namamagitan sa kanila.
"Baka may makakita sa'yo dito! Umalis ka na Arquiz, baka makita ka ng ama ko at magtaka 'yon." Dagdag niyang sabi, bahagyang hininaan ang boses, ngunit halata pa rin ang inis.
"Are you feeling tired? My cousin mentioned that you had two meetings today, and nakikita ko sa mukha mo na pagod na pagod ka at gusto mo ng magpahinga. I hope you’re not overworking yourself." Sabi ni Arquiz. Tumaas ang kilay ni Ynah. May shares ang pinsan ni Arquiz na si Arvinder Montefalcon sa kumpanya ng mga magulang ni Ynah. Pero nagtataka si Ynah kung bakit sinabi ito ni Arvinder kay Arquiz.
"May alam ba si Arvin tungkol sa... sa alam mo na ang tinutukoy ko." Nag-aalala niyang tanong. Ngunit sa halip na sagutin siya ng maayos, simpleng ngumiti lang si Arquiz, isang uri ng ngiting hindi niya alam kung nakakainis o nakakatunaw ng puso niya. Hindi niya rin sigurado kung ito ay isang pang-aasar o isa na namang kalokohan ng binata para guluhin ang kanyang isipan. Naiinis tuloy siya ngayon. Iniisip niya na baka may alam ang pinsan ni Arquiz tungkol sa kanilang dalawa.
"Bakit ayaw mong sagutin ang tanong ko? Saka bakit ka ba nandito?" Inis na tanong muli ni Ynah. Ngumiti muli si Arquiz kaya tinaasan na siya ng kilay ng dalaga. Naiinis na ito, puro na lamang ngiti ang ginagawa nito sa kanya.
"I cooked something for you. I hope you like it... I promise it's good." Nagulat siya sa isinagot nito sa kanya. Hindi tuloy niya malaman kung matutuwa ba siya sa sinabi nito, o baka ginawa lamang ito dahil may kailangan na naman si Arquiz sa kanya.
Nakakunot ang noo ni Ynah. Pinag-aaralan niya ang mukha ni Arquiz, pilit hinahanap ang kahit anong senyales na nagbibiro lang ito. Pero seryoso ang ekspresyon ng binata... o baka naman magaling lang talaga itong magtago ng intensyon nito.
"Why?" Diretsong tanong niya, nakataas pa ang isang kilay.
"Anong trip mo? May kailangan ka sa akin, kaya ka nagluto? Hindi ba?" Ipinaparamdam ni Ynah na naiinis siya dito, pagkatapos ay muling lumingon sa paligid, tila ba natatakot na may makakita sa kanila na magkasama.
"Wala lang. Gusto lang kitang ipagluto. This time, I'm sure na magugustuhan mo ang niluto ko." Sabi niya, nakangiti pa rin kay Ynah.
Napailing si Ynah. Alam niyang hindi ito 'wala lang.' Wala namang ginagawa si Arquiz na walang dahilan o kapalit. Pero hindi na niya pinansin pa ang sinabi ni Arquiz. Nag-aalala lang siya na baka biglang may makakita sa kanila at magtaka kung bakit magkasama silang dalawa.
"Sige na Arquiz. Pupunta na lang ako sa condo mo." Malamig niyang sagot. Titig na titig naman sa kanya si Arquiz.
"Sige na mauna ka na, may dadaanan pa ako." Dagdag na sabi ni Ynah. Tumango si Arquiz, nagkibit balikat at humugot ng malalim na paghinga, pagkatapos ay sumagot lang ito ng 'okay.' Tumalikod si Ynah, tumingin sa paligid at saka ito napabuntonghininga.
"Sige na, pupunta na ako sa sasakyan ko." Sabi pa ni Ynah at muling humarap sa kinatatayuan ni Arquiz, pero laking gulat niya na wala na pala siyang kasama. Kumunot ang kanyang noo. Lumingon-lingon siya sa paligid, hinanap si Arquiz kung papalayo ba ito, ngunit parang bula itong naglaho. Nakaramdam ng inis si Ynah habang nakatingin lang ito sa malayo. Hindi makapaniwala na bigla na lamang umalis si Arquiz ng walang pasabi. Kahit bye ay wala. Napakagat-labi si Ynah, nakaramdam ng bigat sa kanyang dibdib.
"Bwisit 'yon! Akala ko pa naman ay kukulitin ako at pipilitin ako na sumama na sa kanya. Pero wala siyang sinabi kung hindi okay. Okay lang? Ganun lang? Gago ka talaga, Arquiz!" Inis na sabi nito, tila maiiyak na.
Hindi niya maintindihan kung bakit siya naiinis. Dapat ba siyang matuwa na hindi siya pinilit ni Arquiz? O mas dapat ba siyang magalit na parang wala lang sa binata kung pupunta ba siya o hindi sa condo nito?
"Mahirap ba talaga akong mahalin?" Mahina niyang bulong sa sarili. Gusto niyang magalit sa sarili niya dahil nagpapakatanga siya sa paghihintay na baka mahalin din siya ni Arquiz.
"Laro lang ba talaga ang lahat sa atin?" Muli niyang sabi at tuluyan na ngang tumulo ang kanyang mga luha. Ngunit sa hindi kalayuan ay may isang lalaking nakamasid sa kanya. Isang lalaki na lihim na nagmamahal sa kanya.
Walang kamalay-malay ang dalaga na may isang tao na nasasaktan dahil alam ng lalaking nakamasid kay Ynah na mahal na mahal ng dalaga ang lalaking 'yon.
Tumingin sa paligid si Ynah nang maramdaman niya na tila ba may nagmamasid sa kanya, pero wala naman siyang makita. Umalis na ang lalaking lihim na nasasaktan, habang si Ynah naman ay pinunasan ang luhang lumandas sa kanyang pisngi. Alam niyang para kay Arquiz, maaaring isang laro lang ang namamagitan sa kanila. Pero para sa kanya... hindi ito isang laro.
Nagtagal pa siya roon ng ilang minuto, nag-iisip kung dapat pa ba niyang puntahan ang condo ni Arquiz. May bahagi ng isipan niya na gustong puntahan si Arquiz, gusto niyang malaman kung totoo nga ba ang sinabi nitong nagluto ito para sa kanya. Pero sa kabilang banda, ayaw niyang bigyan ng dahilan si Arquiz para isipin na madali siyang pasunurin. Pero isang bagay ang hindi niya kayang itanggi... mahal na mahal niya si Arquiz.
Humugot siya ng malalim na paghinga at saka siya nagsimula sa paglalakad. Pagkarating niya ng kanyang sasakyan ay saka niya pinaghahampas ang kanyang manibela.
"I hate you! I hate you so much that it hurts, that it consumes every part of me. I wish na pwede kitang burahin sa isipan ko, forget everything about you, and never feel this way again. But why? Bakit ba ganito kita kamahal, Arquiz? Why does my heart still ache for you, even when I know I shouldn’t? It’s unfair... so unfair dahil ako lang naman ang nagmamahal samantalang ikaw ay laro lang ang lahat para sa'yo. I keep telling myself to walk away, to let go, but no matter how hard I try, I always find myself running back to you... hurting, breaking, and still loving you all the same." Malakas niyang sabi. Pagkatapos ay isinubsob niya ang kanyang mukha sa manibela at saka siya umiyak ng umiyak. Sobra siyang nasasaktan, sobrang pagmamahal ang ibinubuhos ng puso niya para kay Arquiz. Gusto niyang paglabanan ang pagmamahal na 'yon, pero ang puso niya mismo ang nagdidikta sa kanya na wala na siyang magagawa dahil si Arquiz lang ang itinitibok ng kanyang puso.
Pinunasan niya ang kanyang mga luha. Pagkatapos ay pinaandar niya ang makina ng kanyang sasakyan at saka niya nilisan ang parking lot. Hindi na niya namalayan na dinala na siya ng kanyang sarili sa condo building na pag-aari ni Arquiz. Humugot ito ng malalim na paghinga at saka lumabas ng sasakyan, pagkatapos ay dumiretso na siya sa elevator at pinindot ang floor ni Arquiz.
Hindi nagtagal ay nasa harapan na siya ng condo unit ng binata. Ito ang pinaka malaking unit dahil pag-aari ni Arquiz ang buong condo building. Bago pa siya kumatok ay biglang bumukas ang pintuan at malaking ngiti sa labi ang gumuhit sa mukha ng binata.
"I knew na darating ka. Halika na sa loob, naghihintay na ang pagkain mo." Sabi nito. Kinuha niya ang kamay ni Ynah at saka niya ito iginiya sa loob ng kanyang unit. Tahimik naman si Ynah at napasinghot ng maamoy niya ang masarap na pagkain. Kumunot ang kanyang noo at napatingin siya sa kusina nito. Magulo ang kusina, maraming hugasin at makikita na talagang nag-effort sa pagluluto ang binata.
"Nagluto ako beef pot roast, beef caldereta, fried rice at nagluto ako ng mashed potato at saka nagluto din pala ako ng buttered shrimp na may vodka. Hindi ba at gusto mo ang mga 'yan?" Sabi ni Arquiz. Gulat na gulat naman si Ynah na hindi inaalis ang tingin sa binata.
"Ikaw ang nagluto ng lahat ng ito?" Tanong niya, nagtataka dahil ang alam lang niya ay itlog lang ang alam na lutuin ni Arquiz.
"Oo naman! Pinaghirapan ko 'yan para sa'yo. Marunong naman talaga akong magluto, kaso lagi kong pinagluluto ng itlog ang mga kasama ko sa Venum para hindi nila ako palaging itinotoka sa kusina. Ganuon kasi sa grupo namin, kung sino ang magaling magluto, sila ang nagtutulong-tulong sa kusina, at medyo tamad akong magluto kaya pinanindigan ko na lang ang pagtawag nila sa akin ng King Itlog. Okay na 'yon kaysa maging King Kusinero." Mahabang litanya nito sabay tawa. Sa unang pagkakataon, nakita ni Ynah ang isang totoong tawa ni Arquiz. Mabilis na tumitibok ang kanyang puso habang nakatitig lang siya sa gwapong mukha ng binata.
"Oh, may usapan tayo. Walang mai-in-love." Sabi ni Arquiz. Bigla tuloy ibinaling ni Ynah ang kanyang paningin sa ibang direksyon.
"Sira ulo ka ba? Kaylanman ay hindi ako mahuhulog sa'yo noh!" Sagot ni Ynah. Tipid na ngiti naman ang gumuhit sa labi ni Arquiz, pagkatapos ay kinuha ang kamay ng dalaga at iginiya na niya ito sa table.
"Ininit ko na ulit 'yan para sa'yo. Lumamig na kasi kaya niluto ko ulit sa kalan. Pangit kapag sa microwave, kumukunat ang karne." Sabi nito kaya natawa ng mahina ang dalaga.
Pinagsandok siya ni Arquiz, pinuno ang plato niya ng masasarap na pagkain. Hindi makapaniwala si Ynah na magaling palang magluto ang binata. Titig na titig siya sa plato niya, hindi malaman kung ano ang uunahin niyang kainin. Tumayo si Arquiz, naghugas ng kamay at bumalik sa tabi ni Ynah. Pinagbalat niya ito ng hipon at itinapat sa bibig ng dalaga.
"Tikman mo ito, magugustuhan mo ito." Sabi nito, bumuka naman ang bibig nito at saka tinanggap ang hipon. Nanlaki ang mga mata niya, titig na titig kay Arquiz habang nginunguya ang hipon.
"Oh my... ang sarap ng pagkakaluto mo. Sakto pati ang tapang ng vodka." Sabi ni Ynah. Masayang-masaya ito at tinikman na ang mga pagkain.
"Halika sabayan mo ako." Hinila ni Ynah ang isang plato at pinagsandok na si Arquiz.
Makalipas ang halos twenty minutes ay natapos na silang kumain at aaminin ni Ynah na busog na busog siya at sarap na sarap sa pagkaing inihanda ni Arquiz para sa kanya.
"May ibibigay ako sa'yo." Bulong ni Arquiz kaya napatingin sa kanya si Ynah. May dinukot ang binata sa kanyang bulsa, pagkatapos ay isang maliit na box ang inilagay nito sa table.
"Binili ko ito. Ibibigay ko sana sa'yo nuong Valentine, kaya lang hindi ka nagpakita sa akin. Para sa'yo talaga ito. Huwag kang mag-alala, walang meaning 'yan. Nakita ko kasi 'yan sa store at naisip ko lang na babagay 'yan sa'yo." Sabi ni Arquiz, at pagbukas nito ng box ay isang mamahaling kwintas ang bumungad kay Ynah, at may pendant ito. Isang susi na ang dulo ng susi ay hugis puso.
"Para sa akin ito?" Gulat na tanong niya. Ngumiti naman si Arquiz at tumango. Kinuha ni Arquiz sa box ang kuwintas at saka niya isinuot sa leeg ng dalaga. Napahawak naman si Ynah sa pendant na susi, nagtataka kung ano ang ibig sabihin ng pendant na 'yon.
"Huwag mong iwawala ang kuwintas na 'yan, lalo na 'yang pendant ng kuwintas. May meaning 'yan, bahala ka ng alamin kung ano dahil hindi ko sasabihin... pero kapag binigyan mo ako ng sampong milyon ay sasabihin ko sa'yo." Sabi nito na may kahalong pagbibiro kaya natawa si Ynah.
"Akala ko ba walang meaning ito?" Sagot ni Ynah, nakaingos ang nguso nito kaya natawa si Arquiz.
"Siguro susi ito ng lumang baul ng lola mo ano?" Muling sabi pat ni Ynah na hinaluan din niya ng pagbibiro. Natawa naman si Arquiz at saka niya hinalikan sa ulo ang dalaga.
"Ako na ang bahala dito sa kusina, maligo ka na at matulog. Inihanda ko na ang pajama mo at ilang gamit mo. Maglilinis lang ako dito. Hahayaan kitang matulog dahil alam ko na maghapon kang pagod." Sabi ni Arquiz. Para namang itinulos sa pagkakaupo si Ynah, titig na titig kay Arquiz na nagliligpit na ng pinagkainan nila.
"Sige na, kailangan mong magpahinga. Baka umalis ako mamaya, puntahan ko si Sebastian. May itatanong lang ako sa kanya tungkol sa negosyo namin sa Japan." Sabi nito. Hindi pa rin makapaniwala si Ynah sa kanyang mga narinig. Natawa naman si Arquiz, lumapit kay Ynah at saka niya ito binuhat ng pa-bridal style.
"Parang bata, kailangan mo pang magpabuhat." Bulong nito, pagkatapos ay dinala niya si Ynah sa loob ng silid niya at dinala sa banyo.
"Maligo ka na, medyo maasim na ang amoy mo." Wika nito. nanlaki naman ang mga mata ni Ynah at inamoy ang kanyang sarili. Inis itong humarap kay Arquiz na mabilis na lumabas ng banyo habang malakas na tumatawa.
"Kapal mo! Hindi maasim ang amoy ko!" Sigaw niya, pero sa isang sulok ng puso niya ay naghuhumiyaw ang labis na kaligayahan. Napahawak siya sa pendant ng kwintas, hindi makapaniwala na binigyan siya ni Arquiz ng regalo. Mabilis ang pagpintig ng kanyang puso, tumulo ang luha dahil sa sobrang kaligayahan na kanyang nararamdaman.
"May kahulugan nga kaya ang pendant ng kwintas na ito?" Bulong niya habang hinihimas niya ito ng kanyang daliri.