Chapter 33 (Part 2)

1687 Words
“Ang ganda ng dagat,” may tamis na komento ni Peter na nagpangiti sa ‘kin. “Buti hindi ka nagsasawa kahit araw-araw mo nang nakikita?” tanong ko na may iba pang ibig sabihin para sa ‘kin. “Mas lalo lang itong gumaganda,” swabe niyang sagot na nagpaikot ng mga mata ko kahit hindi mapigilan ang kilig. “Sus–” “Sabi ko naman kasi sa ‘yo, maraming tao rito. Pero pinagpilitan mo pa rin.” Naputol ang pagmo-moment namin ni Peter dahil sa pagtaas ng boses ng isang lalaki ‘di kalayuan. Napalingon kami at nakitang nakasuot ito ng barong tagalog. May katabi itong babaeng nakaputing gown naman. May dala silang tripod at camera na nakatayo sa harapan nila, background ang dagat. Dito ako nagkaideya kung anong nangyayari. Mukhang nandito sila sa isla for a prenup shoot. Wala silang ibang kasama kaya mukhang nagsarili lang sila. Mahirap na nga ito, nakagdagdag pa na maraming tao sa paligid. Hindi ko ito pansin kanina dahil abala kami ni Peter sa isa’t isa. Ngunit mukhang imposible para sa kanilang ‘di ito mapansin dahil ngayon lang ay may muntik nang makatabig sa tripod. Lalo lang tuloy silang nagtalo. “Balik na tayo,” sabi ni Peter, marahil ay ayaw nang makielam pa sa dalawa. Magkahawak kamay kaming naglakad pabalik sa bangka namin ngunit ‘di ko mapigilan ang paglingon pabalik. Parang maghihiwalay pa yata ang dalawa bago ang kasal. ‘Di pa nakakalayo ay napatanong ako kay Peter, “What if isama natin sila sa Cole’s Cove?” Parang magandang ideya ito! Walang tao masyado sa isla namin kaya magagawa nila nang mas madali ang shoot. Hindi na rin nila kailangan pang magtalo. “Hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yo na bawal ang turista sa isla?” paalala ni Peter; bagay na ‘di ko naman nakalimutan. “Oo nga pero malalaman ba ng may-ari kung sasaglit sila kahit mga 10 minutes?” Ngumisi ako at nang makita ang seryosong mukha ni Peter ay nag peace sign. Masyado naman kasi siyang seryoso sa batas. "If you want to stay on the island, you must learn to follow its simple rules. Tourists are not allowed." Medyo nagsusungit na si Peter. Binaba ko na ang kamay ko at napahalukipkip. “E ‘di kausapin natin ‘yung may-ari. May number ka ba? Alam mo ba kung nasaan siya? Baka pwede nating puntahan. Teka, ano nga ulit ang pangalan ng may-ari?” “Peter!” Napalingon kami pareho sa kasamahang kumakaway na mula sa bangka namin. Hindi naman sinagot ni Peter ang kahit isa sa tanong ko. Tuloy ay nakanguso akong naglakad pabalik kasama siya. Nakayuko lang ako nang alalayan niya paakyat ng bangka. Ganito ako kahit noong nakaupo na. Naiwan din kasi akong mag-isa dahil bumaba ulit si Peter, marahil para tumulong sa mga kasamahan namin. Naghintay pa ako ng mga ilang minuto nang mapansing medyo matagal nang wala si Peter. Syempre ay nag-alala na ako sa kabila ng pagtatampo. Dahil ayaw ko siyang maiwan ay bababain ko na sana siya. Buti na lang at saktong dumating siya. Pag-akyat niya ng bangka ay sinalubong ko siya. Ngunit awtomatikong napunta ang atensyon ko sa kanyang likuran. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ‘yong couple kanina sa prenup! Nagpabalik-balik sa kanila at kay Peter ang tingin ko. “Sasabay sila sa ‘tin,” simpleng paliwanag ni Peter na alam ko na ang ibig sabihin! “Salamat sa tulong na makapag-shoot kami sa isla niyo,” sabi nung bride sa ‘kin na kumpara kanina ay mukhang puno na ng pag-asa. Agad akong umiling. Wala naman kasi akong tulong na naibigay sa kanila. “Maganda sa Cole’s Cove. Hindi rin ganuon karami ang tao. Kaya for sure, mas madali kayong makakapag-shoot,” pagbibigay ko ng assurance sa kanila. Nagkatinginan ang magkasintahan at dito mas naging matamis ang ngiti sa isa’t isa. Pag-upo namin ni Peter ay nginisian ko siya at pabulong na nanukso. “Akala ko ba kailangan nating sundin ang batas?” Sobrang seryoso pa niya kanina pero agad din pala niyang susundin ang gusto ko. Nakatingin si Peter sa malayo nang sumagot, “Oo. Ikaw ang batas.” Tinapik ko siya sa braso habang tawang-tawa. Mukhang balak talaga niyang ibigay ang kahit anong gusto ko rito sa isla. *** Talaga palang dumayo pa ang mag nobyo sa isla para mag-shoot. Sikat na sikat kasi talaga ang kabilang isla kaya sila na-attract magpunta rito. Hindi nila alam ang tungkol sa Cole’s Cove. Kaunti lang daw ang kanilang budget kaya sariling sikap talaga halos lahat sa kasal nila, kabilang na nga rito ang prenup shoot. Nang makarating sa Cole’s Cove, wala silang sinayang na segundo at paglapag pa lang ay nag-shoot na. Syempre ay nanuod ako kasama si Peter. Nakatayo kami ‘di kalayuan habang nakatapat sila sa camera na nakakabit sa tripod. Hindi naman sila nahirapang makahanap ng hindi mataong lugar sa isla. Ayon nga lang ay hindi maiwasan ang pagtingin ng ibang mga taga-isla na ngayon lang yata nakakita ng prenup shoot. Habang ang iba ay nagbigay ng suporta, nakarinig naman ako ng tanong galing sa iba. “Pinayagan ba sila?” “Ewan ko. Pero baka oo. Kakilala raw sila ni Peter.” Naisip kong baka mabatas si Peter. Kaya habang tutok siya sa shoot, dahan-dahan akong lumapit sa mga taga-isla na panay tsismisan. “Oo. Pinayagan kami ng may-ari ng isla. Pero mabilisan lang daw. Pinakiusapan ko lang,” pagsisinungaling ko para sa ‘kin mapunta ang sisi pag nagkataon. Bumalik din ako sa tabi ni Peter. Maya-maya’y mas lumapit ako nang paunti-unti. Akala ko ay hindi niya ako pansin nang hawakan niya ako bigla sa braso at tuluyang idikit sa kanya. Pinagdikit ko ang labi ko para pigilan ang pagngiti. Ang lakas kasi niya talagang makiramdam. “Hindi ka ba natatakot na mabatas tayo?” tanong ko dahil malamang kalat na ngayon na kami ang nagdala ng dayo sa isla. “Hindi. Basta ako ang lapitan nila,” seryosong balik ni Peter na mukha talagang ‘di nag-aalala. “Salamat at sorry na in advance.” Ako kasi ang namilit. “Hindi mo kailangang mag sorry. Choice ko ring tulungan sila.” “Nakakatakot ba ‘yung may-ari ng isla? Nakita o nakausap mo na ba?” Ngayon ako lalong na-curious sa may-ari ng Cole’s Cove. Kaya lang ay bago pa ‘ko masagot ni Peter, umihip ang malakas na hangin na muntik nang magpatumba sa tripod malapit sa ‘min. Agad akong nag-react, ganuon din ‘yong bride! Buti na lang at mabilis kumilos si Peter kaya nahawakan niya agad! Nakahinga kami nang maluwag habang ibinabalik niya ito sa ayos. Nakalapit na rin ang dalawa at nagpasalamat sa ‘min. “Kung sanay lang ako kumuha ng magandang litrato, nag volunteer na ‘ko,” nasabi ko na lang. Tingin ko matatagalan pa ang dalawa gayong wala silang katulong. Medyo lumayo kami sa mga kubo kaya wala masyadong tao sa paligid. Gusto ko sana humanap ng pwedeng tumulong sa ‘min. Pero wala naman yatang may alam humawak ng camera rito sa isla. Muling bumalik sa harapan ng camera ang dalawa. Gumilid naman ako para hindi makaabala. Kaya lang ay nanatili si Peter malapit sa camera. Tatawagin ko na sana siya nang magsalita siya, “Okay lang ba kung tutulungan ko kayo?” Nabigla ako sa tanong ni Peter. Nagkatinginan ang lalaki’t babae bago masayang tumango. Ako naman itong laglag-pangang nanuod nang kuhanin ni Peter ang camera. May mga in-adjust pa siya rito bago itapat sa kanyang mga mata. Parang siyang expert sa paggamit nito nang simulang kuhanan ng litrato ang dalawa. To think na hindi pa old model ang camera. At akala ko rito na ito magtatapos nang siya pa mismo ang nag-suggest na kumuha ng litrato sa chapel. “Si Peter ba ‘yan?” “Aba mukhang may bagong sideline si Pete!” Wala akong ibang nagawa kung hindi mamangha. Kahit ibang taga isla ay ganito rin ang reaksyon. Kaya nga nang matapos sa shoot ay pinapalibutan na kami ng mga ito. Nang ipakita ni Peter sa couple ang kanyang mga kuha ay excited din akong lumapit. Pareho kami ng naging reaksyon ng bride nang makita ang iba’t ibang shots. They look like they were taken by a professional! “Photographer ka ba?” tanong ng bride. “Hobby ko lang noon,” simpleng sagot ni Peter pero pakiramdam ko ay may mas malalim pa itong paliwanag. Paano’y hindi lang pala siya sanay gumamit ng camera, magaling din siya! Panay tuloy ang pag thank you ng dalawa dahil bukod sa napabilis ang kanilang shoot, mas naging maganda pa ito kaysa sa kanilang inaasahan. Hanggang ngayon wala akong ideya sa buhay ni Peter sa Maynila. Pero may kutob ako ngayon na may kinalaman ito sa camera. “May hidden talent ka pala ah,” panunukso ko kay Peter. Tinaas-baba ko pa ang kilay ko sa kanya. He let out a small smile. “Matagal na noong huli akong humawak ng camera.” “And you should do it more often! Gawin mo akong subject!” nagtaas pa ako ng kamay, animo nanunumpa, at dito siya nailing. Naging abala muna ang magkasintahan sa pag-review ng kanilang mga pictures. Samantalang bumalik naman ang tingin ko sa chapel. Bigla kong nakita ang sarili ko… na-imagine na nakasuot ako ng wedding gown dito... “Gusto kong ikasal dito.” Nagulat ako sa nasabi ko sa kawalan at napatingin kay Peter. Akala ko ay pareho kami ng reaksyon pero biglang naging blanko ang kanyang mukha na para bang wala siyang narinig. Akmang lilinawin ko sana ang intensyon sa sinabi nang maunahan niya ‘ko. “Samahan na natin sila pabalik sa bangka. Hindi sila pwedeng abutan ng dilim dito,” bumalik siya bigla sa pagiging istrikto. Hindi ba niya narinig ang sinabi ko o sadyang wala ito sa isip niya? ‘Di kalayuan ay nahagip ng mga mata ko ang mga kaibigan niya, sina Lorenz, Lorraine, at Reese, na mukhang mas narinig pa ang sinabi ko base sa kanilang reaksyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD